Ferdinand Marcos Jr.

[ANALYSIS] Pangakong P20 kada kilo ng bigas, suntok sa buwan pala?

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Pangakong P20 kada kilo ng bigas, suntok sa buwan pala?

JANINA MALINIS

Kailangan na talaga natin ng bagong agriculture secretary na tututok sa sektor full-time. ’Di na uubra ang multitasking na ginagawa ng Pangulo.

Naalala ‘nyo pa ba ang pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong kampanya?

Noong Marso, ilang linggo bago ang eleksiyon, sinabi niyang pabababain daw niya ang presyo ng bigas sa P20 o P30 kada kilo – hindi lang papunta sa P20 kada kilo.

Ibig sabihin, kung ang presyo ng bigas noong Marso ay P38.50 kada kilo, paaabutin daw niya sa P18.50 hanggang P8.50 ang kada kilo ng bigas. Hanep! Gagawin daw niya iyon sa pamamagitan ng “price cap” o pagtatakda ng maximum na presyo sa bigas.

Maraming umasa sa pangakong iyon ni Marcos Jr. Ayon sa iba, naging susi pa iyon sa landslide na pagkapanalo niya noong Mayo. Maging ang trolls sumakay sa pangakong iyon: sabi ng isang post noong Mayo 13, ipatutupad na simula Lunes, Mayo 16, ang P20 kada kilo ng bigas.

Ngunit mahigit dalawang buwan mula noong maupo si Marcos Jr. sa puwesto, parang imposible naman pala ang pangako niya.

Siya na mismo ang umaamin. Sa isang panayam kay Toni Gonzaga, sinabi ni Marcos Jr. na “It’s a long road there. It’s not gonna be easy.” Aniya, “hopefully” ay makamit natin ang P20 kada kilo ng bigas sa loob ng tatlong taon.

Ngi.

Eto pa: “I am hoping that at the end of all that we are doing – and when I said the end, I’m not talking about tomorrow – I’m talking about, maybe hopefully, if we do it right, then in a couple of – three years that we’ll get there.”

Ayan na naman tayo sa mga deadlines na suntok sa buwan. Remember “3 to 6 months” para sa drug war noon?

‘Not realistic’

Parang ’di rin sigurado ang Pangulo kung paano ba matutupad ang kanyang pangako.

Sabi niya, “There’s a way to do it but it will take a while. We have to return NFA [National Food Authority] to its old function, not so much importation but really the buying. And even actually now we can already do it but it’s a little short-term. We sell the buffer stock that they have in NFA. We can sell it at P20. But that’s not really realistic. We have to bring the actual price down.”

So siya na mismo ang nagsasabing hindi “realistic” ang binitiwan niyang pangako.

Ayon sa ilang ekonomista, puwede naman talagang gawing P20 ang kada kilo ng bigas, ngunit kakailanganin ng dambuhalang subsidiya na humigit-kumulang P200 bilyon.

Malamang uutangin natin ang ganoong pera, at lalong tataas (imbes na bababa) ang “debt-to-GDP ratio” o porsiyento ng kabuuang utang ng bansa sa kabuuan nating kita. In short, mababaon sa utang.

Maaagawan din ng budget ang ibang mahahalagang sektor tulad ng edukasyon at kalusugan.

Palalakasin muli ang NFA?

Ang tanong: alam ba ng pangulo ang sinasabi niya? Gusto ba talaga niyang palakasin muli ang NFA at bumalik tayo sa lumang sistema?

Nagbabala na dati ang Fitch, isang credit rating agency, na kung babaligtarin ang reporma ng Duterte administration sa sektor ng bigas (dulot ng Rice Tariffication Law o RTL) – at muling palalakasin ang NFA – ay baka lalo pang tumaas ang presyo ng bigas at lumiit (imbes na lumaki) ang kita ng gobyerno.

Matatandaang parating palugi ang NFA noon dahil bumibili ito ng bigas sa mataas na presyo at ibinebenta iyon sa mas mababang presyo. Ang diperensiya, sinasagot ng gobyerno, at nagdulot iyon sa bilyon-bilyong losses o lugi ng gobyerno.

Dati, ang NFA rin ang may monopolya sa pag-import ng bigas. Pero dahil sa RTL, tinanggal ang monopolyang iyon at pinalaya ang importasiyon ng bigas. Ang resulta, grabe ang ibinaba ng presyo ng bigas mula noong 2018 kung kailan pumalo iyon. May taripa ring kinita ang gobyerno mula sa importasiyon ng bigas ng pribadong sektor. (BASAHIN: Will rice tariffication live up to its promise?)

Tingin ko, maging ang ilan sa mga batikang ekonomistang na-recruit ng Pangulo ay ’di sang-ayon sa panukalang ibalik ang NFA sa lumang function nito. Ilan kasi sa kanila ang nagtulak pa nga dati noon ng RTL.

Nagbanta rin ang Fitch na kung babaligtarin ang RTL, maaaring magdulot iyon ng “credit rating downgrade” o mas masamang score na magpapasamá sa imahe ng bansa at magpapahirap sa kakayahan nating mangutang mula sa labas ng bansa.

Taliwas ito sa layunin ng administrasyong Marcos Jr. na  makamit natin ang “A” o pinakamataas na credit rating para sa bansa.

Rice allowance?

Sinabi rin ng Pangulo na isusulong niya ang rice allowance para sa mga kawani ng gobyerno.

Aniya, “Part ng suweldo, ang pagbayad is in rice…This will be bought by the government from the government so we can save on costs and the people do not have to buy at the market price.”

Bukod sa government officials, makatutulong din daw ito sa mga magsasaka dahil lilikha ng demand ang mismong gobyerno: “…what’s going to happen is there will be a demand because the government will buy in bulk.”

Gagawing “institutionalized” daw ang rice allowance, kamukha ng rice allowance ng mga malalaking korporasyon para sa mga empleyado nila.

Una, marami nang ahensiya ng gobyerno ang may rice subsidy para sa kanilang mga kawani. At ang tanong, okay ba sa karamihan ng government workers na bahagi ng kanilang sahod ay ibibigay bilang bigas?

Ikalawa, nasa 1.7 milyon lang ang government workers sa Pilipinas. Paano na ang 99% ng mga Pilipino na ’di naman government workers? Paano sila makikinabang sa rice subsidies na para sa government workers?

Dapat mas maging malawak ang sakop ng mga polisiya ng Pangulo.

Nasaan ang agriculture secretary?

Tanong ni Toni Gonzaga sa Pangulo: Posible pa ba ang “aspiration” na P20 kada kilo ng bigas?

Ang sagot ni Marcos Jr.: “Everything is possible. You just have to be – just have to work very hard at it and be clever about it and come up with new ideas and be creative about what are the things that you are able to do.”

Ngunit kung ang ibig sabihin ng being “clever” at “creative” at “new ideas” ay ang pagbabalik sa lumang sistema na maaaring lalong magpataas sa presyo ng bigas at magpalala sa sitwasyon…’di bale na lang ho. 

Sa panayam, sinabi rin ni Marcos Jr. na inako niya ang posisyong agriculture secretary upang ipakita sa tao “symbolically” na napakahalaga ng sektor na iyon at tututukan ng kanyang administrasyon.

Ngunit bukod sa mga napapakong pangako (tulad ng P20 kada kilo ng bigas), samut-saring isyu rin ang kinakaharap ng sektor ng agrikultura. Kabilang diyan ang kaliwa’t kanang kakulangan o shortage ng agricultural commodities tulad ng asukal, asin, white onions, bawang, atbp.

Kailangan na talaga natin ng bagong agriculture secretary na tututok sa sektor full-time. ’Di na uubra ang multitasking na ginagawa ng Pangulo.

Bago pa man ang eleksiyon, marami nang ekonomista ang nagsasabing “wild” at “outlandish” ang pangakong P20 kada kilo ng bigas. Ani Dr. Cielito Habito, dating chief economist ng yumaong pangulong si Fidel Ramos, ang pangako ni Marcos Jr. noong kampanya ay “wild,” “reckless,” “outlandish,” at “out of touch.”

Dahil hindi lapat sa realidad at ebidensiya ang pangakong iyon ni Marcos Jr., magiging “dangerous leader” siya, ani Habito. Parang nagkakatotoo na nga. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.