Fighting disinformation

[OPINYON] Fact-proofing o ‘Kahit anong paninira ninyo!’

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Fact-proofing o ‘Kahit anong paninira ninyo!’

Alejandro Edoria

Kailangan nating magmadali upang palaganapin ang totoo. Maging mahinahon. Iparamdam na higit sa patunayang mali sila, mas magandang ipaunawa na kaya rin nilang magsuri para matanggap na hindi lang basta paninira ang hinggil sa kanilang retokadong kandidato.

Napakadaling i-dismiss ang lahat ng impormasyong kasalungat sa pinaniniwalaan bilang “paninira” sa panahong ito. Lalo’t lulong na lulong na sa pinaniniwalaang kandidato at kung anumang impormasyon o pahayag ang lumalabas mula sa kaniyang kampo. Lalo’t napurga na ang friend list at news feed ng mga tao na naglalabas ng status na taliwas sa pinaniniwalaan ng kahit sinong sagad sa buto ang paghanga sa imahen ng kandidato.

Kaya sa panahong ito ng paparuming kampanyahan, lahat ng maaaring ibato, lehitimong datos man o retokado, ay maaaring ma-relegate na lamang bilang paninira. Mas kombinyente sabihing paninira kaysa suriin pa ang datos o detalye.

Fact-proof na ang may-ari ng account kahit anong paghahain mo ng argumento, kahit anong pagbibigay mo ng mapagkakatiwalaang link o pag-tag sa isang maaasahang status o – ang tiyaga mo lang talaga! – ang pakikipagsagutan sa thread ay idi-dismiss na lang bilang paninira. Sa isang nilalang na fact-proof, laging ang laman ng mapagkakatiwalaang pahayagan ay paninira, biased, bayaran.

Tila wala nang paniniwalaang lihis sa kaniyang pinanghahawakan. Paninira na lang lahat sa kaniyang pulitikong iniidolong kulang na lang ay ipagpaukit ng rebulto sa loob ng bahay. O baka rin naman meron na, hindi lang natin alam. Minsan, may nakita akong nagpagawa pa ng bobble head. Pero baka ito rin ay fake news.

Heto pa. Ang totoo, at nasaksihan ko ito, walang kampong may monopolyo ng fact-proof na disipulo. Lahat ay may fair share, pero batay sa tindig mo sa pulitika, mas mapapansin mong mas maraming fact-proof sa labas ng iyong sirkulong pinaniniwalaan. Kung paanong akala mo rin, mas maraming hindi nag-iisip sa kabilang pangkat. Surprise! Iyan din ang naiisip nila tungkol sa iyo, iyong tipong, batay sa survey – kung naniniwala ka pa sa survey – parang ikaw na lang ang hindi naniniwala sa kaniyang kandidatong hindi niya aamining produkto ng maselan at protracted public relations machinations na pinakikinabangan na ngayon.

Akala ko hanggang sa social media thread lang itong fact-proofing, na kung paniniwalaan ang Oxford, ay ginamit na pala noon pang early 19th century bilang paglalarawan sa isang taong hindi tinatablan ng katotohanan. Akala ko, ang komplikasyon ng hindi pagtanggap sa paliwanag ay hanggang sa harap lang ng impersonal na monitor ng ating mga gadget. Hanggang sa mga ka-social network lang na bihirang makita nang personal. Pero twice, ngayong linggo lang, nakaengkuwentro ako rito sa aming munting bayan sa pigi ng Bundok Banahaw ng ganitong bersiyon ng pangangatwiran.

Oo, sans empirical evidence, naniniwala akong may totoong tao, hindi iyong nagkalat lang sa comment sectiion ng mga diyaryo, na bumibitbit ng katwirang paninira lang ang lahat. Buo sa kaniyang diwa ang pagkatao at budhi ng kaniyang manok na pulitiko. Walang bahid dungis. Puro. Dalisay. Kaya lahat ng kahit anong lumalabas sa internet at ipinahahayag ng iba ay pawang paninira.

Nagnakaw? Mali ang deklarasyon sa nakamit na edukasyon? Kung may nagawa? Kung may muwang na habang nasa poder ang magulang? Mga kaso ng karahasan? Lahat iyan ay paninira nang marinig ko sa isang nagtitinda ng gulay.

“Puro kayo paninira,” sinabi nitong halatang naiirita sa isang nang-aasar na kapwa niya nagtitinda. Ang akala ko’y hanggang social media lang ay nagkakaroon pala ng buhay sa mga tunay at pumipintig na tao. Muli itong naulit sa nakasabay kong mamisikleta sa probinsya. Lahat na lang daw ng paninira, ginawa na pero nangunguna pa rin sa survey.

Oo, pawang anecdotal evidence lamang ito. Hindi ko sasabihing laganap sa kapuluan hangga’t walang di-mapasusubaliang pananaliksik. Pero kung ito nga ang nakagigimbal na lagay ng ating bayan, ang mas nakatatakot ay kung ano ang epekto ng hindi pagtanggap ng katwiran sa mga susunod na henerasyon. Paano itong mga anak ng hindi tumatanggap ng paliwanag? Paano sila nagpapaliwanagan sa bahay?

Aaminin ko, may salik ng rhetorics ang issue sa pagpapamukha kung ano ang totoo hinggil sa isang kandidato. Madalas, sa ilang pagkakataong nakakaengkuwentro ako ng mga kakilalang nakikisabay sa online bardagulan, ang pagtatanghal ng kung ano ang totoo ay ginagamitan ng paggigiit, ng galit at pangmamaliit. Iyong may polarity ng “mali ka dahil tama ako dahil hindi ka nag-iisip.” Natural na titindigan ng kahit sino ang kaniyang pulitikong pinaniniwalaan sukdulan mang harapan ng tala-talaksang detalye that run counter sa pinaniniwalaan niya.

Na-relegate na nga bilang meme ang usaping ito. “I won’t read that,” sasabihin ng kabardagulan. Dahil nga paninira lang daw. Iyong tipong may desisyon na ang korte pero sasabihing igalang pa rin ang opinyon niya kahit kasalungat ng hatol. Ang masama, may nabasa ako, propesor pa ang nag-i-invoke ng respeto kahit na harap-harapang mali na ang kaniyang ipinahahayag. Talk about full professorship pride. Paninira lang daw kasi ang lahat.

Kunsabagay, minsan, complicit din naman kasi ang mga nagpaubayang comment section ng media outlets (oo, kahit itong artikulo kong nababasa ninyo sa isang kontrobersyal na pahayagan, puputaktihin din mamaya ng komentong magsasabing naninira lang ako whatever). Sa comment section naglipana ang iba’t ibang bite-sized at instant kasinungalingang para bang kay dali-daling bitbitin ng supporter ng mga pulitikong ito. Kay daling itanghal bilang totoo. Kay daling paniwalaan basta marami ang nagsasabi kahit pa ang maraming ito ay account na kagagawa lang kahapon. In short, troll.

Sa ilang pagkakataong naiimbitahan akong magsalita hinggil sa responsableng paggamit ng social media, lagi kong inuungkat ang dapat sana’y papel ng edukasyon, ng akademya, ng institusyon kung saan ako nabibilang, upang labanan ang paglaganap ng kaisipang ito. Nasaan ba kami? Ano na ang ginagawa namin? Puro na lang ba kami “paninira” in the guise of pagsasabi ng totoo?

Hindi ko man kayo estudyante, may leksyong dapat matutuhan dito. Madaling magpahayag pero madalas, sa nagmamadaling avenida ng social media, pati na ang impersonal nating pakikisalamuha sa iba, baka nga nagtutunog paninira na lang ang sasabihin natin. Idagdag pa ang masamang timing ng eleksiyon.

Oo, kailangan nating magmadali upang palaganapin ang totoo. Dahil sa totoo lang, makatutulong ito sa ating minumutyang kandidato na pinaniniwalaan nating magsasaayos ng ating kahapis-hapis na bansa. Maging mahinahon. Dahan-dahan. Iparamdam na higit sa patunayang mali sila, mas magandang ipaunawa na kaya rin nilang magsuri para matanggap na hindi lang basta paninira ang hinggil sa kanilang retokadong kandidato. – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!