education in the Philippines

[OPINYON] Kakayanin kaya?

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Kakayanin kaya?

Nico Villarete/Rappler

'Makipagkaibigan. Maging totoong kaibigan. Saka makipagkapwa.'

(Dahil panahon na naman ng graduation, bahagi ito ng aking tinalakay sa “Off the Shore: Literary Career Round-Robin 2023” ng University of Santo Tomas Literary Society na dinaluhan ng mga graduating students kapag nasa creative industry na sila)

Marami sa mga naging trabaho ko ang hindi na nakatala sa CV ko. Maraming patrabaho at side gig. Maraming pagmo-moonlighting. Mula sa pagbabalot ng tinapay sa panaderya noong grade five, pangingisda at pamamabrika noong high school, hanggang maging manunulat at guro ngayon. Marami akong natutuhan sa dami ng pinasukang (gusto ko ang ambiguity ng “pinasukang”) trabaho.

Dito ako huhugot ng mga ipapayo ko sa inyo ngayon na palagay ko, wala pa sa mga self-help books. May I remind you, karamihan sa naging trabaho ko, hindi pa uso ang smartphone at mamisong internet data, lalo ang Grammarly o ChatGPT, Alexa o Siri.

Bueno, feel na feel kong maging life coach sa mga sandaling ito kaya move over, Xian Gaza at Rendon Labador.

1. Huwag gawing materyal ang kahirapan, kasawian, at pagdurusa ng iba.

Dahil sa inyong kurso, Literature at Creative Writing, may malaking tsansang mapapadpad kayo sa creative industry. Pwede maging topic mo sa content ang kahirapan, kasawian, at pagdurusa ng iba. Pwede sa kanila umikot ang istorya o documentary o awit na lilikhain mo. Pero kapag hindi mo pinag-aralan kung bakit sila marhinalisado, kung bakit sawi at nagdurusa, muli mo silang binibiktima. Ginamit mo lang sila.

Nagsimula ito sa ilang pagkakataong nakakilala ako ng mga nagsulat tungkol sa mga mangingisda at magsasaka, tsuper, guro, at mga obrero. Ang daming mali sa kanilang detalye. Ginagamit lamang nila ang mga kababayan natin para sa convenience ng materyal sa pagsulat. Dahil kailangan sa kuwento. Dahil magandang gawing tauhan sa dula o persona sa tula. Dahil magandang ma-focus sa camera.

Hindi ko sinasabing bawal maging paksa ang kahirapan at pagdurusa. Pero pwede ba, pag-aralan ang kanilang buhay. Maging bahagi ng solusyon. Kung hindi ka magiging solusyon mismo, maging instrumento ka ng solusyon. Kung hindi pa rin kaya, pwede ba, tumabi ka. Huwag ka nang maging abala. 

2. Makipagkaibigan. Maging totoong kaibigan. Saka makipagkapwa.

Masarap magkaroon ng maraming kaibigan. Lumalaki ang tsansa mong mapainom nang libre o kung maginhawa na ang buhay mo, magpainom ka sa kanila nang libre. Hindi nga. Huwag kang makipagkaibigan dahil kasama mo lang sila sa trabaho. O gagawin mong tauhan sa iyong kuwento, o kukuhanin ang kanilang buhay at gagamitin mong plot sa iyong isinusulat. In short, materyal. Huwag. Genuinely be good, genuinely be friendly. I know, creative industry is notorious for reclusive people, mga introvert. May mga eccentric pa nga. Okay lang iyan. Ang sabi ko lang makipagkaibigan nang totoo. Kung hindi kaya, sige, huwag na lang maging salbahe. Ang dami ko pang sinabi.

Kilalanin ang mga tao sa iyong paligid. Unawain. Maging walang muwang. Maging handa sa bagong matutuhan buhat sa kapwa. Huwag ipagmalaki ang kapirasong natamong kaalaman sa unibersidad. 

Hindi lamang pagkilala o pakikipag-ugnayan sa iba ang pakikipagkapwa. Makikipamuhay tayo. Inuunawa ang kanilang kalagayan. Dito tayo nagkakaroon ng saysay higit sa kayang ibigay sa atin ng mga trabaho at kabuhayan natin.

3. Lakasan ang loob. Kapalan ang mukha.

Pero kapag may ipapagawang hindi pa ninyo alam, do not feign that you already know. Though pwede ka naman talaga magpanggap. Alamin mo lang ang format. Google is your friend sa panahong ito.

Heto ang mga natatandaan kong linyahan sa akin noon:

“Jowie, sulat ka nga ng press release para sa tabloid at broadsheet,” noong panahong bihira pa ang may internet at may tradisyonal na dyaryo pang nababasa na pupwedeng bilutin at ipanghampas sa langaw.

“Jowie, sulat ka nga ng babasahin ko sa radyo. May report ako mamayang alas-singko.” Utos sa akin ng isang stringer noong nasa Public Information Office pa ako ng isang LGU. Ang ginawa ko, nakinig sa radyo. Ini-approximate ko ang jargon at narrative style ng mga reporter. Swak.

“Jowie, may election special kami. Baka may ideya ka for a teleserye?” Hamon ng isang kaibigan sa akin habang pinaiinom ako ng libreng kape.  

“Jowie, may idea ako sa isang comedy film. Gusto ko mga palpak at nakakatawang assasin. Ano istorya? Wala, iyon lang naisip ko. Kaya nga susulat ka ng storyline. Ikuwento mo sa akin bukas. Heto downpayment.” At dahil gipit ako noon (medyo gipit na lang ngayon), ginawa ko nang mabilisan ang kinomisyong screenplay na hindi naging pelikula. 

“Jowie, gawa ka ng training needs analysis (TNA). Kailangan natin next week para sa re-tooling ng mga personnel.” Tulo-luhang binuo ko ang TNA not knowing na may statistical treatment pala sa gagawin ko. Malay ko ba. Malakas langa ng loob ko.

“Jowie, pwede mo ba ito i-translate? Kailangan next week.” Lapit sa akin ng isang nagtratrabaho sa isang embahada sa bandantg Middle East.

At marami pang ibang kapalan lang ng mukha ang ginawang puhunan para masimulan at matapos ang proyekto. 

You see, hindi ko alam lahat. Pero kaya kong alamin. Nagpanggap akong alam ko ang karamihan sa ginagawa ko noon. Kailangan kong panindigan ang lakas ng loob. Kaya ko pinag-aralan maging tama ang ginagawa.

Marami dito ang sumablay. Ibinalik sa akin para gawin uli. Nakailang rebisyon. May mga hindi nagustuhan. May ipinagawa sa iba. Kung paanong may ginawa rin akong unang ginawa ng iba.

Marami rin akong tinanggihan lalo’t kalaban ang konsensiya kung tatanggapin ang trabaho.

4. Maging relevant.

Kunsabagay, hindi ikaw ang magsasabi kung relevant ka pa. Magiging relevant ka kapag may dumarating pa sa iyong patrabaho. Request. Kinakausap ka for something. Hinihingi ang opinyon at payo mo. Maaaring hindi ninyo agad makamtan ito.  


Pahalagahan mong mabuti ang iyong relevance. Pero dapat mong ma-realize na may paparating na ibang mas magaling at mas magiting at mas chraming at mas malalim ang dimples kumpara sa iyo sa nga darating na araw. Know when to concede. Know when to say you’re no longer relevant. Matuwa ka sa mga batang mas maayos sa iyo.

Sa lagay natin, lagi’t laging magkakaroon ng mas maayos at magaling. Sa lagay natin, darating ang panahong hindi tayo makakasabay. Ang maiiwan sa atin dapat ay maturity. At bahagi ng maturity na ito ang pagtanggap na hindi ka na relevant. 

Kapag hindi ka na maintindihan, o hindi mo na sila maintindihan (gaya ng nangyayari sa akin lately, kailangan ko pang i-Google kung ano ang ibig sabihin ng “Slae”), palatandaan na iyon.

Napakalaki ng respeto ko sa mga taong marunong bumasa ng ganitong signos sa kanilang buhay propesyonal. Darating ang panahong hindi ka na makakasabay. May linya sa Desiderata: “Take kindly the counsel of the years, gracefully surrendering the things of youth.” Wala lang. Ang babata n’yo pa pero pagtanda na agad ang ikinukuwento ko sa inyo.

5. Mag-ipon ng cultural capital. Pero huwag gawing ito ang buhay mo.

To convey iconic sociologist Pierre Bourdieu, hinggil sa kaniyang forms of capital na nasa “Cultural Reproduction and Social Reproduction,” Cultural capital functions as a social relation. Pwede mong matamo ito sa pag-aaral, in fact, sa pag-aaral ito talaga nagsisimula. Maaari ring sa accolades, sa respeto ng peers. Pwedeng nakuha mo ang kapital dahil sa mismong institusyon kung saan ka nanggaling o saan nagtrabaho. May mga malalaking kompanya ang maliit magpasweldo dahil alam nilang may prestige at dagdag sa cultural capital ang naidudulot nila sa empleyado.

Pwede bang isaing ang prestige? Pwede bang gawing diaper ang awards? Pwede bang milk supplement ang critical acclaim. Siyempre hindi. Pero, somehow, makakatulong ito. These capital somehow validates your relevance. 

Mag-ipon. Mag-ambisyon. Pero huwag gawing ito ang dahilan ng inyong pag-iral. Noong pandemya, sa cyclists group na sinalihan ko, naging weekly climbing champion ako. Ang lakas ko. Ang saya-saya. Hindi ako nanghinayang na hindi ko nailagay sa CV ko ang achievement na iyon. Which leads me to…

6. Tuklasin ang iba pang facets ng buhay.

Tamang isipin ang career. Tamang unahing kumita. Tamang magsumikap upang tumaas ang cultural capital thereby tataas din ang stock at value mo. Pero maraming kabiguan dito. Maraming setbacks. Kaya dapat, may susulingan kang ibang dimensyon ng iyong pagkatao.

Sa ibang facet na ito, dapat may support group ka rin. Mga kaibigan na minsan walang alam sa ginagawa mo para kumita. Refreshing ito lalo kapag gulping-gulpi ka na sa trabaho. Lalo kung sunod-sunod ang kasawian. Which, again, leads me to…

7. Pakinabangan ang kasawian. Lagi kang dapat may matutuhan. 

Ang karaniwang kasawian ay dulot ng inaakala nating maling desisyon. Lagi kong sinasabi. Walang maling desisyon lalo kung may natutuhan ka. Maling desisyon ang mapaso sa apoy pero kung hindi mo na uulitin, tamang minsan, nasubukan mong mapaso. Ang init ng analogy ko. Sige tungkol na lang sa pag-ibig. Tutal marami din  namang napapaso dito.

Marami tayong kakaharaping desisyon throughout. Dapat lang may natutuhan ka o gaya ng paborito kong cultural discussion about our concept of ageing, dapat may natandaan ka. Dapat nagtanda ka. Dapat pagtanda mo, hindi ka lang maraming years at birthdays, dapat maraming kang natatandaan. Kaya nga insulto sa kultura natin ang masabihan ng tumandang walang pinagkatandaan.

8. Sa huli, kung sablay ang buhay-buhay, maging mabuti ka sa kabila ng mga kasawian mo.

Dito walang pagkakamali. Kung sakali mang mabigo ka sa ambisyon mo, at least naging mabuti ka sa iba, naging instrumento ka ng tagumpay ng iba.

Walang taong hindi nagkakamali. Wala pa akong kakilalang hindi nabigo. Kung inaakala ninyong kapag bilyonaryo na kayo ay matutugunan na ninyo ang problema sa inyong buhay, well, hindi ko alam ang sagot. Hindi bilyonaryo ang lahi namin. Sana nga. Pero hindi pa umaamin ang asawa ko na apo siya ng bilyonaryo at sinusubukan lang ang loyalty at pag-ibig ko. Ngayon, bakit ko pinamagatang “Kakayanin Kaya?” kasi, ano  ba ang motibasyon mo para magpatuloy? Iyan lang ang magbibigay sa iyo ng dahilan para masagot kung kakayanin mo nga kaya. – Rappler.com

Associate professor ng seminar in new media, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI