Philippine economy

[ANALYSIS] Batas Militar, hindi EDSA, ang sumira sa ating ekonomiya

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Batas Militar, hindi EDSA, ang sumira sa ating ekonomiya
Naririnig natin ngayon ang katagang 'babangon muli' o 'bangon bayan muli' mula sa anak ng diktador. Pero kailangan nating tandaan: Sino ba ang sumira at nagpabagsak sa ating ekonomiya noong dekada ’80?

Tatlumpu’t-anim na taon matapos ang EDSA o People Power Revolution, katakot-takot na kasinungalingan pa rin ang ipinapakalat hinggil dito.

Halimbawa, sinasabi ng ilan sa social media na lumubha raw ang lagay ng ekonomiya matapos ang EDSA, at EDSA raw ang “siyang dahilan ng pagkalugmok ng Pilipinas sa napakasalimuot na karimlan.”

Pumalo raw sa 66% ang unemployment rate noong 1986. Ibig sabihin, dalawa sa tatlong tao sa labor force ang walang trabaho. Lubhang malaki raw ito sa hamak na 7.2% na unemployment noong unang naging pangulo si Ferdinand E. Marcos noong 1975.

Net exporter daw tayo ng bigas noong Batas Militar, pero matapos ang EDSA ay nag-iimport na lang tayo.

Umabot din daw sa nakalululang P1 trilyon ang utang panlabas ni dating pangulong Corazon Aquino, samantalang P1 bilyon lang ang sa diktador na si Marcos. (BASAHIN: Marcos debt: Ano ang katotohanan?)

Pagkatapos ng EDSA, walang mass transit systems na naipatayo ang mga sumunod na administrasyon. Nawala rin daw ang regularisasyon sa trabaho kaya dumami ang OFWs. At wala raw naghirap noong Batas Militar; bagkus, “ang tunay na kahirapan naranasan noong panahon ng mga Aquino.”

Walang katotohanan ang lahat ng mga ito. (Sundan ang mga link para basahin ang fact checks ng Rappler.)

Sa katunayan, isang tingin pa lang sa datos, makikita mong bumuti ang lagay ng ekonomiya matapos ang EDSA at ang pagbabalik ng demokrasya sa bansa. Sa madaling sabi, inawat o pinigilan ng EDSA ang tuluyang pagbagsak ng ekonomiya.

Halimbawa, makikita sa Figure 1 na noong 1984 at 1985 lumagpak nang halos 14% ang produksiyon, na sinusukat ng gross domestic product o GDP. Iyon ang pinakamalalang krisis pang-ekonomiya ng bansa mula World War II.

Pero noong 1986, lumago ang ekonomiya nang 3.5%. Positibo na ulit ang growth.

Figure 1.

Samantala, sa Figure 2 naman, makikita na noong 1982 ay umabot na sa P94,102 ang hati ng bawat Pilipino sa kabuuang kita ng bansa (o GDP per person). Isa itong sukatan ng pag-unlad ng bansa.

Ngunit sa mga sumunod na taon, bumagsak ang GDP per person sa P76,519 noong 1985. Mas mababa pa iyon sa antas noong 1973.

Ibig sabihin, kung anumang itinaas ng kita ng bawat Pilipino noong Batas Militar (na idineklara noong 1972), nabura iyon ng krisis pang-ekonomiya noong unang kalahati ng dekada ’80. Wala rin. Halos back to square one.

Mapapansin din na mula sa P94,102 noong 1982, hindi natin naabot ang kaparehong antas ng kita hanggang 2003, o higit dalawang dekada ang lumipas. Bagama’t matagal ang naging pagbangon ng ekonomiya, makikita sa datos na noong 1986 unang bumangon ang ekonomiya mula sa madilim na krisis na idinulot ng Batas Militar.

Figure 2.

Makikita naman sa Figure 3 na mula noong simula ng Batas Militar, pataas nang pataas ang unemployment rate (o porsiyento ng mga walang trabaho) at underemployment rate (o porsiyento ng mga may trabaho pero kulang ang kinikita at gusto pang kumuha ng ibang trabaho).

Pumalo pa nga sa 12.6% ang unemployment rate noong 1985, at 32.9% ang underemployment rate noong 1984. Record highs ang mga ito. At ibig sabihin, isa sa walo ang walang trabaho at halos sangkatlo ang kulang ang kinikita. (By the way, never tayong nagkaroon ng 66% na unemployment rate sa kasaysayan, tulad ng sinasabi ng ilang loyalista.)

Pero matapos ang EDSA, bumaba ang unemployment at underemployment rates, at ’di na ulit tayo nakakita ng ganoon kagrabeng mga numero.

Figure 3.

Pagdating naman sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, naitala ang pinakamataas na inflation rate noong 1984, kung kailan pumalo ito ng 50%.

Gaano kalala iyon? Halimbawa, kung bumili ka ng damit na P2,000 ngayong taon, P3,000 na iyon sa susunod na taon. Sa madaling sabi, kinakain ng mataas na inflation ang halaga ng piso, at ang mataas na inflation noong Batas Militar ay nagdulot ng matinding pagkagutom at kahirapan.

Noong 1985, lagpas sa kalahati ng ating populasyon ang maituturing na mahirap. At extreme example ng gutom ang Negros Island famine noong 1985, sa kasagsagan ng krisis na naranasan ng buong bansa.

Pansinin din sa Figure 4 na sa Batas Militar din natin naranasan ang ilan sa pinamataas na inflation rates sa kasaysayan, tulad ng 20.7% noong 1971, 31.8% noong 1974, at 22.6% noong 1985.

Masasabing “uso” ang mataas na inflation noong dekada ’70 (dulot halimbawa ng pagkitil ng OPEC sa pandaigdigang supply ng langis). Pero tumaas din ang inflation noong unang termino ni Marcos dahil sa matinding paggastos ng gobyerno sa kanyang reelection campaign noong 1969 (na sinasabing isa sa pinakamaruming halalan sa kasaysayan), at noong krisis pang-ekonomiya noong 1984 at 1985. Hindi puwedeng isisi sa OPEC o ibang dahilan ang mga pagtaas ng inflation na iyon.

Noong mapatalsik ang mga Marcos, never na tayong nakakita ng inflation rate na kasinglala ng 50%. Ngayon, naglalaro na lang ang inflation sa 3-4%.

Figure 4.

Samakatuwid, sinira ng rehimeng Marcos ang ating ekonomiya. Kung nagkaroon man ng pag-unlad noong Batas Militar, hindi rin tumagal iyon at tuluyang binura ng krisis sa utang at ekonomiya na idinulot din ni Marcos sampu ng kanyang pamilya at mga crony.

Kung iisipin, ang EDSA ay maituturing na reaksiyon ng taumbayan hindi lamang sa dalawang dekadang diktadura, kundi pati sa matinding kahirapan, gutom, pagtaas ng mga presyo, kawalan ng trabaho, at pagbagsak ng ating ekonomiya.

Oo, ’di naman perpekto ang mga sumunod na administrasyon. Maraming mga pagkakamali at nasayang na pagkakataon. At higit sa dalawang dekada ang lumipas bago nakabangon muli ang ating ekonomiya, samantalang baka puwede sanang naging mas mabilis iyon.

Ngunit walang-wala ang mga ito sa mga krisis at kahirapang idinulot ng Batas Militar.

Bilang panghuli, suriin natin ang ilang katagang naririnig ngayong campaign season.

Una, sinasabing “golden age” ng ekonomiya ang Batas Militar. Ngunit isang tingin mo pa lang sa datos, alam mong malaking kasinungalingan iyon.

Sa katunayan, kung may “golden age” mang maituturing, iyon ay nangyari sa nakalipas na dekada lamang.

Halimbawa, mula 2010 hanggang 2015, sa panahon ng yumaong pangulong Benigno Aquino III, umabot sa 6.2% taon-taon ang paglaki ng ekonomiya – pinakamataas na average growth mula dekada ’50. Lubhang mababa rin ang inflation noon: umabot pa sa 1%. Lumago rin ang pamumuhunan at paggastos sa imprastraktura, tumaas ang ating “credit ratings” at iba’t-ibang global rankings, at bumaba ang kahirapan, gutom, at kawalan ng trabaho. Lahat ng ito ay sinusuportahan ng datos.

Malayo na ang narating ng ating bansa mula sa madilim na krisis na idinulot ng Batas Militar.

Samantala, naririnig din natin ngayon ang katagang “babangon muli” o “bangon bayan muli” mula sa anak ng diktador. Pero kailangan nating tandaan: Sino ba ang sumira at nagpabagsak sa ating ekonomiya noong dekada ’80? – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.