Philippine economy

[OPINION] Paano babangon agad ang ekonomiya?

JC Punongbayan
[OPINION] Paano babangon agad ang ekonomiya?

D.R. Castuciano

Kung matino, matalino, at totoong may malasakit ang ating iboboto, hindi kailangang umabot ng 10 taon bago makabalik sa tamang landas ang ekonomiya

Napakabagal pa rin ng pagbangon ng ekonomiya natin.

Ngayong linggo, inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na lumago ang ekonomiya nang 7.1% noong ikatlong quarter ng 2021. Nakabase iyon sa sukat na gross domestic product o GDP, o kabuuang produksiyon ng bansa.

Sa unang tingin, mukhang mabilis ang growth rate na iyon: mas malaki sa 4.2% na median forecast ng analysts, at dati kasi (bago ang pandemya) naglalaro lang sa 6% ang ating GDP growth. Sinabi tuloy ng economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte na senyales ito ng pagbangon ng ekonomiya.

Ngunit ’di ito kasing-ganda ng inaakala ng marami.

Una, kung tutuusin, kulang pa rin ang 7.1% kung gusto nating makabalik sa antas ng GDP bago magsimula ang pandemya (Figure 1).

Figure 1.

Ikalawa, bagama’t medyo nakarecover na ang agrikultura at mga serbisyo, hirap pa ring bumangon ang industriya (Figure 2).

Figure 2.

Ikatlo, ayon mismo kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua, aabutin ng humigit-kumulang 10 taon bago tayo makabalik sa landas na tinatahak ng ekonomiya bago ang pandemya (Figure 3). Aniya, aabot din daw sa tumataginting na P41.4 trilyon (trilyon with a “T”) ang losses o mawawala sa ating ekonomiya sa loob ng apat na dekada.

Figure 3. Source: NEDA

Paano umabot sa P41.4 trilyon?

Isa sa obvious na dahilan ay ang pagkasira ng ekonomiya – mga nagsarang negosyo, mga nawalang trabaho, mga transaksiyong ’di natuloy – lalo na noong kasagsagan ng lockdowns noong 2020.

Buti na lang, mas bukas na ang ekonomiya ngayon. Ngunit noong Setyembre, 4.25 milyon pa rin ang walang trabaho dahil sa mahigpit na quarantine measures na ipinatupad kamakailan dahil sa pagkalat ng Delta variant.

Ngunit importanteng dahilan din ang “education losses” na dulot ng pandemya. Milyon-milyong kabataang Pilipino kasi ang ’di masyadong natuto ng kanilang mga leksiyon dahil sa pagtigil ng pasok sa mga eskuwelahan at ang hirap sa pagkatuto sa distance learning. Dadalhin nila iyon hanggang sa kanilang paglaki, at sa hinaharap ay hindi magiging kasing productive ang mga Pilipino – at masasaktan ang ating ekonomiya.

Malalim ang mga sugat na idinulot ng pandemya sa ating ekonomiya, at magdudulot ng malalalim na peklat o scars na mananatili sa loob ng maraming dekada.

Kalayaan sa COVID-19

Kaya naman ubod nang halaga na ang susunod nating pangulo ay nakatutok talaga sa COVID-19 at sa agarang pagbangon ng ating ekonomiya.

Dito ako bilib kay Vice President Leni Robredo, na kumakandidato sa pagkapangulo sa 2022. Sa lahat ng kandidato, siya pa lang ang naglatag ng maayos at komprehensibong plano laban sa COVID-19. Tinatawag niya itong “Kalayaan sa COVID,” at nahahati sa tatlong bahagi.

Una, “kalayaan sa pangambang magkasakit.”

Naiintindihan ni VP Leni na hindi basta-basta mawawala ang COVID-19. Ngunit may mga paraan para mas mabilis tayong makabalik sa dating pamumuhay. Kabilang dito syempre ang pandemic response na matino, nakabase sa siyensiya, at walang bahid ng korapsiyon – pandemic response na hanggang ngayon ay ’di maibigay ng Duterte administration.

Gusto rin ni VP Leni na mas maayos ang pagtrato ng gobyerno sa ating health frontliners (mga doktor, nars, atbp.) na hanggang ngayon ay pinagkakaitan ng sapat na tulong at bayad ng kasalukuyang administrasyon.

Kailangan din ng mas malayang access ng masa sa healthcare, sa pamamagitan ng libreng e-konsulta at maayos na pamamalakad ng PhilHealth. Hanggang ngayon kasi ay ’di pa nababayaran ng PhilHealth ang mga utang nito sa mga ospital; marami tuloy na ospital ang nagbabantang tumiwalag sa PhilHealth dahil palugi na.

Gusto ring tutukan ni VP Leni ang mas maayos at mabilis na bakunahan, na susi talaga sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya.

Ikalawa, “kalayaan sa gutom.”

Sa nakalipas na 20 buwan, pinagdamutan ng gobyerno ng ayuda ang taumbayan – kahit na sunod-sunod ang lockdowns na ipinatupad. Gusto ni VP Leni na mabigyan agad ng ayuda ang sinumang matatamaan ng bagong lockdowns (kung sakaling kailanganin pa, dahil sa ibang variants at outbreaks).

Kailangan ding mabigyan ng ayuda ang mga nawalan o mawawalan ng trabaho, pati ang mga maliliit na negosyo na nagsara na o magsasara pa lamang.

Dapat ding tutukan ang sektor ng agrikultura, na bagama’t ’di masyadong dumapa (kumpara sa industriya at mga serbisyo) ay nakararanas din sa nakalipas na mga buwan ng paghihigpit ng supply ng gulay, karne, at isda. Kailangan ding awatin ang pagtaas ng presyo ng iba’t ibang mga pagkain, dulot halimbawa ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ikatlo, “kalayaan sa kakulangan ng edukasyon.”

Batid ni VP Leni ang higanteng learning losses sa gitna ng pandemya, at ang idudulot nitong pasakit sa kabataan paglaki nila. Kaya isinusulong ni VP Leni ang agarang pagbabalik ng face-to-face classes (tayo na lang ’ata sa mundo ang ’di pa nagbubukas ng mga eskuwelahan), ang pamimigay ng gadgets para sa mag-aaral na ’di makasali sa online classes, pati na rin ang mabilis na internet.

Kung tutuusin, ’di na bago ang marami sa mga panukala ni VP Leni. Kaliwa’t kanang analysts ang nagsasabi ng ganitong mga panukala.

Ngunit malaking bagay na, sa mga kumakandito sa pagkapangulo, nauna si VP Leni na naglatag ng kanyang plano. Bukod sa nakabase sa ebidensiya, datos, at suhestiyon ng mga eksperto, ang plano ni VP Leni ay nakatutok higit sa lahat sa paglutas sa health crisis: mga tao rin ang bumubuo sa ekonomiya, at ’di basta-basta makababangon ang ekonomiya hanggang ’di tinututukan ng gobyerno ang kalusugan ng mga Pilipino.

May proven track record na rin si VP Leni. Ngayong pandemya, kaliwa’t kanan ang mga programa ng kanyang opisina (Vaccine Express, Swab Cab, Bayanihan E-Konsulta, Bayanihan E-skwela, atbp.) kahit na maliit ang budget ng kanyang opisiya kumpara sa ibang ahensiya.

Higit sa lahat, naka-angkla ang plano ni VP Leni sa taos-pusong malasakit sa paghihirap at pangangailangan ng mga Pilipino – lalo na ’yung mga nasa laylayan.

Nasa atin ang choice

Isa sa clichés na kalimitan nating naririnig tuwing eleksiyon ay: Nasa kamay at boto natin ang kinabukasan ng bansa. Ngunit higit na mahalaga iyon sa paparating na Mayo 2022: sukdulan na ang mga pasakit natin ngayong pandemya, lalo na dahil sa pagka-inutil ng gobyerno.

Kailangang makabangon agad ang ating bansa, at maaari nating pabilisin o pabagalin ang prosesong iyon, depende sa kung sino ang ihahalal nating lider.

Kung matino, matalino, at totoong may malasakit ang ating iboboto, hindi kailangang umabot ng 10 taon bago makabalik sa tamang landas ang ekonomiya. Maaaring mangyari iyon sa loob ng limang taon, o mas maaga pa.

Ngunit kung korap, inutil, walang malasakit ang iboboto natin, maaaring umabot ng 15, 20, o higit pang taon bago tayo makabangon.

Bukod sa ating mga sarili, wala tayong dapat pagpasalamatan (o sisihin) sa sasapitin ng ating bansa sa susunod na mga taon. Nasa atin ang choice, at ngayon malinaw kung sino dapat ang ating pipiliin. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations.