Philippine economy

[ANALYSIS] Mahigit P57 na ang kada dolyar. Problema ito.

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Mahigit P57 na ang kada dolyar. Problema ito.

DR CASTUCIANO

Kapag magpatuloy ang paghina ng piso mabubutas ang bulsa ng mga mamimili. At mismong mga magsasaka at kanilang mga pamilya, mahihirapan din. Kung mahal ang pagkain, lalong lalala ang 'food insecurity' sa Pilipinas.

Noong isang araw, pumalo na sa P57 ang isang dolyar. Ito ang pinakamahinang palitan ng piso at dolyar sa ating kasaysayan (Figure 1).

Figure 1.

May isang ex-secretary ng Department of Agriculture (si Emmanuel Piñol) na kumuda sa balitang ito. Aniya, “P57 to $1 is not entirely bad. It’s good for our OFWs & local food producers. This crisis could open opportunities!” Suriin natin.

Oo, hindi “entirely bad” ang pagsadsad ng halaga ng piso. Magandang balita iyon sa sinumang kumikita ng dolyar. Kabilang diyan ang sektor ng turismo, ang mga Pilipinong korporasyon na may negosyo sa US, at ang OFWs na mas malaki na ang katumbas ng remittances o padalang pera sa kanilang mga pamilya rito sa Pilipinas.

Ngunit talo pa rin ang mga pamilya ng OFWs dahil sa sobrang taas din ng presyo ng mga bilihin ngayon. Ibinalita ng gobyerno na 6.3% ang inflation rate noong Agosto 2022. Ibig sabihin, tumaas nang 6.3% ang presyo ng mga produkto mula Agosto 2021 hanggang Agosto 2022.

Bagama’t mas mababa iyon sa 6.4% noong Hulyo, lagpas-lagpas pa rin sa target ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 2-4%. At talagang mabilis pa ring tumataas ang mga presyo.

Sa kasamaang-palad, malamang ay lalo pang tumaas ulit ang inflation sa mga susunod na buwan. Halimbawa, sinabi ng OPEC+ na magbabawas sila ng produksiyon ng langis. Siguradong papalo na naman ang diesel at gasolina sa mga susunod na linggo.

Nalaman din nating ang “core inflation” (o inflation kapag tinanggal mo sa computation ang pagkain at mga produktong petrolyo) ay tumataas pa rin (Figure 2). Ibig sabihin, hindi na lang maisisisi sa pagkain at mga produktong petrolyo ang inflation ngayon.

Sa ganitong punto de bista, ’di rin magandang balita ang paghina ng piso para sa OFWs at kanilang mga pamilya.

Figure 2.
Paano na ang imported na pagkain?

Sinabi rin ni Piñol na okay ang mahinang piso para sa “local food producers.” Marahil ang ibig niyang sabihin, dahil mas magiging mahal ang imported goods, mahihirapang mag-angkat ng mga agricultural products mula sa ibang bansa, na siyang ka-kompetensiya ng local producers.

Ngunit paano ang taumbayan at mga ordinaryong mamamayan na grabe na ang pagtitiis sa mahal na presyo ng pagkain?

Tandaang lumutang sa balita na bukod sa bigas ay ini-import din pala ng Pilipinas ang samut-saring agricultural products tulad ng asukal, asin, white onions, bawang, atbp.

Kung pahina nang pahina ang piso, pamahal nang pamahal ang mga pagkaing ito, at lalo pang magiging mahal ang presyo sa mga palengke at supermarkets.

Samakatuwid, kapag magpatuloy ang paghina ng piso ay mabubutas ang bulsa ng mga mamimili. At mismong mga magsasaka at kanilang mga pamilya, mahihirapan din.

Kung mahal ang pagkain, lalong lalala ang “food insecurity” sa Pilipinas. Mas maraming magugutom at hindi makakukuha ng sapat na nutrisyon sa pang-araw-araw. At kung ’di makakakain nang wasto ang kabataan, paano sila matututo nang mabuti sa eskuwelahan?

Sanga-sangang pasakit ang idudulot ng paghina ng piso sa food at learning crises ng bansa.

Utang pa more

Isa pang dahilan kung bakit ’di good news ang masyadong pagbulusok ng piso ay may kinalaman sa ating reserba ng dolyar, na bumubuo sa ating “international reserves.”

Kapag mahal ang inaangkat na mga produkto, mas marami tayong dapat ibayad na dolyar, at lalong bibilis ang pagkaubos ng reserba natin ng dolyar.

Delikado iyon dahil kapag kumaunti ang supply ng dolyar, mas mahihirapan tayong magbayad ng ating mga utang panlabas o “external debt” na galing sa ibang bansa o multilateral agencies (tulad ng World Bank o Asian Development Bank).

Nakikita na natin ang problema ngayon. Lumalabas na sa unang pagkakataon sa loob ng 12 taon, mas malaki ang utang panlabas ng Pilipinas kumpara sa ating international reserves.

To be fair, ’di na tayo masyadong umaasa sa utang panlabas ngayon, kumpara noong Batas Militar sa diktadura ni Ferdinand E. Marcos. Ngunit dapat pa rin tayong maging mapagmatyag, dahil bumababa na ang reserves natin, at tuloy-tuloy lang iyon sa pagbagsak ng piso.

Isa pang dahilan sa paghina ng piso ay mas marami tayong imports kaysa sa exports. (Noong Hulyo, halimbawa, $5.93 bilyon na mas malaki ang halaga ng ating imports.) At tuwing nangyayari iyon, mas kailangan natin ng dolyar bilang pambayad. Sa pagtaas ng demand sa dolyar, kumakaunti ito at lumalaki ang halaga kumpara sa piso.

Lalo pang hihina

To be fair, hindi lang piso ang humihina kontra sa dolyar. Maraming ibang international currencies ang humihina rin. Ang Japanese yen, pinakamahina kontra sa dolyar sa loob ng 24 taon. Ang euro naman, pinakamahina sa loob ng 20 taon; katumbas na rin ng 1 euro ang 1 dolyar (ang tawag doon ay “parity”).

Gayunpaman, ang Philippine peso ang isa sa pinakahuminang currency sa Asya. At mukhang lalo pang hihina ito dahil sa mga polisiya ng central bank ng US.

Malamang kasi ay magtataas ulit ng interest rate ang US Federal Reserve ngayong Setyembre. ’Pag mangyari iyon, patuloy na lalabas ang kapital sa Pilipinas upang lumipat sa US, at tataas ang demand para sa dolyar dito sa atin. Ang resulta, tataas ang halaga ng dolyar kontra piso, at hihina ang piso kontra sa dolyar.

Upang awatin ang masyadong paghina ng piso – at upang labanan ang inflation dito sa atin – malamang ay susunod din ang BSP sa pagtataas ng interest rate ngayong Setyembre.

Pero mahirap sabihin kung gaano kaepektibo ang polisiyang ito upang mapigilan ang pagsadsad ng piso.

Kung masobrahan, ang pagtaas ng interest rate ay maaaring magpabagal sa ating ekonomiya – isang mapait na gamot na lalong magpapalala sa lagay ng pasyente. Tutumal ang paggastos ng mga Pilipino sa mga bahay at kotse at negosyo, at tutumal ang ekonomiya.

Pero kung magkulang naman, asahan na baka umabot pa sa P58 o P59 ang isang dolyar sa susunod na mga linggo at buwan.

Kaya naman imbes na “opportunities,” matinding sakit sa ulo ang idudulot ng paghina ng piso sa maraming Pilipino.

Sa totoo lang, ang paghina ng piso ay hindi good news sa lahat ng Pilipino. Ngunit sa kabilang banda, maging ang sobrang lakas na piso ay ’di rin naman mabuti sa lahat.

Halimbawa, noong Batas Militar, wala pang P10 ang kada dolyar. Pero ang diktadura noon ay nagdulot ng samut-saring problema at nakatulong sa pagkakaroon natin ng matinding krisis pang-ekonomiya noong dekada ’80.

Ngunit ibang-iba na ang konteksto ng ekonomiya natin at ng mundo ngayong 2022. At ang mahinang piso ay malamang mas matimbang bilang bad news kaysa good news para sa karamihan ng mga Pilipino. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.