Ferdinand Marcos Jr.

[ANALYSIS] ‘Maharlika Fund’ ni Marcos, kukunin sa pensiyon at buwis mo?

JC Punongbayan
[ANALYSIS] ‘Maharlika Fund’ ni Marcos, kukunin sa pensiyon at buwis mo?
Kung ordinaryong taxpayer ka, baka mapunta sa wala (o bulsa ng iilan) ang perang pinaghirapan mo

Niraratsada ng Kongreso ngayon ang isang panukalang maaaring maging banta sa pensiyon at mga buwis mo.

Noong Nobyembre 28, sinumite ng ilang kongresista – na pinamumunuan nina House Speaker Martin Romualdez, presidential son at House Deputy Majority Speaker Sandro Marcos – ang panukalang batas na layuning magtatag ng “Maharlika Investments Fund.” (Malinaw na may basbas ito ni Pangulong Marcos Jr. mismo.)

Ano ang nilalaman noon? Basically, mag-aambag ng bilyon-bilyong piso ang iba’t ibang bangko ng gobyerno (tulad ng Development Bank of the Philippines o DBP at Landbank), maging ang GSIS at SSS (Government Service Insurance System at Social Security System), at ilalagak iyon sa isang pondong gagamitin ng Marcos administration upang mamuhunan sa iba’t ibang investments at assets. Maaari ring mag-ambag ang mga pribadong investors kung gusto nila.

Ang Maharlika Investments Fund ay uri ng tinatawag na “sovereign wealth fund.”

Ayon sa mga may-akda ng House Bill 6398, halos 50 bansa sa mundo ngayon ang may sovereign wealth fund – kabilang ang mga karatig-bansa na Malaysia, Indonesia, Vietnam, at Taiwan – na pinopondohan ng surplus o sobrang kita ng mga gobyerno nila.

Ginagamit daw ang mga pondong iyon para sa kaunlaran ng kanilang bansa: halimbawa, upang mang-engganyo ng investors at i-manage ang foreign reserves o supply nila ng dolyares at iba pang currencies.

Ayon sa mga nagpanukala ng Maharlika Fund, makatutulong daw iyon para palaguin ang bansa, lumikha ng trabaho, at palaguin ang pondo ng mga bangko ng gobyerno.

Ngunit kung susuriin nang mabuti, saksakan nang dami ng red flags ang Maharlika Fund na ito ni Marcos.

Samut-saring red flags

Una, bakit sobrang minamadali ito ng Kongreso? Sinumite ang House bill noon lang Lunes, Nobyembre 28, at noong Huwebes, Disyembre 1, ay ipinasa na ito ng House committee on banks and financial intermediaries. (Dadaan pa muna sa House budget and tax committees bago makatapak sa plenaryo.)

Bakit sobrang bilis ng mga pangyayari?

Ikalawa, at mas importante, bakit idadamay ng Maharlika Investment Fund ang malalaking bangko ng gobyerno pati ang social insurance programs ng GSIS at SSS kung saan napupunta ang ating mga kontribusyon (na inaawas sa ating buwanang suweldo) at pagkukuhanan natin ng pensiyon sa hinaharap?

Sa simula raw, ganito lilikom ng pera ng Maharlika Fund:

  • GSIS: P125 bilyon
  • SSS: P50 bilyon
  • Landbank: P50 bilyon
  • DBP: P25 bilyon
  • National government: P25 bilyon

Matatandaang nanganib na ang buhay ng pondo ng SSS sa mga nakalipas na taon. At para maiwasang maubos ang pondong iyon, kinailangang magpataw ng SSS ng mas malaking kontribusyon mula sa mga miyembro nito sa pribadong sektor.

Ang ambag ng SSS sa Maharlika Fund ni Marcos ay 7% na ng kabuuang assets ng SSS noong 2021. Malaking halaga na iyon kung tutuusin.

Pero paano kung malugi ang investments ng Maharlika Fund, o malugi ito dahil sa maling pamamalakad o korupsiyon? Ibig sabihin ba, manganganib din ang SSS at kailangan ulit na lumaki ang mga kontribusyon ng mga ordinaryong tao? Paano ang pensiyon ng mga magre-retire?

Pansining mas malaki pa ang exposure ng GSIS (P125 bilyon ang kukunin para lang sa Maharlika Fund), at exposed din ang DBP (P25 bilyon) at Landbank (P50 bilyon).

Damay pati kaban ng bayan?

By the way, P25 bilyon din ang kukunin mula sa Treasury o kaban ng bayan. Teka, akala ko ba kulang ang pera ng gobyerno – kaya nga bilyon-bilyon ang nadadagdag sa utang ng bansa?

Sa ibang bansang may sovereign wealth fund din, kaya nilang magtatag noon dahil sandamakmak ang kanilang kita mula sa natural resources tulad ng langis o natural gas.

Sa Pilipinas, ang pinaka-katumbas noon ay ang Malampaya gas field. Pero mauubos na ang supply ng langis doon pagdating ng 2027. (BASAHIN: Bakit problema mo rin ang Malampaya)

Sa ngayon, walang sobrang pera ang gobyerno. Sa katunayan, kulang ito at may malaki tayong “budget deficit.” Mula Enero hanggang Oktubre 2022, umabot na sa P1.1 trilyon ang deficit na ito. At sa kanyang unang SONA, ipinangako ni Marcos Jr. na pabababain ang deficit mula sa lagpas 7% ng GDP (o kabuuang kita ng bansa) sa 3% pagdating ng 2028.

Samakatuwid, ’di natin afford magkaroon ng sovereign wealth fund sa ngayon. Kulang-kulang nga ang pera natin sa mga basic services ng gobyerno (tulad ng edukasyon at kalusugan), Maharlika Fund pa kaya?

Nakasaad din sa panukalang batas na sa mga susunod na panahon, kapag naitatag na ang Maharlika Fund, kukuha rin daw ng ambag mula sa Bangko Sentral, kita sa mga sugal ng PAGCOR, taunang national budget ng gobyerno, mga utang, at kita mula sa natural resources.

Ang weird noong probisyon hinggil sa BSP, na dapat daw ay magbigay ng katumbas ng 10% ng remittances ng overseas Filipino workers (OFWs), at 10% ng kita ng BPO sector. Ngunit ’di naman pera ng BSP ang kitang iyon ng mga mamamayan! Naiintindihan ba ng mga may panukala ang operasyon ng BSP?

Review sa kasaysayan ng Martial Law

Isa pang major red flag ay ang pagtatalaga kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang chairperson ng board of directors ng korporasyon na siyang mamamahala sa Maharlika Investments Fund, ayon sa latest House bill.

Red flag ito dahil binubuksan ang posibilidad na mapulitika ang pera ng Maharlika Fund.

Ganito mismo ang nangyari sa sovereign wealth fund ng Malaysia na 1MDB. Garapalang kinurakot iyon, at ayon sa imbestigasyon ay humigit-kumulang $4.5 bilyon ang dinala sa offshore bank accounts at shell companies, at ginamit para bumili ng mga alahas, hotels, at maging super yacht at pribadong jet. 

Dahil dito, noong 2020 ay nahatulang makulong nang 12 taon si Najib Razak, ang dating prime minister ng Malaysia, na nakinabang sa 1MDB.

Ang pagtatalaga kay Marcos Jr. bilang chair ng Maharlika Fund ay nagpapaalala rin sa atin ng modus operandi ng ama niya noong Batas Militar pagdating sa malawakang pagnanakaw niya sa kaban ng bayan.

Noong diktadura, kinontrol ng nakatatandang Marcos ang kaban ng bayan (Treasury), at inutusan ang mga bangko ng gobyerno tulad ng PNB at DBP na magpautang sa mga cronies o kamag-anak at kasosyo ng mga Marcos. Ang mga pautang na iyon – na dapat mapunta sa mga negosyo – ay ibinulsa lang.

Ayon sa mga dokumento, ang PNB, ginawa ring “personal piggy bank” ni Imelda, at sa New York branch ng PNB siya nagwi-withdraw tuwing magsho-shopping sa New York.

Samantala, ultimong Central Bank ng Pilipinas ay inutusan din ni Marcos na magpautang sa mga cronies. Ngunit marami sa pondong iyon ay hindi na nabawi dahil binulsa nga.

Ang ending, nalugi ang Central Bank (na kung iisipin ay imposible, dahil sila nga lang ang may monopolya sa pag-iimprenta ng pera). At ang kabuuang lugi ng Central Bank ay umabot ng P300 bilyon sa katapusan ng diktadura. Dahil dito, kinailangang lumikha ng panibagong institusyon, kaya Bangko Sentral na ito ngayon.

Ang pagnanakaw ng mga Marcos sa kaban ng bayan – at pagdamay sa mga bangko ng gobyerno – ang isa sa dahilan kung bakit napaka-grabe ng krisis pang-ekonomiya na naranasan natin noong dekada ’80.

Ang Maharlika Fund na ipinapanukala ngayon, reminder ng madilim na yugtong iyon ng ating kasaysayan. Pero pilit na pinapabango iyon ng salitang “Maharlika” na kaakibat ng ilang mito hinggil sa pamilyang Marcos. (BASAHIN: FALSE: Marcos was a guerrilla leader during World War II)

Singilin muna ang mga Marcos

Sa huli, pangit ang panukalang Maharlika Investments Fund. Hindi ito ang susi para sa kaunlaran ng bayan (buti pang buhusan ng pera ang edukasyon at kalusugan). Banta rin ito sa kaban ng bayan pati ang pensiyon at buwis ng mga Pilipino – lalo na kung mahina at kulang-kulang ang safeguards upang siguruhing wasto ang pupuntahan ng pondong iyon.

Ano ang ibig sabihin nito para sa mga ordinaryong tao?

Kung miyembro ka ng SSS o GSIS, baka manganib ang pensiyon mo kung mapunta sa wala ang investments ng Maharlika Fund.

Kung isa kang maliit na negosyante na gusto sanang umutang sa mga bangko ng gobyerno, baka mahirapan kang umutang kung mapeligro ang malaking ambag nila sa Maharlika Fund.

Kung ordinaryong taxpayer ka, baka mapunta sa wala (o bulsa ng iilan) ang perang pinaghirapan mo.

Imbes na sa kaban ng bayan kunin, bakit ’di na lang sa P203 bilyong estate taxes na ’di pa binabayaran ni Marcos Jr., pati sa P125 bilyong nakaw na yaman ng mga Marcos na hinahabol pa ng PCGG?

Sa dami ng red flags, kagulat-gulat na nakalusot ang panukalang Maharlika Fund sa “top-notch” na economic team ng gobyerno, at ilang ekonomista sa Kongreso. Anyare? – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ Podcast.

1 comment

Sort by
  1. ET

    What can a “top-notch” economic team and the economists in Congress do when their economic minds are overwhelmed by the Majority’s economic greed?

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.