Philippine economy

[ANALYSIS] Tugon sa ilang hot takes hinggil sa inflation, mahinang piso

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Tugon sa ilang hot takes hinggil sa inflation, mahinang piso
Asahan ninyong darami pa ang mga kukuda hinggil sa ekonomiya ngunit dapat lalo pang mapakinggan ng taumbayan ang boses ng mga lehitimong ekonomista na gamay ang datos at taon na ang binilang sa pag-aaral ng iba’t ibang isyung pang-ekonomiya.

Samut-sari ang mga isyung pang-ekonomiyang kinakaharap natin sa ngayon. Kaya naman ’di kagulat-gulat na sumusulpot din mula sa non-experts ang ilang hot takes hinggil sa ekonomiya.

Halimbawa, noong isang araw, isinulat ng historian na si Leloy Claudio na hindi raw siya masyadong nag-aalala sa inflation dahil kailangan daw ito sa pag-unlad ng bansa.

Aniya, “Under more normal circumstances (unlike 2022), I like my economy like my cuisine: to have some heat, so I have a higher tolerance for inflation than most Pinoys.”

Ikalawa, lumabas din ang video ng presidential son at Ilocos Norte 1st District Representative na si Sandro Marcos. Sa kanyang panayam sa local media ng Ilocos Norte, sinabi niya, “The peso is not weak because the peso is weak. The peso is weak because the dollar is strong.”

May sense ba ang mga sinabi nila? Suriin natin.

Goldilocks zone

Iginiit ni Leloy Claudio na hindi raw siya nababahala o “obsessed” sa inflation kumpara sa mga ekonomistang tulad ko.

Binanggit niya ang Korean economist na si Ha-joon Chang, na nagsabing tiniis daw ng South Korea ang inflation na halos 20% noong dekada ’60 at ’70 sa ngalan ng kaunlaran ng kanilang bansa.

Binanggit din niya ang 1997 na pag-aaral ng Nobel laureate na si Robert Shiller na nagpakitang kumpara sa mga ordinaryong tao, ang mga ekonomista (at least sa US) ay ’di masyadong worried o nababahala sa inflation.

Oo, ang katamtaman o moderate na inflation ay okay naman sa loob ng maraming dekada. Kakambal kasi ng paglago ng isang ekonomiya ay ang paggastos ng mga tao, at nagdudulot talaga iyon ng pagtaas ng mga presyo sa loob ng mahabang panahon.

Ngunit mali na gamitin ang ideyang ito upang sabihin na okay lang o dapat tiisin na lang natin ang inflation sa kasalukuyan.

Ito mismo ang dahilan kung bakit mayroong “inflation target” ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at maraming central banks sa mundo.

Sa kaso ng BSP, binabantayan nila ang inflation at sinisiguro na ’di ito baba sa 2% pero ’di hihigit sa 4%.

Katulad ito ng isang “Goldilocks zone”: dapat ang inflation ay not too cold at not too hot. Just right lang dapat.

Kapag mas mababa kasi ang inflation rate sa 2% (“too cold” ang lugaw ni Goldilocks), maaaring senyales ito na masyadong matumal ang ekonomiya – tulad ng pagsusuri ni Claudio.

(Side note: iniiwasan din ang masyadong mababang inflation upang may galawan pa ang interest rates at mapababa pa ito kung kinakailangang pasiglahin ng BSP ang ekonomiya.)

Ngunit kapag ang inflation ay higit sa 4% (“too hot”), grabe ang pag-arangkada ng mga bilihin, at mabilis nawawalan ng kakayahang bumili (o purchasing power) ang pera ng mga tao, kasi hindi naman agad-agad tumataas ang sahod at suweldo nila.

Sinabi rin ni Claudio na bukod sa price stability ay kabilang daw sa mandato ng BSP ang pag-“maximize” ng employment. Aniya, “Growth, however, is their ultimate concern, which is why central banks usually accept some level of inflation.”

Hindi totoo ito. Sabi nga ng isang kaibigan kong government economist, nalito siya sa sinabi ni Claudio dahil ang target ng BSP ay inflation target, hindi naman GDP growth target.

Elitistang pananaw?

Sa isang Facebook post kamakailan, sinabi rin ni Claudio na unfair naman daw kung laging ibinabalita ng midya ang inflation, pero ’di naman ibinabalita ang paglaki ng mga sahod at trabaho na ’di umano’y kaakibat ng inflation.

Dagdag pa niya, “Our wage growth often outpaces inflation. There’s a good chance that won’t happen this year. But the picture still needs to be balanced.”

Ngunit nag-reply ako sa kanya ng datos at report mula sa World Bank na nagpapakitang hindi totoo na mas mabilis ang pagtaas ng mga suweldo kumpara sa presyo ng mga bilihin.

Ipinapakita sa Figure 1 na bagama’t tumataas ang kita ng mga Pilipino, dumadami ang mga trabaho, at mas nagiging produktibo sila sa paglipas ng panahon – flat pa rin ang “real wages” o dami ng mga produkto at serbisyo na nabibili ng mga sahod at suweldo ng mga Pilipino.

Sa katunayan, sa 7 out of 15 na taong sinuri nila, bumaba pa nga ang real wages. Ibig sabihin, mas mabilis ang pag-arangkada ng mga presyo kumpara sa sahod at suweldo ng mga Pilipino.

Ang sinabi ni Claudio na “Our wage growth often outpaces inflation” ay hindi lapat sa datos, at umamin naman siyang nagkamali siya roon. Ngunit bago sana niya sinabi iyon, sana nakapag-research muna siya.

Figure 1. Source: World Bank.

Panghuli, sinabi ni Claudio na nakalulungkot daw ang estado ng economic literacy sa bansa, at masyadong inaasa ng tao ang kanilang mga opinyon hinggil sa ekonomiya sa mga ekonomistang gaya ko, na nagsasabing masama ang masyadong mataas na inflation.

Ngunit napaka-condescending at patronizing naman ‘ata.

’Di na kailangan ng ekonomista upang ma-realize ng taumbayan na masama ang inflation sa panahon ngayon. Obvious naman iyon sa kanila: pakonti nang pakonti ang nabibili sa palengke at grocery gamit ang kaparehong budget, lumiliit ang pandesal at iba pang produkto, umaarangkada na ang pamasahe sa jeep, bus, at tricycle, atbp.

Ani Claudio, ’di raw elitistang posisyon ang pagsasabi na okay lang ang mataas na inflation. Ngunit kung babasahin, elitistang-elitista ang dating ng kanyang mga paliwanag, at wala rin sa hulog dahil ipinaghalo ang long-run analysis ng inflation sa short-run.

For the record, marami sa mga ekonomistang kaibigan ko ang naalarma sa artikulo at hindi sumang-ayon doon. Sabi ng isa sa kanila, “Try niyang sabihin sa mga arawan ang suweldo.”

Mahinang piso

Kumakalat din ang video ngayon ni Sandro Marcos kung saan nagbibigay siya ng economic analysis hinggil sa mahinang piso. Maraming bumilib (kabilang ang local media na nag-interview), at marami ring nag-bash.

Pinanood ko ang buong paliwanag. To be fair, marami naman siyang sinabing tama.

Halimbawa, sa unang tingin ay nakalilito ang sinabi niyang: “The peso is not weak because the peso is weak. The peso is weak because the dollar is strong.”

Ang totoo, ’di maikakaila na ang malakas na ekonomiya ng US ang dahilan ng paghina ng piso. By the way, ganito rin ang linya ni BSP Governor Phillip Medalla noong Hunyo: “This is a strong dollar problem, not a weak peso problem.”

Tama rin si Sandro sa pagsasabi na malakas ang demand sa dolyar ngayon. Itinuturing kasing “safe haven” ng mga investor at negosyante ang US dollar sa panahon ng global crisis at malalang global uncertainty. Kahit anong mangyari kasi, siguradong mag-iimprenta ng dolyar ang US, kaya safe bumili nito o ng mga assets na dolyar ang presyo.

Gayunpaman, may mga kulang sa kuwento ni Sandro.

Una, ang pinakamalaking dahilan sa paghina ng piso – na hindi niya nabanggit – ay ang patuloy na pagtaas ng interest rates ng bangko sentral ng US, o ang Federal Reserve.

Ang pagtataas kasi ng interest rates ay isang paraan upang maawat ang pagkataas-taas na inflation sa US. Ngunit ang isang side-effect ay maraming investors ang gusto ngayong ilipat ang kanilang kapital mula sa Pilipinas (at ibang bansa) papuntang US.

Habang umaalis ang kapital mula sa Pilipinas, tumataas ang demand para sa dolyar (upang makapagnegosyo sila abroad), at habang kumakaunti ang dolyar sa bansa ay tumataas ang halaga nito kontra sa piso. Peso depreciation.

Tama rin si Sandro sa pagsasabing maraming ibang currencies ang humihina rin kontra sa dolyar, at ’di unique ang depreciation sa Philippine peso. Ipinapakita sa Figure 2 (mula sa isang pag-aaral ng World Bank) na mas malala pa nga ang paghina ng Laotian kip at Myanmar kyat kontra sa US dollar – dahil mas grabe rin ang inflation sa Lao PDR at Myanmar.

Figure 2. Exchange rates (local currencies/US dollar). Source: World Bank.

Sinabi rin ni Sandro na tayo’y “net importer” o mas maraming inaangkat kaysa sa ineexport. Kaya ang paghina ng piso ay magdudulot daw ng mas mataas na presyo dahil sa mas mahal na imported goods. Tama naman.

Sinabi rin ni Sandro na okay ang mahinang piso kasi marami naman daw na OFWs sa Ilocos Norte kung saan siya’y congressman. Lumalaki naman daw kasi ang halaga ng remittances.

Totoong lumalaki ang halaga ng remittances. Ngunit ’di niya binanggit na ang extra income na iyon ay kinokontra naman ng mataas na inflation dito sa bansa, kaya wala rin.

Sa Ilocos Region, halimbawa, nasa 6.6% ang inflation noong Setyembre (Figure 3) – mas mababa sa national average pero mataas pa rin.

Figure 3.

Isang paraan daw para di masyadong humina ang piso ay ang pagbebenta ng BSP ng dolyar. Tama, at ito nga mismo ang ginagawa ng BSP kamakailan. Pero ’di masyadong agresibo ang pagbebenta ng dolyar dahil ngayon pa lang ay dumadausdos na ang supply natin ng international reserves (Figure 4).

Figure 4.

‘Sit back and hold tight’?

Ano ang magagawa natin? Ani Sandro, ang best piece of advice daw ay mag-“sit back at hold tight.” Talaga ba?

Again, to be fair, sinabi naman niya na dapat talagang paigtingin pa ng gobyerno ang supply ng pagkain. Binanggit din niya ang sugar order ng ama na nagsasabing para lang sa konsumo ng mga Pilipino ang lahat ng mapoproduce nating asukal sa 2023.

Ngunit ang tanong, sapat ba ang ginagawa ng kanyang ama upang tiyaking sapat ang supply ng pagkain sa mga susunod na buwan? Kulang pa.

At papayagan din ba ng pangulo ang mas maluwag na importasyon kung kinakailangan?

Matatandaang pinigilan ng pangulo ang pag-import ng 300,000 toneladang asukal – at ibinaba iyon sa 150,000 – matapos makausap ang sugar traders at millers na takot mabawasan ng túbo kung bumaha ng asukal sa lokal na merkado.

Sa huli, asahan ninyong darami pa ang mga kukuda hinggil sa ekonomiya – kabilang ang mga politiko, akademiko, atbp.

Okay lang ito: wala namang monopolya sa pananaw ang mga ekonomista. (Sa kaso ni Sandro, of course, maaaring istratehiya iyon para tabunan ang balita at mga imahe ng pagpunta niya sa Singapore upang manood ng F1 race.)

Ngunit sa tingin ko, dapat lalo pang mapakinggan ng taumbayan ang boses ng mga lehitimong ekonomista na gamay ang datos at taon na ang binilang sa pag-aaral ng iba’t ibang isyung pang-ekonomiya. Iba pa rin talaga ang say ng mga eksperto. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

2 comments

Sort by
  1. ET

    So, in other words, economics now has become another battleground in Truth vs. Disinformation. Perhaps, Secondly, Prof. JC Punongbayan is correct, that the “peso is not weak” post by Sandro is similar to a “smoke screen” used in war so that your enemies could not see you at least for a moment while you are more likely running away.

    1. ET

      Correction: Secondly, perhaps ….

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.