2022 Philippine Elections

[OPINYON] Asar-talo

Joselito D. De Los Reyes
[OPINYON] Asar-talo

Illustration by Guia Abogado

'Oo, sa laban na ito, kapag naasar ka at tuloy-tuloy ang pahayag mo ng galit at inis, at paminsan-minsan sigurong pagkamuhi sa social media, nananatili silang popular'

Mas nabigla ako nang malamang kong hindi lang pala ako ang nakaranas nito.

Nanalo sa class election namin noong high school bilang escort ang mukhang hindi pang-escort. Nagkaisa ang buong klase, save for some people na naniwalang ang dapat manalong escort na ipanlalaban sa Mr. Intramurals ay iyong may tsansang manalo talaga batay sa tradisyon. Ganoon din daw ang nangyari ayon sa nagkuwento sa akin. Ang nanalong class president, ang ibinoto daw nila, ay iyong pinakapilyo. Ang nanalong sergeant-at-arms, na karaniwang tagasaway sa maiingay, thereby tahimik, ay pinakamaingay. Ni-revoke daw ng kanilang adviser noong high school ang demokratikong resulta ng kanilang halalan. Sabay sumbong sa principal. Inulit daw ang eleksyon pero sinala na ang mga “kandidato.”

May isang kumandidatong kagawad sa barangay namin noon sa Valenzuela. Ang kaniyang plataporma, simple: walang oras o araw na walang opisyal sa barangay hall. Kahit anong oras pumunta, kahit kailan, may makakausap na kagawad kapag siya ang nanalo. Sa barangay hall kasi siya titira. Nagkataon noon na nakikitira lang siya sa isang bahay. Palipat-lipat, minsan magtatayo ng barong-barong. Kapag kinailangan ng may-ari ang lote, aalis, makikitira kung saan-saan, hanggang maging tanyag nga sa barangay. Maraming natawa sa kaniyang plataporma. Oo nga naman, beinte cuatro oras may tataong opisyal sa barangay hall.

Muntik nang manalo ang kandidato. Marami akong kakilalang naniniwalang dapat pinagbigyan ang kandidato. Dalawang suliranin daw agad ang natugunan sana. Housing at pag-duty sa barangay hall. Sabay tawanan na parang nang-aasar.

Naulit muli itong kakaibang paghalal sa unibersidad na pinagtuturuan ko. Bagamat, well, less serious at wala nang involve na pondo ng gobyerno. My former students can attest.

Online polls para sa batch shirt ng graduating class. Nagsalihan ang magagaling na designer sa kolehiyo. Pero may isang propesor na sinulatan nang marker, longhand, ang template ng kamiseta in big bold shouting letters: MECHANICAL. Iyon lang. Walang logo, walang disenyo. Walang epek epek. Isinulat lang sa template. Ni hindi pa sa MS Word. Nang isalang sa online polls, overwhelming ang panalo ng iginuhit ng kamay. Masaya ang mga nagsiboto noon. Alam nila ang mahabang tradisyong may maaayos na kamiseta ang bawat batch. Angat na angat nga naman ang kamiseta nila. Irony ng teknolohiya at precision ng mga magiging engineer. 

Bakit nangyari? Dahil, bakit hindi? 

In a way, sampling lamang ang ganitong paraan ng paglabag natin sa conformity at obedience upang iparamdam sa iba na hindi lagi tayo maaaring madiktahan ng mga panuntunang itinakda ng lipunan. Oo, mayorya ay naniniwala sa mas ligtas na normative influence-enabled confirmity. O iyong pagtugon sa inaasahan sa iyo ng marami dahil iyon ang kanilang gawain. Pero kung nagiging paulit-ulit, at kung may sapat namang bilang para makakuha ng mayorya, bakit nga naman hindi sumalungat paminsan-minsan?

Ano ang katangian ng escort, pangulo, at sergeant-at-arms ng isang klase, barangay kagawad wannabe, at magandang kamisetang binanggit ko rito? Lahat sila ay hindi komporme sa nakasanayan. 

Dahil taliwas sa nakasanayan o tradisyon, maaari din tingnan ang kanilang relative success na dulot ng tinatawag na penomenong schadenfreude o iyong pagdanas ng satisfaction na makitang hindi nagtatagumpay ang inaasahang magtagumpay, o matalo ng underdog ang malakas sa anumang kompetisyon o tunggalian. Sa schadenfreude (parang shadenfroydah ang bigkas sa compound term na Aleman; gamitin ninyo, parang tunog matalino, ano?), may longing tayo na maging bahagi ng isang pwersang babangga at gagapi sa nakasanayang tradisyon, sa inaakalang malakas. Mas madaling masaksihan ito sa pagsuporta natin sa mga underdog sa anumang labanan lalo’t inaasahan na walang ibubuga sa mas malakas na katunggali. Mas may feeling of satisfaction. Nagtagumpay against the odds. Staple ito sa teleserye, at sa pulitika.

Hindi lang pambarangay o pang-campus politics masasaksihan ang schadenfreude. Sa bansa natin, may conscious effort para magmistulang underdog. Sa kabila ng kapangyarihan at electoral arsenal para manalo, magre-resort ang kandidato sa pagbaba sa sarili upang magmistulang underdog. Gagawing katawa-tawa ang sarili. Hahanap ng gimik na magva-viral (madaling gawin ito lalo’t may back-up ng troll farm) upang pagtawanan ng may alam sa pulitika. Gagamitin niya ang self-fabricated cyberbullying victim card upang ilahad sa mga hindi nakakaalam ng gimik na siya ang underdog sa laban, na siya ay nilalait ng middle-class, na siya ay inaalipusta ng mga may alam. Dito na lulunsad ang kaniyang kampanya, na siya ang kakatawan sa mga maralita (na pinanatili nilang maralita to begin with), hindi nakapag-aral (na sila rin ang dahilan kung bakit sablay ang sistema ng edukasyon), at inaapi. Kay daling magpanggap na inaapi basta mayroon kang backing ng pondo, na ang malungkot, maaaring galing sa buwis natin.

Hihingi na siya ng tulong batay sa awa at galit sa class divide. Bitbit na niya ang kunwaring agenda ng mahihirap at inaapi ng mga may alam. Kunwari dahil, sino nga ba ang tumotoo para ayusin ang buhay ng maraming maralita?

Paano ba sinisimulan ang fabrication ng pagiging underdog lalo iyong alam mong well-entrenched ang kapangyarihan at katanyagan, not to mention pondo, sa simula pa lamang? Simple, sa social media halimbawa, mahahalata mo ito sa paglalabas ng mga meme, videos, viral hashtags. Iyong tipong ipinapalapa talaga ang larawan at video para maging katawa-tawa at kalait-lait. Mula dito, gagamitin niya ang pa-victim card para ilapit ang kaniyang pagkandidato sa mga totoong simulat-sapul ay victims. Para sabihin, in a way, kaisa ninyo ako. Biktima rin ako. Kahit na malinaw pa sa kinang ng mamantikang noo na ginawa lamang ng kaniyang campaign handler ang sitwasyon.

Must Read

Potential bets start advertising on Facebook as 2022 campaign shifts to social media

Potential bets start advertising on Facebook as 2022 campaign shifts to social media

Dito malinaw na ang maasar ay talagang talo kapag nanalo ang kandidato.

Naaasar ka? Naiintindihan ko. Isipin mo kasing baka sinasadya ang pang-aasar. Baka ito ang hinihinging reaksyon mula sa iyo. Okay lang maasar pero pwede ba, huwag mo nang ibulalas sa social media at gamitin ang hashtag ng kandidato? Oo, sa laban na ito, kapag naasar ka at tuloy-tuloy ang pahayag mo ng galit at inis, at paminsan-minsan sigurong pagkamuhi sa social media, nananatili silang popular. Akala mo ba nakaganti ka? Mas makakaganti ka kung dedma. Hayaan lang, huwag sakyan. Ipaalala sa iba na huwag magkomento sa sponsored account ng kandidato upang hindi lumutang sa news feed mo.

Ayoko sanang banggitin ang patunay pero, wala ba kayong naaalalang tagumpay na kampanya kapag naririnig ang budots? – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.