Philippine national budget

[ANALYSIS] Mali-mali pa rin ang budget priorities ni Duterte sa 2022

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Mali-mali pa rin ang budget priorities ni Duterte sa 2022

ALEJANDRO EDORIA

Ipinakita ng Delta variant na magtatagal pa ang virus, at lahat tayo’y kailangang mag-adjust. Pero kung gaano kabilis mag-evolve ang virus, siya naman ang bagal ng pag-adapt ng administrasyong Duterte.

Sa pangalawang taon ng pandemya, wala pa ring kadala-dala ang gobyerno. 

Noong Lunes, Agosto 23, sinumite ng administrasyong Duterte sa Kongreso ang panukalang budget para sa 2022. Iyon ay nagkakahalaga ng higit sa P5 trilyon, o 11.5% na mas malaki kumpara sa budget ngayong 2021.

Sobrang halaga ng 2022 budget.

Una, patuloy ang pagragasa ng pandemya, lalo na dahil sa umusbong na Delta variant. Patuloy na mangangailangan ang gobyerno ng malaking pondo upang sugpuin ang virus.

Pero dahil sa mga anomalyang naungkat ng Commission on Audit (COA) kamakailan, baka mahirapang makakuha ng mas malaking budget ang ilang mga ahensiya. (BASAHIN: Kaagapay ang COA, hindi kaaway

Bukod sa ’di wastong paggastos, marami ring ahensiya ang nagtala ng underspending o ’di nakagastos sa kanilang pondo mula sa Bayanihan 2. 

Imagine, umabot sa P10 bilyon ang pondong ’di nagasta ng Department of Health (DOH), samantalang P3.6 bilyon ang ’di nagasta ng Department of Education (DepEd). Nasayang lang din ang P5.6 bilyong inilaan para sa service contracting (Libreng Sakay), dahil P101 milyon lang ang naipamigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga driver ng bus at jeep.

Ikalawa, importante ang 2022 budget dahil patuloy na nakadapa ang ekonomiya dahil sa sunod-sunod na lockdown. 

’Yung 11.8% na paglago ng ekonomiya noong pangalawang quarter ng 2021 ay ilusyon lamang: sa totoo lang, malayong-malayo pa rin tayo sa pinanggalingan ng ekonomiya bago mag-pandemya. Maraming Pilipino pa ring mangangailangan ng ayuda: noong Hunyo, humigit-kumulang 3.4 milyong pamilya ang nagutom at halos 4 milyong indibidwal ang walang trabaho.

Ikatlo, eleksiyon na ulit sa 2022, at magiging malaking pagsubok sa Commission on Elections (Comelec) ang pagsasagawa nito sa gitna ng pandemya. Siguradong bubuhusan din ng mga politiko ng pera ang mga lokal na kalsada, tulay, at ibang proyektong imprastraktura. Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay inaasahang magbubuhos ng pera sa kanyang “legacy projects” bago bumaba sa puwesto sa Hunyo 30, 2022.

Ikaapat, ipatutupad na ng Korte Suprema sa wakas ang 2018 “Mandanas ruling.” Dahil sa desisyong ito, simula 2022 ay kailangang bigyan ng mas malaking pera ang local government units (LGUs) mula sa mga buwis na nakokolekta ng pambansang pamahalaan. Tiba-tiba ang LGUs next year.

’Di pa rin lapat sa mga krisis ng bansa

Sa gitna ng lahat ng ito, pinaka-priority pa rin siyempre ang pandemya at mga naging epekto nito. Ngunit sa pangalawang pandemic budget ng administrasyong Duterte, mali-mali pa rin ang kanilang priorities.

1) Bubuhos ulit ang pera para sa Build, Build, Build

Makikita sa table sa ibaba ang 10 ahensya ng gobyernong may pinakamalalaking panukalang budget para sa 2022. Makikitang una pa rin sa listahan ang Department of Public Works and Highways (DPWH). Bagama’t mababawasan ang budget nila nang P9.6 bilyon mula ngayong 2021, tumataginting na P685 bilyon pa rin ito next year.

Pinuna namin dati ang dambuhalang Local Program ng DPWH na nagkakahalagang P280.6 bilyon ngayong 2021. Ito ’yung mga proyektong imprastraktura (mga tulay, kalsada) na ’di naman strategic at kalimita'y nagagamit lang sa politika. (BASAHIN: In 2021, Duterte funds dubious infra projects, not vaccines)

Para sa 2022, mukhang may malaking kabawasan sa Local Program: magiging P31.2 bilyon na lang. Subalit kung gaano lumiit ang Local Program, siya namang paglobo ng Convergence and Special Support Program na magkakaroon ng P206.5 bilyon, o mas malaki nang mahigit P144 bilyon. Ang iba pa sa malalaking budget items ng DPWH ay ang Network Development Program (P148.9 bilyon para sa by-passes, diversion roads, atbp.) at Flood Management Program (P131.1 bilyon).

Samantala, ang Department of Transportation (DOTr) ang ahensiyang magkakaroon ng pinakamalaking budget increase sa kabuuan: P63.3 bilyon. Ngunit mali-mali rin ang priorities nito. 

Una, bagama’t P112 bilyon ang dagdag na pondo para sa mga linya ng tren, maraming taon pa ang bibilangin bago makumpleto (at magamit ng publiko) ang mga proyektong tulad ng Metro Manila Subway at North-South Commuter Rail. 

Pangalawa, tulad ng napuna ng transportation expert na si Robert Siy, walang pondo sa 2022 para sa walking paths at bike lanes (tinatawag ding “active transport”), walang pondo para sa Libreng Sakay program (service contracting), at walang pondo para sa iba pang “road-based” na imprastraktura tulad ng mga terminal at bus rapid transit systems. 

Magandang oportunidad sana ang pandemya para magtayo ng mas matalinong proyektong imprastraktura. Pero ’di pa rin ito ginagawa ng gobyerno. Sa SONA ni Duterte noong Hulyo, sinabi niyang “We have taken away the misery of public commuting.” What a lie.

Sa kabuuan, wala pa rin sa lugar ang matinding paggugol ng pera sa infrastructure sa 2022, tulad ngayong 2021. Ipinangako ng economic managers ni Duterte na susi ang imprastraktura sa mabilis na pagbangon ng ating ekonomiya, dahil lilikha raw ito ng napakaraming trabaho at kita para sa maraming Pilipino. 

Pero kung gusto talagang tulungan ng gobyerno ang taumbayan, dapat ay diretso na nilang ibigay ang ayuda – ’wag nang ipadaan sa DPWH, DOTr, at mga contractor nila.

2) Walang pondo para sa benepisyo ng health workers

Tumaas nang P22.6 bilyon ang budget para sa DOH, at higit sa doble ang inilaki ng budget para sa pagpapatayo ng mas marami pang ospital dulot ng pandemya (sa ilalim ng kanilang Health Facilities Enhancement Program o HFEP).

Ngunit mantakin ninyong wala (as in bokya) ang pondo sa 2022 para sa mga benepisyo ng health workers! 

Kabilang sana dito ang kanilang special risk allowance (SRA), hazard pay, at allowances para sa meals, accommodations, and transportation (MAT). Ito’y sa kabila ng kaliwa’t kanang protesta ng health workers na pagod na pagod na at ’di man lang tinutulungan ng ating gobyerno. 

Ani Health Secretary Francisco Duque III, pinanukala ng DOH noong Hunyo ang P74 bilyong pondo para sa kanilang COVID-19 response sa 2022. Ngunit tinapyasan ito ng DBM, kaya't nauwi sa kakapiranggot na P19.6 bilyon. Umasa rin daw ang DOH na maglalaan ng pondo para sa mga benepisyo sa Bayanihan 3. Ngunit halos isang taon na ay ’di pa rin ito ipinapasa ng Kongreso (at ni hindi rin ginagawang “urgent” bill ni Duterte).

Samantala, bagama’t naglaan ng P45 bilyon para sa COVID-19 vaccine booster shots, ilalagay na naman ito sa “unprogrammed appropriations.” Puwede sana itong gawing regular line item sa budget; malamang kakailanganin din talaga ng booster shots sa susunod na taon. Pero dahil nasa unprogrammed allocations ulit, ’di mapopondohan ang dagdag na mga bakuna hanggang umutang ulit ang gobyerno. 

3) Kulang pa rin ang pondo para sa online learning

Sang-ayon sa utos ng Konstitusyon, edukasyon pa rin ang sektor na may pinakamalaking budget: P773.6 bilyon. Pero P19.2 bilyon (2.7%) lang ang idadagdag mula ngayong taon, at halos P15 bilyon ang mawawalang pondo para sa state universities and colleges (SUCs).

Sa DepEd, na may nakalaang P590 bilyon, halos dodoble ang budget para sa kanilang computerization program. Pero kasabay nito ang P5.7 bilyong pagliit ng Basic Education Facilities para sa maintenance at improvement ng school buildings. Nasa P1.4 bilyon din ang ibabawas ng budget para sa Flexible Learning Options na siyang pagkukunan ng pera para tulungan ang mga bata sa kanilang online learning. 

Nakababahala ang ganitong education budget. Ayon sa UNICEF, isa ang Pilipinas sa limang bansa sa mundo na ’di pa rin nagbubukas ng mga eskuwelahan sa gitna ng pandemya. Dahil ’di naman agad mawawala ang COVID-19, sa lalong madaling panahon ay kailangang makabalik ang mga bata sa eskuwelahan. Ito’y para maawat ang pagbaba ng kalidad ng kanilang pagkatuto dulot ng online learning.

Pinag-uusapan ang posibleng pagbabalik ng ilang bata sa eskuwelahan, lalo na sa low-risk areas. Pero kailangang i-retrofit ang mga classroom para mas maging maluwag at mas madaluyan ng hangin. Kailangan ding libre ang face masks at COVID-19 tests. Pero paano iyon mangyayari kung babawasan pa ang budget para sa mga eskuwelahan?

Maging ang School-Based Feeding Program, na naghahatid sa mga barangay ng pagkain para sa malnourished at undernourished na mga bata (kahit sa gitna ng pandemya), ay tatapyasan din ng P2.7 bilyon. Jusko. Kailangang taasan ito.

Samakatuwid, hirap na nga ang mga bata (at kanilang mga magulang) sa online learning, tapos mababawasan pa ang kinakain nila. Paano sila matututo niyan? Muli, hindi na naman sapat ang panukalang budget para maitawid ng kabataan ang kanilang pag-aaral.

4) Kakarampot ulit ang budget para sa ayuda

Pagdating naman sa ayuda, tataas naman nang P14.5 bilyon ang budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at P7.8 bilyon ang budget ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ngunit kakarampot pa rin ang mga halagang ito kumpara sa panukalang ayuda sa Bayanihan 3, na ’di bababa sa P291 bilyon. Kakarampot din ang budget increases kung iisipin ang patuloy na paglala ng kahirapan at kawalan ng trabaho, dahil na rin sa pagka-obsess ng gobyerno sa mga lockdown.

Pagkaliit-liit din ng ayuda para sa mga negosyo, lalo na ’yung maliliit (micro, small, and medium enterprises or MSMEs). May P3.45 bilyon naman para sa MSME Development Program ng Department of Trade and Industry (DTI), at P1.5 bilyon para sa Pondo sa Pagbabago at Pag-Asenso Program ng SB Corporation. Pero barya ’yan kumpara sa panukalang ayuda para sa mga negosyo sa orihinal na bersyon ng Bayanihan 3, na ’di bababa sa P100 bilyon.

Ang mas nakalulungkot pa, tila nakalimutan na ang mga namamalimos na PUV drivers dahil wala ring inilaang pondo ang DOTr para sa service contracting. 

5) Lolobo ang budget para sa NTF-ELCAC nang 57% 

Samantala, mula P19.4 bilyon ay magiging P30.46 bilyon ang budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa 2022. Ang dagdag na mahigit P11 bilyon ay 57% na mas malaki sa budget ngayong 2021. Hiyang-hiya naman ang budget increases ng DSWD (8.2%) at DOLE (21%).

Lumobo ang budget ng NTF-ELCAC dahil sa “Barangay Development Program” nito, kung saan ginagantimpalaan ng development projects (mga building, kalsada, irigasyon) ang mga barangay sa buong bansa na nakasupil umano ng mga rebeldeng komunista. Ngunit ’di malayong gamitin ang pondong ito para suyuin ang local leaders para sa paparating na eleksiyon 2022.

Bagama’t ipinalalabas ng gobyernong para sa kaunlaran ng kanayunan ang pondo ng NTF-ELCAC, matatandaang nasangkot din ang task force sa kaliwa’t kanang red-tagging, maging sa mga nagtatag ng “community pantries.” (BASAHIN: Divert red-tagging funds to community pantries)

6) Tinapyasan ang budget para sa Comelec

Humingi raw ang Comelec ng P42 bilyong budget para gawing “COVID-proof” ang paparating na eleksiyon, pero ang ibinigay lang ng DBM ay P26.5 bilyon, o mas maliit nang P15.5 bilyon. 

Comelec na mismo ang nagsabing ang budget cut na ito ay magkakaroon ng “significant impact” sa eleksiyon. Pinakananganganib ang bayad sa mga guro at ibang kawaning magsisilbing miyembro ng electoral boards. Paano ang kaligtasan nila, lalo na’t mukhang mahirap gawing isang araw lang ang botohan? 

7) Babaha ang pera sa LGUs

Panghuli, dahil sa Mandanas ruling ng Korte Suprema, lolobo ang perang mapupunta sa LGUs. Mula P695.5 bilyon ngayong taon, ’yung National Tax Allotment (na ang tawag dati ay Internal Revenue Allotment o IRA) ay magiging P959 bilyon. Nadagdagan ng P263.5 bilyon o 38%. 

Sa isang banda, okay din namang bigyan ng pera ang mga LGU para mas matugunan nila ang pangangailangan ng kanilang mamamayan. Ngunit kailangang maging malinaw kung ano-anong serbisyo ang ma-de-devolve o mapupunta sa kanilang responsibilidad mula sa national government. Kung hindi ito malinaw, baka kung saan-saan lang mapunta ang bilyon-bilyong perang makukuha ng LGUs, at makadadagdag lang sa ’di wastong paggastos ng pera sa gitna ng pandemya.

Bantayan nating lahat ang budget

Ayon sa economic managers ng gobyerno, ang tema ng huling budget ni Duterte ay “Sustaining the legacy of real change for the future generations.” 

Saan banda ang “real change” na ito? 

Sa panukalang budget pa lang, obvious na walang real change. Tulad ng 2021 budget, ang 2022 budget ay magiging “business-as-usual” budget ulit. Hindi na naman ito lapat sa mga pangangailangan ng taumbayan sa gitna ng mga krisis. At sumasalamin ito sa mali-mali at buktot pa ring priorities ng administrasyong Duterte. 

Ipinakita ng Delta variant na magtatagal pa ang virus, at lahat tayo’y kailangang mag-adjust. Pero kung gaano kabilis mag-evolve ang virus, siya naman ang bagal ng pag-adapt ng administrasyong Duterte. 

May panahon pa upang ayusin ang 2022 budget: Bantayan nating lahat ang mga deliberasyon ng Kongreso, at himukin ang ating mga kinatawan na maglaan ng mas maraming pondo sa mahahalagang aspekto ng pandemic response. Buhay at kabuhayan ng mga Pilipino ang nakataya.

Ngunit baka ang pinakamainam na solusyon sa pangit na pagba-budget ng administrasyong Duterte ay ang pagboto ng bago at matitinong lider sa Mayo 2022 – mga lider na totoong may malasakit sa taumbayan, lalo na ’yung mga nasa laylayan. – Rappler.com

JC Punongbayan is a board member, Zy-za Suzara is executive director, and Luis Abad is board chair of the Institute for Leadership, Empowerment, and Democracy (iLEAD), a non-stock, non-profit think tank that focuses on public finance and good governance.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.