Philippine economy

[ANALYSIS] Lockdown, puro na lang lockdown

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Lockdown, puro na lang lockdown
'Rinse and repeat hanggang sa susunod na surge. Daig pa natin ang mga eksena sa Doctor Strange o Loki.'

Rinding-rindi na ang taumbayan sa isang salita: “lockdown.”

Ngayong may Delta variant na ubod nang bilis ang pagkalat, magkakaroon ulit ng lockdown (enhanced community quarantine o ECQ) sa Kamaynilaan mula Agosto 6 hanggang Agosto 20. Bawal ulit ang religious gatherings at dine-in sa restaurants. Mas pinaaga rin ang curfew – 8 pm na. Limitado na naman ang galaw nating lahat.

Sa isang banda, maaaring isiping nararapat lang ang lockdown. Ayon kasi sa mga pag-aaral, ang Delta variant ay kasing infectious ng chickenpox. At maging ang ilang mga karatig-bansa tulad ng Thailand at Vietnam na naging matagumpay ang pandemic response noong 2020 ay naglo-lockdown na rin ngayon.

Sa kabilang banda, ‘di mo masisisi ang maraming Pilipino kung duda sila sa effectiveness ng isa na namang lockdown. Kahindik-hindik kasi ang naging implementasyon nito simula 2020. 

Para tayong naipit sa isang endless time loop kung saan ang bawat surge ng COVID-19 ay masusundan ng lockdown, na papatay sa ekonomiya, at ‘pag may kaunting pagbaba ng mga kaso ay luluwagan ulit ang restrictions, at bahagyang mabubuhay muli ang ekonomiya. 

Rinse and repeat hanggang sa susunod na surge. Daig pa natin ang mga eksena sa Doctor Strange o Loki.

Meme na kumakalat sa social media.

Ang mas malala, sa dami ng lockdowns noon parang di naman bumaba nang sobra ang mga kaso. Wala ring kadala-dala ang gobyerno sa mga kapalpakan nito.

Una, nakalilito pa rin ang quarantine restrictions. 

Palaki nang palaki ang alphabet soup ng quarantine restrictions, tulad ng ECQ, MECQ, MECQ, MGCQ, atbp. (Bakit di na lang Level 1, 2, 3, 4…?) At seriously, sino ang nakaiintindi sa pagkakaiba ng “general community quarantine” sa “general community quarantine with heightened and additional restrictions?” Sa mga pangalang ito pa lang, pinahihirapan, imbis na pinadadali, ng gobyerno ang buhay ng mga tao. 

Pangalawa, hindi pa rin credible ang quarantine restrictions. 

Noong nakaraang taon, tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Cebuano na “suberbiyo” at sinisi sila sa pagkalat ng sakit sa Cebu. Naging mainstay na nga ang pasaway narrative sa lingguhang “Talk to the Nation” ni Duterte. Ngunit habang dinadampot ng mga otoridad ang ordinaryong tao o pinapalo ng yantok, pikit-mata naman sila sa kaliwa’t kanang quarantine violations ng mga politiko at VIP. 

Pangatlo, ‘di pa rin lapat sa siyensya at medisina ang quarantine restrictions. 

Sinisita sa jeep ang mga ‘di nagsusuot ng face shield, kahit na yung mismong nanghuhuli ay walang face shield, at kahit na wala naman talagang silbi ang face shield. Obsessed din sa naspu-naspu ang mga establisimyento, kahit na ipinapakita ng mga pag-aaral na airborne ang virus. Mas maganda pa kung siguruhin ng gobyerno ang proper ventilation sa mga establisimyento – tulad ng suhestiyon ng mga pag-aaral – ngunit ‘di pa rin nila ito ipinatutupad nang maigi.

Must Read

[OPINION] Why do we need an ECQ now?

[OPINION] Why do we need an ECQ now?
Pang-apat, palpak pa rin ang gobyerno sa tatlong T: testing, (contact) tracing, at treatment. 

Kanya-kanyang bayad pa rin ang mga tao (lalo na ang mga manggagawa) sa kanilang tests, samantalang puwede naman itong gawing libre ng gobyerno. At ngayong may Delta variant, ang sobrang taas na positivity rate (tumataginting na 15.7% noong Agosto 2) ay indikasyon na sobrang kaunti pa rin ng mga tine-test araw-araw. (Dapat kasi ang positivity rate ay ‘di hihigit sa 5%.) Hindi rin pinalaki ng gobyerno ang kapasidad nito para sa genomic sequencing, kaya ‘di natin masabi accurately kung ilan ba talaga ang tinatamaan ng Delta variant.

Kaunti na lang ang sumeseryoso sa contact tracing, at napakarami pa ring mga establisimyento ang umaasa sa pen-and-paper imbis na QR codes. At alam mong walang pakialam dito si Duterte dahil ‘di niya inextend ang Bayanihan 2 noong June 30. Tuloy, nawalan ang gobyerno ng halos P600 milyon para sa pag-hire at train ng contact tracers. Pera na, naging bato pa.

‘Di rin sapat ang treatment capacity ng gobyerno. Noong Marso at Abril, nakita natin ang mga pasyenteng nag-hospital-hopping para lang makahanap ng bakanteng kama. ‘Yung ilan inalagaan na lang sa kotse ng kanilang doktor, o kaya naman ay nanatili na lamang sa bahay.

Ngayong may Delta variant, linya-linya na ulit ang mga ambulansya sa mga ospital. Akalain ninyong wala pa rin palang sistematikong dashboard ang gobyerno na mag-uugnay sa iba’t ibang mga ospital at magpapakita kung saan may kulang o sobrang mga kama at pasilidad?

Pinabayaan din ni Duterte ang health workers na kunwari ay pinapurihan niya sa kanyang huling SONA. Sa ‘di niya pag-extend sa Bayanihan 2, napakaraming pera para sa special risk allowance ng health workers ang nawala rin nang parang bula.

Panlima, napakalayo pa rin natin sa herd immunity.

Mabilis at malawakang bakunahan sana ang isang mainam na panlaban natin sa Delta (at iba pang mga) variant. Ngunit noong Agosto 1, 8.3% pa lang ng populasyon ang nababakunahan – napakalayo sa pinangakong 70% by December. Ang good news, humigit sa kalahating milyon ang naturukan sa buong bansa sa araw na iyon, isang record high. Sa ganoong bilis, pitong buwan lang bago natin makamit ang herd immunity. 

Tuloy-tuloy naman daw ang bakunahan kahit sa ECQ areas, pero nakasalalay ito sa mabilis na pagdating ng mga bakuna. Ang problema, tingi-tingi pa rin iyon, at napakakonti rin ng mga nababakunahan sa mga probinsya kung saan talamak din ang mga bagong kaso.

Pang-anim, pinagdadamutan pa rin ng gobyerno ang ayuda ng taumbayan.

Ayon sa Palasyo, sigurado nang mabibigyan ng hanggang P4,000 ang bawat mahirap na pamilya sa ECQ areas tulad ng Kamaynilaan, Iloilo City, at Cagayan de Oro City. Ngunit tulad ng cash transfers noong 2020, kulang na kulang ito para sa gastusin ng isang ordinaryong pamilya. 

Nagkukumahog din ang gobyernong mangalap ng pagkukunan ng ayuda. Pero hindi sana nila ito problema ngayon kung minadali ng Kongreso ang pagpasa sa Bayanihan 3, na magbibigay ng higit sa P400 bilyong ayuda para sa iba’t ibang sektor. Nobyembre pa lang ay pinanukala na ito ng ilang mambabatas. Ngunit hanggang ngayon di pa rin ito ginagawang “urgent” ni Duterte.

Dapat ding sisihin ang kawalan ng ayuda sa 2021 budget: nagbuhos ba naman ang gobyerno ng pera para sa Build, Build, Build imbis na sa pandemic response, bakuna, at ayuda (tignan ang table sa ibaba). 

Kung panic mode ang gobyerno ngayon dahil sa ayuda, wala silang dapat sisihin kundi sila mismo. 

Sa huli, kung ‘di pa rin magiging klaro, kapani-paniwala, at base sa siyensiya ang quarantine restrictions; kung ‘di pa rin palalakasin ang testing, tracing, at treatment; kung ‘di pa rin bibilis at lalawak ang bakunahan; at kung ‘di pa rin magbibigay ng sapat na ayuda ang gobyerno, magiging palpak ulit ang panibagong round ng lockdown. Masasayang lang ulit ang pagod at sakripisyo ng mga Pilipino.

Personally, ‘di na ako umaasang magbabago ang administrasyong Duterte at matututo sila sa kanilang mga kamalian hanggang sila’y bumaba sa puwesto sa Hunyo 30, 2022. 

Kung gusto nating matapos agad ang pandemya – o at least umayos sa wakas ang pandemic response – bumoto tayong lahat nang wasto sa Mayo. – Rappler.com

JC Punongbayan is a PhD candidate and teaching fellow at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations.