#PHVote

[OPINYON] Like mo?

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Like mo?

Illustration by Alyssa Arizabal

'Dahil sa imobilidad na dulot ng pandemya at pamamahala, lalo lamang magiging popular na platform sa pangangampanya ang social media'

Napansin ‘nyo na rin siguro ito: maraming sponsored Facebook page ng mga lokal na pulitiko ang nagsusulputan sa place-specific targeted ads ng mga news feed natin. 

Hindi umuubra ang organic sharing and reax kaya bumibili na sa Facebook ng espasyo ang mga pulitikong ito na nagnanais kumandidato sa isang lokal na posisyon. Sort of like epal, socmed style. Hindi na nga naman effective sa immobile na mamamayan ang mga basurang tarpaulin. Pakialam ba nila kung botante ka sa isang lugar o hindi, basta lalabas sila kung nasa bisinidad ka ng kanilang lugar na tatakbuhan.

Kaya kahit hindi ako bumoboto dito kung saan nakatira ngayon sa pigi ng Bundok Banahaw, basta malapit o napupunta ako madalas sa isang lugar (dahil sa pamimiskileta sa mga kalapit-bayan), kasama ako sa mapapadalhan. O well. Buti na lang may “hide ad” option para hindi na makita ang mga patalastas. Click “irrelevant” sa dahilan kung bakit ayaw mong makita. Tapos “hide all ads from <insert pangalan ni pulitiko>.” Tapos.

Ibang usapin ang mga tatakbo sa halalang pambansa. Minsan, kahit walang dahilan para mapasama sa isang balita, naroon. Kahit hindi miyembro ng komite, nakaepal ang larawan. Minsan may sound byte pa. Depende sa galing ng handler at campaign manager at endorser, magiging pista ng maeepal na pulitiko ang socmed natin. Inevitable. Partida, rumaragasa pa ang pandemya.

Bukod sa mga paid/sponsored pages ng mga pulitiko, marami ring trivial at novelty FB pages na nagsusulputan sa news feed ko ngayon. Siguro sa inyo rin. Bukod sa mga advertisement ng kung ano-anong nagkamali kong tipahin sa Google o iyong profiling na sa akin ng social media tulad ng pagkahilig ko sa bisikleta, may ilan akong napansing parang kakaiba. Hindi ko ito napapansin dati. 

Halimbawa, may ilang pages na ang content ay katatawanan. Home-made video o mga nakuhanan lang sa CCTV. Crude. Laughing Time o Joke Time or something to that effect ang pamagat ng mga FB page. Hindi professional-looking. Parang ginawa lang talaga ng kapitbahay mong walang magawa. Pero ang kakaiba dito, sponsored ang page, meaning binabayaran ng admin ang Facebook para lumabas sa news feed ko. O sa mga targeted demographics: lugar, age group, interests or hobbies, profession, at marami pang social cross-sectioning. Hindi organically shared ng sino man sa ilang libo kong ka-Facebook ang page na tinutukoy ko. Meaning hindi viral. Binayaran para makita ko. O makita siguro ng iba sa inyo.

Nagmamadali sa pagkuha ng maraming audience ang mga FB page na ito na kailangan pang magbayad para makita ng iba ang content, na halatang hindi kanila. Bakit kaya? 

Must Read

18 dead due to Ruby – NDRRMC

18 dead due to Ruby – NDRRMC

Pero hindi pa iyan ang clincher. Magpapa-like at follow (o see first?) ang FB page na ito sa iyo. Oo nga naman, sa panahong kailangan mo ng saya at katatawanan dahil sa kaliwa’t kanang trahedya ng bansang ito, sino ba naman ang may ayaw sa kapirasong eskapistang FB page na nag-iipon ng magagaspang na video na, well, nakakatawa din naman kahit papaano? Walang mawawala, di ba? Ano ba naman ang like o follow?

Heto ‘yan. Ganito ‘yan. Dahil na rin malapit na ang eleksyon. Paano?

Kapag nakakuha na ng sapat na organic number of followers ang mga FB page na ito, pwede nang ibenta sa ibang admin. Pwede nang ibahin ang content. Pwede nang paunti-unting may lumabas na mukha ng politiko d’yan. O kaya may mga politiko na bigla na lang mag-FB Live tapos may pa-raffle ng gadget para mas maraming tumunghay. Pwede nang magsingit ng mga walang saysay na tagline na kesyo handang maglingkod o magpapatuloy ng pagbabago o makadiyos, makatao, makamundo si ganitong pulitiko.

Dati na itong ginagawa. Ilang Facebook pages na may daanlibong followers ang nabalitaan kong ibinenta ng mga administrador nito sa prices in the six-digit range. May ilan akong nakausap na nag-o-offer bilhin, magpapalitan lang naman talaga ng passwords ang nangyayaring bilihan, ang kanilang pages pero tinanggihan out of prinsipyo o kaya naman ay dahil sa presyo. Dati na itong ginagawa, pero tiyak na mas marami ngayon.

Must Read

Food poisoning at Imelda Marcos’ party likely due to poor handling – DOH

Food poisoning at Imelda Marcos’ party likely due to poor handling – DOH

Bakit nga naman hindi magiging mas mabenta ang social media pages sa darating na halalan sa isang bansang nangunguna sa pagkonsumo ng social media at pulitika? 

Dahil sa imobilidad na dulot ng pandemya at pamamahala, lalo lamang magiging popular na platform sa pangangampanya ang social media. Libre ito lalo kung organic ang virality. Meaning, karaniwang taong hindi binayaran ang nagpapakalat at hindi paid trolls o personality na may following.

Halos libre kung ihahambing sa hindi hamak na mas mahal na air time sa radyo at telebisyon o sa espasyo ng tradisyonal na pahayagan na bibilhin ng mga politiko para makapangampanya. Ganoon din ang mga streamers, posters, at tarpaulin. Sino ang makakakita sa mga basurang isasabit sa mga paaralan at iba pang intersection ng barangay kung limitado ang galaw at mukhang hindi magkakaroon ng face-to-face class sa malapit na hinaharap? Saan pa ba eepal? E di sa internet, lalo sa social media na paboritong-paborito natin. 

Teka, ayaw mo nga sa pagmumukha nila at hindi mo naman sila na-follow, di ba? Mali. Nag-follow ka noong katatawanan pa lang ang FB page, o noong fans’ club pa ng paborito mong K-Drama personality ‘yan. O noong bardagolan pa lang iyan ng mga alumni ng inyong paaralan. O online tsismisan pa lang iyan ng inyong bayan. Kaya may tsansang ifo-follow mo rin kahit iba na ang humahawak nito na isinusulong ang kanilang interes na manalo sa eleksyon at mangurakot pagkatapos. Hindi mo na malalaman kung alin sa mga ni-like mo ang tuluyan nang nagbago. Unless you unfollow. O i-unlike. O i-hide ad kung ad pa lang ‘yan. Sana may panahon ka para gawin ito. 

Anyhow, pareho namang katatawanan ang laman. Comedy page ngayon, FB pages ng pulitika’t pulitiko bukas na, sa totoo lang, nakakatawa naman talaga. Iyon nga lang, at your taxes’ expense. Ingat. – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education. 

Must Read

Networked propaganda: How the Marcoses are using social media to reclaim Malacañang

Networked propaganda: How the Marcoses are using social media to reclaim Malacañang

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!