2022 Philippine Elections

[OPINYON] A1B2C3: Gabay sa matalinong pagboto

Wensley Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] A1B2C3: Gabay sa matalinong pagboto

Illustration by Guia Abogado

'Alamin ang resulta ng survey pero huwag magpapadikta na ito na ang huling hatol. Hindi natatapos ang halalan sa survey.'

Kadalasan kapag panahon ng eleksyon, nasusubok ang mga mamamayan sa pagpili ng mga susunod na pinuno ng bayan. Nagiging kumpetisyon ito hindi lamang ng mga kandidato kundi maging ang kanilang mga taga-suporta. Ang karamihan, nasa gitna at tila inaabangan kung sino ang maidedeklarang wagi.

Ang katangian ng mga botante ay hinuhusgahan din sa panahong ito. Ngunit mas nagiging matalas ang pagpuna kung hindi naging mahusay ang resulta sa napiling pinuno. Lumitaw ang mga terminong bobotante para sa mga botanteng tila hindi nag-iisip o nagpapadala lamang sa agos. Samantalang, nakaluklok na ang pinuno saka pa lamang napag-iisip ang bayan kung tama o mali ba ang naging desisyon.

Kadalasan nagiging biru-biruan ang eleksyon. Nadadaan sa kasikatan o sa mga patawa at nakakaaliw ng personalidad. Tandaan, kapag ginawang katatawanan ang eleksyon nagiging katawa-tawa rin ang bansa. Maging seryoso tayo sa pagpili ng mga mamumuno.

Must Read

New season, same old problems for Arsenal’s Wenger

New season, same old problems for Arsenal’s Wenger

Napagod na rin tayo sa mga taong nagsasabi sa atin na wala naman magagawa at hayaan na lamang ang resulta ng eleksyon. Tutal, ang mga naghaharing-uri o ang mga prominenteng pulitiko naman ang mauupo sa puwesto. Ngunit kung maniniwala tayo sa mitong ito, talagang walang pag-asa dahil kukunin nila ang oportunidad upang magpatuloy lamang sa kanilang kinalalagyan.

Ang matalinong pagboto ay nakasalalay sa kaalaman ng botante. Nauunawaan ng botante ang kahalagahan ng isa niyang boto. Nauunawaan niya na ito ang boses niya sa pagpili ng uupo sa pamahalaan. Nauunawaan niya na isa itong karapatan at tungkulin. May mga botante na nawawalan ng pag-asa. Para sa kanila paulit-ulit lang naman ang nangyayari. Ang iba ay hindi na bumoboto. Kaya’t laging pinapaalala ko sa aking mga makakausap, na ang hindi mo pagboto ay pagbibigay sa iba ng kapasyahan kung sino ang mauupo. Matapos ang eleksyon, siguradong may mananalo. Kung hindi ka bumoto, sila ang pinadesisyon mo para sa kinabukasan mo at ng iyong pamilya. 

Tuwing panahon ng eleksyon, naririnig din natin ang paalala na vote wisely. Paulit-ulit itong itinuturo sa mga voter education program. Ngunit dahil paulit-ulit ang paalalang ito, tila nawalan na ito ng saysay. Kung mayroon man nangangaral nito, tila nagiging litanya ito ng moralidad at lahat ng dakila at banal.  Naghahayag ng mga “katotohanan” at nagiging pagdikta ng pipiliin. Nakakalungkot na sa halip na gabayan ang botante ay idinidikta ang iboboto. Nawawala ang “kalayaan” sa pagpili. Sa halip, nagiging bandwagon ang pagboto.

[OPINYON] A1B2C3: Gabay sa matalinong pagboto

Ang tanong, alam ba ng mga botante ang wasto at pinag-isipang desisyon sa pagboto? Matagal na rin akong nagmuni tungkol dito at pinag-aralan ang sistema at pag-ugali na nagaganap sa panahon ng kampanya hanggang eleksyon. Kaya’t minarapat na bumuo ng isang gabay para sa mga botante sa pagpili ng kanilang ihahalal. Hindi ito magtuturo kung sino ang ihahalal. Bagkus, ilalatag lamang nito ang mga dapat tandaan sa pagkilatis ng botante sa kandidato. Gagamitin lamang ito bilang gabay sa pag-iisip kung sino ang sa tingin ay karapat-dapat na maluklok sa puwesto. Sa huli, ang botante, sa kanyang matalinong pagpapasya, ang pipili ng mga susunod na manunungkulan.

Tinawag ko ang gabay bilang A1B2C3. 

Agenda o A1

Unang itanong kung ano ang plano ng kandidato sa kanyang pagtakbo. Kung walang plano, mas mainam na huwag iboto. Kung sa personal na buhay ay laging natatanong kung saan patungo, gayundin sana sa mga pagboto. Alamin ang kongkretong nais maisakatuparan ng kandidato. Tandaan na hindi dahil maganda ang plano ay maisasakatuparan ito. Maging mapanuri at pag-isipan ang inilalahad ng mga kandidato. May mga pangako na makakatotohanan at kayang isakatuparan. Mayroong pangako para lamang kumuha ng loob ng taumbayan. May pangako na matutupad kahit hindi gawan ng aksyon. Maraming klase ng pangako, siguraduhin lamang huwag maging uto-uto.  

Biography at Background o B2

Luma nang paalala ito pero marami ang nakakalimot na kilalanin maigi ang buhay ng kandidato. Ang talambuhay nila ay patunay sa kanilang mga nagawa. Kaugnay nito dapat malinaw din ang background. Ang background ang mga tao, organisasyon, o ahensyang nakakaimpluwensya o nakapaligid sa kandidato. Mahalaga na malaman mo kung sino ang sumusuporta upang mabatid ang mga interes nila. May mga kandidato na pinatatakbo ng negosyante para maging dummy kapag nananalo. May mga kandidato na boses ng mga maralitang grupo. May mga kandidato na ang agenda ay kung ano ang nais ng kanyang partido. Kilalalanin ang kandidato. Ito ang susi sa pinag-isipang boto. 

Character, Competence, at Conscience o C3

Alamin at pag-aaralan ang karakter o katangian ng kandidato. Suriin kung kaya niya ang gawain sa tinatakbuhang posisyon sa pagkilatis ng kanyang kakayahan o competence. Subukin din siya sa mga isyung kinakaharap at sipatin ang tindig sa mga kontrobersyal na isyu. Mainam na malaman ang lahat ng ito upang maging gabay kung may kakayahan, kapasyahan, at katangian bilang tunay na pinuno. Pag-isipan mabuti na ang pinunong ihahalal ay may paninindigang totoo. Hindi huwad o nagpapanggap. Lalo’t hindi nagpapasabay lamang sa agos tuwing may malalaking isyung pambansa. Kung sa paghahanap nga ng trabaho, maingat tayo sa pagtatakda ng mga kwalipikasyon, lalo’t higit dapat sa eleksyon dahil ang ating iluluklok ay mamumuno para sa lahat.

Podcast

[PODCAST] Hear, Hear: What ‘voter education’ misses about the problem of electoral politics

[PODCAST] Hear, Hear: What ‘voter education’ misses about the problem of electoral politics

Ang pagboto ay isang pagkakataon upang ipakita rin ang ating mga halagahin (values). Ang uri ng kandidatong sinusuportahan mo ay maaaring maging repleksyon ng iyong pag-uugali o pagkatao. Suportahan ang kandidato, hindi dahil sa sila ay sikat o may pabuyang matatanggap. Suportahan ang kandidato dahil naniniwala ka sa kanyang kakayahan, prinsipyo, at mabuting hangad para bansa. Mapagkakatiwalaan mo ba ang kandidato mo na isipin at gawin ang pinakamahusay para sa kapakanan ng iyong pamilya at ng buong komunidad? Huwag manira ng ibang kandidato bagkus itangi ang kandidatong kaisa ng iyong layunin.

Sa huli, huwag magpadala sa sinabi ng iba kung sino ang iboto. Alamin ang resulta ng survey pero huwag magpapadikta na ito na ang huling hatol. Hindi natatapos ang halalan sa survey. Manindigan at bumoto sa eleksyon. Dalhin sa presinto ang iyong botong wais at pinag-isipan. Ito ang iyong panimulang ambag sa mas mahusay na bansa. Pag-isipan nang mahusay ang mga bagay na ito. Ayon nga kay Rizal: Ang kamangmangan ay pagkaalipin; sapagkat kung ano ang isip ay ganoon ang tao: ang taong walang sariling isip ay taong walang pagkatao; ang bulag na tagasunod sa isip ng iba ay parang hayop na susunod-sunod sa tali.” – Rappler.com

Si Wensley M. Reyes ay guro ng Kasaysayan at Agham Panlipunan. Siya ay dating Katuwang na Dekano ng Faculty of Behavioral and Social Sciences at dating puno ng Center for Transformative Education sa Philippine Normal University.

Voices features opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!