Katarungan para kay Jennifer Laude

Una sa lahat, nakikiramay ako sa pamilya ni Jennifer Laude. Masakit ang mawalan ng anak at kapatid. Higit na masakit ang mawalan ng mahal sa buhay sa isang napakarahas na paraan. 

Dahil trabaho ko ang magbigay-payo sa mga biktima ng karahasang sekswal, agad kong naisip ang kanyang pamilya nang mailathala ang pagpaslang kay Jennifer, laluna't ligid ito ng maraming ibang isyu. Diskriminasyon laban sa mga transgender, diskriminasyon laban sa sekswalidad ng babae, diskriminasyon laban sa Pilipinong napapaloob sa Visiting Forces Agreement. Higit na mahirap tuloy na magluksa. Lalong mahirap pahilumin ang sugat na dala ng pagyao ng minamahal.

Pakiramdam ng maraming pamilya sa ganitong kalagayan na hindi sila ang nagdidikta ng mangyayari kundi ang mga pangyayari na ang nagdidikta sa kanila. Hindi na sila ang may pasya kung paano bibigyan ng huling respeto ang nasawi. Kadalasan, dagok sa sariling pagpasya ang pagkamatay ng isang kapamilya. Higit pa kung ang pagkamatay niya ay hindi naman dapat nangyari. Nguni't ang mala-karnabal na sitwasyon ng isang pagkamatay na puno ng kahulugang pulitikal ay nakadaragdag sa pakiramdam ng kawalan ng kontrol.

Kaya't kung pag-uusapan ang katarungan para kay Jennifer, ang pangunahing konsiderasyon ay para sa kanyang ina, mga kapatid at nobyo. Kilala nila si Jennifer. Alam nila ang niloloob niya. Alam nila kung ano ang naging pananaw ni Jennifer (kung mayroon man) tungkol sa mga kaugnay na isyung pulitikal. Ang kanilang pulitika ang dapat manaig sa isyu ng pamamaslang na ito. Hindi makatuwirang isakay natin ang iba pang usaping pulitikal kung labag sa kalooban ng pamilya. Makadaragdag lang tayo sa pagdadalamhati nila. Susuwayin lang natin ang prinsipyong dapat ipaglaban ang interes ng pinakamaliit.

Kaya't sinubaybayan ko ang mga pananalita ng nanay, kapatid at nobyo ni Jennifer bilang paghahanda sa pagsusulat nito. Ang partido-pulitikal na kinabibilangan ko ay direktang nakikipag-ugnayan sa mga kapatid. Binasa ko rin ang ulat ng aking mga kasamahan sa partido hinggil sa mga kagustuhan ng pamilya. (Sa ordinaryong pagkakataon, dapat pangalanan ang partidong ito upang matimbang ng nagbabasa kung may bias o pagkiling ako. Nguni't upang huwag magmukhang-epal, hindi ko na ito babanggitin.)

Sabihin pa, tanging batayan ng aking kuro-kuro ang kagustuhan ng pamilya ng biktima at ang mga pamantayan ng karapatang pantao.

Katarungan para kay Jennifer ang panawagan. Nguni't maraming larangan ang labang ito. Ang unang larangan ay ang hiling ng nobyo at pamilya – huwag naman bastusin ang ala-ala niya.

'Hate crime' 

Kinokondena ko ang mga komentarista, maging media o ordinaryong mamamayan, na kung anu-ano pa ang sinasabi tungkol kay Jennifer. Sinabi na ng pamilya at nobyo na marangal siyang tao. Matulungin sa pamilya. Mabait. Hindi nanloloko. Anupaman ang naging kwento ng kanyang pagpaslang, hindi ito ang tunay na larawan ng pagkatao niya.

Palagay ko, walang masamang budhi si Jennifer, ito'y nasa mga mapanghusgang komentaristang ipinapalabas pang may kasalanan si Jennifer. Na hindi siya dapat namatay kung hindi siya ganito o hindi niya ginawa yon. 

Kapag naririnig ko ito, gusto kong tawagan ang Komisyon sa Karapatang Pantao upang pangaralan ang mga komentaristang ito. Simple lang naman ang dapat nilang matutunan: ang pamamaslang ang isa sa pinakamatitinding pagyurak sa karapatang pantao. Walang maaaring ikatuwiran dito. Ito ay krimen, walang iba.

Ang ginagawa ng mga komentaristang ito (na may kakapalan pa ng mukha ang ilang banggitin ang kanilang pagiging maka-Diyos) ay ang tinatawag na “victim blaming.” Ang biktima pa ngayon ang may kasalanan.

At dito makikitang pareho lamang ang takbo ng isip nila kay Joseph Pemberton, ang akusado. Ito ang pagkamuhi sa mga katulad ni Jennifer.

Sa tindi ng karahasang dinanas ni Jennifer sa kamay ni Pemberton, mariing pagkamuhi lamang ang maaring motibasyon. Ano pa man ang “gulat” niya na hindi naman pala babae ang pangangatawan ni Jennifer, hindi ito dapat humantong sa karahasang ipinamalas. Kung hindi mo kinamumuhian ang mga ganitong tao (transgender, Pilipina, mahirap, puta kuno) hindi mo kakayaning gawin ang kahayupang iyon.

“Hate crime” ang tawag sa ganyang mga krimen – isang partikular na krimeng dala ng pagkamuhi sa mismong pagkatao ng iyong sinaktan. Hindi ito tungkol sa mga bagay na maaring palitan ng tao tulad ng kanyang relihiyon o pulitika. Tungkol ito sa likas na pagkatao ng isang nilalang. Sa US may partikular na batas para sa mga ganitong krimen na higit na mabagsik ang mga parusa.

Pakahulugan ng LGBT

Hindi kayang palitan ni Jennifer ang kanyang pagiging transgender. Ang kabutihang maaaring ibunga ng kanyang pagyao ay ang mas malawak na pag-unawa sa mga taong tulad niya. LGBT ang tawag ng mga kagaya ni Jennifer. Ito ang unang titik ng mga terminong “lesbian,” “gay,” “bisexual” at “transgender.” Mga Ingles na termino, nguni't mga terminong ginagamit na rin sa Pilipinas.

Hinahamon ng mga LGBT ang maling kaisipang kapag may pangangatawang lalaki ang isang tao, sa babae lamang siya dapat malibugan at dapat panlalaki lamang ang kilos at pagdadamit niya. Syempre pa, kung babae ang indibidwal, dapat lalaki lamang di umano ang kinalilibugan niya at ang asta niya ay pambabae.  

Mali ito. Matagal nang sinasabi ng mga sikolohista at sikiyatrika na hindi abnormal ang pag-iisip at damdamin ng mga LGBT.

May mga lalaking nagkakagusto sa kapwa lalaki at sila'y tinatawag na gay (bakla, beki, bading, atbp). May mga babaeng nagkakagusto sa kapwa babae at sila'y tinatatawag na lesbian (tomboy, t-bird, lesbyana, byaning, atbp). May mga taong nagkakagusto sa parehong lalaki at babae at sila'y tinatawag na bisexual (silahis, ac/dc, atbp). At may mga taong katulad ni Jennifer na transgender.

Dalawang klase ang transgender. Ang babaeng transgender na sa Ingles ay “male to female transgender” o “transwoman”, at ang lalaking transgender, na sa Ingles ay “female to male transgender” o “transman”. Si Jennifer ay isang babaeng transgender.

Ang ibig sabihin nito, kahit binansagan siyang lalaki sa pagkapanganak (dahil sa kanyang pangangatawan), babae ang paggagap niya sa kanyang pagkatao. Di tulad ng mga bakla, na lalaki ang tingin sa sarili, yayamang lalaki ang kanilang kinalilibugan, hindi tinatanggap ng mga babaeng transgender ang kanilang pagkalalaki. 

Hindi sira-ulo ang mga transgender. Malinaw kay Jennifer ang kanyang pangangatawan. Sa salitang sikolohikal, hindi siya delusyonal. Kaya't sa pananaw ng mga dalubhasa, hindi pinili ni Jennifer na maging babae. Hindi ito katigasan ng ulo, o sakit na dala ng pagka-immoral o ng pagkukulang ng kanyang pamilyang turuan siya ng tama. 

Ayon sa mga eksperto, dapat tulungan ang mga tulad ni Jennifer na matamo ang hangad na identidad, ang maging babae. Maraming paraan ang maaring gamitin ng mga doktor at sikolohista. Hindi naman nangangailangan ng operasyon and lahat ng transgender para baguhin ang pangangatawan, nguni't tungkulin din ng doktor na bigyang daan ang kagustuhan ng mga transgender na maoperahan upang iayon ang kanilang katawan sa hinahangad na pagkatao.

Higit na mahalaga, upang mabuhay sila nang masaya, may dignidad at maging mabuting bahagi ng pamilya at lipunan, dapat kilalanin ang kanilang pagkatao bilang babae o lalaking transgender.

Hindi ko alam kung sumama sa mga grupong LGBT o nakapag-aral tungkol sa mga isyung ito ang mga nagmahal at minahal ni Jennifer. Anupaman, minahal at tinanggap nila siya bilang anak, kapatid at kaibigan. Sinunod ang puso at hindi ang mga maling pananaw. Saludo ako sa kanila. Hindi ganito ang lahat ng pamilya. Marami ang nananakit at tinatalikuran ang mga kapamilyang LGBT.

At dahil sa maling kultura, hindi katangi-tangi and dinanas ni Jennifer. Hindi lang siya ang binastos, binugbog at pinatay dahil malupit at mapanghusga ang ilan. Hindi lamang mga banyaga, kundi kapwa Pilipino ang gumagawa ng mga krimen laban sa mga LGBT.

Diskriminsayon sa SOGIE

Ang panambit ko sa lahat, laluna ang mga nasa media, gamitin ang piniling mga salita ni Jennifer para sa sarili. Huwag nang banggitin ang pangalang panlalaki na ibininyag sa kanya. Gamitin ang “she” sa halip na “he."

Katarungan para kay Jennifer! Nagsisimula ito sa pagbibigay-galang sa pagkataong binuhay niya – isang mapagmahal, matulungin at marangal na babae.

Hiling ko rin sa lahat na huwag tawagin si Jennifer na bakla. Hindi ko alam kung ano talaga ang ginustong termino ni Jennifer. Nguni't maraming transgender na nasasaktan ang damdamin kapag tinawag silang bakla. Hindi naman kasi sila lalaking nagmamahal ng lalaki. Babae sila na unang binansagang lalaki, nguni't babae sa puso at diwa.

Ang identidad bilang lalaki o babae, o “gender identity” ang isyu ng mga transgender. Kung kanino nakapatungkol ang kanilang mga damdaming sekswal, o “sexual orientation” ang usapin naman ng mga bakla, lesbyana at bisekswal.

Sa hanay ng mga LGBT, ito ang pakahulugan ng panawagan nilang kalayaan sa “SOGI”, o sexual orientation and gender identity. Dinadagdagan pa ito ng E, “SOGIE”, upang ipaglaban ang kalayaan sa “gender expression”, o kung papaano nais ipahayag ang pagkababae o pagkalalaki ng indibidwal. Kakitirang-isip ang sabihing makasalanan si Jennifer dahil nagsusuot siya ng bestida, gumagamit ng make-up, may handbag, atbp. 

Katarungan para sa lahat

Hindi totoong itinago ni Jennifer ang kanyang pagkatao, anupaman ang kanyang gayak. Alam ng nobyo niyang transgender siya. Malinaw sa pananalita ng nobyo niyang minahal niya si Jennifer bilang isang transwoman.

Siguro'y may mga nagtatanong kung hindi sira-ulo ang nobyo ni Jennifer. Dito na naman mamamalas ang kakitirang-isip ng mga sunud-sunuran lamang sa mga alituntuning kinagisnan. Dikta na naman ng kultura natin na isang tipo lamang ang dapat pagnasaan: ang magandang babaeng may pangangatawan at kaugalian ng babae (kung lalaki ka) o ang gwapong lalaking may pangangatawan at kaugalian ng lalaki (kung babae ka).

Nguni't kung totoo iyan, wala marahil ang makapagpapakasal. Kaunti lamang sa atin ang itsurang-artistahin. Nakahahanap ng mahal sa buhay ang karamihan sa atin kahit hindi kagandahan. Sa totoo lang (at salamat naman), iba ang nagiging pamantayan ng ating puso kapag namili ito. Marami ang nagkakagusto sa mga transgender dahil transgender sila. Isa na dito ang nobyo ni Jennifer.  

Katarungan kay Jennifer, katarungan para sa lahat ng Pilipino

Malay ko kung ang akusadong si Pemberton ay talagang nagulat sa pangangatawan ni Jennifer. Baka ang naramdaman niyang pagnanasa para sa isang taong itinuro sa kanya ng lipunan na dapat niyang kamuhian ang kinagulatan niya. Nakikinita ko na ang magiging taktika sa depensa ni Pemberton – na niloko siya ni Jennifer at sa kanyang gulat, nawala siya sa sarili at pinaslang niya ito. Sa ibang bansa, bawal ang ganitong klaseng katuwiran. Sana naman, huwag ito hayaang maging palusot ni Pemberton sa mga korte natin. 

Hindi ako magbibigay ng opinyon tungkol sa VFA, sapagka't batay sa alam ko, hindi nagkakaisa ang pamilya ni Jennifer tungkol dito. Sa isang punto lamang ako magbibigay ng kuru-kuro dahil ito rin ang sinabi ng pamilya: dapat litisin ang akusado sa Pilipinas. Dapat siyang mapasailalim agad sa awtoridad ng Republika ng Pilipinas.

Malaking dagok sa dignidad at karapatan ng bawa't Pilipino ang kasunduan sa VFA na ang akusado ay maaaring ipailalim pa rin sa kapangyarihan ng US sa panahon ng paglilitis. Hindi tayo dapat pumayag na ibang uri ang hustisya para sa Amerikano laluna't sila ang bisita at isa sa kanila ang gumawa ng krimen. Walang ibang armadong lakas sa mundong ibabaw ang humihingi ng ganitong katang-tanging pribilehiyo maliban sa armadong lakas ng US. Pwede ba! Buktot na konsepto ito ng pagkakaibigan ng dalawang bayan.

Muli, nakikiramay ako sa pamilya ni Jennifer at sa lahat ng nagmamahal sa kanya. Sana'y gumaling ang sugat nila sa pinakamaagang panahon. Mabibigyang-daan lamang ang paghilom kapag mabigyang-katarungan ang dignidad at pagkatao ni Jennifer Laude. Sa ganang akin, ang wastong paraan ng pagtulong sa pamilya niya ay ang sundin ang kanilang mga desisyon. Kung maghilom sila, maghihilom din, kahit bahagya, ang sugat sa kamalayan ng mga Pilipino. – Rappler.com