COVID-19

[ANALYSIS] Kulelat tayo sa Bloomberg ranking? Bilisan ang bakunahan.

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Kulelat tayo sa Bloomberg ranking? Bilisan ang bakunahan.

Alejandro Edoria

Siguruhin nating gagawing top priority ng susunod na pangulo ang mabilis na bakunahan. Kung hindi, dapat ekis na agad sila sa mga botante.

Dalawang buwan nang kulelat ang Pilipinas sa Covid Resilience Ranking ng Bloomberg.

Noong Oktubre 27, itinala ng Bloomberg na sa 53 na pinakamalalaking ekonomiya bago ang pandemya, pang-53 ang Pilipinas pagdating sa pag-responde sa pandemya at pagbangon mula rito. Kulelat din tayo noong Setyembre.

’Di naman tayo parating kulelat. Mula Nobyembre 2020 (kung kailan nagsimula ang Resilience Ranking ng Bloomberg) hanggang Enero 2021, tuloy-tuloy na bumuti ang ranking natin. Nag-landing pa nga tayo sa bandang gitna ng mga bansang kasali.

Ngunit mula Enero, sumadsad na ang ranking natin, hanggang sa nangulelat na nga. Mas malala pa tayo ngayon sa mga bansang tulad ng Pakistan, Iraq, at Nigeria.

Tulad ng inaasahan, umalma ang administrasyong Duterte. Ani vaccine czar Carlito Galvez Jr., “very biased” daw ang suhestiyon na pinakamalalang bansa ang Pilipinas ngayong pandemya. Naging “unfair” at “biased toward Western countries” ang Bloomberg sa pananaw ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya.

Ngunit ano nga ba ang basehan ng Bloomberg? Naging unfair nga ba sila?

Ano ang Resilience Ranking?

Ang Resilience Ranking ng Bloomberg ay base sa 12 indicators na maaaring i-grupo sa tatlong kategorya: ang bilis ng pagbubukas ng ekonomiya, ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa, at ang kalidad ng buhay.

Kung tutuusin, medyo bumubuti na ngayon ang indicators natin hinggil sa pangalawang kategorya, o ang sitwasyon ng COVID-19. Hindi tayo ang kulelat pagdating sa dami ng kaso kada 100,000 katao, 3-month case fatality rate, at bilang ng namatay kada isang milyong tao.

Ngunit tayo ang isa sa may pinakamataas na positivity rate – senyales na hindi pa rin sapat ang testing sa bansa.

May malaking problema rin sa ibang indicators.

Halimbawa, pagdating sa porsiyento ng mga taong bakunado, nasa 26% pa lang tayo ayon sa Bloomberg – pampito mula sa pinakakulelat (Nigeria). Pagdating sa lockdown severity, pang-apat tayo sa pinakakulelat, bagama’t nagbubukas na ang malalaking bahagi ng ekonomiya.

Nahuhuli rin ang Pilipinas sa pagbubukas ng turismo, na mahalaga sa Bloomberg ranking. Halimbawa, pampito tayo sa mga bansang lugmok pa rin ang flights, at pangalawa sa huli pagdating sa bilang ng mga rutang bukas na sa mga bakunadong turista.

Bagama’t hindi tayo ang ekonomiyang pinakakulelat pagdating sa tinatayang paglaki ng produksiyon ngayong 2021, nahuhuli naman tayo sa ibang sukat ng kalidad ng buhay: kabilang ang pagbabalik ng mga tao sa public spaces tulad ng mga opisina at retail areas, porsiyento ng taong covered ng universal healthcare, at Human Development Index (HDI) na sumusukat sa kabuuang kalidad ng pamumuhay.

Ang Resilience Ranking ng Pilipinas ay average na score natin sa lahat ng 12 indicators. At tayo nga ang lumalabas na pinakakulelat sa mundo.

Buti nga’t hindi isinama ang tagal ng pagsasara ng mga eskuwelahan, dahil lalo tayong magiging kulelat: Pilipinas at Venezuela na lang kasi ang ’di pa rin nagbubukas ng mga eskuwelahan mula noong simula ng pandemya.

Unfair ba ito?

Sa unang tingin, maaaring isiping dehado nga ang mahihirap na bansa sa Resilience Ranking ng Bloomberg.

Halimbawa, ang HDI ay nagbibigay ng mataas na score sa mauunlad na bansa at mababang score sa mahihirap na bansa. Hihilahin talaga nito ang Resilience Ranking ng mas mahihirap na bansang tulad ng Pilipinas.

Kasisimula pa lang din ng universal healthcare sa Pilipinas, samantalang mature na ito para sa maraming mauunlad na bansa sa listahan.

Ngunit dalawa lang ito sa indicators. May 10 iba pang importante rin.

Ani vaccine czar Galvez, masyado raw nag-focus ang Bloomberg sa indicators patungkol sa ekonomiya, at hindi masyado sa kalusugan. Ngunit kung susuriin, halos kahalati ng indicators (5 sa 12) ang tungkol sa kalusugan.

Ayon naman kay Undersecretary Malaya, biased daw ang Bloomberg dahil 53 lang ang bansang isinali, at ikinumpara pa ang Pilipinas sa Western countries. Ngunit pinili kasi ng Bloomberg ang 53 na pinakamalalaking ekonomiya sa mundo (’di ba’t mabuti iyon?). Isa pa, 23 lang o wala pang kalahati sa mga bansang isinali ang maituturing na “Western.”

Ang tanong, bakit mas mababa pa ang Resilience Ranking ng Pilipinas kumpara sa mas mahihirap na bansang tulad ng Pakistan (rank 36), Iraq (rank 42), at Nigeria (rank 44)?

Sa Pakistan, mas mababa ang porsiyento ng bakunado at covered ng universal healthcare, at mas malala ang 3-month case fatality rate. Ngunit mababa ang kanilang positivity rate (1.4 % lang), at marami rin silang vaccinated travel routes. Hindi rin mahigpit ang kanilang quarantine restrictions, at nakabalik na ang mga mamamayan sa public spaces.

Sa Iraq, 11.5% pa lang ang bakunado, mas malala ang deaths per 1 million people, at mas mahigpit ang lockdown. Ngunit mas mababa ang positivity rate, mas mataas ang covered ng universal healthcare, at sila rin ang top performer sa pagbabalik ng mga tao sa public spaces. Hindi rin lumagpak ang kanilang turismo.

Sa Nigeria, bagama’t 2.1% pa lang ang bakunado sa kanila, mas maganda ang 3 sa 4 nilang COVID-19 statistics, at hindi kasing higpit ang lockdown. Hindi rin lumagpak ang turismo (kabilang ang flight capacity) at ang pagpunta ng mga tao sa public spaces.

Samakatuwid, kumpara sa mga bansang ito, mas sumadsad ang ekonomiya ng Pilipinas at napakabagal din ng pagbubukas nito.

Mapapansing maraming karatig-bansa sa ASEAN ang kasama ng Pilipinas sa pinakamababang rankings: Vietnam (rank 52), Thailand (51), Malaysia (50), at Indonesia (48).

Napakatindi kasi ng pagtama ng Delta variant sa ASEAN, at kinailangang magpatupad ng matitinding lockdown sa mga nakalipas na buwan. Bumagsak din ang turismo sa rehiyon, kakaunti ang vaccinated travel routes, at ’di pa nakarecover ang paglabas ng mga tao sa public spaces. Maliit na porsiyento pa lang din ang bakunado sa mga lugar na ito (dahil nahuli sa pila at nag-focus ang ilan sa pagsupil sa virus).

Ngunit sa mga bansang ASEAN na ito, Pilipinas ang pinakakulelat dahil sa sobrang baba ng porsiyento ng bakunado.

Wala pang 4% ng mga tao sa mahihirap na bansa ang fully vaccinated, indikasyon ng malalang global vaccine inequality. Ngunit bakit sobrang bagal ng bakunahan sa Pilipinas kumpara sa mga kapitbahay sa ASEAN?

Kulelat din sa Nikkei Asia ranking

By the way, bukod sa Resilience Ranking ng Bloomberg, kulelat din ang Pilipinas sa COVID-19 Recovery Index ng Nikkei Asia. Mas marami ang bansang kasali roon (121), at magkahawig ang indicators na ginamit, ngunit pinakahuli pa rin tayo.

Nahuhuli rin sa listahan ng Nikkei Asia ang mga bansang ASEAN tulad ng Laos (rank 120), Vietnam (118), Thailand (109), Myanmar (105), Malaysia (102). Ngunit kulelat ang Pilipinas: mas maraming tests at bagong bakuna kasi sa Vietnam, samantalang mas maraming tests at mas kaunti ang confirmed cases sa Laos (at hindi kasing-higpit ang lockdown doon kumpara sa atin).

Ano’ng puwedeng gawin?

Sa kabuuan, kulelat ang Pilipinas sa global rankings dahil ang dami nating kaso, masyadong bumagsak ang ekonomiya at paggalaw ng mga tao, at naging palpak ang tugon ng gobyerno (wala masyadong testing; sunod-sunod ang lockdown; masyadong mabagal ang bakunahan).

Samakatuwid, kulelat tayo pagdating sa kalusugan, ekonomiya, at pamahalaan.

Kung tutuusin, bumagsak ang ekonomiya natin dahil sa mabagal at maling pagtugon ng gobyerno sa pandemya. Dahil dito, maaaring sabihing palpak na pamahalaan ang ugat ng ating kulelat na global rankings.

Ano ang solusyon?

Sa Bloomberg ranking, pantay-pantay ang bigat ng 12 indicators. Ngunit sa pananaw ko, pinakaimportante sa mga iyon ang porsiyento ng mga bakunado.

Doon kasi nakasalalay ang halos lahat ng iba pang indicators, tulad ng bilang ng mga kaso at namamatay sa COVID-19, ang higpit ng quarantine restrictions, ang panunumbalik ng flights at travel routes, ang kompiyansa ng mga taong lumabas ng kani-kanilang bahay, at ang pagsigla ng ekonomiya.

Kaya naman kailangan talagang pabilisin pa ng gobyerno ang bakunahan. Ngunit maraming problema.

Bagama’t lagpas 100 milyon na ang bakunang nakuha ng Pilipinas, mahigit 57 milyong doses pa lang ang naibibigay, at 26.5 milyon pa lang sa atin ang fully-vaccinated.

Noong Marso, ipinangako ni Secretary Galvez na mababakunahan ang 70 milyong mga Pilipino pagdating ng Disyembre. Pero noong Oktubre 24, 38% pa lang sa target na ito ang fully-vaccinated (at 24% pa lang ang bakunado sa kabuuang populasyon).

Ubod ng bagal din ang distribusyon ng bakuna lalo na sa mga probinsiya. Sinisi ng ilan ang “devolution” ng health system ng bansa, kung saan sagot ng bawat local government unit o LGU ang kani-kanilang healthcare services. Iba-iba ang paraan para mabakunahan sa iba’t ibang probinsiya, siyudad, o munisipyo. Kaya naman maraming taga-probinsya ang dumidiskarte at nagpupunta sa Kamaynilaan para lang mabakunahan.

Habang tumatagal ang bakunahan, lalong bumabagal ang kakayahan ng ating ekonomiyang bumangon – at lalo lang tayong mangungulelat kumpara sa ibang bansa.

Siguruhin nating gagawing top priority ng susunod na pangulo ang mabilis na bakunahan. Kung hindi, dapat ekis na agad sila sa mga botante.

Mahigit limang taon na tayong nagtitiis sa lider na walang matinong direksyon at plano para sa ating bansa. Baguhin na natin iyon. – Rappler.com

JC Punongbayan recently completed his PhD at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations.