Philippine economy

[ANALYSIS] Pagdating sa ekonomiya, sinong kandidato ang paniniwalaan mo?

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Pagdating sa ekonomiya, sinong kandidato ang paniniwalaan mo?
Paano mo naman mapagkakatiwalaan sa economic issues ang taong hanggang ngayon ay itinatanggi ang matinding kahirapan at krisis pang-ekonomiya na idinulot ng kanyang ama at ina noong Batas Militar?

Bukod sa COVID-19, ang pinakamalaking problemang kakaharapin ng susunod na pangulo ay ang recovery ng ating ekonomiya.

Ayon sa pinakabagong datos ng gobyerno para sa huling tatlong buwan ng 2021, malapit nang makabalik ang produksiyon ng bansa (na sinusukat ng GDP o gross domestic product) sa antas nito noong huling bahagi ng 2019, o bago sumapit ang pandemya (Figure 1).

Sa mga nakalipas na buwan kasi, muling sumigla ang mga serbisyong bumubuo sa 59% ng ating ekonomiya – lalo na ang arts, entertainment, at recreation. Ito’y buhat ng mababang transmission ng COVID-19 at muling pagbubukas ng maraming establisyemento tulad ng mga restaurants, hotels, sinehan, museo, atbp.

Figure 1.

Ayon sa economic managers ng gobyerno, malamang makababalik na tayo sa pre-pandemic levels ng produksiyon ngayong unang quarter ng 2022. Ngunit ipinaalala sa atin ng Omicron variant na may pandemya pa rin. Laganap ulit ang COVID-19, at natatakot ulit lumabas ng bahay ang mga tao. At ’pag takot silang lumabas, hindi sila masyadong makagagastos, at muling dadapa ang ekonomiya.

Kaya napakaimportanteng pagtuunan ng pansin ng susunod na pangulo ang mas maayos, mas klaro, at mas siyentipikong pandemic response. Dito nakasalalay ang tuluyang pagbangon ng ating ekonomiya.

COVID response

Naririnig ba natin ito sa mga kumakandidato sa pagkapangulo? Gusto kong pagtuunan ng pansin dito ang mga sagot nina VP Leni Robredo at Bongbong Marcos sa interviews nila kay Boy Abunda kamakailan.

Ayon kay VP Leni, kailangang magkaroon ng “sense of urgency” sa pag-responde sa pandemya, at siya raw mismo ang tututok sa day-to-day response. Magsisilbi siyang conductor o taga-kumpas ng mga programa at polisiya ng lahat ng sangay ng gobyerno. Nabanggit din niya ang essentials ng pandemic response tulad ng testing, tracing, and treatment (3Ts).

Hindi binanggit ni Marcos Jr. ang mga ito. Sa halip, sinabi niyang dapat may “jab to jobs” kung saan palalawakin ang bakunahan. Ngunit ang bakunahan ay isang parte lamang ng maayos na pandemic response. At least, dapat nabanggit ang 3Ts.

Sa tanong hinggil sa pandemic response, nabaling din agad ang usapan sa ekonomiya, sa pangangailangang bumalik ng mga tao sa trabaho, at pag-revitalize sa MSMEs na 95% daw ng mga negosyo sa bansa (actually, ang totoong numero ay 99.51% as of 2020). Gagawin daw ito sa pamamagitan ng pagpataw ng mas mababang buwis, tax holidays, at amnesties para sa kanila.

Pero paano makatutulong ang mga iyan kung takot ang kanilang customers na lumabas ng bahay? Ayon sa maraming ekonomista, bago makabangon nang tuluyan ang ekonomiya, kailangan munang ayusin ang pandemic response. Good health policy is good economic policy.

Kahirapan

Nagtanong din si Boy hinggil sa kahirapan ngayong pandemya. Ani VP Leni, kailangang tutukan ang blue, green, at gold sectors (maritime and fisheries, agriculture and climate jobs, at tech and digital industries). Magbibigay daw siya ng stimulus grant o ayuda sa maliliit na negosyo, pati pautang na mababa ang interes. Kailangan din ng unemployment insurance para sa mga nawalan ng trabaho. Detalyado ang kanyang mga sagot.

Si Marcos Jr. naman, sinabi na kailangang lumikha ng trabaho – isa sa pinakagasgas na linya ng mga politiko mula kopong-kopong. Dinaan niya rin ang sagot sa paggamit ng samut-saring motherhood statements, tulad ng “government needs to invest in agriculture,” “we have a beautiful country, Filipinos are a beautiful people” (sa konteksto ng pagpapasigla sa turismo), at kailangan daw i-involve ang maraming sektor ng ekonomiya.

OFWs

Pagdating naman sa OFWs, sinabi ni VP Leni na kailangang ayusin ang ekonomiya para ’di na kailangang umalis ng mga Pilipino para lang kumita nang maayos. Pero kailangan ding bigyan ng chance ang mga gustong umalis. Binanggit niya ring sa Naga may “migrant resource office” na tumutugon sa pangangailangan ng mga pamilyang naiwan ng OFWs.

Ani Marcos Jr., ideally ’di na dapat umalis ng mga tao, at kung puwede ay bumalik na lahat ng OFWs. Pero malabo iyon, at ang sagot ayon sa kanya ay bigyan sila ng mga trabaho pagbalik.

Pero sana na-bring up ni Tito Boy na ang OFW phenomenon ay lumaganap noong Batas Militar. Mula 1975 hanggang 1983, lumaki ang porsiyento ng OFWs sa ating populasyon nang halos 10 beses dahil sa kawalan ng magagandang trabaho at pagtamlay ng ekonomiya (Figure 2).

Noong 1984 at 1985 naman, naranasan natin ang pinakamalalang krisis pang-ekonomiya ng bansa mula World War II. (Hanggang ngayon ay ’di ito nadaig ng krisis pang-ekonomiya dulot ng COVID.)

Figure 2.
Utang

Sa usaping utang, siniguro ni VP Leni na ang perang inutang natin so far sa pandemya ay mapupunta sa mga bagay na mataas ang returns o balik sa ating lipunan. Tama siya sa pagsasabing hindi masama ang umutang, pero masama kung masasayang o kukurakutin lang ang inutang.

Nagkaroon pa nga siya ng mini economics lesson sa pag-discuss ng terminong “debt-to-GDP ratio” o porsiyento ng ating utang sa ating pambansang kita. Tama siya sa pagbanggit na lagpas 60% na iyon, kaya dapat pataasin ang GDP sa lalong madaling panahon.

Ang sagot naman ni Marcos Jr., kailangang buhayin o i-revitalize ang ekonomiya at palakasin ang checks and balances para siguruhing ’di mawawaldas o kukurakutin ang inutang.

Ipokrito siya rito. Dapat sana’y na-bring up ni Tito Boy ang sandamakmak na perang inutang ni Ferdinand Marcos noong Batas Militar, na nasayang lang at napunta sa bank accounts ng mga Marcos at cronies nila.

Mula 1965 (unang nag-oath taking si Marcos Disyembre ng taong iyon) hanggang 1985 (huling buong taon niya sa puwesto), lumaki ang panlabas na utang ng bansa ng tumataginting na $25.45 bilyon (Figure 3). Bakit hindi pinag-usapan ang elephant in the room na ito? (BASAHIN: Marcos debt: Ano ang katotohanan?)

Figure 3.
Korupsiyon

Pinag-usapan din ang korupsiyon. Ani VP Leni, hindi sapat na sabihin niyang hindi siya mangungurakot. Sa halip, dapat magkaroon ng mga batas at mekanismo upang pigilan ang korupsiyon at siguruhing transparent ang lahat ng government procurement processes. Kung puwede, dapat isapubliko ang bawat transaksiyon ng gobyerno.

Samantala, sinabi ni Marcos Jr. na dapat i-minimize ang korupsiyon. Hindi raw kasi ito mabubura nang tuluyan. Bakit parang ’di siya committed sa pagsugpo rito? Muli, ’di na iyon kagulat-gulat dahil sinasabing magnanakaw naman ang pamilya nila. In fact, si Ferdinand Marcos pa rin ang may hawak ng Guinness World Record for Greatest Robbery of a Government dahil sa nakaw na yamang tinatayang $5 bilyon hanggang $10 bilyon.

Sa kabuuan, naging mas klaro at detalyado ang mga sagot ni VP Leni hinggil sa mga isyung pang-ekonomiya. ’Di na kagulat-gulat iyon, dahil si VP ay may solid at lehitimong economics background: graduate siya ng UP School of Economics noong 1986. Samantala, ayon sa mga dokumento, bumagsak si Marcos Jr. sa economics noong nasa Oxford siya (Figure 4).

Figure 4. Mga grado ni Marcos Jr. sa Oxford. Source: Vera Files/ABS-CBN.

Pero bukod sa credentials, paano mo naman mapagkakatiwalaan sa economic issues ang taong hanggang ngayon ay itinatanggi ang matinding kahirapan at krisis pang-ekonomiya na idinulot ng kanyang ama at ina noong Batas Militar – krisis na nag-ugat sa palpak na pamamalakad ng ekonomiya, katakot-takot na utang, at walang habas na korupsiyon ng kanyang pamilya?

Sa mga ’di pa nakaaalam, lagpas 20 taon bago tayo naka-recover sa krisis pang-ekonomiya na idinulot ng Batas Militar. (BASAHIN: Marcos years marked ‘golden age’ of PH economy? Look at the data)

Pamilyang ito ba ang aasahan mo sa muling pagbangon ng ating ekonomiya at bansa? Samantalang sila mismo ang nagpalugmok sa ating ekonomiya noong Batas Militar? – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations.