COVID-19

[ANALYSIS] Dambuhalang COVID loans ni Duterte, saan napunta?

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Dambuhalang COVID loans ni Duterte, saan napunta?
Kung ’di maaayos ang kaperahan ng gobyerno, ani Secretary Dominguez, maaaring magkulang ang gastos nito sa importanteng investments na kailangang-kailangan upang makabangon agad ang bansa

Normal para sa maraming bansa – kabilang ang Pilipinas – na umutang ng malalaking halaga sa gitna ng COVID-19 pandemic.  

Habang lumagpak kasi ang ating ekonomiya nang halos 10% noong 2020, lumagpak din ang kita ng gobyerno mula sa mga buwis atbp. Samantala, lumobo naman ang gastusin ng gobyerno para sa pandemic response – bagama’t kulang pa rin ang inilaan nilang pondo para rito.

Dahil sa kakulangan ng pondo ng gobyerno, napabalita kamakailan na umabot na pala sa P1.15 trilyon (trilyon with a T) ang foreign loans and grants ng administrasyong Duterte para tugunan ang pandemya. Katumbas iyon ng $22.58 bilyon. Kung isasama mo ang interes, lolobo lalo ang ating COVID loans sa P1.47 trilyon o $28.91 bilyon. 

Samantala, ang debt-to-GDP ratio ng bansa (o ang kabuuang utang ng Pilipinas bilang porsiyento ng kabuuang kita nito) ay pumalo na sa 63.1% noong Setyembre 2021. Pinakamataas iyon sa loob ng 16 na taon. 

Lumalabas din na tayo ang bansang may pinakamalaking pagkakautang sa World Bank ngayong 2021.

Paano umabot sa mahigit isang trilyong piso ang COVID loans ng gobyerno? Dapat ba tayong mabahala? At saan napunta ang perang iyon?

Paano lumobo?

Ayon sa pinakahuling tala ng Department of Finance o DOF, nahahati sa tatlong kategorya ang COVID financing ng Pilipinas mula sa ibang bansa.

Una ay ang “budgetary support financing,” o pautang ng iba’t ibang bansa at multilateral agencies (tulad ng World Bank at Asian Development Bank) para suportahan ang pondo ng pambansang pamahalaan. Karamihan ay itinatambak sa tinatawag na “general fund” na puwedeng pagkunan ng pondo para sa anumang proyekto ng gobyerno (hindi nakatali sa mga partikular na proyekto).

Ang kabuuang halaga ng budgetary support financing na ito ay lagpas $20 bilyon o 89% ng lahat ng ating foreign COVID financing. Two-thirds noon ang nakuha natin noong 2020, one-third ngayong 2021. Ngunit 88% ng utang na nakuha ngayong 2021 ay hindi galing sa ibang bansa o multilateral agencies, kundi sa issuance ng ating gobyerno ng securities (bonds) abroad.

Ang pangalawang kategorya ay “project loan financing,” o pautang para sa mga partikular na proyekto ng gobyerno. Hindi iyon puwedeng gastusin sa kung saan-saang bayarin ng gobyerno. Nagkakahalaga iyon ng $2.395 bilyon o 10.6% ng kabuuang foreign COVID financing; 62% noon ay nakuha natin ngayong 2021.

Ang pangatlo at pinakamaliit na kategorya ay “grants” o pondong ibinigay sa atin ng mga dayuhang gobyerno o aid agencies nang walang kapalit. Nagkakahalaga iyon ng $54 milyon (wala pang 1% ng kabuuang COVID financing). Lahat noon ay nakuha natin noong 2020.

Kabuuang utang

Bagama’t nakakalulang pakinggan ang P1.15 trilyong pagkakautang, sa totoo lang ang foreign loans at grants na nakuha natin ay maliit na porsiyento lang ng kabuuang utang ng Pilipinas, na noong Oktubre 2021 ay pumalo na sa P11.97 trilyon. Mahigit na 19% ang laki nito kumpara sa utang natin noong 2020.

’Di hamak na mas nakakatakot na numero pa ang halos P12 trilyon. Ngunit sa katunayan, 71% nito ang galing sa mga Pilipino mismo, mula sa issuance ng ating gobyerno ng securities (Treasury bills and bonds) sa capital markets. Samantala, 29% lang ang hati ng utang panlabas. 

Lumalabas din na ang average na interes na ibinabayad natin sa ating mga utang ay kahit papaano’y maliit na kompara sa mga nakalipas na taon. (Parte ito ng downward trend ng interest rates sa buong mundo.)

By the way, karamihan din sa mga utang natin (halos 65%) ang may long-term maturities. Ibig sabihin, hindi pa naman kailangang bayaran nang buo sa susunod na 10 taon o higit pa. Sa katunayan, ’yung ibang utang ay sa 2060 pa kailangang bayaran nang buo. (Ilang taong gulang ka na by then?)

Saan napunta?

Sa pananaw ng maraming ekonomista, hindi masyadong scary ang trilyon-trilyong utang na nababalita sa TV, radyo, at social media. Nasa emergency naman kasi tayo, at normal lang na umutang ang ating gobyerno kung kulang ang pera nito. Ang importante, magastos nang maayos ang mga inutang natin. 

Pero ganoon nga ba ang nangyari? Naging wasto at masinop nga ba ang paggastos ang administrasyong Duterte sa nakalipas na 20 buwan? Hindi. (BASAHIN: Debt is rising fast, but worry more about Duterte’s spending

Una, mali-mali ang budget priorities ng gobyerno ngayong 2021. Kung gaano lumaki ang pondo para sa mga ahensiyang nakatutok sa imprastraktura, ganoon naman lumiit ang pondo para sa mga ahensiyang nakatutok sa kalusugan at ayuda. At mukhang ganito ulit ang mangyayari sa 2022 budget na tinatapos ngayon ng Kongreso. (BASAHIN: Mali-mali pa rin ang budget priorities ni Duterte sa 2022)

Ikalawa, bukod sa wrong budget priorities, bilyon-bilyong piso rin ang pera ng gobyerno na naging bato pa. Halimbawa, matatandaang bilyon-bilyon ang pondo sa Bayanihan 2 na hindi nagamit ng iba’t ibang ahensiya on time, kaya ibinalik na lang sa Treasury.

Ikatlo, kaliwa’t kanan ang mga anomalya sa paggastos ng pondo ng bayan kahit may pandemya. Higit sa mga nakalipas na taon, tumutok ang taumbayan sa audit reports ng Commission on Audit (COA). Kahindik-hindik naman kasi ang mga nailantad na transaksiyon ng iba’t ibang ahensiya kahit kapos na nga ang kita ng gobyerno. Hindi na sila nahiya.

Pinakamalala ang iskandalong uminog sa Pharmally Pharmaceutical Corporation. Mula sa bilyon-bilyong kontratang nakuha ng isang maliit na kompanya para sa procurement ng PPEs, tests, at face shields; sa pekeng address at pagiging wanted ng mga opisyal ng kompanya sa Taiwan; at sa koneksiyon ng mga alipores ni Duterte sa transaksiyon – ilan lamang ito sa mga nakagagalit na detalyeng lumabas sa Senate hearings. (BASAHIN: ‘Whiff of corruption’? Umaalingasaw na ang Pharmally

Ikalima, sa gitna ng pandemya, itinulak pa ng economic managers ang CREATE Law na nagpababa sa buwis na ibinabayad ng mga korporasyon. Bagama’t layunin ng batas na gawing mas attractive na investment destination ang Pilipinas, di ba’t lalong babawasan noon ang maliit na ngang kita ng gobyerno?

Madalas banggitin ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na “fiscal discipline will save us.” Ang disiplina sa paggastos ang magliligtas sa bayan. Ngunit senyales ba ng “fiscal discipline” ang mali-maling budget priorities ng gobyerno? Ang talamak na underspending at misspending? At lantarang korapsiyon? At sadyang pagpapababa sa buwis ng mga korporasyon para paboran ang malalaking negosyante?

At bakit parang nauwi sa wala ang dambuhalang loans ng gobyerno? Bakit kulelat pa rin tayo sa Resilience Ranking ng Bloomberg at Recovery Index ng Nikkei Asia?

Kailangan nating kulitin ang gobyerno na ipakita ang mga detalye kung saan talaga napunta ang trilyon-trilyong COVID loans ni Duterte. May karapatan ang taumbayan na malaman iyon, dahil sa huli tayo rin ang magbabayad noon.

Mga problema ng susunod na gobyerno

Ani Secretary Dominguez, magiging malaking problema ng susunod na administrasyon ang pagpapalaki sa koleksiyon ng buwis pati na rin ang higanteng utang ng bansa. Kung ’di kasi maaayos ang kaperahan ng gobyerno, aniya, maaaring magkulang ang gastos nito sa importanteng investments (edukasyon, kalusugan, atbp.) na kailangang-kailangan upang makabangon agad ang bansa. 

Ngunit di ba’t sila rin mismo ang sanhi ng marami sa mga problema, dahil hindi naging masinop sa paggastos sa pera ng taumbayan?

Sinabi rin ni Dominguez na magiging problema sa mga susunod na taon ang Mandanas ruling ng Korte Supreme noong 2018, na nag-uutos sa national government na palakihin ang hati o share ng local government units (LGUs) sa kabuuang kita ng gobyerno.

Kakainin daw ng polisiyang ito ang pera ng national government, at lalong magpapalaki sa budget deficit o kakulangan ng pondo ng gobyerno. Baka masayang din daw ang perang iyon ng LGUs – at magdulot ng mas mabagal na recovery ng ekonomiya – dahil ’di kasing efficient sa paggastos ang LGUs, ayon kay Dominguez.

Malaking isyu ang Mandanas ruling, at bibigyang-pansin ko ito sa mga susunod na article. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations.