Ferdinand Marcos Jr.

[ANALYSIS] 100 araw ng pagpa-party at pagpapasarap

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] 100 araw ng pagpa-party at pagpapasarap
Seryoso ba na sa 100 araw niya puwesto, ang kayang maipagmamalaki lang ni Marcos Jr. ay ang bare minimum ng dapat talaga niyang ginawa?

Ayon sa pinaka-latest na datos, lalo pang bumibilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Noong Setyembre, umabot na sa 6.9% ang inflation rate – pinakamataas mula noong Oktubre 2018 (Figure 1).

Ibig sabihin, pakaunti nang pakaunti ang nabibili ng mga tao gamit ang kanilang kita. Ang bilihin mo na may halagang P100 noong Setyembre 2021, P106.9 na ang katumbas ngayon. 

Figure 1

Sakit sa ulo ang patuloy na pagtaas ng inflation. At ayon sa bagong survey ng Pulse Asia, 2 sa 3 Pilipino ang nagsabing “controlling inflation” ang pinakamahalagang isyu ng bansa ngayon. 

Ang problema, maaari pang lumala ang inflation sa mga susunod na buwan.

Isang dahilan nito ay ang patuloy na paghina ng piso kontra dolyar sa unang 100 araw ni Marcos Jr. – lagpas P59 na kasi ang kada dolyar, at ito ang pinakamahinang palitan sa buong kasaysayan ng Pilipinas (Figure 2).

Figure 2

Ano ang kinalaman ng mahinang piso sa pagtaas ng mga presyo?

Habang humihina kasi ang piso, nagiging mas mahal ang imported goods, tulad ng agricultural products (bigas, asukal, white onions, atbp.), pati ang mga produktong petrolyo. At habang nagmamahal ang mga produktong ito, lumalala ang inflation.

Sabi ng ilan, suwerte raw ang OFWs sa mahinang piso. Mas malaki raw kasi ang katumbas ng remittances na ipinapadala sa kanilang mga kamag-anak. Ngunit dahil umaarangkada din ang presyo sa bansa, bale-wala rin ang extra remittances na iyon. (PANOORIN: Mahinang piso: Biyaya o pinsala sa OFW?)

Suwerte rin daw ang exporters dahil mas mura na ang kanilang mga produkto abroad, at mas mabenta na. Ngunit kumpara sa mga karatig-bansa sa ASEAN, ’di naman lumolobo ang exports ng Pilipinas. 

Samakatuwid, para sa karamihan ng mga Pilipino, bad news ang paghina ng piso. At mukhang lalo pang hihina ito. 

Sa ngayon, gumagawa na ng paraan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang awatin ang patuloy na paghina ng piso. Halimbawa, itinataas na ng BSP ang interest rates upang ’di masyadong mabilis ang paglabas ng kapital papunta sa ibang bansa – lalo na sa US kung saan umaakyat ang interest rates at mas nakahihikayat na mamuhunan.

Ngunit sapat ba ang mga aksiyong ito? Hindi. Kailangan ding umaksiyon ng ibang ahensiya ng gobyerno. ’Di puwedeng BSP lang ang gumagalaw.

Sugar fiasco

Halimbawa, puwede sanang siguruhin ng Department of Agriculture (DA) – na pinamumunuan ni Pangulong Marcos – na mas malakas ang supply at maayos ang distribusyon ng iba’t ibang agricultural products. Kapag nagkukulang kasi ang bigas o karne o isda, pinalalala nito ang inflation.

Kung hindi kayang palakasin ang agricultural production, puwede sanang mas mag-import pa upang tumaas ang supply at mabawasan ang presyo.  

Ngunit nakita natin sa unang 100 araw ni Marcos na pinigilan pa niya ang pag-import ng 300,000 toneladang asukal sa kasagsagan ng sugar shortage – na hanggang ngayon ay hirap silang aminin. Pumayag naman ang Pangulo sa kalaunan, ngunit kalahati o 150,000 tonelada lang ang inangkat.

Ayon pa sa ilang eksperto, maaaring magkaroon naman ng rice shortage sa katapusan ng 2022. Masyado kasing mahal ang abono at petrolyo ngayon, at maraming magsasaka ang nagbawas muna sa pagtatanim ng palay. 

Isang solusyon dito ay ang importasyon ng bigas. Ngunit marami sa mga bansang binibilhan natin ng bigas ang naghihigpit din ng supply. At ’di umano’y nangangamba ang ilang taga-DA na mag-propose kay Marcos ng karagdagang imports dahil baka masibak sila sa puwesto – tulad ng nangyari sa ilang opisyal ng DA dulot ng sugar importation fiasco.

Bakit nga ba ayaw na ayaw ni Marcos sa malawakang importasyon upang maawat ang mga presyo? 

Una, matatandaang ipinangako niya noong kampanya ang “food sovereignty.” Ibig sabihin, dapat daw ay mas umasa tayo sa ating bansa pagdating sa supply ng pagkain, at huwag masyadong umasa sa importasyon.

Magandang pakinggan, ngunit impraktikal, lalo na’t mahina pa talaga ang sektor ng agrikultura sa ngayon – dulot ng deka-dekadang mga problema – at lalong pinahihirapan ng mataas na presyo ng abono, petrolyo, atbp.

Ikalawa, may politika rin sa importasyon. Matatandaang kinausap ni Marcos ang malalaking traders at millers ng asukal, at matapos noon ay biglang nabawasan ang order ng sugar na aangkatin. 

Ibig sabihin ba, willing ang Pangulo na pagbigyan ang malalaking negosyante – para pangalagaan ang kanilang tubo – kahit na ang ibig sabihin ay talo ang ordinaryong mga Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas ng mga presyo?

Kung ’di seseryosohin ni Marcos ang agrikultura – tulad ng ipinangako niya noon – mabuti pang magtalaga na lang siya ng full-time na agriculture secretary. Bulsa at buhay ng mga Pilipino ang nakataya.

‘Multi-party system’

Sa kabuuan, at kabila ng kanyang bagong mga kapangyarihan bilang pangulo, nabigo si Marcos na tugunan ang inflation. Taumbayan na mismo ang nagsabi. 

Ayon sa latest survey ng Pulse Asia, negative ang rating ng Pangulo pagdating sa “controlling inflation”: 31% ang kuntento sa tugon ng administrasyon sa inflation, ngunit 42% ang ’di kuntento.

Paano naman kasi, sa unang 100 days ni Marcos, panay party ang kanyang inatupag. Ang joke nga ng ilan, pinalakas ng Pangulo ang “multi-party system.” Ang bottomline, nagpakasasa siya sa panahon ng kahirapan ng kanyang mga kababayan.

Latest example niyan ang paglipad ni Marcos Jr. – kasama ang anak na si Sandro at pinsang si Martin Romualdez, gamit ang P2 bilyong jet ng gobyerno – papuntang Singapore upang manood lang ng Formula One (F1) race

Ang excuse, ginamit naman daw ang pagkakataong iyon upang manghikayat ng investments o pamumuhunan sa Pilipinas. 

Pero sino ba ang niloloko nila? Kung may investments man, pledges o pangako pa lang ang mga iyon. Maaaring matupad o hindi. At saka hindi naman official business ang biyaheng nangyari. Ang totoo, nagpakasaya lang sila sa Singapore gamit ang pera ng taumbayan.

Nangyari ang junket wala pang isang linggo matapos humagupit ang bagyong Karding. Mataas pa ang tubig-baha sa ilang lalawigan sa Luzon, at namamalimos pa ng ayuda ang ilang kababayan natin, noong lumipad si Marcos pa-Singapore.

Sa isang banda, ’di na kagulat-gulat ito. Spoiled si Marcos mula pagkabata hanggang sa pagtanda. May mga lumang video footage na nagpapakita ng kanyang pagiging party animal.

Ngunit anim na taon ba tayong magtitiis sa gobyernong uunahin ang pagpa-party at pagpapakasaya imbes na serbisyong bayan? Pagbibigyan na lang ba natin ang bawat luho nila na pinopondohan gamit ang mga buwis natin? O mamumulat ba tayo at mas magde-demand ng maayos na pamumuno?

Bare minimum

Noong Oktubre 5, tinanong ni Ivan Mayrina ng GMA News si Marcos kung ano ang maituturing niyang accomplishments sa unang 100 araw.

Tila ’di alam ng Pangulo kung ano ang isasagot. At least daw, nagtatag siya ng “functional” o gumaganang gobyerno na may “very, very good idea” ng mga targets sa ekonomiya. Ipinagmalaki din niya ang magaling na economic team na kanyang binuo.

Teka. Dapat naman talaga ay functional ang gobyerno, may mga target, at magaling ang kukuning mga tao. Kahit sinong pangulo, ganyan dapat ang expectation. (BASAHIN: Marcos’ first 100 days: Critics see ‘sinking ship,’ allies say ‘good job’)

Seryoso ba na sa 100 araw niya puwesto, ang kayang maipagmamalaki lang ni Marcos Jr. ay ang bare minimum ng dapat talaga niyang ginawa? Surely deserve ng 110 milyong Pilipino – kabilang ang 31.6 milyong bumoto sa kanya – ang higit doon. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.