2022 Philippine Elections

[ANALYSIS] Pink ang kulay ng pag-asa at pagbangon

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Pink ang kulay ng pag-asa at pagbangon
Marami pang maaaring mangyari sa mga susunod na buwan. Ngunit ’di maikakailang – para sa marami sa atin – ang pagtakbo ni VP Leni sa pagkapangulo ay nagsilbing malaking shot ng pag-asa.

Sa wakas, nagdeklara na si VP Leni Robredo ng kanyang kandidatura sa pagkapangulo.

Biglang bumaha ng pink sa aking Facebook timeline at Twitter feed. At tulad ng marami, nabuhayan ako ng loob sa paparating na eleksiyon.

Napakahalagang tumakbo at manalo si VP Leni sa 2022. Isa-isahin natin ang mga dahilan.

Una, labis-labis na talaga ang kapalpakan ng kasalukuyang gobyerno, sa pamumuno – o kawalan ng pamumuno – ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kailangan na siyang palitan sa lalong madaling panahon. (BASAHIN: Epidemya ng pagka-inutil)

Sa pinakahuling tala ngayong Oktubre, halos 39,000 na ang namatay sa bansa dulot ng COVID-19. Pangalawa tayo sa ASEAN na may pinakamaraming aktibong kaso. Kulelat tayo ’di lang sa COVID-19
Resilience Ranking ng Bloomberg
, kundi pati na rin sa Recovery Index ng Nikkei Asia.

Samantala, ang ekonomiya natin ay lugmok pa rin. Noong Agosto, halos 4 milyon ang bilang ng walang trabaho. Napakabilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. At noong Hunyo, 3.4 milyong pamilya ang nakaranas ng gutom.

Bukod sa krisis sa pandemya at ekonomiya, mas malubha siguro ang krisis sa pamahalaan.

Samu’t saring anomalya ang nadiskubre ng Commission on Audit (COA) sa halos lahat ng sulok ng gobyerno. Nakaririmarim ang mga balitang bilyon-bilyong piso pala ang ’di nagastos nang maayos – o ’di man lang nagalaw – ng maraming ahensiya sa gitna ng pandemya. Pinakamalala na siguro ’yung iskandalo ng Pharmally. (BASAHIN: ‘Whiff of corruption’? Umaalingasaw na ang Pharmally)

Kung gaano kapalpak sina Duterte at kanyang mga alipores, ganoon naman kahusay ang pandemic response ni VP Leni.

Bagama’t kakarampot lang ang budget ng kanyang opisina (wala pang isang bilyong piso ngayong 2021), kaliwa’t kanan at round-the-clock naman ang naging serbisyo nila sa bayan: mula sa Vaccine Express, Swab Cab, libreng shuttles at dormitories para sa frontliners, Bayanihan E-Konsulta, Bayanihan E-skwela, Sikap.PH, at marami pang ibang programa.

Naging masinop din sina VP Leni sa paggastos ng pera ng taumbayan. Sa katunayan, tatlong taon nang nakatanggap ng pinakamataas na audit rating ang Office of the Vice President mula sa COA.

Ano kaya kung ’yung mahusay na pamamalakad ni VP Leni sa OVP ay ipatupad din sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno? Siguradong malaki ang magiging improvement sa pandemic response ng gobyerno.

Ikalawa, bukod sa magandang track record, malinaw at maayos ang plano ni VP Leni para sa mabilis na pagbangon ng bansa mula sa pandemya at krisis pang-ekonomiya.

Noong Hulyo 27, isang araw matapos ang huling SONA ni Duterte, umere ang “Ulat ni VP Leni” kung saan inilatag niya sa loob lamang ng 14 minuto ang isang pinag-aralan at kongkretong plano kontra COVID-19 – planong ’di natin narinig sa halos tatlong oras (at ampaw) na SONA ni Duterte.

Kabilang sa priorities ni VP Leni ang mas mabilis at integrated na testing, tracing, at treatment; ang maayos na database ng mga kaso; ang mas mabilis na rollout ng mga bakuna; ang pagpasa ng Bayanihan 3 na naglalaman ng ayuda para sa mahihirap na pamilya at maliliit na negosyo; ang mas maayos na implementasyon ng Universal Healthcare Law; ang pagbabayad ng PhilHealth ng utang nito sa mga ospital; ang ayuda para sa manggagawa at kanilang retraining; at ang mas malaking tulong para sa sektor ng edukasyon.

Hanggang ngayon, marami sa mga nabanggit ni VP Leni ay ’di pa rin tinututukan nina Duterte.

Kulang-kulang pa rin ang tests kada araw. Joke na lang ang contact tracing. Sobrang bilis mapuno ng health facilities. Mabagal pa rin ang rollout ng bakuna, lalo na sa mga probinsiya.

Pagdating naman sa ekonomiya, ’di pa rin ipinapasa ang Bayanihan 3, halos isang taon matapos itong ipinanukala. Milyon-milyong manggagawa ang wala pa ring ayuda mula sa gobyerno. At, bukod sa Venezuela, tayo na lang sa buong mundo ang bansang sarado pa rin ang mga eskuwelahan.

Sa kanyang ulat sa bayan, binigyang-diin din ni VP Leni ang kahalagahan ng focus sa panahong ito. Aniya, “Walang ibang dapat tutukan sa mga panahong ito kundi ang pandemya at ang kanyang mga epekto. All hands on deck, laser-like focus ang kailangan.”

Ang focus na iyon ang dapat isalamin ng pambansang budget. Pero sa kasawiang palad, walang focus ang administrasyong Duterte, at kitang-kita iyon sa “business-as-usual” budget nila ngayong 2021. Nagbuhos sila ng pera sa infrastructure projects (sa ilalim ng Build, Build, Build), pero kulang-kulang ang budget para sa pandemic response at ayuda.

Sa maniwala kayo o hindi, ganoon pa rin ang itsura ng panukalang budget para sa 2022: Walang budget para sa mass testing, walang budget para sa special risk allowance ng health workers, at walang budget para sa ayuda. Mistulang sinukuan na nila ang pandemic response. (BASAHIN: Mali-mali pa rin ang budget priorities ni Duterte sa 2022)

Samantala, inilagay ulit nila sa unprogrammed appropriations ang pondo para bakuna; ibig sabihin, ’di mapopondohan kung walang bagong utang. Mas sigurado pa ang pera para sa anti-insurgency program ng NTF-ELCAC.

Maayos sana ang budget ng gobyerno kung maayos din ang kumpas mula sa Pangulo. Ngunit walang inatupag si Duterte kundi mag-rant at magmura sa kanyang weekly inuman session, este “Talk to the Nation.”

Kapag mahalal bilang pangulo si VP Leni, tiyak na magiging mas lapat ang budget priorities ng gobyerno sa mga pangangailangan ng bansa.

Ikatlo, kailangang talunin ni VP Leni ang anak ng diktador, si Bongbong Marcos, na naglalaway na sa pagkapangulo.

Sa katunayan, sinabi na noon ni VP Leni na maaaring maudyok siyang tumakbo kung tatakbo si Bongbong. Noong Oktubre 5, nagdeklara na nga si Bongbong, at noong Oktubre 7 ay nagdeklara na rin si Leni.

Kung may respeto tayo sa ating mga sarili, ’di dapat makabalik sa Malacañang ang mga Marcos. ’Di pa ba sapat na naghari-harian sila nang mahigit dalawang dekada noong diktadura? ’Di pa ba sapat ang bilyon-bilyong dolyar na ninakaw nila mula sa kaban ng bayan? ’Di pa ba sapat ang katakot-takot na pinsalang idinulot nila sa ating bansa?

Magiging malaking pagsubok sa kampanya ni VP Leni ang malawak na disinformation infrastructure o network na itinayo ng mga Marcos sa mga nakalipas na taon. Bumabaha ngayon ng fake news hinggil sa mga Marcos sa iba’t ibang social media platforms: ’di lang sa Facebook at Twitter, kundi pati na rin sa YouTube at sa bagong TikTok.

Halimbawa, laganap pa rin ang “golden age” myth na nagsasabing sumigla daw ang ekonomiya natin at bumuti ang buhay ng mga Pilipino noong Batas Militar. Isang malaking kasinungalingan iyon. (BASAHIN: Hindi ‘golden age’ ng ekonomiya ang Batas Militar)

Noong nag-file ng certificate of candidacy si Bongbong noong Oktubre 6, nakatanggap ang midya ng “severe emergency alert.” Ngunit imbis na disaster notification mula sa NDRRMC, advertisement pala sa kandidatura ni Bongbong. Nainis ang Commisison on Elections sa ganoong paandar. Pero mistulang ipinagmamalaki nina Bongbong ang kanilang latest gadgets at equipment. (Ang alam ko lang, malaking disaster talaga kung maging pangulo si Bongbong.)

Sa tingin ko, sesentro sa pagtutuos nina VP Leni at Bongbong ang labanan para sa pagkapangulo sa 2022. Bagama’t matindi ang makinarya ni Bongbong, kayang-kayang manalo ng Team Leni – iyon ay kung magkakaisa ang oposisyon at lalakasan ang kanilang boses ’di lang sa echo chambers sa social media, kundi pati na rin sa grassroots. Nandoon ang tunay na labanan.

Sa ngayon, bukod kay VP Leni, puro mga lalaki ang kumakandidato para sa pagkapangulo. Tulad noong 2016, sana sa 2022 “the last man standing is a woman.” Pero siguruhin nating si VP Leni iyon (at hindi ang babaeng anak ng isa pang diktador galing Davao City).

Marami pang maaaring mangyari sa mga susunod na buwan. Ngunit ’di maikakailang – para sa marami sa atin – ang pagtakbo ni VP Leni sa pagkapangulo ay nagsilbing malaking shot ng pag-asa.

Sa dulo ng madilim na tunnel, umaaninag na ang ilaw – at ang kulay noon ay pink. – Rappler.com

JC Punongbayan recently completed his PhD at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.