Philippine economy

[ANALYSIS] Bakit napakamahal ng mga bilihin? Ano’ng solusyon?

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Bakit napakamahal ng mga bilihin? Ano’ng solusyon?
Ngayong nalalapit na ang mahalaga at makasaysayang eleksiyon, maraming mangangako ng mga solusyon sa ating mga problema, kabilang na ang mataas na inflation. Kilatisin nating mabuti ang mga panukala.

Mahirap na nga ang buhay ngayon dahil sa pandemya, dumagdag pa ang sobrang taas na presyo ng mga bilihin.

Makikita sa Figure 1 na noong Setyembre 2021, pumalo sa 4.8% ang “inflation rate” na sumusukat sa pagtaas ng mga presyo.

Mas mababa iyon sa 4.9% noong Agosto, ngunit ’di hamak na mas mataas sa target ng gobyerno na 4% lamang. Sa katunayan, sa lahat ng buwan ng 2021 – maliban noong Hulyo – ay lumagpas tayo sa inflation target na iyon.

Mas malaki rin ang tama ng inflation sa mahihirap: 5% ang naramdaman nilang inflation noong Setyembre. Iyon ay dahil sa mas malaking bahagi ng kanilang budget ang napupunta sa pagkain, at nagsitaasan kamakailan ang presyo ng food items katulad ng baboy at isda.

Figure 1.

Kung hihimayin ang datos (Figure 2), makikitang bukod sa pagkain ay lumalaki rin ang kontribusyon sa inflation ng mga gastusin sa bahay – kuryente, gas, atbp.

Figure 2.

Pagdating sa mataas na food inflation, karne, isda, at gulay ang dapat sisihin (Figure 3). Bagamat humihina na ang kontribusyon sa inflation ng karne (dahil medyo naiibsan na ang kakulangan ng baboy sa merkado), umaarangkada naman ngayon ang presyo ng isda at gulay.

Figure 3.

Samantala, pagdating naman sa inflation ng mga gastusin sa bahay, pinakamalaki ang kontribusyon ng kuryente at gas tulad ng LPG (Figure 4).

Figure 4.

Kung tutuusin, hindi pa dapat ganito kataas ang inflation sa Pilipinas.

Una, mahina pa rin ang ekonomiya natin dahil sa pandemya, at ’di pa rin masyadong masigla ang paggastos ng mga mamimili dahil sa kawalan nila ng kompiyansa sa ekonomiya. Ayon din sa National Economic and Development Authority (NEDA), ’di pa tayo makababalik sa pre-pandemic na antas ng paggastos hanggang sa katapusan ng 2022 o umpisa ng 2023. Ang mababang demand ay ’di sanhi ng mataas na presyo.

Ikalawa, napakababa ng pangunahing interest rate ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Sinadya nilang pababain iyon upang mas ganahang magpautang ang mga bangko, at mas ganahang umutang ang mga tao para sa kani-kanilang negosyo, bahay, o kotse. Ngunit mukhang ’di masyadong epektibo ang polisiya ng BSP, dahil sa malaking bahagi ng 2021 ay lalo pa ngang lumiit (imbes na lumago) ang pagpapautang ng commercial banks.

Ang pangunahing sanhi ng pag-arangkada ng mga presyo ngayon ay ang kakulangan ng supply na iba’t ibang mga produkto.

Baboy

Pinatay ng African swine fever (ASF) ang malaking bahagi ng populasyon ng baboy sa bansa, kaya nagkaubusan ang supply.

Isang madaliang solusyon ng gobyerno ang pag-aangkat ng mas maraming baboy mula abroad. Mula Enero hanggang Setyembre, nag-angkat tayo ng halos 440 milyong kilo ng baboy. Mas mataas iyon nang 261% kumpara sa parehong panahon noong 2020. At marami sa inangkat na baboy ay galing sa Espanya, Canada, at US.

Ngunit dahil sa pagdagsa ng imports at pagbagsak ng presyo ng baboy, maraming hog producers sa bansa ang umaaray. Kailangang ayudahan sila ng gobyerno at tulungang palakihin ang populasyon ng baboy sa bansa sa pamamagitan ng, halimbawa, maayos na repopulation program.

Isda

May problema rin tayo sa produksiyon ng isda, at nag-uugat naman iyon sa lumalalang overfishing.

Upang bumagsak agad ang presyo ng isda, importasyon din ang naging tugon ng gobyerno. Humigit-kumulang 60,000 toneladang isda ang aangkatin natin sa mga susunod na linggo, karamihan noon ay galunggong at bonito (mackerel). Isasabay ang pang-angkat sa pagsasara ng malaking fishing grounds sa bansa ngayong nalalabing katapusan ng 2021.

Ngunit tinututulan din ito ng mga mangingisda. Sa katunayan, hinihikayat ng ilang grupong i-boycott ng mga mamimili (at tindera) ang mga isdang imported, at sa halip ay tangkilikin ang mga isdang huli ng mga mangingisda natin.

Gulay

Umpisa pa lang ng 2021, tinaya na ng gobyernong magkakaroon ng shortage ng gulay. Noong Enero, sinabi ng Department of Agriculture na magkukulang ang supply ng gulay sa Pilipinas nang mahigit 434,000 tonelada. Katumbas iyon ng 79 na araw ng shortage.

Bagama’t sapat naman ang supply ng “highland vegetables” tulad ng carrots, cabbage, at petchay, ngayon ay may kakulangan ng “lowland vegetables” tulad ng ampalaya, kamatis, talong, at sitaw. Asahang tataas pa ang presyo ng gulay sa ibang lugar dahil sa nagdaang bagyong Maring na rumagasa sa Luzon.

Bukod sa shortage – o marahil dahil na rin dito – talamak ngayon ang smuggling ng iba’t ibang gulay. Masama ito ’di lamang sa vegetable growers natin kundi pati na rin sa consumers na ’di makasisiguro sa mga kemikal na ginamit sa mga gulay na iyon.

Obviously, marami pang kailangang gawin ang gobyerno upang ayusin ang supply ng gulay, isda, at karne – at siguruhin ang food security – sa bansa. Importanteng matutukan ito ng susunod na administrasyon.

Kuryente

Pagdating naman sa kuryente, pitong magkakasunod na buwan nang tumataas ang singil ng Meralco ngayong 2021. Minsan dahil daw sa mas mataas na generation charge; minsan dahil sa transmission charge.

Noong Oktubre 21, ipinanukala ng presidential aspirant na si Isko Moreno na kalahatiin ang buwis sa kuryente upang maibsan ang inflation. Ngunit malamang maliit lang ang magiging epekto nito: wala pa kasing 12% ang mga buwis sa ating Meralco bill. Pinakamalaki pa rin ang hati ng generation charge, na 55% ng ating bill.

Ayon sa Meralco, 66% raw ng itinaas ng generation charge ay dahil sa mahigpit na supply ng natural gas mula sa Malampaya facility sa hilaga ng Palawan, lalo na noong Marso at Hunyo. Puwede pang tumaas ulit ang singil sa kuryente dahil sa 20 araw na pagsasara ng Malampaya ngayong Oktubre.

Kritikal ang Malampaya: nasa 40% ng kuryente ng Luzon ang umaasa rito. At tuwing naghihigpit ang supply ng Malampaya, napipilitan ang power generation companies na tumakbo gamit ang liquid fuel na mas mahal – kaya tumataas ang generation charge.

Ang mas nakababahala, hanggang 2027 na lang ang supply ng natural gas sa Malampaya. Importanteng makahanap tayo ng kapalit na pagkukunan ng natural gas. Kung hindi, magkakaroon tayo ng malaking krisis sa kuryente mahigit na limang taon mula ngayon: hindi lang mas mataas na singil ng kuryente, kundi rotating brownouts o blackouts din.

Petrolyo, gas

Panghuli, may epekto rin ang matinding pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at gas.

Ngayong taon tumaas sa world market ang presyo ng krudo nang mahigit 50%. Ito’y dahil sa muling pagbubukas ng maraming ekonomiya ng mundo. At sa mga nakalipas na buwan, hinigpitan din ng OPEC (isang cartel) ang kanilang supply ng langis upang mas pagkakitaan ito.

Sumusunod ang Pilipinas sa kumpas ng world oil market, kaya naman walong magkakasunod na linggo na ring tumataas ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene. Ayon sa Department of Energy, sa loob ng walong linggo, halos P20 kada litro ang itinaas ng unleaded gasoline; P18 naman ang itinaas ng diesel; at P15.50 ang itinaas ng kerosene.

Bukod sa world market, nagluluwag na rin ang ating ekonomiya, at bumabalik na rin ang demand para sa petrolyo.

Pati LPG o liquefied petroleum gas ay nagmamahal din: ngayong Oktubre lang, tumaas ang presyo ng kada tangke nang P80. At maaari pang tumaas sa Nobyembre dahil sa patuloy na pagmahal ng LPG sa world market.

Isang malaking banta sa pagbangon ng ekonomiya natin ang napakataas na presyo ng petrolyo at gas. Ngunit wala tayong gaanong magagawa sa paggalaw ng presyo sa world market. Ayon sa World Bank, baka sa 2nd half pa ng 2022 bumaba ang world energy prices.

Dahil sa mataas na presyo ng petrolyo, kanya-kanyang pasikat na ang mga kumakandidato sa pagkapangulo.

Ani Isko Moreno, kung siya’y mahahalal bilang pangulo, kakalahatiin daw niya ang excise tax o buwis sa mga produktong petrolyo.

Si Ferdinand Marcos Jr. naman, na anak ng diktador, sinabing kailangang suspendehin ang excise taxes upang agad na matulungan ang mga tao. (Ninakaw daw ba niya ang suhestiyon mula kay Isko?) Ani rin ni Marcos Jr., dapat pag-aralan ang pagbabalik ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF) na itinatag noong diktadura ng kanyang ama, upang i-subsidize muli ng gobyerno ang petrolyong ibinebenta sa merkado.

Ngunit may problema sa mga panukalang iyon.

Una, dapat magpasa ang Kongreso ng bagong batas upang i-suspend ang implementasyon ng TRAIN Law, o bawasan ang excise taxes sa ipinataw nito sa mga produktong petrolyo mula noong 2018. Hindi basta-basta pwedeng itigil ng susunod na pangulo ang buwis na iyon.

Ikalawa, kung mahinto man ang pangongolekta ng excise taxes sa petrolyo, bilyon-bilyong piso ang maaaring mawala sa gobyerno: baka umabot ng mahigit P131 bilyon sa 2022. Mahirap iyon dahil nasa gitna pa rin tayo ng pandemya. Kapos na nga sa pera ang gobyerno, liliit pa lalo ang kita nito.

Sa kalaunan, baka mag-impose lang din ang gobyerno ng panibagong mga buwis para punan ang mawawalang kita nito. Samakatuwid, bagama’t mangangako ngayon ang mga politiko ng mas mababang buwis, babawiin din nila iyon sa hinaharap.

Ikatlo, malinaw na hindi inaral (o hindi naiintindihan) ni Marcos Jr. ang kasaysayan ng OPSF, na hindi naging sustainable at nagdulot ng higanteng pagkalugi sa ating gobyerno at ekonomiya sa loob ng maraming taon. Kaya sa kalaunan, kinailangan ding i-abolish. Magbasa-basa rin kung may time.

Ngayong nalalapit na ang mahalaga at makasaysayang eleksiyon, maraming mangangako ng mga solusyon sa ating mga problema, kabilang na ang mataas na inflation. Maganda ang intensiyon ng lahat. Ngunit kilatisin nating mabuti ang kanilang mga panukala: sa huli, baka lalo lang maperwisyo ang taumbayan. – Rappler.com

JC Punongbayan recently completed his PhD at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.