Maharlika fund

[ANALYSIS] Maharlika Fund, banta sa independence ng Bangko Sentral

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Maharlika Fund, banta sa independence ng Bangko Sentral
Kung titingnan ang datos, paunti nang paunti ang reserves natin ngayong 2022, at dapat sana itong palakihin dahil ’di natin alam kung kailan sasapit ang susunod na krisis

Maraming dahilan kung bakit ’di dapat ituloy ang ipinapanukalang Maharlika Investment Fund. (Tatlong artikulo na ang naisulat ko hinggil dito.)

Ngunit isa sa hindi masyadong napag-uusapan ay ang malaking banta nito sa kasarinlan o independence ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Bakit damay ang BSP sa Maharlika Fund? Ang BSP kasi ay isa sa mga institusyon ng gobyerno (bukod sa Landbank of the Philippines at Development Bank of the Philippines) na pagkukunan daw ng paunang pondo para sa Maharlika Fund.

Ayon sa latest version ng panukalang batas (House Bill 6608), na minadali at ipinasa na ng House of Representatives noong Disyembre 15, sa unang dalawang taon ng Maharlika Fund ay kukunin daw nito ang lahat ng “dividends” na ipinapadala ng BSP sa Treasury o kaban ng bayan.

Pagkatapos ng dalawang taon, kalahati na lang ng BSP dividends ang ipapadala sa Maharlika Fund, samantalang ang natitirang kalahati ay mapupunta sa nililikom na kapital ng BSP.

Kapag nakumpleto na ang kapital ng BSP na P200 bilyon, ipapadala ulit ng BSP ang lahat ng dividends nito sa Maharlika Fund.

Nakababahala ang ganitong plano.

Unang una, ’di dapat ginagalaw basta-basta ang dividends ng BSP.

Napaka-importanteng mabuo ang kapital ng BSP. Noong itinatag ito noong 1993, nakasaad sa batas (BSP Charter) na ang kapital ng BSP ay dapat P50 bilyon. Pagdating ng 2019, inamyendahan ang BSP Charter at tinaasan ang kapital sa P200 bilyon.

Ginawa ito upang mas maka-responde ang BSP sa mga hamon ng ekonomiya ng Pilipinas, tulad ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation, at mga episode kung saan sumasadsad ang piso kontra dolyar (tulad ng nangyari kamakailan).

Susi rin ang malaking kapital upang maging mas matatag ang BSP (at ating ekonomiya) sa kabila ng mga krisis pang-ekonomiya sa ibang bansa.

Ngunit dahil sa pagkuha ng Maharlika Fund sa dagdag na kapital ng BSP, matatagalan o ma-de-delay ang pagbuo ng kapital na ito.

Oo, kung tutuusin ay pera naman talaga ng national government ang 50% ng dividends ng BSP. Naaayon ito sa batas. Ngunit ang ibig sabihin ba ay puwede nang gastusin ng Marcos administration ang perang iyon basta-basta? Ano ang dapat mas iprioritize ngayon? Ang kapital ng BSP o Maharlika Investment Fund? Sa tingin ko, ’yung una.

Nalugi ang Central Bank dahil kay Marcos Sr.

Ang mas malaking isyu, dapat ay hindi talaga nakikialam ang national government sa BSP.

Ginagarantiya ng BSP charter at maging ang ating Konstitusyon ang “independence” ng BSP. Ibig sabihin, dapat na may kalayaan ang BSP na itulak ang anumang polisiya o programa nito – naaayon sa mandatong panatilihing mababa at stable ang presyo ng mga bilihin – at hindi nadidiktahan ng national government.

Ang independence ng anumang central bank ay isa sa mga katangian ng modernong central banks sa buong mundo. May mga pag-aaral na nagpapakita na sa mga bansang may central bank independence, mas mababa ang inflation. Ibig sabihin, ’di masyadong mabilis ang pagtaas ng mga bilihin. Ebidensiya iyon na malayang nakakamit ng central banks ang kanilang mandato.

Kanais-nais ang independence dahil maraming halimbawa kung saan inaabuso ng mga presidente o diktador ang central banks.

Halimbawa, sa Turkey ngayon, umabot na sa 84.4% ang inflation noong Nobyembre (sa Pilipinas, 8% lang). Iyon ay dahil galit na galit ang kanilang pangulo (diktador) na si Recep Tayyip Erdogan sa konsepto ng interest rates, at pinagbawalan ang kanilang central bank na magtaas noon alinsunod sa karaniwang polisiya kontra sa inflation.

Dito sa Pilipinas, inabuso rin ng diktador na si Marcos Sr. ang Central Bank of the Philippines noong Batas Militar.

Ganito ang nangyari: inutusan ni Marcos Sr. ang mga bangko ng gobyerno (tulad ng PNB) na magpautang sa negosyo ng kanyang mga kaibigan at kamag-anak (cronies).

’Di nakaligtas ang Central Bank sa ganitong modus operandi. Ang ending, sa katapusan ng diktadura, humigit-kumulang P300 bilyon ang losses ng BSP, at inako iyon ng national government kinalaunan at nadagdag sa utang ng bansa.

Ito ang dahilan kung bakit kinailangang gumawa ng panibagong central bank ang Pilipinas, at iyon ay ang BSP (magkaiba ang Central Bank sa Bangko Sentral).

At para malinis ang simula ng BSP, ibinukod ang mga utang ng lumang Central Bank sa mga libro ng BSP, at inilagak iyon sa tinatawag na “Board of Liquidators.” (Noong 2018 lang ibinasura ang Board na ito, 25 taon mula noong itatag ang BSP.)

So, kung tutuusin, ang Pilipinas ang isa sa pinakamagandang halimbawa kung bakit importante ang central bank independence ngayon.

Gagalawin ang supply ng dolyar?

Fast forward sa 2022, nanganganib naman ang independence ng BSP.

Sa unang bersiyon ng Maharlika Investment Fund bill, akalain mong pinlano ng mga may-akda ng panukalang batas na kunin daw mula sa BSP ang 10% ng katumbas ng OFW remittances, at 10% ng earnings ng sektor ng BPO (mga call center, atbp.).

Kung ang ibig sabihin noon ay gagalawin ng administrasyong Marcos Jr. ang supply ng dolyar (international reserves) ng BSP, isang malaking no-no iyon, isang malaking paglabag sa prinsipyo ng independence.

Kailangang kailangan pa naman ng BSP ang international reserves dahil dito kinukuha ng gobyerno ang dolyar na pambayad ng bansa sa imported goods, pati ang pambayad sa ating mga pagkakautang sa ibang bansa.

At kapag humihina ang piso kontra sa dolyar, sa international reserves din kinukuha ang dolyar na puwedeng ibenta ng BSP upang lumakas-lakas ang halaga ng piso. Ito mismo ang nangyari sa mga nakalipas na buwan, kaya’t kung napansin Ninyo, ’di tayo lumagpas sa P60 kada dolyar.

Ang banta ng Maharlika Fund sa international reserves ng BSP ang siyang dahilan kung bakit umangal agad si BSP Governor Felipe Medalla ilang araw lang matapos itong ipinanukala.

Sa isang panayam sa Bloomberg, sinabi ni Medalla, “We will have less ammunition the next time there is international volatility that was related to the peso and the dollar.” Tama siya.

Taliwas ito sa sinabi ng isa pang ekonomista sa gobyerno, si Finance Secretary Ben Diokno. Minsan, sinabi ni Diokno na sobra-sobra (“too much”) ang ammunition o reserves ng BSP. Mali ito. (Nakakahiya dahil dati pa naman siyang governor ng BSP.)

Kung titingnan ang datos, paunti nang paunti ang reserves natin ngayong 2022, at dapat sana itong palakihin dahil ’di natin alam kung kailan sasapit ang susunod na krisis. Pagdating ng araw na iyon, sapat dapat ang supply ng dolyar, at hindi hikahos.

Sino ang papalit sa BSP?

Sa huli, ang Maharlika Investment Fund ay isang malaking banta sa independence ng BSP. At isa na namang Marcos ang sumusubok sa independence ng BSP. Baka nagka-idea si Marcos Jr. (at kanyang anak at pinsan) mula sa mga polisiya ni Marcos Sr. noong Batas Militar?

Bagamat dati’y may pahayag si BSP Governor Medalla kontra sa Maharlika Fund, ngayon ay mistulang payag na siya sa pinakabagong bersiyon ng panukalang batas. Sana lang, mas maging matapang pa ang mga lider at opisyal ng BSP dahil tungkulin at karapatan naman nilang ipaglaban ang independence ng kanilang institusyon.

By the way, kailangan din nating tutukan ang puwesto ng BSP governor. Sa 2023 kasi ay bababa na sa puwesto si Medalla, dahil tinatapos lang niya ang unexpired na term ni Diokno.

Ang malaking tanong: sino ang susunod na uupo bilang BSP governor? Babalik kaya si Diokno sa puwestong iniwan niya? Kung hindi siya, sino ang itatalaga ni Pangulong Marcos?

Magiging independent kaya ang susunod na BSP governor o susunod lang sa anumang sabihin ni Marcos Jr. na para bang isang puppet? – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ Podcast.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.