Kampanya kontra droga hadlang sa makamasang kaunlaran

 

Totoong lumago ang ekonomiya ng Pilipinas nang 7% at 6.6% sa hulihang bahagi ng 2016. Ngunit ang bilang ng mga patay sa war on drugs ay lumaki rin nang mas mabilis. Sa unang yugto ng kampanya, nakahihindik na 7,080 ang namatay, ayon sa datos ng pulisya.

Mas malaki na iyon sa tinatayang dami ng namatay sa rehimeng Marcos (3,240) o sa namatay sa Super Bagyong Yolanda noong 2013 (6,340). Kung magpapatuloy ang 1,020 patay kada buwan sa kampanya laban sa droga, maaaring higit sa 64,500 pa ang mamatay bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa 2022. 

Ang kalunos-lunos na dami ng patay sa laban sa droga ay malaking balakid sa paglago ng ekonomiya dahil nagdudulot ito ng masama at hindi kaaya-ayang klimang pang-ekonomiya.

Inamin ito ng ilang matataas na kawani ng pamahalaan kamakailan. Sinabi ng mga puno ng Department of Tourism at Pagcor na, dahil sa mga isyu ng pagpatay at pagsikil sa karapatang pantao, hirap na ang Pilipinas na akitin ang mga turista at mamumuhunan sa bansa. Sinabi rin ng kalihim ng DILG na nanganganib ang ating trade deals sa Europa. 

Ang Standard & Poor’s ay nagsabi rin na maaari nilang babaan ang tinatawag na “credit rating” ng bansa dahil mas mahirap nang matantiya o maasahan ang mga patakaran ng gobyerno. Hindi lamang ito dahil sa laban sa droga, dahil din sa paiba-ibang pahayag ng Pangulo sa mga isyu ng ugnayang panlabas at tanggulang pambansa. 

Tinitingnan ng mga mamumuhunan ang credit ratings upang matantiya at paghambingin ang mga panganib sa iba-ibang bansa. Ngunit kahit hindi bumaba ang ating credit rating, walang gustong mamuhunan sa isang bansa na talamak ang karahasan, binabale-wala ang mga karapatang pantao, at mahina ang respeto sa batas. Buburahin din ng mas mababang credit rating ang matataas na credit rating na ating natamo sa mga nakalipas na taon.

Pahirap sa masa

Isang malaking pahirap din sa masang Pilipino ang laban kontra droga.

Sinabi ng Human Rights Watch sa isang pag-aaral na halos lahat ng biktima ng war on drugs ay walang trabaho, maliliit ang kita (tulad ng pedicab driverporter), o nakatira sa mahihirap na komunidad (kalimitan, mga maralitang tagalungsod). Inamin mismo ng Pangulo na marami sa namatay ay mahihirap, pero “wala talaga tayong magagawa,” aniya.

Walang saysay ang paglago ng ekonomiya kung hindi makikinabang dito ang mahihirap dahil sila ay pinapatay. Hindi natin mapapalawak ang kanilang mga kakayahan, oportunidad, at kalayaan kung sila naman ay walang habas na pinapaslang sa mga kalsada.

Marami rin sa mga biktima ay mga magulang. Kamakailan, isang ina (at hinihinalang gumagamit ng droga) ang pinatay sa Caloocan sa harap mismo ng kanyang anak na babae. Sa pagpatay sa mahihirap na magulang tulad niya, libo-libong bata ang nauulila. Ayon sa paunang datos mula sa DSWD, ang mga naulilang bata dahil sa laban sa droga ay maaaring higit 18,000 na. 

Mahirap na nga ang buhay para sa mga batang ito, lalo lamang hihirap ang kanilang buhay sa pagkawala ng kanilang mga magulang. Dahil sa kampanya kontra droga, mas magiging mahirap tuloy baliin ang siklo ng kahirapan sa mga susunod na henerasyon.

Makamasang kaunlaran, nagiging imposible

Nahirapan na ang nakaraang administrasyon na gawing makamasa ang kaunlaran dahil napakahirap sugpuin ang kahirapan at di pagkakapantay-pantay ng mga tao sa ating lipunan. Ngunit dahil sa laban kontra droga ni Pangulong Duterte, halos imposible na itong makamit ngayon.

Kung tumutok lamang ang kampanya kontra droga sa rehabilitasyon at pagsama muli sa lipunan ng mga lulong sa droga, o kung tumutok ito sa pagpuksa sa iilang drug lord, hindi sana magiging magkasalungat ang paglaban sa droga at ang pagkakamit ng makamasang kaunlaran.

Ngunit habang ipinagpapatuloy ng gobyerno ang marahas at madugong paglaban sa droga – na nakatutok sa maliliit at mahihirap – hindi natin makakamit ang makamasang kaunlaran sa mga susunod na buwan o taon. 

Gusto ba talaga nating makamit ang makamasang kaunlaran sa ilalim ng layuning pambansang pag-unlad? Kung gayon, dapat nating ipahayag ang pagtutol natin sa karahasan at mga pagpatay. Hindi maaaring gustuhin natin ang makamasang kaunlaran pero manatili tayong tahimik sa madugong kampanya kontra droga.  

Kung hindi natin kokondenahin ang laban sa droga, mamumuhay tayo bilang mga ipokrito, at anumang umano'y pag-ayon sa makamasang kaunlaran ay mawawalang saysay. – Rappler.com

Si JC Punongbayan ay isang PhD student at teaching fellow sa University of the Philippines School of Economics. Si Kevin Mandrilla ay MA student sa UP Asian Center at may karanasan sa adbokasiya patungkol sa karapatang pantao. Ang nakasaad dito ay mga sarili nilang pananaw, at hindi ng mga grupong kanilang kinabibilangan. 

Ito ay pagsasalin ng kanilang orihinal na artikulo: “Why the drug war thwarts our pursuit of inclusive growth.”