Philippine infrastructure

[ANALYSIS] Perwisyo ang hatid ng PAREX, hindi ginhawa

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Perwisyo ang hatid ng PAREX, hindi ginhawa

Bakit tayo magtatayo ng expressway sa ibabaw ng importante at makasaysayang ilog, samantalang tinatanggal ang mga ganoong istruktura sa ibang bansa?

Janina Malinis

Bakit tayo magtatayo ng expressway sa ibabaw ng importante at makasaysayang ilog, samantalang tinatanggal ang mga ganoong istruktura sa ibang bansa?

Noong Setyembre 24, pinangunahan nina Transportation Secretary Arthur Tugade at San Miguel President Ramon Ang ang groundbreaking ng itatayong Pasig River Expressway (PAREX).

Nagkakahalagang P95.4 bilyon at may habang 19.4 kilometro, ang PAREX ay isa sa public-private partnerships sa ilalim ng Build, Build, Build program ng administrasyong Duterte. 

Layunin ng PAREX na pabilisin ang biyahe mula sa silangan hanggang kanluran ng Kamaynilaan, at maibsan ang trapik sa mga lugar tulad ng EDSA, C5, Cainta, at Marikina.

Ngunit taliwas sa press release ng gobyerno at inaakala ng marami, hindi solusyon sa trapik ang PAREX.

Bakit? Bagama’t biglang bibilis ang andar ng mga sasakyan, panandalian lang ito. Marami kasing ma-e-engganyong bumili ng bagong sasakyan o bumiyahe nang mas madalas kumpara dati. Kapag ganoon ang pag-iisip ng marami, dadami lang din ang sasakyan sa Kamaynilaan, at lalo lang sisikip ang mga daan. Titindi lang ulit ang trapik.

Sa transportation economics, ang tawag dito ay “induced demand effect.” At nakita na natin ito sa ibang malalaking proyekto. (BASAHIN: Carmaggedon redux: Will building more roads solve our traffic problems?)

Halimbawa, noong bagong bukas pa lamang ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) – na, by the way, itinayo rin ng San Miguel – biglang bumilis ang biyahe mula Maynila hanggang Baguio City: kung dati humigit-kumulang anim na oras, ngayon apat na oras na lang. 

Ngunit dumami rin ang mga biyahero papuntang Baguio tuwing weekends at holidays. Kaya naman katakot-takot na trapik ang sumasalubong sa mga biyahero pagdating sa Baguio – na ikinaiinis din ng mga tagaroon.

Maging ang ilang proyekto na bagong bukas ngayong pandemya – tulad ng Skyway Stage 3 (isa pang San Miguel project na dumadaan din sa ibabaw ng Pasig River) at BGC-Ortigas Link Bridge – ay napupuno na rin paminsan-minsan, base sa ilang mga litrato.

Ito mismo ang ikinakatakot ng transport advocates na malamang ay sasapitin din ng PAREX. 

Anila, imbes na magtayo ng malalaking expressway (na mga may kotse lang din ang makikinabang), buti pang mag-focus ang gobyerno sa infrastructure projects na kapaki-pakinabang sa higit na nakararaming tao (commuters, pedestrians, bikers). Kabilang dito ang bus rapid transit (BRT) systems, walkways, at bike lanes. 

Binatikos ni Ramon Ang ng San Miguel ang mga kritiko ng PAREX at sinabing may “orchestrated” na “demolition job” laban sa proyekto. Sabi rin niya, magiging “hybrid” expressway naman daw ang PAREX dahil magkakaroon ng bike lanes, walkways, at BRT system.

Pero nasa orihinal na plano ba ito? O idinagdag lang para payapain ang mga kritiko? 

Sabi rin ni Ang, gusto nilang kontratahin ang arkitektong si Jun Palafox para gawing mas “green” ang PAREX. Pero itinanggi ni Palafox na may kinalaman siya sa PAREX. Weird. 

Iba pang problema

Bukod sa hindi solusyon sa trapik ang PAREX, marami pang isyu sa paligid nito.

Una, ayon sa mga eksperto, maaaring pabagalin ng PAREX ang daloy ng tubig mula Laguna de Bay papuntang Manila Bay. Kung gayon, palalalain lang ng PAREX ang baha sa mga karatig-lugar tuwing malakas ang ulan.

Ikalawa, sisilungan ng PAREX ang malaking bahagi ng Pasig River at pahihinain ang kakayahan ng ilog na mag-absorb ng init mula sa araw. Mainit na nga sa Kamaynilaan, lalo pang iinit dahil sa PAREX.

Ikatlo, papangit ang itsura ng Kamaynilaan dahil tatakpan o haharangin ng PAREX ang view ng dose-dosenang heritage sites at “architecturally significant structures” sa gilid ng Pasig River, kabilang ang Intramuros. Iibabaw din ang PAREX sa mga makasaysayang tulay tulad ng Jones Bridge at Quezon Bridge. 

Ikaapat, magagambala ang ecosystem ng Pasig River, na mula noong dekada ’90 ay nabubuhay na muli (kahit papaano). Bukod dito, dadagdag din ang PAREX sa air at noise pollution dahil sa dami ng sasakyang dadaan doon.

Ayon sa San Miguel, kasabay ng PAREX ay magkakaroon ng rehabilitasiyon ng “biologically dead” na Pasig River na nagkakahalagang P2 bilyon. Magdadagdag din sila ng ferry boats tulad ng ginawa noon ng MMDA.

Marami pang dapat gawin upang lalong sumigla ang Pasig River. Kaya nakalulungkot na ipinasara na ni Duterte ang Pasig River Rehabilitation Commission noong 2019. 

Ngunit taliwas sa sinabi ng San Miguel, hindi “biologically dead” ang Pasig River. At ang pag-package nila sa PAREX bilang environmentally friendly ay itinuturing ng ilan na porma ng “greenwashing.” 

Matatandaang pinutol din ng San Miguel ang daan-daang bakawan o mangroves sa Bulacan noong Abril 2018 at Mayo 2021 para sa Aerotropolis na itinatayo nila doon. Nagkaroon sila ng mangrove planting activities mula noon, pero ayon sa ilang eksperto, maling species daw ang itinanim at masyadong magkakadikit ang ipinunla.

PARES, hindi PAREX

Ayon sa urbanist na si Paulo Alcazaren, mas mabuti pa kung gagawing esplanade o promenade ang magkabilang panig ng Pasig River, imbes na maglagay ng expressway sa gitna nito. 

Imbes na PAREX, PARES (Pasig River Esplanade) na lang daw. 

Magandang suhestiyon iyon, at mura pa: ayon kay Alcazaren, kailangan lang gumastos ng P1.5 bilyon o 1.57% ng kabuuang budget ng PAREX.

Isang magandang modelo ang Iloilo River Esplanade, na ngayo’y pasyalan at pahingahan ng mga taga-Iloilo City at mga turista roon.

Ordinaryong kalsada lang din dapat ang Iloilo Esplanade, isang shortcut para maibsan ang trapik sa downtown Iloilo City. Ngunit nang gamitin na ng joggers, bikers, at pami-pamilya, naisip ng mga tagaroon na mas mabuting gawin na lang na parang parke ang kalsada. Kasabay noon, sa pagtutulungan ng iba’t ibang stakeholders, na-rehabilitate din ang dating maruming Iloilo River. 

May magagandang halimbawa rin sa ibang bansa. Sa Seoul, South Korea, dating may expressway din sa ibabaw ng batis ng Cheonggyecheon. Ngunit tinanggal nila ang expressway na iyon dahil pumangit ang kapaligiran at lumala ang polusyon. 

Sa loob ng mahigit dalawang taon, nirehabilitate ng gobyerno ang batis ng Cheonggyecheon. Bumalik ang mga bibe, isda, at iba pang wildlife. Bumaba ang temperatura sa lugar na iyon nang 5°C. Libo-libong tao ang bumibisita araw-araw para mamasyal at magpahinga. At napuwersa ang mga Koreanong sumakay ng mga tren o maglakad na lang imbes na umasa lang sa kanilang mga kotse. 

Bakit tayo magtatayo ng expressway sa ibabaw ng importante at makasaysayang ilog, samantalang tinatanggal ang mga ganoong istruktura sa ibang bansa?

Kung susumahin, ang PAREX ay magdudulot ng malaking perwisyo sa bayan, hindi ginhawa. Hakbang sa maling direksiyon ang PAREX, at bunga ng tamad na pag-iisip ng ilang opisyal ng gobyerno (at kasakiman ng ilang tao sa pribadong sektor).

Kahina-hinala ring minadali ang groundbreaking ng PAREX: nangyari iyon tatlong araw lang mula noong magpirmahan sina Secretary Tugade at Ramon Ang; 72 araw lang mula noong kaisa-isang public consultation; at kahit wala pang environmental compliance certificate mula sa Department of Environment and Natural Resources.

May pag-asa pa. Tumutol sa PAREX sa pamamagitan ng pag-sign sa petisyong ito. Umattend ng barangay assemblies hinggil sa PAREX. At patuloy na makibalita. Buhay at kinabukasan ng mga susunod na henerasyon ang nakataya. – Rappler.com

JC Punongbayan recently completed his PhD at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.