2022 PH Elections - Voices

[Newspoint] Wala sa sarili

Vergel O. Santos
[Newspoint] Wala sa sarili

Alejandro Edoria

Ang pagkatalo ni Duterte ay ang paglaya ng ating bayan – sa kamalian at kasamaan. EDSA itong muli, at ganoon pa rin ang tanong: Gaano kahalaga sa atin ang ating bayan?

This is a Filipino translation by Nancy Pe Rodrigo of “Crazed and desperate.”

Pinalabas ng iba na bilang istratehiya, sadyang pinatagal ni Pangulong Duterte at ng kanyang grupo ang pagpangalan sa kanilang mga kandidato sa iba’t-ibang posisyon para sa halalan sa 2022. Lumalabas ngayon, base sa kanilang mga pinili, na tila naguluhan sila at hindi alam ang gagawin, at nagpapanggap lamang sila na maayos ang lahat.

Nagkukumahog silang maabot ang alas singkong deadline noong Nobyembre 15,  at nagbigay ng listahan ng mga kandidato, na dahil lubhang kalunus-lunos ay napaiyak si Bong Go. Siyempre, hindi ito aaminin ni Go, at magdadahilan na lamang na may pumasok na usok sa kanyang mga mata. Ngunit, tila iyon ay mga luha ng takot, hindi luhang pang-drama.

Mula sa pagiging mayordomo ni Duterte, umasenso si Go – naging senador, at ngayon ay tagapagmana ng posisyon ng pagkapangulo. Ngunit gaano man kakapal at ka-deboto si Go sa kanyang padron, marahil ay napagtanto rin niya na siya ay inilublob nang lubog na lubog.

Si Sara Duterte naman, na noon ay opisyal na prinsesa ng kanyang ama at hinahandang pumalit sa kanya, ay kuntento na ngayong tumakbo bilang pangalawang pangulo. At ang kanyang ama, na noon ay pinupuntirya ang pagka-pangalawang pangulo, ay kuntento na kung mahalal na senador.

Tunay man o palabas, isang lantarang away ang nakikita sa dinastiyang Duterte. Ang paniwala ng iba, may sama ng loob si Sara, ang lehitimong anak, sa kanyang ama – gayundin sa pangalawang pamilya nito, at kay Bong Go, ang paboritong “anak” na hindi kadugo – at ayaw niyang maugnay sa politika nito. At minsan na niyang nasabi na hindi siya interesado sa anumang pambansang posisyon at nais niya na lamang tumakbong muli bilang alkalde ng Davao City.

Bilang tagapagmana sa dinastiyang Duterte, masidhi niyang pinatutunayan na siya ay may sariling “kakanyahan.” At ginagampanan niya ito. Pumili siya ng ibang partido at kumandidato, hindi bilang katambal ni Go, ngunit katambal ni Ferdinand Marcos Jr., na walang katambal na pangalawang pangulo mula sa kanyang partido.

Gayunpaman, nanaig ang interes ng dinastiya. Upang hindi siya mahirapan, o tuluyan niyang maiwasan ang pananagutan, sakaling siya ay makasuhan sa mga ginawa niya (pagpatay, korapsyon, pagtakwil sa bayan), kailangan ni Duterteng mapanatili ang kapangyarihan at impluwensiya na dahilan kaya siya ay malayang nanungkulan nang ayon sa gusto niya. Ngunit kahit ang  Korte Suprema at Kongreso, na kontrolado niya, ay hindi makatutulong sa kanya hinggil sa mga kasong isasampa sa International Criminal Court, para sa mga libo-libong namatay sa kanyang giyera laban sa droga.

Malinaw na may kasunduan ang mga Duterte at Marcos. Hindi naman nakapagtataka dahil kaalyado ni Duterte si Marcos, at idolo nito ang kanyang ama na si Ferdinand Marcos. Si Marcos nga ang nais sana niyang maging pangalawang pangulo niya, at hindi si Alan Peter Cayetano, noong halalang 2016. Maliban doon, mataas din ang numero ni Marcos sa mga surbeyo ngayon.

Dahil hindi niya kayang makipagsapalaran sa isang pangulo na hindi miyembro ng kanyang pamilya, maaaring ninais ni Duterte na tumakbo si Marcos Jr. bilang pangalawang pangulo, at si Sara bilang pangulo. Posible rin na ipinaalaala niya kay Marcos Jr. na kailangang aprubahan ang kanyang kandidatura ng Commission on Elections, na ngayon ay puno ng mga hinirang niya at pinag-aaralan ang hatol kay Marcos – kung saan siya ay may sala – sa kasong hindi pagbayad ng buwis (tax evasion) noong 1997. Ang hatol na ito ay maaaring maging dahilan upang mawalan ng karapatan ang sinuman na manungkulan sa pamahalaan.

Malinaw na hindi nakumbinse si Ferdinand Jr., at hindi rin natakot.  At malinaw din na dahil sa pagkabigo, waring tuluyang nawala sa sarili si Duterte: tinatawag niya ngayon si Ferdinand Jr. na sinungaling at magnanakaw (na kapani-paniwala naman), at komunista (na katawa-tawa). Isang Duterte na nagngangalit habang si Marcos ay tumatakbong katambal si Sara ay napa-interesanteng palabas sa tanghalan. Ngunit kung ilang boto ang nawala o nakuha sa pabago-bagong alyansa, hindi natin alam.

Kung nais ninyo ng tunay na tanghalan, si Duterte ang dapat panoorin. Kung desperado siya ngayon, lalalá pa ito. Bumabagsak ang kanyang puhunang pampulitika. Higit na inilantad ng pandemya ang kanyang kawalan ng kakayahan at ang pag-aalaga niya ng mga cronies. Dahil sa napakalalaking kontratang may sabwatan at pandaraya, lubhang humina ang tugon ng pamahalaan sa pandemya at laging nabibilang ang Pilipinas sa mga bansang pinakamahina ang paglaban sa pandemya. Nagbunga ito ng napakaraming taong nawalan ng trabaho, nagutom, at namatay – na ngayon lamang nangyari sa bansa.

Dapat panoorin si Duterte, katabi si Leni Robredo, na tumataas ang mga bilang sa mga surbeyo, nang dahil na rin kay Duterte. Isinantabi siya ni Duterte bilang pangalawang pangulo, dahil mula siya sa ibang partido, at siniguradong maliit ang pondo ng kanyang opisina, upang magmukha siyang walang-silbi at mawala sa radar ng sambayanan. Ngunit lalo lamang nitong pinaigting ang kanyang kakayahan bilang pinuno – at ang kanyang pagiging maparaan – at hindi nagtagal, nagkaroon siya ng maraming tagahanga sa mga natulungan ng kanyang programa at sa mga tumulong sa kanya.

At matagal na rin niyang napatunayan ang kanyang kakayahang magbigay ng inspirasyon at humila ng napakaraming tao tungo sa isang layunin. Sa halalang 2016, nagmula siya sa awareness rating na 1%, ngunit sa dulo ay tinalo niya si Ferdinand Jr., at nanalo bilang pangalawang pangulo.

Kung may isang taong magpapalalá ng isip ni Duterte nang higit pa sa kalagayan nito ngayon, ito ay si Robredo. Nang hindi sinasadya, maaari niyang itulak si Duterte upang  gumawa ng mga desperadong hakbang. At ngayong kasama ni Duterte si Gloria Arroyo, na siyang tagakumpas para sa halalan, may mga nagsasabing maaari itong gumawa ng napakasasamang hakbang.

Maaalalang inayos at dinaya ni Arroyo ang halalan noong 2004 upang manalo siya bilang pangulo, at nalusutan niya ito, sa tulong ng mga elitistang sektor na pinili ang pandaraya kaysa manalo ang aktor na si Fernando Poe Jr. na baguhan sa politika, at ginamit ang impluwensiya upang matigil ang mga protesta; nakatulong din kay Arroyo ang mga botante na wala na ring interes pagkatapos bumoto.

Tunay na ito ay panahon ng desperasyon para kay Duterte at para sa bayan. Ang pagkatalo ni Duterte ay ang paglaya ng ating bayan – sa kamalian at kasamaan. EDSA itong muli, at ganoon pa rin ang tanong: Gaano kahalaga sa atin ang ating bayan? Gaano kahalaga sa atin na tayo at ang ating mga anak ay lumaya sa kamalian at kasamaan? – Rappler.com