2022 Philippine Elections

[ANALYSIS] ’Di puwedeng puro ‘unity’ at good vibes lang

JC Punongbayan
[ANALYSIS] ’Di puwedeng puro ‘unity’ at good vibes lang

Nico Villarete

Sa susunod na mga linggo at buwan, kailangan na nating pigain ang mga kandidato at kilatisin ang kanilang mga plano para sa pagbangon ng ating ekonomiya at bansa

Sa wakas ay nagsimula na noong Pebrero 8 ang kampanya ng mga kandidato para sa pagkapangulo. May pailaw, sayawan, kantahan, at higit sa lahat matatamis at inspiring na mga salitang namutawi mula sa mga kandidato.

Ngunit sa susunod na mga linggo at buwan, kailangan na nating pigain ang mga kandidato at kilatisin ang kanilang mga plano para sa pagbangon ng ating ekonomiya at bansa.

Sa ngayon, nagkakaroon na ng convergence (at posibleng kopyahan?) ng mga plataporma. Kabilang sa buzzwords na nababanggit ng mga kandidato ay ang pagbangon (revival o revitalization) ng ekonomiya, pagpapabuti sa pandemic response, paglikha ng mga trabaho, pabahay, suporta para sa mga magsasaka at mangingisda, at ayuda sa mahihirap.

Gayunpaman, may mga bukod-tangi ring plano ang mga kandidato.

Isko Moreno

Sa lahat ng mga kandidato, si Moreno ang pinaka-gumagaya sa istilo, pananalita, at imahe ni Pangulong Rodrigo Duterte. Nabansagan na nga siyang “Duterte Lite.” Si Moreno rin ang pinaka-willing na ituloy ang mga programa at proyekto ni Duterte, kabilang ang Build, Build, Build at pagsugpo sa droga. Pagbubutihin daw niya ang mga ito.

Pero gagana pa ba sa mga botante ang ganitong naratibo ng continuity?

Sa isang banda, nananatiling popular si Duterte. Ayon sa latest survey ng Social Weather Stations, tumaas pa nga ang net satisfaction rating ni Duterte mula 52% noong Setyembre hanggang 60% noong Disyembre 2021.

Ngunit hindi rin naman ganoon katagumpay ang maraming proyekto at programa niya. Halimbawa, napakaraming Build, Build, Build projects ang hindi man lang nagsimula, at patuloy ang bentahan ng droga sa kabila ng drug war kung saan mahigit 30,000 na ang namamatay. Tadtad din ng kapalpakan ang pandemic response.

Ito ba ang mga yapak na gustong sundan ni Moreno?

Manny Pacquiao

Ginulat naman ni Pacquiao ang lahat sa KBP forum noong Pebrero 4 sa paglatag niya ng “22 Rounds agenda” na obviously inspired ng kanyang boxing career.

Bagama’t mukhang may komprehensibong plano si Pacquiao, mistulang nalilito pa rin siya sa gusto niyang gawin hinggil sa ekonomiya.

Halimbawa, bukambibig niya ngayon ang “non-tax revenue income” o kita ng gobyerno na bukod sa mga buwis na kinokolekta nito (halimbawa, iba’t ibang fees and penalties). Ito raw ang susi upang mapondohan ang iba’t ibang proyekto ng gobyerno. Aniya, “Dapat ’yung non-tax revenue income palakasin natin para hindi lamang sa tax revenue income magre-rely ang ating bansa.”

Ngunit maliit lang ang non-tax revenue sources na binabanggit ni Pacquiao: sa mga nakalipas na taon, wala pang 10% ito ng kabuuang kita ng gobyerno, at malayong mapalaki pa higit doon.

Sa halip, dapat pagtuunan ng gobyerno ng pansin ang mga buwis na lumagpak dahil sa krisis pang-ekonomiya. Para mas maraming buwis, dapat sumigla muna ang ekonomiya. Ngunit hindi ito sisigla kung palpak pa rin ang magiging pandemic response ng gobyerno. Ito ang mas akmang naratibo.

Panfilo Lacson

Bukod-tangi si Lacson sa kanyang pag-prioritize sa budget reform. Sa Senado, matagal siyang nakilala bilang “fiscalizer” o taga-busisi sa taunang budget at paggastos ng gobyerno.

Ani Lacson, kung mas maayos ang pagbuo sa taunang budget, mas tugma ang paggastos ng national government at local government units, at mas may konsultasyon sa stakeholders, maiiwasan ang misspending at underspending (o hindi paggastos sa pera ng bayan) na parehas nauuwi sa matinding kasayangan.

Gaano man kaganda ang planong ito, hindi sexy o agaw-pansin ang budget reform issues sa mga kampanya noon. Baka mas pumatok pa sa mga botante ang mga salita at kuwento ni Lacson hinggil sa pagiging dati niyang police chief. Ang tanong, bebenta kaya sa kabataan ang ganoong imahe? (Si Lacson ang pinakamatanda sa presidentiables.)

Leody de Guzman

Marahil si Leody de Guzman na ang may pinaka-radikal na plataporma sa mga gustong maging pangulo.

Halimbawa, gusto niyang magtatag ng “wealth tax” o 20% na buwis sa pera at ari-arian ng mga milyonaryo at bilyonaryo, upang pondohan ang mga proyekto ng gobyerno. Gusto rin niyang huwag munang magbayad ang ating gobyerno ng mga utang nito sa loob ng limang taon.

Kakaunting mga bansa pa lang ang sumusubok ng wealth tax, tulad ng France, Spain, at Switzerland. Ngunit bukod sa ineengganyo nito ang tax evasion, mukhang malabong maipasa ng Kongreso ang ganoong batas. Mahirap din itong ipatupad.

Hindi rin puwedeng basta-basta tayong huwag magbayad ng ating mga pagkakautang: lubos na masisira ang imahe ng Pilipinas sa ibang bansa.

Gayunpaman, gusto ko ’yung panukala ni De Guzman na tugisin ang mga Marcos at habulin ang kanilang mga pagkakautang sa gobyerno, na ngayo’y nagkakalahaga ng halos P330 bilyon – bilyon with a “b” – dahil sa mga ’di binabayarang buwis at nakaw na yamang hinahabol pa ng Presidential Commission on Good Government. (BASAHIN: Gusto mo ba ng tax evader at ‘certified convict’ ang maupo sa Malacañang?)

Ferdinand Marcos Jr.

Speaking of Marcos, “unity” o pagkakaisa ang bukambibig ni Marcos Jr. sa mga nakalipas na interview at sa kanyang campaign kickoff.

Okay naman ang mensahe ng pagkakaisa at ang good vibes na dala nito. Ngunit hindi ito sapat. ’Di puwedeng puro unity at good vibes lang. Sa mga paparating na debate at interview, dapat nating himayin at busisiin ang plano Marcos Jr. – kung hindi siya maduduwag at aatras.

Bagama’t binanggit ni Marcos Jr. ang pangangailangang i-“revitalize” ang ekonomiya, kulang-kulang ang kanyang detalye para makamit ito. Tulad ni Pacquiao, hindi rin gamay ni Marcos Jr. ang kanyang mga argumento.

Halimbawa, para tugunan daw ang pabago-bagong presyo ng langis, ibalik daw natin ang Oil Price Stabilization Fund (OPSF) noong Batas Militar. Ngunit hindi ba siya aware sa bilyon-bilyong pisong pagkalugi ng OPSF?

Masyado ring naka-angkla ang kanyang kampanya sa “golden age” na idinulot daw ng kanyang amang diktador.

Sa kanyang DZBB interview, halimbawa, ipinagmalaki na naman ni Marcos Jr. ang mga ospital na ipinatayo ng inang si Imelda, tulad ng Heart Center at Kidney Institute. Ngunit ang mga ospital na iyon ay masyadong magarbo noon at hindi naman nagamit ng maraming tao sa kanayunan. (BASAHIN: Hindi golden age ng ekonomiya ang Batas Militar)

Kailangan din daw na hindi na makapasok sa gobyerno ang mga may balak magnakaw at may track record ng pagnanakaw. Pinatutungkulan ba niya ang sarili? (PANOORIN: Law of Duterte Land: Marcos ill-gotten loot and where to find them)

Leni Robredo

Tanging si Robredo lang ang presidential candidate na may malakas na background sa ekonomiks. Nagtapos siya sa UP School of Economics noong 1986 at nakapagturo pa ng economics sa Universidad de Sta. Isabel sa Naga City mula 1987 hanggang 1997, habang siya’y nag-aaral ng abogasiya.

Lumitaw ang economics background na ito sa kanyang komprehensibong “Kalayaan sa COVID” plan noong Nobyembre 2021. Sa mga kandidato sa pagkapangulo, si VP Robredo ang unang nagsabing dapat mag-focus ang gobyerno sa pandemic response, pamimigay ng ayuda sa mga naghihirap at nagugutom dahil sa pandemya, at paglutas sa krisis sa edukasyon.

Sa lahat ng ito, kalusugan at kapakanan ng mga tao ang prayoridad: hindi basta-bastang manunumbalik ang sigla ng ekonomiya kung hindi makalalaya sa sakit ang mga Pilipino. Health is wealth, ika nga.

Sa ganda ng plano ni VP Leni, higit sa 200 Pilipinong ekonomista ang nagpahayag ng buong-pusong suporta para sa kanyang kandidatura – kabilang ang limang dating director-generals ng National Economic and Development Authority (NEDA) mula sa iba’t ibang administrasyon. Maging si Dr. Ernesto Pernia, na unang NEDA chief ni Duterte (nag-resign siya noong 2020), pumirma rin.

Ang tanong, paano ipararating at ipauunawa sa nakararaming Pilipino ang magandang planong ito? ’Yan ang hamon sa kampo ni VP Leni sa mga susunod na buwan. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations.