Philippine justice system

FULL TEXT: Leni Robredo’s speech at the 2022 UP College of Law recognition rites

Leni Robredo

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

FULL TEXT: Leni Robredo’s speech at the 2022 UP College of Law recognition rites
'Bawat hakbang, gaano man kabigat ng ating mga paa, isinusulong tayo sa landas tungo sa tunay at makabuluhang pagbabago'

The following speech was delivered by former vice president Leni Robredo at the 2022 UP College of Law Recognition Rites at the UP University Theater.

Maraming salamat. Maupo po kayong lahat.

President Danny Concepcion; Chancellor Fidel Nemenzo; Dean Edgardo Carlo Vistan II; members of the Board of Regents who are with us this afternoon; administrators; faculty; parents; and of course, our College of Law Batch 2022 graduates: magandang hapon po sa inyong lahat.

Marami-rami na rin ang nadaluhan kong pormal na pagtitipon dito sa UP. Bawat isa sa mga ito, pagkakataong magsuot ng sablay. At masasabi ko, sa tuwing nagsusuot ako sa sablay, kahit gaano kahaba pa ang panahong lumipas, hindi kumukupas o nababawasan ang mga damdaming dala nito. Tiyak ko, gaya ng bawat UP graduate na nauna sa inyo, damang-dama din ninyo ang nag-uumapaw na galak at dangal sa pagsukbit ninyo sa balikat ng telang sagisag ng ating pagiging Iskolar ng Bayan.

Pagkakataon din ito para magbalik-tanaw ako sa panahong nandiyan ako sa lugar ninyo, bilang isang graduate ng School of Economics noong 1986. Kung kayo, maituturing na mga “pandemic graduates,” kami naman ang tinaguriang EDSA batch. Ibang klase ang pag-asang sumalubong sa amin pagka-graduate: Matapos ang maraming taon ng pakikipaglaban, nagtagumpay ang taumbayan laban sa diktadurya. Nabawi ang demokrasya, kaya marami sa amin, sabik na makaambag, ganadong maghanap ng paraan para makamtan ang mga pangako nito.

From Our Archives

Robredo: Keep EDSA alive, from People Power to People’s Campaign

Robredo: Keep EDSA alive, from People Power to People’s Campaign

Kaya nga kahit pa ba matagal nang nakatakda para sa akin ang landas ng abugasya, isinantabi ko muna ito. Umuwi ako sa Bicol at nag-apply sa isang entry-level na trabaho sa gobyerno. Doon, sa una kong trabaho sa Bicol River Basin Development Program, nakilala ko ang asawa kong si Jesse. Bumuo kami ng pamilya, nagkaroon ako ng mas matimbang na prayoridad, kaya naantala ang plano kong mag-aral ng abugasya.

Sa kabila nito, hindi naalis sa isip ko ang pangarap na ito. Ang totoo, panata ng asawa ko sa tatay ko na gagawin niya ang lahat para makapagpatuloy ako sa landas ng pag-aabugado. Kaya nga, sabay ng pagtuturo ng Economics sa isang local university para makadagdag sa kita ng pamilya, nag-enrol ako sa law school sa Bicol at nag-aral nang paunti-unti sa gabi. 

Ikukuwento ko na rin: matapos ang ikatlong linggo ng bar exams, tinamaan ng dengue ang panganay namin at naospital. Siyempre, bilang nanay, drop everything and go ang mentality ko noon; walang makapigil sa akin na umuwi sa Naga. Hindi ko na nga inabangan ang aircon bus na bumibiyahe sa gabi; ‘yung unang puwedeng sakyan, pinatulan ko na kahit ordinary bus lang. Nakabalik ako sa Maynila noong dalawang araw na lang bago ng fourth Sunday sa bar.

Nag-exam ako noon habang kalahati ng isip ko, nasa anak ko na dumaan sa matinding sakit. Dahil dito, hindi na rin ako nagulat noong lumabas ang resulta ng bar at hindi ako nakapasa. Magsilbi sana itong paalala dahil ilang buwan na lang, magba-bar exam na rin kayo. Matinding focus ang kailangan; sa mga linggo ng bar exam, at sa review mismo, hangga’t maaari, dapat doon lang nakatutok ang isip ninyo. 

Lesson learned talaga ang nangyari sa first take ko, kaya nga noong sumunod na kumuha ako ng bar, tatlong taon pagkalipas, natuto na ako. Sa Naga na ako nag-review para hindi ako maya’t maya nag-aalala sa mga anak ko. Todo tutok ako sa review at sa bawat linggo ng exam. Sa pangalawang pagkakataon, nalampasan ko ang pagsubok, at sa wakas ay nakasumpa na bilang abugado.

Must Read

Unparalleled sense of duty: The Leni Robredo Nagueños knew

Unparalleled sense of duty: The Leni Robredo Nagueños knew

Nagsimula ako sa Public Attorney’s Office, kung saan araw-araw, mula Lunes hanggang Biyernes, nasa loob ako ng iba’t ibang court room at tambak ang kaso. Bawat Sabado, nasa BJMP ako para ihanda ang aking mga kliyente. Nahasa ako sa crim law at litigation. Pero kinalaunan, lumipat ako sa isang NGO, ‘yung Sentro ng Alternatibong Lingap Panligal. Sa SALIGAN talaga ako nahubog bilang abugado: imbes na tinatanggap na lang ang mga batas na kailangang sundin, nagtatanong din kung ito ba ay tunay na instrumento para makapagbigay ng katarungan sa ordinaryong Pilipino. Imbes na maghintay ng mga kliyente sa de-aircon na opisina, dinadayo namin ang mga malalayong komunidad. Kadalasan, naka-tsinelas, naka-t-shirt at maong, hinahanap namin ang mga komunidad, tinatawid ang mga bundok, palayan, at mga ilog para tumungo sa mga lugar kung saan hirap ang mga batayang sektor na makakuha ng access to justice. Naaalala ko pa noong naging lead lawyer ako para sa isang proyekto: sa loob ng mahigit dalawang taon, bumibiyahe ako buwan-buwan papunta sa malayong isla ng Masbate, nagpa-paralegal training sa mga batayang sektor doon, ipinapaliwanag, itinituturo, at sinasanay sila sa mga batas na nagbibigay-proteksyon sa mga karapatan nila.

Bawat isa sa amin, one-man o one-woman show: kami ang abugado at trainors; kami rin ang community organizer, researcher, assistant, messenger, tagabuhat ng sariling gamit, pati maintenance ng sariling espasyo; pagsapit ng gabi, kami din ang kainuman at ka-sing-along sa videoke ng mga sektor na binabaran namin. Challenging ang mga panahon na iyon, pero fulfilling. Dahil sa karanasan ko sa SALIGAN, naging buhay na buhay sa akin ang konsepto na sa ilalim ng batas, pantay ang lahat: walang lamang ang naka-barong sa naka-daster, walang bentahe ang mga nakabalat na sapatos sa may putik ang talampakan. Tao ang bawat tao — kaya pantay ang dignidad at karapatan ng lahat.

Mulat ako na hindi para sa lahat ang landas na tinahak ko. Pero ano man ang mga pangarap ninyo bilang abugado, paano man ninyo pipiliing tuparin ang mga ito; saanman kayo mapadpad — sa corporate man o sa NGO o sa gobyerno — binibigkis tayo ng mga prinsipyo nitong propesyong pinili natin. 

Tandaan natin: ang batas, higit pa sa listahan ng mga bagay na puwede o hindi puwedeng gawin. Isa itong pagsasalamin kung ano ang mahalaga sa atin bilang nagkakaisang bansa — ang mga adhikain natin, mga paniniwala, ang kolektibo nating pinaninindigan na kung ano ang tama. Kaya nga ang batas ang huling takbuhan, ang huling silungan, lalo na ng mga naaapi at ng mga nasa laylayan: dahil nasa batas ang kolektibong pagsasatitik ng lipunang pinapangarap natin para sa isa’t isa. Nagtitiwala sila na sa lipunang ito, hindi sila pababayaan. Nagtitiwala sila na sa lipunang ito, patas ang tingin sa kanila. Na sa lipunang ito, gaya ng sinabi ko kanina: tao ang bawat tao, at pantay ang dignidad at karapatan ng lahat.

Must Read

[OPINION] Bar exams, failures, and the makings of a great lawyer

[OPINION] Bar exams, failures, and the makings of a great lawyer

Ibig sabihin nito: tinatawag tayong unawain na ang pagiging abugado, masusukat hindi lang sa husay sa pag-alala ng jurisprudence o proseso, o sa talas ng argumento. Maisasadiwa natin ang pinakapuso ng ating propesyon kung sa bawat kaso, sa bawat pagharap sa korte, sa bawat sandali, nagsisikap tayong tumotoo sa mga prinsipyong kinakatawan nito; kung sa bawat kaharap nating sangandaan, bumabalik tayo at tinatanong ang ating sarili: Ano nga ba ang nararapat? Ano ba ang makatao? Ginagamit ko pa rin ba ang kaalaman ko sa batas bilang instrumento ng katarungan, o ako ba ang nagpapakasangkapan? Laging tandaan: bilang alagad ng batas, lalo na para sa inyong mga Iskolar ng Bayan, ang pinakamahalagang kliyente ay ang sambayanang Pilipino.

Alam kong hindi ito madali, lalo na sa mga panahong kinapapalooban natin ngayon. Binubura ang kasaysayan; pinapalitan ng kasinungalingan. Binabalot tayo ng pangamba at mga tanong para sa ating kinabukasan: Ano na ang mangyayari sa katarungan, sa mga karapatan? Mapapanagot pa kaya ang mga may kasalanan? Mapapagbayad ang mga may utang sa bayan? Para saan pa ang paninindigan, para saan pa ang batas, kung tila ba binabaluktot ito ng makapangyarihan para isulong ang sariling agenda?

Mahalagang tanong ito na kailangan nating sagutin sa sari-sarili nating mga pagninilay. Pero bilang kapwa-abugadong nauna sa inyo, hayaan ninyo akong magbahagi ng dalawang paniniwala. 

Una: lilipas din ito. Lumipas ang diktadurya; lumipas ang mga pananakop ng mga dayuhan. Sa mahabang kasaysayan ng sangkatauhan, lumilipas ang maraming manipestasyon ng pang-aapi at kawalang-katarungan. Sabi nga ni Ka Pepe Diokno noong ipinataw ang Batas Militar: “Law in the land died. I grieve for it but I do not despair over it. I know, with a certainty no argument can turn, no wind can shake, that from its dust will rise a new and better law: more just, more human, and more humane. When that will happen, I know not. That it will happen, I know.”

Pero hindi nito ibig sabihin na mag-aabang na lang tayo. Hindi nito ibig sabihin na kailangan muna nating yumuko at manahimik at hayaang mangibabaw ang mali. May isa pang quote na lagi kong binabalikan patungkol dito, galing kay Ravish Kumar, na Magsaysay Awardee noong 2019. Sabi niya, “Not all battles are fought for victory. Some are fought simply to tell the world that someone was there on the battlefield.” Bagaman totoo ito, mas naniniwala ako: only by constantly registering ourselves on the battlefield can the war — for justice, for dignity, for true inclusiveness and solidarity — be ultimately won. Kailangan laging naroon tayo para pumalag laban sa kahit na anong kasamaan. 

Must Read

[OPINION] The long revolution: Voices from the ground

[OPINION] The long revolution: Voices from the ground

Kaya nga ang pangalawa kong paniniwala: lilipas lang ito kung hindi tayo susuko. Kung patuloy nating igigiit ang tama at makatuwiran sa bawat sandali. Sa paglaban, maaaring umabot sa puntong pakiramdam natin, wala na tayong katabi; maaaring maubos ang boses natin o mapagod tayo sa paninindigan. Pero kailangan nating maunawaan na ang bawat maliit na kilos, bawat sandaling kumakahig tayo sa pader, umaambag sa pag-asa na balang araw, guguho rin ang pader na ito. Kaya walang nasayang; walang masasayang. Bawat hakbang, gaano man kabigat ng ating mga paa, isinusulong tayo sa landas tungo sa tunay at makabuluhang pagbabago.

Kaya mga graduates ng UP College of Law: Matimbang ang mga sablay na nakasukbit ngayon sa balikat ninyo. Inaasahan kayo, hindi lang para patuloy na dalhin ang apoy ng katarungan, pero para ipagtanggol ito sa makapangyarihang hangin na pilit iihip dito. Buong-buo ang tiwala ko sa utak at puso, sa tapang at talino ng mga taga-UP. Alam kong lalo pang titibay ang loob ninyo, lalo pang lalakas ang tinig, lalo pa kayong titindig sa mga darating na panahon. Tinitiyak ko sa inyong lahat: marami kayo, marami tayo. Napakarami nating magkakasama sa laban na ito.

Kaya congratulations sa inyong lahat. Magandang hapon at mabuhay kayong lahat. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!