Ferdinand Marcos Jr.

[ANALYSIS] BBM = Bagong buwis muli?

JC Punongbayan
[ANALYSIS] BBM = Bagong buwis muli?

Alejandro Edoria

Bago magpataw ng mga bagong buwis ang gobyerno ni Marcos Jr., kailangang maging mabuting ehemplo muna siya

Noong katapusan ng Marso 2022, P12.68 trilyon na ang kabuuang utang ng Pilipinas. Record-high iyon. 

Naitala rin na ang porsiyento ng utang sa kita ng bansa (kilala rin bilang “debt-to-GDP ratio”) ay nasa 63.5% na. Pinakamataas iyon mula noong 2005, o 17 taon na ang nakararaan.

Sa madaling sabi, baón na ang bayan sa utang. At ito’y salamat kay Tatay Digong.

Ngayong pandemya kasi, grabe ang nadagdag sa utang ng Pilipinas. Noong katapusan ng 2019, nasa P7.73 trilyon lang ang utang. Mula noon, halos P5 trilyon ang nadagdag sa utang ng bansa.

Kung tutuusin, ang trilyon-trilyong utang ng Pilipinas ay ’di nakababahala per se. Okay lang umutang, basta ba napupunta sa mga programa at proyekto ng gobyerno na kailangan talaga ng taumbayan.

Pero naroon mismo ang problema.

Una, ni hindi tayo sigurado kung sa COVID-19 pandemic response ba talaga napunta ang karagdagang utang ng bansa.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), umabot lang sa P616 bilyon ang kabuuang disbursements o bayarin ng gobyerno kaugnay sa pandemya. Iyon ay 15% lang ng P5 trilyong utang na nadagdag mula 2019 hanggang 2021.

Bukod doon, wala pa ring itemized na breakdown ang gobyerno na nagpapatunay na sa COVID-19 response napunta ang karamihan ng bagong utang. Hindi sila transparent hinggil dito.

Saan kaya napunta ang pera?

Malaking bahagi sa mga inutang ay napunta sa tinatawag na “general fund” ng gobyerno, kung saan kinukuha ang panggastos ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. At malaking bahagi noon ay malamang napupunta sa pasuweldo sa mga kawani ng gobyerno (civil servants, guro, pulis, atbp.), pati na rin sa mga investments tulad ng infrastructure projects sa ilalim ng “Build, Build, Build.”

Bukod doon, malaking bahagi ng budget ang ’di man lang nagagastos dulot ng “underspending” – kahit sa gitna ng pandemya – o ’di kaya’y kinukurakot naman. Remember Pharmally? (BASAHIN: ‘Whiff of corruption’? Umaalingasaw na ang Pharmally)

Habilin ng DOF

Enter Ferdinand Marcos Jr. na mula June 30 ay mamanahin ang sandamukal na inutang ni Duterte. Ano kaya ang puwedeng gawin ni Junior?

Malamang, kakailanganin niyang magpataw ng bagong mga buwis.

Iyon ang sinabi ni outgoing Finance Secretary Carlos Dominguez III, na noong Mayo 25 ay naglatag ng mga panukala para sa kaperahan ng susunod na administrasyon. Ilan sa mga panukala ni Dominguez ang:

  • Tatlong taong pagpigil sa pagbaba ng personal income tax ayon sa nakasaad sa TRAIN law (dagdag na P97.7 bilyong kita para sa gobyerno)
  • Pagpataw ng 12% value-added tax (VAT) sa mas maraming produkto at serbisyo, o pagpapalawak sa “tax base” (dagdag na P142.5 bilyon)
  • Pagpataw ng iisang Motor Vehicle Users’ Charge (dagdag na P38.3 bilyon)
  • Pagpataw ng excise tax sa pickups at motorsiklo na sa ngayo’y exempted (dagdag na P19.2 bilyon)
  • Pagpataw ng buwis sa casino admissions at kita sa mga electronic na sugal (dagdag na P13.1 bilyon)
  • Pag-aayos sa buwis ng mining agreements (dagdag na P11.4 bilyon)
  • Pagpataw ng P20 na buwis kada kilo ng single-use plastic bags (dagdag na P1 bilyon)
  • Pagpapataw ng buwis sa luxury goods
  • Pangongolekta ng income tax mula sa social media influencers (kasama ba ang vloggers ng Marcos campaign?)

Ito ’yung mga panukala para sa 2023, at inaasahang makalilikom ang gobyerno ng dagdag na P272 bilyon.

Para naman sa 2024, iminungkahi rin ni Dominguez na buwisan ang alcopops, taasan ang buwis sa sigarilyo at e-cigarettes, pag-isahin ang buwis sa sweetened beverages, taasan ang excise tax sa petrolyo, buwisan ang coal at carbon emissions, at buwisan ang cryptocurrency transactions.

Ayon sa DOF, kailangan talaga ang mga hakbang na ito, dahil nakasalalay ang mga programa ng gobyerno at kaunlaran ng ekonomiya ng Pilipinas.

May ibang paraan ba?

Kung tutuusin, sabi ni Domingez, may ibang paraan para mabayaran ang katakot-takot na utang.

Una, puwedeng mangutang muli ang gobyerno upang bayaran ang mga dating utang. Pero lalo lang tayong mababaon sa utang, at baka maging mitsa pa ito ng pagkakaroon natin ng masamang “credit rating.” Baka bumaba ang tingin sa atin ng mga pinagkakautangan natin.

Pangalawa, puwedeng magtipid at bawasan ng gobyerno ang paggastos nito sa malalaking proyekto. Ngunit ’di naman iyon makabubuti sa bayan kung mauudlot ang mga proyektong imprastraktura (mga tulay, kalsada, airport, seaport, atbp.), investments para sa edukasyon at kalusugan, at gastos para sa ayuda at iba pang social services.

Imposible ring magtipid ngayon kasi nagsimula na ang implementation ng “Mandanas ruling” ng Korte Suprema, na nagbibigay ng P1 trilyon na Internal Revenue Allotment para sa local government units (LGUs). (BASAHIN: Mandanas ruling: Ginhawa o sakit sa ulo?)

Ngayong pandemya, lalong lumaki ang agwat sa pagitan ng gastos at kita ng gobyerno, kaya lumobo ‘yung tinatawag na “fiscal deficit” (tingnan ang graph sa ibaba). At ’pag lalong lumaki ang mga gastos, lalong may pressure sa gobyerno na mangalap ng karagdagang kita.

Sources: DOF, BTr

Pangatlo – at ’di na ito nabanggit ng DOF – puwede sanang mag-imprenta ang BSP ng pera para may panggastos ang gobyerno. Pero delikado ito, dahil mawawalan ng halaga ang piso at lubhang tataas ang presyo ng mga bilihin.

Baka mauwi tayo sa sinapit na “hyperinflation” ng Zimbabwe o Venezuela kung saan libo-libo o milyon-milyong porsiyento ang kanilang inflation rate, at ginagawang toilet paper na lang ang pera nila dahil sobrang walang kuwenta nito.

May utang na buwis pa si Marcos Jr.

Kung sakaling kailangan talagang magpataw ng mga karagdagang buwis, willing ba si incoming president Marcos Jr. na gawin iyon? Sa ngayon, wala pang sigurado.

Ayon sa kanya, magiging maingat daw sila: “It’s difficult for me to answer because I cannot talk about specifics because they will all be part of a larger economic plan. We just follow, I guess, is the scientific method.”

Ampaw ito. Dapat ngayon pa lang ay na-anticipate na niya ang mamanahing problema sa kaperahan ng gobyerno, at may klarong ideya na kung ano ang gagawin.

Ang problema, wala siyang alam sa economics; ibinagsak niya nga ang economics noong nagtangka siyang magka-degree mula sa Oxford. At bagama’t nagtalaga siya ng mga PhD economists sa kanyang economic team, dapat naiintindihan niya rin mismo ang mga isyu. Dapat alam niyang mag-isip sa kanyang sariling mga paa. (BASAHIN: Kilalanin ang bagong Marcos technocrats)

Ang mas malaking problema, may kredibilidad ba si Marcos Jr. na magpataw ng karagdagang buwis mula sa taumbayan? Eh ang pamilya niya mismo ay ’di nagbabayad ng estate tax liability na ngayo’y nagkakahalaga ng tumataginting na P203 bilyon!

Originally, noong 1991, P23.3 bilyon lang iyon. Pero lumobo sa P203 bilyon dahil mula noo’y nagpatong-patong na ang samut-saring interes at penalties. (BASAHIN: Gusto mo ba na tax evader at ‘certified convict’ ang maupo sa Malacañang?)

Malaki sana ang maiaambag ng tax liability ng pamilyang Marcos sa pondo ng gobyerno. Sa katunayan, ang P203 bilyon ay 75% o ¾ na ng estimated na buwis na malilikom ng gobyerno kung ipatutupad ang mga suhestiyon ng DOF para sa 2023.

Samakatuwid, ’di na pala kailangan ng mga bagong buwis mula sa taumbayan – kung magbabayad lang sana ang mga Marcos ng kanilang utang na buwis sa gobyerno.

Ang tanong, magbabayad ba sila this time around? Asa pa. Sabi nga ng isang politiko noon, “What are we in power for?”

At the very least, may malaking mandato si Marcos Jr. – higit 31 milyon ang bumoto sa kanya, isang record high. Oportunidad ito para magpatupad ng mga polisiyang maaaring makasakit sa bulsa ng ordinaryong Pilipino.

Pero bago magpataw ng mga bagong buwis ang gobyerno ni Marcos Jr., kailangang maging mabuting ehemplo muna siya. Pikit-mata bang papayag ang mga Pilipinong magbayad ng mga karagdagang buwis kung mismong lider nila ay higit tatlong dekada nang umiiwas sa kanyang mga pagkakautang? – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.