Philippine languages

[Sarì-Sámot] Kasaysayan ng Buwan ng Wika

Virgilio S. Almario
[Sarì-Sámot] Kasaysayan ng Buwan ng Wika

Graphic by Raffy de Guzman

Akala nga ng marami ay idineklara ito ni Manuel L. Quezon. Bakit naman niya idedeklara ang pagdiriwang upang itapat sa kaarawan niya?

Sino ang nag-umpisa at kailan unang ginawa ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika? Ito ang nawala na sa gunita ng kahit mga guro sa wikang Filipino. Akala nga ng marami ay idineklara ito ni Manuel L. Quezon. Bakit naman niya idedeklara ang pagdiriwang upang itapat sa kaarawan niya?

Para maalala ng lahat, ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika ay alinsunod sa bisà ng isang proklamasyon ni Pangulong Sergio Osmeña na pinirmahan niya noong Marso 26, 1946. Nakasúlat sa wikang Ingles ang Proclamation No. 35, s. 1946  ni Pangulong Osmeña at iniuutos na ipagdiwang ang “National Language Week” tuwing Marso 27 hanggang Abril 2. Bílang pag-alinsunod ito sa Commonwealth Act No. 570 na nag-aatas naman sa gobyerno na gumawa ng mga hakbang para sa development ng Wikang Pambansa.

Kung nalímot na rin ninyo, ang Commonwealth Act No. 570 ay isang batas na pinagtibay ng Philippine Assembly noong Hunyo 7, 1940 at kinikilála ang “Filipino National Language” na isang opisyal na wika ng Filipinas mula Hulyo 1946. Kayâ iniaatas din nitó na ihanda ang mga teksbuk para sa paaralang primarya na nakasúlat sa wikang pambansa, sa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Education. Hindi ba’t sáyang at tíla nalímot nang isúlong ang espiritu ng batas na ito?

Pansinin din ang petsang itinakda ni Pangulong Osmeña para sa “National Language Week.” Nagtatapós ito sa Araw ni Balagtas, at isang paraan naman ito ng pagdakila kay Francisco Balagtas bílang “Prinsipe ng Pagtulang Filipino” dahil sa Florante at Laura.

Noong Marso 24, 1954, binago ni Pangulong Ramon Magsaysay ang proklamasyon ni Pangulong Osmeña. Sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 12 ay ipinahayag niya ang Linggo ng Wikang Pambansa sa “panahong sapul ika-29 ng Marso hanggang ika-4 ng Abril bawat taon.” Naging Marso 29 hanggang Abril 4 ang petsa ng pagdiriwang. Bakit? Upang malagay sa gitna ng linggo ang Araw ni Balagtas at higit na maging tampok sa mga palatuntunang idaraos. Makabuluhan din ang proklamasyong ito dahil nakasúlat sa wikang pambansa at binanggit ang “Pilipino” bílang pangalan ng wikang pambansa.

Nauna pa ang proklamasyon ni Pangulong Magsaysay sa department order ni Secretary Jose E. Romero noong Agosto 3, 1959, na opisyal na tumawag na “Pilipino” sa wikang pambansa. Ang naturang atas ni Secretary J.E. Romero ay inilabas din kaugnay ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika noong 1959.

Subalit bakit Agosto na noong 1959 ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika?

Sapagkat noong Setyembre 23, 1955, ay sinusugan ni Pangulong Magsaysay ang kaniyang Proklamasyon Blg. 12. Sa bisà ng Proklamasyon Blg. 186 ay inilipat ang takdang petsa ng pagdiriwang sa Linggo ng Wikang Pambansa sa Agosto 13 hanggang 19 taón-taón. Bakit inilipat ang petsa? Sa katwiran ng paglilipat ni Pangulong Magsaysay ay nása labas daw ng taóng pampaaralan ang orihinal na Marso 29 hanggang Abril 4 at kayâ hindi nakalalahok ang mga paaralan sa pagdiriwang. (Hunyo kasi noon ang regular na umpisa ng taóng akademiko.)

Hindi binanggit na katwiran ng Proklamasyon Blg 186 na ang Agosto 19 ay kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon, na itinuturing natin ngayong “Amá ng Wikang Pambansa.” O marahil ayaw ipahalata ng mga tagapayo ni Pangulong Magsaysay ang naturang pagtanaw at paggálang sa ating pangulo na nagtaguyod sa pagkakaroon ng isang wikang katutubo bílang wikang pambansa noong nililikha ang Konstitusyong 1935? Sayang at tulad ni Pangulong Quezon ay hindi rin nakapagtapós ng termino si Pangulong Magsaysay. Bakâ may higit pa siyang magandang hakbang na naisagawa para isúlong ang Wikang Pambansa bílang opisyal na wika ng gobyerno at ng edukasyon.

Ang totoo, mula 1960s hanggang 1970s ay dumanas ng matinding krisis ang Wikang Pambansa. May taón na nakahabla ang “Pilipino” hábang nagdiriwang ng Linggo ng Wika. Halos kondenahin ito sa Konstitusyong 1972 at sinikil sa pamamagitan ng patakarang bilingguwal. Kayâ ang momentum ng pagsusúlong ng Linggo ng Wika mulang 1946 ay nabalahò.

Nagkaroon ng bagong kahulugan ang Linggo ng Wika sa promulgasyon ng Konstitusyong 1987. Sa ilalim ng bagong pangalang “Filipino” at sa tangkilik ng Pangulong Corazon Aquino, naging modernisado ang alpabeto at nagkaroon ng bagong mandato ang mga lider ng Wikang Pambansa para pangalagaan ang mga katutubong wika ng Filipinas.

Noong Hulyo 15, 1997, pinalakí ni Pangulong Fidel Ramos ang petsa ng pagdiriwang para sa wikang Filipino. Sa bisà ng Proklamasyon Blg. 1041, ipinahayag ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto 1 hanggang 31. Nakasulat sa Wikang Pambansa ang pahayag, at bukod sa saligang legal ay nagsasaad ng naging tungkulin ng wikang katutubo sa Himagsikang 1896, at kumikilála sa katuturan ng isang katutubong wikang panlahat para sa “komunikasyon, unawaan, kaisahan,unang  at kaunlaran ng bansa.”

Malinaw sa naturang pangungusap ang katwiran sa ating pagdiriwang ng Linggo ng Wika noon at Buwan ng Wika ngayon. Huwag nating isabotahe ang kabuluhan ng pagdiriwang sa pamamagitan ng mga mapanghatì at mapanulsol na pahayag. Huwag nating pakinggan ang mga mangmang at atrasadong panukalà ng mga naghari-harian sa wika. Huwag nating pairalin ang mga hálagáhang kolonyal at primitibong politika na nagsisikap hadlangan ang pagkakaisa at kaunlaran ng Filipinas. 

Mabuhay ang wikang Filipino! Mabuhay ang diwang Filipino! Mabuhay ang bansang Filipino! – Rappler.com

Si Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining, ay dating tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino at ng National Commission for Culture and the Arts. Professor emeritus siya sa University of the Philippines.