cycling in the Philippines

[OPINYON] Semplang

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Semplang
'Ayoko na sanang sabihing kailangan ko pa ng semplang para matauhan, pero totoong natauhan ako nang masemplang.'

Nanginginig akong tumayo. Tiningnan ko kung saan may dugo. Sa tuhod agad ang nakita ko. Nagsimula nang magsakitan ang lahat ng tinamaan. Ulo, tuhod, braso, kamay, palad. Pinulot ko ang tumalsik na salamin ko, umaasang nabasag. Pero buo. Pinulot ko ang water container. Nanginginig ako, adrenaline rush. Kinapa ko ang noo ko, walang dugo. Wala ring bukol. Nawala lang sa pwesto ang helmet. 

Kinapa ko ang tuhod, siko, mga buto sa kamay. Walang protruding bones. Wala pa. Inayos ko sa pagkakabaluktot ang handle bars ng bisikleta. Pinakiramdaman ko kung magko-collapse ako. Kailangan kong umupo muna. Pahupain ang kaba. Bumaba ako sa tulay ng Saka Road sa barangay Kalyaat dito sa Lucban. Akay-akay ang bisikletang walang sira. O wala pa akong nakikitang sira.

Half-hearted naman talaga akong mamisikleta nang mag-isa. May seminar daw ang lagi kong kasamang si Pareng Pat noong Biyernes na iyon. Pero dahil tumila na ang ulan matapos ang 3 araw na buhos, at sayang ang bagong kondisyon at bagong upgrade ng groupset na bisiketa, sumagupa ako sa trail. Maayos sa simula ang biyahe hanggang sa mapadako na sa pababang bahagi ng trail. Madulas. Kumapit ang preno sa gulong pero hindi kumapit ang gulong sa mabatong daan. Nawalan ng panimbang. Lipad ako. Sa pagkakalam ko, mabagal lang ako. Pero dahil pababa, baka mabilis na nga. Dahil kung mabagal, bakit masakit ang mga braso ko. Ang noo. Ang tuhod.

Naupo ako sa tabi ng tulay malapit sa lugar kung saan ako sumemplang. Malamig ang paligid. Nagmo-moist ang salamin ko. Mag-aalas-otso pa lang. Nanginginig pa ang mga kamay ko. Kalma kalma. Pinakiramdaman ko kung may hilo ba. Wala. Kung masusuka ako. Hindi. Uminom ako ng tubig. Nakita kong putikan ang braso ko. Pinatay ko ang Strava. Napako sa 8.8 kilometers ang layo ko sa bahay namin.

Hinintuan ako ng isang magsasaka. Nakita yatang tulala at namumutla ako. Nag-usisa. Sinabi kong sumemplang ako. Sinabi niyang marami raw talaga doon sa mismong pababa. Kaya raw siya naglalakad. Oo nga, naglalakad lang ang magsasaka akay ang kaniyang mountain bike.

Wala akong choice kung hindi lumabas sa trail. Walang masasakyan. Inakay ko sa paahong bahagi. Nang maging patag ang trail. Sinakyan ko uli; ginamit ang pinakamagaan na gears. Kinaya ko. Pagdating sa kanto ng highway at barangay road, huminto ako sa isang waiting shed na gawa sa pawid at kawayan. Inisip kong sumakay sa tricycle. Magpapahatid sa ospital. Pero bihira ang dumadaan. Tinext ko si Pareng Pat. Wala palang signal kung nasaan siya noong oras na iyon. Tanghali na niya nabasang nagtatanong ako kung nasaan siya. Magpapasundo sana ako dahil may kotse siya. Baka sakali. Tinawagan ko si Angela in the most deadpan manner, baka kasi mag-panic. “Nasemplang ako, Nanay. Kaya ko naman. Magkita tayo sa school mo. Pakidala ang wallet ko. Pupunta ako sa ospital. Wala akong sugat.” Pagsisinungaling kong tagumpay naman dahil hindi nga siya nag-alala. Parang all in a day’s work ng isang tangang namimisikleta. 

Habang nakatanga sa waiting shed at nag-iipon ng lakas ng loob para bisikletahin ang natitirang 5 kilometro pabalik sa bayan, nakakita ako ng isang matandang namimisikleta. Ang bagal, relax na relax. Naisip ko, bakit ba kasi agresibo ako sa daan? Ano ba ang hinahabol ko? Personal record? Distansya? Anong karera ng bisikleta?

Namisikleta ako kahit na nagsisimula nang sumegida ang sakit ng braso ko. Mabagal. Malamig ang dampi ng hangin sa pawisan kong katawan. Magaan ang lahat. Maganda. Umahon ako sa bayan. Napaaga. Tumawag uli ako kay Angela, sabi ko uuwi na lang ako. Nakarating ako sa bahay. Nakapagtatakang magaan ang pakiramdam kahit na sugatan. Nakuha ko pang maligo at tanggalan ng putik ang bisikleta. Nakuha ko pang makipagbiruan sa anak ko. Nakuha ko pang hindi isiping sumemplang ako.

Dumaan muna ako sa emergency room dahil kailangan daw ng rekomendasyon ng doktor bago i-x-ray. Tinanong ng doktor kung ano-ano ang masakit. Balikat at braso ko kako. Nagsisimula na noong tumiklop ang braso ko. Limitado na ang kilos. Masakit na. Nang i-x-ray, nahirapan ang personnel na ayusin ang braso ko. Akala ko naihi ako sa kirot nang ipatuwid sa akin at ipabukas ang mga kamay. Nalintikan na, may linsad na buto. Tatawagin na akong Jowie Komang.

Kung may linsad na buto, paano na lang ang pamimisikleta kong ginagawa mula pa noong elementarya? Paano ko pa mae-enjoy ang mga tanawin? Ang personal satisfaction ng pag-ahon sa kabila ng hirap at hugot ng malalalim na hininga? Paano ang mga trail na naghihintay daanan? Paano ko pa masasamahan ang mga tropa kong noon pa naglalaway makapamisikleta dito sa Lucban?

Ilang taon na ba ako? Cuarenta y cuatro ngayon. Ilang taon pa, baka mahina na ang tuhod, malutong na ang buto, madaling mag-crack sa kaunting pagkakadupilas. Mahihirapan na sa pagpedal paahon lalo’t nakatira kami sa mataas na bahagi ng Lucban. Bakit ko ba sinayang dahil sa hindi maingat na pamimisikleta? Kaya nangako ako kay God, “Lord, wala lang baling buto o dislocated na joints, hindi na po ako magmamadali. Please, Lord, gusto ko pang mamisikleta.”

Sa unang basa ng doktor, wala nga. Pulled muscle lang or something. Hindi ko na matandaan. Ang highlight ng kaniyang pahayag ay nang sabihing everything seemed normal. Mamamaga pero babalik din sa dati. Niresetahan ako ng pain reliever at muscle relaxant. Kung lalala daw ang sakit, maghanap na ng ortho. Sa totoo lang, masaya akong umuwi. 

Pinakamasakit noong unang gabi ng semplang. Bawat galaw ko sa higaan, napapaluha ako sa kirot ng nabanat na laman o tendon. Inisip ko na baka mali ang basa ng doktor sa x-ray, dahil bakit hindi ko na maikilos? Bakit parang walang epekto ang gamot?

Kinabukasan, bahagya ko nang naigagalaw. Ramdam ko ang millimeter by millimeter improvement ng kayang gawin ng braso ko. Nang sumunod na araw na uli, nilinis ko na nang tuluyan ang bisikleta. Marami akong hindi natatanggal na lupa sa kasu-kasuan ng bike. Magagamit ko na uli. Pero hindi na ako nagmamadali. Ayoko na sanang sabihing kailangan ko pa ng semplang para matauhan, pero totoong natauhan ako nang masemplang.

Wala nang pagmamadali. Wala na dapat gigil. Lahat dapat banayad na daraanan sa paggaling ko, sa paghilom ng sugat at pagbabalik sa dati ng mga nabanat na laman. Aalalahanin ko ang matandang marahang namimiskleta habang bigo akong naghihintay ng rescue. Mabagal lang dapat, banayad na banayad. Iyong pagpedal na dapat nakakangiti pa ako. Hindi iyong habol ang hiningang parang hinahabol ako ng kung sinong pinagkakautangan. Mamimisikleta ako na parang nagpapahangin lang. 

Ano ba naman itong mga piyesang pangarera sa bisikleta ko? Sino ba ang kalaban? Bakit ako nagmamadali? Sa muli kong pagtanda sa araw na ito, yes, ito ang annual birthday essay piece ko, wala na akong gustong malayong marating. Gusto ko na lang paminsan-minsang umalis, umikot sandali, at siguraduhing ligtas makauwi. – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!