[ANALYSIS] Ampaw na SONA vs gintong medalya

Kung gaano kapalpak ang pandemic response ni Pangulong Rodrigo Duterte, ganoon naman kaampaw ang kanyang huling SONA.

Ang matinong presidente ay tatayo sa rostrum at sisimulan ang SONA sa pandemya, dahil ito ang pinakaimportanteng isyung kinakaharap ng bansa. Maglalatag siya ng klaro at kongkretong plano para pigilan ang paglala nito, lalo na ngayong kumakalat na ang Delta variant.

Ngunit dalawang oras na ang SONA, di pa rin tinalakay ni Duterte ang pandemya. Nauna pa niyang talakayin ang mga benepisyo at pensyon para sa mga sundalo at pulis, ang walang kamatayang laban kontra droga, ang away niya sa oligarchs at mga komunista, at ang Balangiga bells. 

Walang bago. Same, same. Ho-hum.  

Hindi rin niya binigyang pansin masyado ang krisis pang-ekonomiya natin, na actually pinakagusto ng taumbayan na matugunan sa SONA.

Ayon sa bagong survey ng Pulse Asia, 38% ng mga Pilipino ang may gusto sanang talakayin ni Duterte sa SONA ang paglikha ng mga trabaho at negosyo; 35% ang sa pagpapaunlad ng ekonomiya; at 33% ang sa pag-awat sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. 

'Yung laban kontra droga, 17% lang ang gustong makarinig. Ni wala sa listahan 'yung ibang pet topic ni Duterte.

Source: Pulse Asia.

Sabi nga, “It’s the economy, stupid.” Ngunit iniwan ni Duterte sa ere ang madla.

Hindi niya binanggit na lugmok pa rin ang ekonomiya at “sick man of Asia” na ulit tayo ngayon. Hindi niya binanggit na halos 4 na milyon pa rin ang walang trabaho. Hindi niya binanggit na lagpas 4% pa rin ang inflation rate. Hindi niya binanggit na milyon-milyon pa rin ang nagugutom. (BASAHIN: Malubha ang state of the nation)

Sa halip, ipinagmalaki niya ang ilang economic statistics bago magsimula ang pandemya, gaya ng pagbaba ng unemployment rate, paglakas ng tax effort (o porsiyento ng kita ng gobyerno sa kabuuang produksyon ng bansa), at pagtaas ng credit ratings. 

Sa isip kasi ni Duterte at ng kanyang economic managers, ang timeline ng Pilipinas ay nahahati sa pre- at post-pandemic. At kapit-tuko sila sa mga datos bago ang pandemya dahil alam nilang sirang-sira ang record nila ngayon. Wala silang maipagmalaki.

Dahil sa kanilang knee-jerk lockdown mentality at pagkahumaling sa credit ratings, nabigo silang pasiglahin ang ekonomiya. Tuloy, may “negative” outlook na mula sa Fitch, isang credit rating agency. Pababa rin nang pababa ang growth forecasts.

Si Duterte mismo ay nakakulong pa rin sa lockdown mentality. Sinabi niya sa SONA na di na natin afford ang lockdowns. Pero maya-maya sinabi rin niyang baka mag-lockdown ulit dahil sa Delta variant. Ano ba talaga? 

Binanggit din ni Duterte ang Build, Build, Build at ilang proyekto sa ilalim nito, gaya ng LRT-2 Extension papuntang Antipolo at ang bagong bukas na Skyway Stage 3. Pero sa totoo lang, nagsimula iyon (at iba pang mga proyekto) sa mga nakaraang administrasyon. Nagkataon lang na naganap ang ribbon cutting sa termino ni Duterte. 

Sa makatuwid, imbis na Build, Build, Build, mas abala pa sila sa Credit Grab, Grab, Grab. 

Sinabi rin ni Duterte na ayaw niyang ibuhos ang mga proyekto ng gobyerno sa Davao. Pero fake news ito. Napakaraming public works na ginagawa sa Davao City, tulad ng bagong bypass road at coastal road. 'Yung pinangakong Mindanao Railway ay na-delay na dahil binago ang ruta upang makadaan ito sa Davao region. At karamihan ng pondo sa barangay development program ng NTF-ELCAC ay napunta sa Davao. 

Hinggil naman sa ayuda, nabanggit saglit ni Duterte ang Bayanihan 1 at 2 at ilang motherhood statements ukol sa bayanihan spirit. Pero siyempre hindi niya binanggit ang bilyon-bilyong pondo na nasayang at ibinalik lang sa Treasury dahil nabigo siyang i-extend ang Bayanihan 2. 

Wala rin ni ho ni ha sa Bayanihan 3 na magbibigay sana ng mas marami pang ayuda sa taumbayan, ngunit di niya idineklarang “urgent.”

Obvious ba na walang pakialam si Duterte sa paghihirap ng mga Pilipino?

Tumagal nang 2 oras at 46 minuto ang SONA ni Duterte, pinakamahaba sa kanyang termino at sa lahat ng mga SONA mula noong martial law. Pero naging ampaw ito. Walang laman, walang focus. As if lumipas na ang pandemya at krisis pang-ekonomiya.

Sa huling taon ni Duterte, di na ako umaasang lubhang mag-i-improve pa ang tugon niya sa kambal na krisis na kinakaharap natin. Napakarami nang oportunidad para itama ang mga mali. Pero di matuto-tuto siya at ang kanyang mga alipores. Tayo-tayo na lang ulit ito.

Malamang may pandemya pa rin sa 2022, o mas matagal pa. Kaya kung gusto nating umayos ang bansa, bumoto tayong lahat nang wasto sa Mayo. Doon tayo sa hindi inutil at totoong may malasakit.

Ginto

Kung gaano nakapanlulumo ang huling SONA ni Duterte, nabawi iyon sa gintong medalyang nakamit ni Hidilyn Diaz sa Tokyo Olympics. 

Ito ang pinaka-unang ginto ng Pilipinas mula noong 1924 (o 97 years nang nakararaan) kung kailan una tayong sumali sa Olympics.

Ibang klase 'yung pakiramdam habang pinapanood si Hidilyn na umiiyak habang kinakanta ang Lupang Hinirang, at itinataas ang watawat ng Pilipinas na mas mataas sa watawat ng China. 

Naiyak ako, to be honest. Faith in humanity restored, ika nga. Di lang barbell ang binuhat ni Hidilyn, kundi ang taumbayan din – sa paraan na bigong-bigo si Duterte na gawin sa ubod nang haba niyang SONA.

Isang malaking sampal din ang gintong medalya ni Hidilyn sa administrasyong Duterte na imbis na tulungan siya ay idinawit pa sa imbentong “Oust Duterte” matrix noong 2019. Inatake din si Hidilyn ng kaliwa’t kanang trolls habang siya ay humihingi ng tulong pinansyal. 

Ngayon, tila nag-iba na ang ihip ng hangin: Ipinagmamalaki na ng ibang trolls na nanalo ang Pilipinas ng Olympic gold sa panahon ni Duterte – as if utang na loob natin 'yun sa kanya.

Kung ang Build, Build, Build ay tadtad ng credit-grabbing, pati ba naman Olympics? Ang ginto ni Hidilyn ay sa kanya, at bunga ng kanyang pagsusumikap sa gitna ng gobyernong tumalikod, nagpabaya, at umalipusta pa sa kanya. Tantanan ninyo si Hidilyn.

Pagkatapos ng SONA, para tayong namatayan ng pag-asa. Kaya tumpak 'yung nagsabi sa Twitter, “From #SONA to Hidilyn Diaz is the pagpag we deserve.” – Rappler.com

JC Punongbayan is a PhD candidate and teaching fellow at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

JC Punongbayan is a PhD candidate and teaching fellow at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations.

image