government debt

[ANALYSIS] Marcos debt: Ano ang katotohanan?

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Marcos debt: Ano ang katotohanan?
Para sa kapakanan ng bansang ito, sana maging mas mapanuri at kritikal tayong lahat sa mga nakikita natin sa loob at labas ng social media

May kumakalat na post sa Facebook ngayon hinggil sa mga utang ng rehimeng Marcos. 

Ayon sa may-akda, maraming dahilan daw kung bakit hindi naman ganoon kalaki ang utang ng Pilipinas noong Marcos years. 

Una, $1 bilyon lang daw ang utang panlabas (external debt) ni Marcos at hindi $24 bilyon tulad ng sinasabi ng “detractors.” Paano naging $1 bilyon lang? 

May thesis daw kasi ang isang nagngangalang Frank Pasion (pinamagatang “The Incomparable Achievements of President Ferdinand E. Marcos”) na nagsabing kailangan daw ibawas ang tatlong bagay sa $24 bilyon na iyon.

Una, ang $13.5 bilyon na minanang utang ni Marcos mula sa siyam na nakaraang pangulo. Ikalawa, ang $7 bilyon na inutang ng pribadong sektor at mga negosyante noong diktadura. Ikatlo, ang $2.5 bilyon na US dollar reserves na iniwan sa Central Bank ni Marcos bago patalsikin sa Malacañang.

Kung ibabawas daw ang tatlong iyon mula sa $24 bilyon, $1 bilyon na lang ang matitirang utang panlabas na dahil kay Marcos. Pagkaliit-liit. Petiks.

Pero mali ang computation na ito. 

Makikita sa Figure 1 ang grabeng paglobo ng utang panlabas ng Pilipinas mula 1961 hanggang 1986, ayon sa masusing pag-aaral nina Boyce and Zarsky (1988)

Figure 1.

Simple lang naman ang computation dapat. Dapat tingnan: ano ang dinatnang utang ni Marcos, at ano ang level nito noong siya’y napatalsik sa puwesto noong 1986?

Noong 1965, bago manalo si Marcos bilang pangulo sa unang pagkakataon, ang kabuuang utang panlabas ng Pilipinas ay nasa $0.8 bilyon. (Dito pa lang, maling-mali na ang claim na $13.5 bilyon daw ang “minanang” utang ni Marcos.)

Samantala, noong 1985, ang huling buong taon ni Marcos sa puwesto, ang utang panlabas ng bansa ay umakyat sa nakalululang $26.25 bilyon. 

Kung gayon, nadagdagan ang utang ng Pilipinas ng tumataginting na $25.45 bilyon sa loob lamang ng dalawang dekada. (Kulang pa pala yung $24 bilyon na sinasabi ng “detractors.”)

Kung magsisimula tayong magbilang sa deklarasyon ng Batas Militar noong 1972, ang utang na nadagdag sa panahon ni Marcos ay $23.52 bilyon. Dambuhala pa rin, at sang-ayon sa $24 bilyon ng “detractors.”

What if mag-focus lang tayo sa utang ng public sector (at ibawas natin ang utang ng private sector)? Mula 1965 hanggang 1985, lumobo iyon nang $18.66 bilyon. Kung magbilang tayo mula 1972 hanggang 1985, $18.01 bilyon ang nadagdag. Either way, sobrang laki pa rin kompara sa $1 bilyon na sinasabing utang dahil kay Marcos.

Halata sa Figure 1 ang paglobo ng utang panlabas ng Pilipinas, lalo na noong late 1970s hanggang mid-1980s, at pansining dahil iyon sa mga utang ng public sector o gobyerno.

Ngunit tandaang kontrolado rin ni Marcos noon ang kaliwa’t kanang mga negosyo sa pribadong sektor dahil sa pagtatalaga niya ng cronies (mga kamag-anak at kaibigan) sa samut-saring industriya at sektor. Kung gayon, ang paglobo ng utang ng pribadong sektor noong Batas Militar ay maaaring iugnay din sa diktadurang Marcos. (BASAHIN: Just how bad was corruption during the Marcos years?)

Samakatuwid, kahit paano mo bali-baligratin ang datos, naglalaro sa $18 bilyon hanggang $25.45 bilyon ang paglobo ng utang panlabas ng Pilipinas sa panahon ni Marcos. Napakalayo sa sinasabing $1 bilyon lamang.

Utang ng mga pangulo

Sa viral post, ihinambing din ang yearly na utang ng mga dating pangulo mula kay Marcos hanggang kay Noynoy Aquino. Lumalabas daw na sa 21 taong panunungkulan ni Marcos, mas maliit ang inutang niya kada taon kompara sa mga sumunod sa kanya.

Ngunit mali ang ganoong comparison.

Kung i-e-extend mo kasi ang datos sa kasalukuyang panahon, mapapansing tuloy-tuloy talaga ang pagtaas ng utang panlabas ng bansa sa mga administrasyong sumunod kay Marcos. 

Pero natural lamang iyon habang lumalaki ang ating ekonomiya, populasyon, pangangailangan ng taumbayan, at habang tumataas ang presyo ng mga bilihin sa paglipas ng panahon.

Kaya naman mas akmang tingnan ang utang panlabas ng Pilipinas bilang porsiyento ng kabuuang kita o income nito, na sinusukat gamit ang gross domestic product (GDP) o gross national income (GNI). 

Makikita sa Figure 2 na ang external debt-to-GNI ratio ng Pilipinas ay umarangkada noong Batas Militar at pumalo sa lagpas 90% noong 1986. Ibig sabihin, ang utang panlabas natin ay halos kasing laki na ng ating kabuo=uang produksiyon. 

Maraming taon ang nagdaan bago natin napababa iyon sa mahigit-kumulang 20%. Fast-forward to 2020, mapapansing kahit medyo tumaas ang external debt-to-GNI dahil sa COVID-19, walang binatbat iyon sa paglobo ng ating utang panlabas noong panahon ni Marcos.

Figure 2.
Foreign reserves

Sa viral post, sinabi rin na ayon sa “official Central Bank records,” may $2.5 bilyong reserves na iniwan si Marcos bago ang kanyang exile sa Hawaii.

Ngunit kung susuriin ang datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP (puwedeng i-download ang Excel file), makikita na ang gross international reserves ng bansa ay $925.6 milyon lang noong Pebrero 1986. 

Ilang buwan bago iyon, noong Disyembre 1985, $1.087 bilyon ang ating international reserves. Ngunit ang utang panlabas natin ay tumataginting na $26.6 bilyon. Paano mo babayaran iyon gamit lamang ang mahigit $1 bilyon na reserves? Malinaw na kulang na kulang ang pera ng Pilipinas noon para bayaran ang dambuhalang mga utang ni Marcos.

Sa katunayan, sa kabuuan ng Batas Militar (hindi lamang sa katapusan noon) ay kulang talaga ang ating reserves kompara sa ating utang panlabas. Mula sa reserve-to-external debt ratio na 22.47% noong 1972 (mababa na iyon), sumadsad pa iyon sa record low na 3.54% noong 1983. 

Figure 3.

By the way, importante ang taong 1983 dahil noong Oktubre ng taong iyon ay nagdeklara ang economic managers ni Marcos ng “debt moratorium.” Ibig sabihin, umamin silang ‘di na kayang bayaran ng Pilipinas ang mga pagkakautang nito. (Bakit hindi man lang ito nabanggit sa viral post?)

Naantala rin ang negosasyon natin sa mga pinagkakautangan dahil noong Disyembre 1983 ay nabuking ang governor ng Central Bank na si Jaime Laya na nagsinungaling hinggil sa totoong level ng ating international reserves. Minanipula niya ang statistics ng gobyerno at pinatungan ng $1.1 bilyon ang international reserves upang ipamukha na ’di bangkarote ang rehimeng Marcos. 

Sa kalaunan, sinibak ni Marcos si Laya bilang gobernador ng Central Bank (at itinalaga siya bilang minister for education, culture, and sports). Ngunit dinungisan ng insidenteng iyon ang reputasyon ng bansa sa international community, at lalo tuloy tumagal ang mga negosasyon hinggil sa mga inutang ni Marcos.

Bakit hindi kumpleto ang kuwentong ito sa viral post, at conveniently left out ang mahahalagang detalye?

While we’re on this subject, bakit nga ba nagkulang ang reserves natin noong panahon ni Marcos? Mahabang kuwento; puwede tayong abutin ng isang semester sa discussion. 

Pero in a nutshell, iyon at dahil sa maraming factors, tulad ng dambuhalang mga utang ni Marcos na napunta sa mga inefficient na proyekto, sa malawakang korapsiyon ni Marcos at kanyang cronies, sa mga polisiyang dumepende sa matinding importasyon, at mahinang export earnings, sa pagtaas ng world interest rates noong umpisa ng 1980s, at sa kawalan ng kompiyansa ng mga negosyante noong early 1980s at paglisan ng kapital sa ekonomiya. (Basahin ang bagong UP School of Economics discussion paper na isinulat namin nina Professor Emeritus Emmanuel S. de Dios at Prof. Ma. Socorro Gochoco-Bautista.)

Maging mapanuri

Sa unang tingin, madaling mapaniwala sa viral dahil maraming numerong ipinakita, at may ilang sources pa sa dulo upang magmukhang legit. Sinabi rin ng may-akda na “I didn’t make up the figures.” 

Ngunit bukod sa mali-maling economic analysis, maraming red flags din sa references na isinama.

Una, lumalabas na marami sa mga argumento sa post ang hango (halos word-for-word) mula sa librong Marcos Legacy Revisited: Raiders of the Lost Gold (title pa lang, kaduda-duda na) na inakda ng Marcos supporter na si Erick San Juan noong 1998.

Nabanggit sa librong iyon ang thesis na “The Incomparable Achievements of President Ferdinand E. Marcos,” na ginamit upang sabihing $1 bilyon lang ang utang ni Marcos. Ngunit walang hits sa Google ang thesis na iyon, maliban sa isang mistulang conspiracy theory periodical na pinublish noong 2001 sa Las Vegas.

Ikalawa, sloppy ang pag-quote sa mga numero. 

Halimbawa, makailang beses na sinabi raw ng Inquirer na $26.7 bilyon ang utang ng Pilipinas noong 1986. Pero sa link na ibinigay, ang numerong iyon ay quotation pala mula kay Representative Carlos Zarate (hindi galing sa Inquirer mismo). 

Imbes na magbanggit ng “Inquirer version” ng debt statistics, bakit hindi na lang kumuha ng accurate at comparable na datos mula sa reliable databases tulad ng World Bank, o ’di kaya mga scholarly at peer-reviewed articles tulad ng isinulat nina De Dios et al. (1984), Boyce and Zarsky (1988), at Dohner and Intal (1989)?

May kasabihan, “There are three kinds of lies: lies, damned lies, and statistics.” 

Sa panahon ngayon, napakadaling balutin ang mga kasinungalingan gamit ang mga numero. At asahan ang marami pang ganoong klaseng lies and misconceptions habang papalapit ang eleksiyon.

Para sa kapakanan ng bansang ito, sana maging mas mapanuri at kritikal tayong lahat sa mga nakikita natin sa loob at labas ng social media. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.