Filipino authors

Mabuti na lang, walang kotse si Prof. Jowie

Miriam Grace A. Go

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Mabuti na lang, walang kotse si Prof. Jowie
Sa panahon ng social media na, sabi nga ni Joselito delos Reyes, cleavage ang labanan para maging influential, bihira nang may wit at originality ang nagba-viral. Tinipon sa aklat na #pasahero ang viral posts na 'yan.

(Ang sumusunod ay paunang salita – isa sa tatlong pasakalye – sa #pasahero, ang pinakabagong aklat ng mga sanaysay ng awtor, propesor, at Rappler columnist na si Joselito delos Reyes. Makipag-ugnayan sa University of Santo Tomas Publishing House para sa mga kopya. Maoorder din ang #pasahero sa Shopee simula sa Pebrero.)

Mabuti na lang, walang kotse si Prof. Jowie. 

Kasi kung kailangan niyang intindihin ang manibela – o, mas sosyal, solo niya ang airconditioned na sasakyan habang may nagmamaneho para sa kanya – saan siya huhugot ng mga ginintuang karanasang ipo-post niya sa FB at tatatakan natin ng laughing emoji katulad nito?

May espesyal na lugar sa impiyerno ang mga kampon ni satanas na nanonood ng TV series sa loob ng UV express nang hindi naka-earphones tapos, itong mga hayup na ito, bababa agad nang hindi man lang tinatapos ang palabas. Paano naman akong nakikinood?

O ng mga sigurado tayong nagsimula bilang political commentary pero hindi natapos dahil siguro pumara na siya’t bumaba at iniwan tayong nakanganga:

May nakasakay ako sa maluwag na dyipni. Kamukha ni Imee. Nagpaabot ng bayad. Inabot ko. Sukli. Inabot ko rin pabalik. Nginitian ko. Naghintay akong pasalamatan. Umirap pa pagkakuha sabay tingin sa malayo. Akala yata tungkulin kong mag-abot ng bayad at sukli. Nakakatakot nang tumulong sa mga kamukha ni Imee. Sorry. Walang punchline ang status na ito.

O ng akala nati’y mahinahong paalala ng isang taong mawisyo, pero sa tingin ko’y nagtitimping panunuya niya sa mga wagas kung makahusga sa mga drayber na nagwewelga: 

Sa iyo, pasahero, usapin ito kung makakapasok ka ba ngayon o hindi.

Sa kanilang mga tsuper, usapin ito kung mabubuhay pa ba ang kanilang pamilya o hindi.

Alamin mo rin sana ang maliit na pagkakaiba.

Dahil commuter siyang katulad ng marami sa online followers niya, nagkakaroon tayo ng halos awtomatikong koneksiyon sa kanya. Sirrr, ganyan nga kahirap mag-book ng Angkas mula España hanggang Estancia! Ay, sinabi mo, Prof., tinawag ko rin lahat ng santo noong niyuyugyog na ng alon ang bangka namin! Samedt, sir, apat na oras na rin kami sa SLEX. Thank you po sa pagbisita ‘nyo sa bayan namin — gago nga mga traysikel sa amin, nananaga. 

Mabuti na lang, social media savvy si Prof. Jowie.

(Nasa Facebook at Twitter siya!) 

Kasi, magkatapatan tayo, marami sa tens of thousands of followers niya, hindi naman siya unang nakikilala dahil nagsadya sa Filipiniana section ng bookstore para maghanap at bumili ng mga interesanteng pamagat ng koleksiyon ng sanaysay (say, Titser Pangkalawakan o iStatus Nation) o ng maiikling kuwento (like, Troya) o ng mga tula (Paubaya) o ng brilliantly-conceptualized and titled biography of the Prinsipe ng Balagtasan (Finding Teo). 

Marami sa atin, namalayan ang existence niya dahil sa laging set-to-public niyang status sa platform ni Mark Zuckerberg na pinagpapasa-pasahan ng mga kaibigan (madalas, sine-share with credit ng mga nakakasakay sa kanyang wit; mej madalas din, ninanakaw ng mga gustong sumikat nang walang hirap). 

At kapag nakakapa na natin kung kailan siya nagpapatawa, kailan siya emo, kailan siya parang barkadang magpayo, at kailan siya hindi natutuwa sa pagpapabebe mo, saka hinahanap ng ilan sa atin na magkaroon ng mas malalim na kumbersasyon sa kanya tungkol sa bagay-bagay at sa buhay-buhay. Itong huli ang mga naghahanap na at nagsisibili ng kanyang mga libro — to the point na dumadayo sa Manila International Book Fair tuwing Setyembre kasi mas siguradong may kopya roon.

(Guys, level up — kung, say, 20% lang ng FB followers niya, minus family and friends, ay bibili ng mga libro niya, sana nakapag-ambag tayo sa estadistika ng pag-angat ng literacy sa Filipinas, di ba?) 

Mabuti na lang, Manileño’t probinsiyano si Prof. Jowie. 

Kasi kung baha lang sa España o trapik lang sa Taft at Buendia ang ikukuwento niya, paano makaka-relate ang mga kabataang tagasubaybay niya sa probinsiya? 

O kung ang pagsesenti niya ay tungkol lang sa kabataan niya sa Obando, kung saan taon-taon nagiging tsismis noon na sasayaw daw sina Vilma Santos at Ralph Recto, malaon ay sina Sharon Cuneta at Kiko Pangilinan, paano naman mapi-feel ‘yun ng mga lumaking lumalanghap ng polluted air in the streets of Manila? 

O kung ilalarawan niya ang barangay niyang Coloong sa Valenzuela na parang wala ka sa Metro Manila dahil ang natatanaw mo’y mga palaisdaan at hindi puro gusali’t kalsada, at ang nalalanghap mong hangin ay mas malapit sa oxygen kaysa lason, ilan sa ating may dual “city”-zenship ang makaka-imagine noon? 

Aba, milyon-milyon tayo kung tutuusin! Ayon sa World Population Review, as of August 2019, nasa 12 milyon ang populasyon ng Metro Manila. Pero sa araw, nagiging 15 milyon – tatlong milyon ang dumadayo araw-araw para mag-aral, magtrabaho, at mangalakal. Pero ang “larger urban area” – ibig sabihin, kung isasama ang mga karatig na probinsiya – nasa 21.3 million ang populasyon. 

Siyam na milyon ang posibleng makaramdam ng panlalata ng katawan ni Prof. Jowie habang ikunukuwento niya rito kung paano siyang nagpalipat-lipat sa mga di-umuusad na bus, naglakad sa baha, sumalampak sa second floor ng terminal ng bus, at nagpalipas ng magdamag kasama ang ilan pang istranded na pasahero pauwing probinsiya (in his case, Quezon) nang nanalasa sa Maynila ang Ondoy. Ganoong karami rin ang marahil ay makakaramdam ng kirot – siguro, ng helplessness – ng asawa at magulang na katulad niya tuwing isine-share niya ang pagtanaw ng pamilya niya pagsakay niya ng van mula Lucban, linggo-linggo, pabalik sa Maynila para maghanapbuhay. 

Mabuti na lang, nagpi-Filipino si Prof. Jowie.

(Although, katulad ng mababasa ‘nyo sa koleksiyong ito, he can also English… :P)  

Kasi, sa totoo lang, may mga kuwento ng paglalakbay – literal man o may mas malalim pang kahulugan – na mas nasasabayan, nasasakyan, natin sa lengguwaheng kinalakhan. 

Katulad nitong biyaheng magkamatayan na eh hindi niya binabaan sa EDSA: 

Pagsapit sa Robinsons Galleria, nagbabaan ang maraming pasahero. Bakit? Nag-amoy kilikili ang bus. Anghit na saga-proportion. Maasim na amoy sunog na sibuyas na amoy beha na amoy putok sa kilikiling hindi pa nasayaran ng deodorant kahit minsan. Kahit minsan. Buti na lang may Vick’s inhaler ako. Ibinaon ko sa ilong ko habang nakikinig kay Papa Jack na galit naman sa lalaking caller… 

At itong wild imagination niya habang nangangalesa sa Divisoria: 

“Hindi ka ba kinakabahan pre?” usisa ko kay Eros habang naiisip ko kung paano mapagtatapos sa pag-aaral ng biyudang si Angela ang dalawa naming paslit na anak. Habang nakikinita ko kung paano tinatanggal at ibinubukod ng mga rescuer ang mga buto ko at kahoy na parte ng karitela: “Heto, buto ng pasahero! Ay hinde, axle pala ng gulong!” Habang pinagbubukod ang parte ng laman ko at laman ng giniling na kabayong semi-puti.

At ito ring pasimple niyang pag-uusyoso sa away ng magboypren sa labas ng Uste na nauwi sa pagbato ni Angry “Babe” ng kanyang smartphone: 

Una…. Sana magkabalikan na sila, pero dapat Nokia 5110i Finland with blue backlight na ang kanilang cellphone. Durog sigurado ang babagsakan kapag ibinalibag. 

Ikalawa. ‘Buti hindi ako ganyang karahas kapag may tampuhan kami noong hindi pa kami kasal ni Angela. Naisip ko, wala akong ibabalibag. Makinilya? Abacus? Karaoke? Landline? Ambibigat. Mabuti na lang mahinahon kami.

Hindi ako tumatanggap ng friend request sa Facebook mula sa mga taong hindi ko kilala nang personal o nakatrabaho o nakasalamuha man lang. Maliban na lang (at bihira rin ito) kung common friend ka ng mga kinatutuwaan, pinagkakatiwalaan, at iginagalang kong mga titong makata – at kapag may garantiya ni Tito Lourd de Veyra. Isa si Prof. Jowie roon a few years ago.  

Hindi ko pinagsisisihan. Mayaman siya sa karanasan dahil sa simpleng pananaw at mababaw na kaligayahan sa buhay. Pinapaisip ka niya kung ano at sino ang mahalaga sa iyo tuwing ibinabahagi niya ang pagmumuni-muni sa mahabang biyahe pauwi sa pamilya. At bihira na ngayon – sa panahon ng social media na, sabi niya nga, cleavage ang labanan para maging influential – na may wit at originality ang nagba-viral. Besides, paminsan-minsan, anlakas magpahagikgik ng mga post niya kapag nasa gitna ka ng trapik. Ngayon, awa ng Diyos, nagkokolum na siya sa Rappler. 

Mabuti na lang. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Avatar photo

author

Miriam Grace A. Go

Miriam Grace A Go’s areas of interest are local governance, campaigns and elections, and anything Japanese.