2022 PH Elections - Voices

[OPINYON] Tigilan na ang voters education

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Tigilan na ang voters education

Illustration by Nico Villarete

'Masyadong mabagal ang outdated na moda ng edukasyon para sa mga botanteng kay tagal nang sinanay para maghanap tuwing eleksyon ng atraksyon, kamiseta, ayuda, baller ID, at selfie mula sa mga kandidato'

Titigilan ko na. Isusuko ko na. 

Sa mga kapwa ko advocate mula noon na naghahangad ng matalinong pagpili sa mamumunong lulustay ng ating buwis o ipamimigay ang likas na yaman, hinihikayat ko kayong huwag nang turuan ang mga botante kung sino ang nararapat iboto, kung ano at paano ang matalinong pagpili. Huwag na ring isumbat ang maaaring kalabasan ng bayan kung ang mamumuno sa atin ay bihasa lang sa pagti-TikTok, twerk, budots, at pag-jetski pero patuloy na ibinoboto, at nananalo. Tama na. Suko na ako. 

Panahon na naman kasi ng mga ganitong pautot na voters education. Ilang eleksyon na akong naiimbitahan para paliwanagan ang mga kabataan, katandaan, at walang pinagkatandaan across layers upon layers of social divide na kesyo ganito ang mabuti, ganyan ang hindi, ito ang nararapat para sa atin, iyan ay hindi. Napapaos na ako kasasabing “Tingnan ‘nyo, sila-sila rin ang nananalo kapag hindi nagsusuri ang electorate, di ba?”

True enough, pagkatapos ng bawat eleksyon, pagkatapos ng maraming pagtutungayaw sa mga forum, column, at Facebook status, karamihan ng posisyon ay sila-sila pa rin nga ang nananalo at ookupa, with all the perks of spending taxes tightly squeezed from our blood, sweat, tears, and online purchases nang mag-sale noong nakaraang araw. Parang hindi naman talaga tayo natututo. O baka naman hindi lang kasi nakakarating sa dapat makarinig ang leksyon ng matalinong pagboto?

Baka naman kasi misdirected ang panawagan ng marami sa atin to educate the electorate? Sino? Anong sektor? Saan manggagaling? O baka luma na o, worse, mali ang avenue to educate voters na hindi pa alam kung ano ang mabuti sa hindi? Kung ang isang partikular na kandidato pala ay walang ibang alam kung hindi kasakiman pero nadadaan sa komplikadong image management ang personalidad sa ngalan ng pagpapakatrapo? Baka tayo-tayo lang din ang nagkakaintindihan at nagkukuwentuhan at nagtatapikan ng birtwal na balikat para sabihing tama ang ginagawa nating pag-educate sa mga botante?

Podcast

[PODCAST] Hear, Hear: What ‘voter education’ misses about the problem of electoral politics

[PODCAST] Hear, Hear: What ‘voter education’ misses about the problem of electoral politics
Nadaig na tayo

Ganito kasi ‘yan. Una, the moment na sabihin kong ie-educate ko ang mga botante, naroon ang elistismo ng ako ang may alam ng tama; batis akong dapat salukan ng dalisay na tubig ng karunungan sa pagpili ng mabuting ihahalal. Kayo makinig kayo sa akin, kayong mga kakaunti ang alam. Bago ako magsalita sa forum o seminar, babasahin ang credentials ko; mabulas ang aking bionote at nagmamalaking cultural capital na pinakapal throughout the years; may magarang suffix ako sa pangalan na pinagharapan kong matamo bilang iskolar sa unibersidad na bihira ang nakakatuntong kung walang utak, lalo kung walang pera. 

Ikalawa, ano ba ang supladong platform ng pagpapahayag ng karamihan sa mga nananawagan ng responsableng pagboto? Unibersidad na dadaluhan ng mga mag-aaral at propesor dahil required ang pagdalo? Forum ng mga cause-oriented groups na may malaking tsansang edukado na to begin with ang audience? Sa late night media caucus na ieere sa FB Live para ipalapa sa mga troll farms na lumilikha ng false notion of majority kaya kakapitan ng maraming llamadista sa eleksyon? Oo, kung baga sa sabong, llamadista. Iyong boboto ng may pangalan, pera, kasikatan, at hitsura kahit madumi pa sa pundilyo ni taning ang pagkatao. Pagod na ako. Suko na.

Ikatlo. Napakabilis at lubhang malaganap ang makinarya ng pangmamangmang. Naka-embed sa media ang soft-selling, o hindi hayagang pagangampanya ng mga pulitikong malinaw namang may ambisyon. Nakalapat sa traditional at new media fabric ang maniobra ng mga political handlers upang mapasok ang pinakamarurupok na guniguni ng mga botante ang pangalan ng mga pulitiko buong taon, taon-taon. Ang hirap. 

Samantalang ang edukasyon sa botante ay seasonal, tulad ngayon. Daig na daig ang mga hakbang para turuang magnilay ang mga boboto. Iilan lang ba ang audience ng mga forum kahit pa sabihin mong online at maraming uubrang makapanood at magtanong? Isang FB Live lang iyan ng pulitikong magpapa-raffle ng gadget at ayudang grocery, dagsa na ang tagapanood, kumpleto sa shoutout at hashtag, sharing ng status, comment, at tag. Malay mo, manalo ng isang kabang bigas.

So, ano na? May iba pa bang paraan kung ayaw ko nang i-educate? Isusuko ko na ba talaga sa mis-education na pinangungunahan ng mga trapo at corrupt na pulitiko and their ilk? Ipauubaya na ba talaga sa pangmamangmang para manatili sila sa kapangyarihan nang walang kapalag-palag?

Titigilan ko na ang nakasanayan kong pag-educate. Sa bawat imbitasyon para magsalita, sasabihin kong tigilan na ang seasonal na talakayang ginagawa ilang buwan bago ang eleksyon. Isusuko ko na ang kapirasong kaalamang sa totoo lang, noon ko pa itinutrumpeta pero walang masyadong nakikinig, walang masyadong nagbabasa. 

Time to re-think ways and approaches para magkaroon ng penetrating na impormasyon sa mga botante. Hindi lang basta pag-educate mula sa pedestal ng may alam. Dapat ang impormasyon iyong lumalapat sa kanilang social fabric. At hindi ito magagawa ng mga forum, ng mga kapirasong seminar, at column na bihira ang nagbabasa. Dapat mas maraming kasangkot lalo sa pribadong sektor, sa media, sa mga may kakayahang makaimpluwensiya sa kapwa. Lahat ng dapat nangangamba sa tailspinning ng kaalaman sa kung ano ang esensiya ng nawawalang “wisely” sa gasgas na “vote wisely.”

Must Read

#WeDecide: What you can do to take the Philippines back in 2022

#WeDecide: What you can do to take the Philippines back in 2022

Dapat tanggapin ko rin na may dapat akong matutuhan kung paanong kay hirap gapiin ang pangmamangmang sa kasalukuyan, kung paano ito umiiral, kung paano kumakalat mula sa mga arkitekto ng panloloko na pinopondohan ng mga pulitiko gamit ang buwis ko. 

Hindi na ito makukuha sa pa-forum-forum ng mga unibersidad na may eksklusibong password at elaborate registration process para sa gustong manood online. Hindi na ito makukuha ng mga pa-webinar ng kung anong foundation na ang interes ay nakatuon sa dami ng mabebentang aklat o certificate para sa promosyon ng mga guro. Hindi na ito makukuha sa mga pa-column-column sa mga pahayagang ang comment section ay pusali ng mga troll. 

Masyadong mabagal ang outdated na moda ng edukasyon para sa mga botanteng kay tagal nang sinanay para maghanap tuwing eleksyon ng atraksyon, kamiseta, ayuda, baller ID, at selfie mula sa mga kandidato. 

Kailangang umisip ng bagong paraan ng pag-unawa sa lahat ng ito. Kailangang pag-aralan kung paano magagamot ang kamangmangan gamit marahil ang mismong moda ng pangmamangmang. At hindi ko ito makakamit kung lagi kong ipagmamalaki na dapat akong magturo dahil mistulang marami akong alam. – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.

Voices features opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!