Duterte administration

[OPINYON] Sa ikabubuti ng asal

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Sa ikabubuti ng asal
'Alam ninyo 'yun, minsan iniisip ko parumihan na lang ba ng bunganga? Tanggalan ng dignidad? Kaladkaran sa pusali? Mas maruruming salita, iyong galing sa pundilyo ni Satanas, the better?'

May gustong manatiling bopols ang karamihan. 

Noon pa man, lagi ko nang sinasabi na may tahasang pangmangmang mula sa mga sektor na nais manatiling mangmang ang mamamayan. Hindi lang ito basta misinformation o pagpapahayag ng maling impormasyon o kaalaman. Hindi lang basta pagtutungayaw sa media at pagkatapos maging kontrobersyal ang pahayag, hihingi ng paumanhin tulad ng ginagawa ng ilang assistant secretary. May pagkakamali. Pagkakamaling maaari pang isiping hindi sinasadya. Nagkamali. Humingi ng paumanhin. Kung deserving ng kapatawaran, e di, patawarin. Kung hindi, wala naman tayong magagawa lalo’t hindi na naman yata uso ang delicadeza sa panahong ito sa mga opisyal na binubusog ng salary grade 30 pataas buhat sa buwis natin.

Mayroong sadyang nangmamangmang. Malawakang disinformation. Winawalang bahala ang pag-aaral at karunungan. Marami sila. Well, mukhang marami o pinalalabas na marami ang bilang. Lulunurin ng kanilang tinig ang kahit anong espasyong maaari silang mapanood, marinig, o mabasa. Idadaan sa ingay. Idadaan sa tagal ng panahon ng pag-ere. Hanggang paniwalaang sila ang tama dahil sa ilusyon ng popularidad. May mangilan-ngilang napipigilan, pero sino ba ang makapagsasabi kung ilan nga ba ang platform na ito ng pangmamangmang? Nakakatakot pa ngang isiping ang bumubuhay sa kanila ay ang mismong buwis natin. Talk about the proverbial iginigisa sa sariling mantika.

May conscious effort para linlangin ang mamamayan. Hindi nakatulong ang pagkakaroon ng pandemya, ang pagkawala ng malaking industriya ng media, ang harassment sa ibang media platform, ang malawakang paggamit — ang pagkalulong naman talaga, sa totoo lang — sa social media ng karamihan na kay daling maging lunsaran ng pangmamangmang. Idagdag pa ang napakalimitado nang engagement sa pormal na pag-aaral, ang pagkabalisa at stress sa bawat isa dulot ng pandemya. Ang dami.

Iniisip ko, bilang guro, malala na ang suliraning ito. Mahirap makasabay ang institusyong magtataguyod at magpapalaganap sana ng karunungan na ngayong may pandemya ay nangangapa kung paano maisasaayos ang pag-aaral ng mga estudyante. 

Balisa ang marami. Mabagal ang connectivity. Open season para lalong linlangin ang mamamayan sa likod ng kaliwa’t kanan pang problema gaya ng korapsyon, krimen, tahasang paglabag sa karapatang-pantao, at dolomite na, kung paniniwalaan ang assistant secretary na sumusuweldo ng humigit kumulang P300,000 kada buwan, natatabunan daw kasi ng black sand. Kailangang maraming maging mangmang para paniwalaang walang suliranin at maayos na maayos ang ating bansa sa kabila ng lahat. Ang lala.

Pero akala ko, iyon nang panlilinlang ang pinakamalala. Hindi pala. May ilalala pa.

Ang patuloy na pagguho ng anumang pundasyon ng kabutihang mayroon tayo sa ating kapwa. Iyon pala.

Minsan iniisip ko, ang sarap sabayan ng bastusan ang mga tao. Lalo iyong matataas ang sweldo buhat sa buwis natin, lalo iyong lintang makakapit sa pwesto. Iyong wala nang delikadesa. Alam nila kasi ang trend, mas bastos mas maganda sa pandinig ng nag-a-appoint. Mas bastos mas magandang ilako sa mamamayan na, wow, kahit basura ang bunganga, basura ang isip, totoong tao naman. Kay daling linlangin sa katwirang nagpapakatotoo lang kaya ganyan. 

Alam ninyo ‘yun, minsan iniisip ko parumihan na lang ba ng bunganga? Tanggalan ng dignidad? Kaladkaran sa pusali? Mas maruruming salita, iyong galing sa pundilyo ni Satanas, the better?

Masarap sumabay sa parumihang ito dahil totoo namang nakakapagngitngit. Pero hindi. Bilang guro, hindi sa paraan nila dapat silang kinokompronta. Sa paraan pa rin nang tama at wasto.

Habang nakakabasa at nakakarinig ako ng matataas na opisyal ng pamahalaan na namumusarga sa kabastusan at kawalang respeto sa kapwa, iisipin ko na lang, kailangan ko pang magturo nang husto. Kailangan ko pang pag-ibayuhin ang kung anumang ginagawa kong napakalimitado lalo’t narito lamang ako sa bahay, naduduling kahaharap sa monitor, kinakausap ang mga estudyanteng may aandap-andap na internet. (Natuklasan ko ang kakaibang sensation ng pakikipag-usap sa estudyante ko kanina. Nagsasalita ako pero ang sagot niya ay sa pamamagitan ng chat dahil mahina ang kaniyang internet. Kakaiba dahil parang makina lang talaga ang kausap ko, walang boses, walang hitsura.)

Mas lalong mahirap ngayon dahil parang ito na ang trend. Pero hindi pa rin dapat sabayan ang kabastusan. Bukod sa hindi ko alam kung may stamina akong sumabay, alam kong may mga mag-aaral pa akong nagpapahalaga sa salitang bibitawan ko, may mga mag-aaral pa akong naniniwalang dapat piliin ang lalabas sa bibig; ang isusulat ay mula dapat sa isip. Pinagnilayan nang husto dahil kay daling makasakit. Not to mention kay dali ring ma-screengrab, ipakalat, ipalapa sa sangmilyo’t isang trolls ng sangkafeysbukan. 

Kailangan ko munang maging mabuti upang maging mabuting halimbawa sa mag-aaral bago magturo ng kagalingan o katalinuhan. Dahil alam kong hindi lang sa loob ng (birtwal na) classroom sila natututo sa akin. 

Sa totoo lang, ang hirap ituro ng kabutihan kung hindi ito ang nakikita natin sa matataas nating opisyal. Sa totoo lang, ang hirap maging guro sa panahong ito higit kailanman. – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!