Philippine economy

[ANALYSIS] Naghihingalo na ang Pilipinas, pero ‘fiscal discipline’ pa rin?

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Naghihingalo na ang Pilipinas, pero ‘fiscal discipline’ pa rin?
Masyado tayong tinipid at pinagdamutan ng gobyerno sa nakalipas na taon

Noong Agosto 23, sinumite ng administrasyong Duterte sa Kongreso ang kanilang panukalang budget para sa 2022, na nagkakahalaga ng lagpas P5 trilyon. Ito’y 11.5% na mas malaki sa kasalukuyang 2020 budget.

Tatlong araw matapos noon, ipinaliwanag naman ng economic managers sa harap ng House appropriations committee ang mga nilalaman ng kanilang proposed budget, at inilatag ang konteksto para rito.

Isang bagay ang kapuna-puna. Ang title ng presentation ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ay “Fiscal discipline will save us.” Ang ibig niyang sabihin, importanteng hindi masyadong gumastos ang gobyerno – at lumobo ang ating utang – upang “mailigtas” tayo sa mahabang giyera kontra COVID-19.

Binanggit niya ang Bayanihan 1 at 2 spending packages na ipinasa ng Kongreso noong 2020. Bilang tugon ng gobyerno sa pandemya, hindi raw nito pinalobo ang ating utang, at hindi nagpataw ng malaking pasakit sa mga susunod na mga henerasyon.

Sinabi rin niyang bagama’t tumaas ang tinatawag na “debt-to-GDP ratio” ng Pilipinas (o ang utang ng bansa bilang porsiyento ng kabuuang kita nito), nagmula naman daw tayo sa mababang level, kaya mas kinaya nating i-absorb ang bagong mga utang. ’Di rin daw kahindik-hindik ang ating debt-to-GDP ratio ngayon kumpara sa mga karatig-bansa.

Ngunit may mali sa ganitong mensahe ng gobyerno.

Patuloy ang pagragasa ng COVID-19 (lalo na ng Delta variant) at patuloy rin ang pagkalugmok ng ating ekonomiya (ilusyon lang ’yung 11.8% growth noong 2nd quarter). Kaya hindi ito ang panahon upang magtipid ang gobyerno at pagdamutan ang taumbayan.

Lalo lang lalala ang ating sitwasyon kung ipagpipilitan ang “fiscal discipline.”

Madamot na gobyerno

Masyado tayong tinipid at pinagdamutan ng gobyerno sa nakalipas na taon.

Bagama’t nagbigay sila ng ayuda noong simula ng pandemya, para lang ito sa dalawang buwan (Abril at Mayo 2020) at napakaliit ng natanggap ng bawat mahirap na pamilya.

Sa mga lockdown ngayong taon, isang libong piso lang ang ibinigay kada tao at ’di lalagpas sa apat na libong piso para sa isang pamilya. Saan makararating ang ganoong kaliit na ayuda? ’Di kagulat-gulat na noong Hunyo ay 3.4 milyong pamilyang Pilipino ang nagutom.

Dahil sa matinding kakulangan ng ayuda mula sa gobyerno, nagsulputan ang “community pantries” ngayong 2021. Ngunit maging sila’y pinahirapan din ng gobyerno. ’Yung iba na-red-tag pa.

Samantala, lagpas sa 70% ng mga negosyo ang nagsara noong 2020, at napakarami ang namatay nang ’di man lang nakatanggap ng ayuda mula sa gobyerno. May pautang naman na available mula sa ilang ahensiya at lokal na pamahalaan, ngunit maraming negosyo ang ’di nakakuha noon dahil ’di rehistrado at kulang-kulang ang mga dokumento.

Pumalo rin sa record high ang unemployment, at ngayon ay halos 4 milyon pa rin ang walang trabaho. Ngunit dahil sa paulit-ulit na lockdowns ay patuloy na nanganganib ang trabaho at kita ng maraming manggagawa – lalo na ’yung mga arawan at nasa mga sektor na maraming face-to-face interactions tulad ng turismo.

Maraming kabataan din ang hirap na hirap na sa online learning, at ’yung iba ay ’di muna piniling mag-aral dahil sa kawalan ng gadgets o internet access.

Tinipid din ang mismong COVID-19 response ng gobyerno. Sa pangalawang taon ng pandemya, sobrang kulang pa rin ng testing, ’di sineseryoso ang contact tracing, at masyadong mabilis napupuno ang mga ospital. Kulang din ang pondong inilaan para sa pagbili ng mga bakunang susi sana sa mabilis na pagbangon ng ating bansa.

Lahat ng ito ay aayusin sana ng panukalang batas na Bayanihan 3. Ngunit halos isang taon na ay ’di pa rin ito ipinapasa ng Kongreso. Sa pinakahuling version nito, nagdagdag pa ng mahigit P54 bilyon para sa pensyon ng mga sundalo at pulis.

Sa kabuuan, noong 2020 ay naging masyadong maliit ang “fiscal response” o paggastos ng gobyerno kumpara sa mga karatig-bansa sa ASEAN. Ito’y kahit tayo ang nagtala ng pinakamalalang krisis pang-ekonomiya (tingnan ang graph sa ibaba).

Wala sa lugar ang ganitong klaseng pagtitipid ng gobyerno sa gitna ng pandemya. In fact, maraming ekonomista sa ibang panig ng mundo ang nagsasabing ’di ito ang panahon para magtipid ang mga gobyerno at magtulak ng “austerity” measures.

Ayon sa chief economist ng International Monetary Fund na si Gita Gopinath, “fiscal stimulus is not just economically sound policy but also the fiscally responsible thing to do.” Ayon naman sa batikang macroeconomist na si Olivier Blanchard, dapat ’di ma-obsess ang mga gobyerno sa debt-to-GDP ratio, dahil “counterproductive” ang ganitong pag-iisip lalo na sa gitna ng kasalukuyang pandemya.

Sa madaling sabi, ang “fiscal responsibility” sa panahon na ito ay nangangahulugan ng sapat at maagap na paggastos ng gobyerno – hindi pagtitipid at pagdadamot ng pera.

Tigilan na ang pagpupumilit sa “fiscal discipline.” Kung naghihingalo na sa ospital ang mga miyembro ng pamilya, hindi “fiscal discipline” ang unang papasok sa isip (at ipagpipilitan) ng matinong magulang.

Saan banda ang ‘fiscal discipline’?

By the way, kahit na “fiscal discipline” ang bukambibig ng economic managers ni Duterte, napakaraming pruweba na ’di naman naging masinop ang gobyerno sa paggastos ng pera ng taumbayan.

Tingnan mo na lang ’yung bagong annual reports ng Commission on Audit (COA). Sa gitna ng pandemya, ’di umano’y bumili ang gobyerno ng overpriced medical supplies (maging sanitary napkins!), nagpagawa ng infinity pool at jacuzzi sa compound ng isang opisina, at nagpamudmod ng ayuda sa mali-maling beneficiaries. (BASAHIN: Kaagapay ang COA, hindi kaaway)

Tingnan mo rin ’yung pag-expire ng Bayanihan 2 noong Hunyo 30. Dahil sa kabagalan ng gobyerno, bilyon-bilyong piso ang ’di nagastos para sa pandemic response at kinailangang ibalik sa treasury nang ’di man lang nagagalaw. Pera na, naging bato pa. (BASAHIN: How Duterte cut off funds for his own COVID-19 response)

Sa 2021 budget naman, mali-mali rin ang naging prayoridad. Nagbuhos ba naman ang gobyerno ng alokasyon para sa mga proyektong pang-imprastraktura (na malamang may kinalaman sa paparating na eleksyon), imbes na sa pandemic response, bakuna, at ayuda. (BASAHIN: In 2021 budget, Duterte funds dubious infra projects, not vaccines)

Tumataginting na P19 bilyon din ang ibinuhos para sa anti-insurgency program ng gobyerno na madalas nasasangkot sa red-tagging. Isipin na lang kung ilang mahihirap na pamilya ang nabigyan sana ng ayuda, o ilang gadgets ang nabili para sa mga bata, gamit ang pondong iyon.

Sa kasamaang palad, kung susuriin ang panukalang 2022 budget, mukhang ’di pa rin natututo ang gobyerno. Abangan ang susunod na artikulo hinggil dito. – Rappler.com

JC Punongbayan is a PhD candidate and teaching fellow at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.