New Bilibid Prison

[Stakeout] ‘Minahan’ ng intel info, naging bangko ng korapsyon

Dave M. Veridiano

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[Stakeout] ‘Minahan’ ng intel info, naging bangko ng korapsyon
Marami pang malalaking krimen ang nalutas dahil sa impormasyong galing mismo sa loob ng Bilibid pero parang imposible nang mangyari ito ngayon

Nakapanlulumong isipin na ang New Bilibid Prisons (NBP) na dating “minahan” ng mga mahahalagang intelligence information, na nakatulong nang malaki upang malutas ang mga kontrobersyal na krimen sa iba’t-ibang lugar sa bansa, ay mistulang savings bank na ngayon ng paldu-paldong pera na katas ng katiwalian, na magkatuwang na pinagpapasasaan ng mga ganid na opisyal sa gobyerno at mga gatasan nilang “high-profile detainees.”

Hindi ko solo ang pakiramdam na ito, karamay lang ako sa panghihinayang ng ilang magagaling na imbestigador at intelligence operative ng pulis at militar – mga naging kaibigan at very reliable sources ko ng mga exclusive story nung ako’y defense at police reporter pa – na ginawang “kartada alas” ang NBP sa kanilang mga imbestigasyon.

Takbuhan ng mga imbestigador na ito ang NBP – madalas kasing kulang ang naunang nakalap na mga ebidensya – upang makakuha ng dagdag impormasyong magpapabilis sa paglutas sa kontrobersyal na krimeng iniimbestigahan nila.

Nakararamdam ang mga matitinik at beteranong imbestigador ng labis na panghihinayang sa NBP, kasabay ng hinala nilang tila nababaon na rin sa limot ang ginagawang pag-iimbestiga sa mga nagsingawang baho ng anomalya at korapsyon sa loob ng dati nilang pinagkukunan ng mga “A-1 intel info.”

Katakut-takot nga namang mga imbestigasyon ang naganap, may mga opisyal ding nasibak pero kamukatmukat ay nalilipat lang ng posisyon, na mas mataas pa sa pinagtanggalan nito. Asa pa tayong may makakalaboso sa mga kumag na ito!   

Natabunan lang ng mga nagsulputang bagong kontrobersyal na isyu ang walang kamatayang korapsyon sa loob ng NBP, at ang pagiging minahan nito ng mga “A-1 intel info” ay naging kuwentong barbero na lamang.

Himutok ng isang dating intel operative: “Mukhang nagapang na ang Senado, nakalimutan na ang mga isyu sa BuCor at NBP – ibang kuwento na naman ang kinakalkal nila ngayon!”

Naalala ko tuloy bigla ang paborito kong pelikulang The Silence of the Lambs, na ang pangunahing tauhan ay si Hannibal Lecter, isang forensic psychiatrist, na nakulong sa kasong serial killings. Habang nasa selda si Hannibal ay palagi siyang binibisita ng ilang FBI agents, upang kumunsulta kung paano mahuhuli ang mga suspek sa serial killings na ini-imbestigahan nila. Panalo palagi ang tip ni Hannibal sa mga imbestigador.

Astig ‘di ba? Detainee na, pero nakapagbibigay pa ng “intel info” hinggil sa mga malalaking krimeng naganap sa labas ng kanilang mga kulungan!

‘Di ko tuloy maiwaksing magbalik-tanaw sa ilang sensational crimes – saksi ako sa isinagawang imbestigasyon sa mga ito – na ang pagkakalutas ay dulot ng mga impormasyong galing sa mga ALPHA (asset) na detainee sa loob ng NBP.

Hayaan ‘nyong ikuwento ko sa inyo ang dalawang paborito ko sa sangkaterbang mga kaso, na nasubaybayan kong mahinog ang imbestigasyon gamit ang “intel info” na galing sa NBP compound.

1985 kidnap-murder ni Tim Olivarez

Ang unang malaking krimen na hindi ko makalilimutan noong dekada ’80, na nalutas sa pamamagitan ng impormasyong galing sa isang detainee sa loob ng NBP, ay ang kontrobersyal na kidnap-murder case ng mamamahayag na si Tim Olivarez.

Nasolo ko ang mga update sa imbestigasyon ng buong kasong ito, at ang mga istorya ay halos isang linggong banner ng People’s Journal, ang unang pahayagang pinaglingkuran ko bilang isang police reporter.

Si Tim ay kasama kong nagko-cover sa Southern Police District (SPD) beat na noo’y binubuo ng Makati, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, at San Juan. Sa ngayon ay nalipat na sa ibang distrito ang San Juan, at napalitan ito ng Taguig at Pateros.

Biglang nawala si Tim noong umaga ng Pebrero 5, 1985 – at ang bulungan sa Makati news beat (municipality pa lamang ito at naging city noong Enero 2, 1995) ay “sumama” siya sa mga armadong lalaki na tila kilala niya rin, habang naglalakad papuntang munisipyo upang mag-cover, para sa pahayagang Tempo, isang daily tabloid na sister publication ng Manila Bulletin.

Makaraan ang ilang araw ay hindi pa rin lumilitaw si Tim, kaya nagsimula na ang hanapan at nag-imbestiga na rin ang Makati Police.

Dito na lumapit at humingi ng tulong sa akin ang isang kamag-anak ni Tim, upang paimbestigahan ang pagkawala ng reporter sa Criminal Investigation Service (CIS), na ngayon ay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang premier investigating arm ng Philippine National Police (PNP).

Wala kasing tiwala ang kamag-anak ni Tim sa imbestigasyong isinasagawa ng Makati Police dahil hinala nila ay may kasapakat na pulis ang mga dumukot kay Tim.

Si Captain Ruben “Zacky” Zacarias – isang opisyal at operatiba ng CIS, na ‘di matatawaran ang galing sa pag-iimbestiga ng malalaking krimen – ang humawak sa kaso ni Tim.

Nang marinig kong pupunta sa NBP sa Muntinlupa ang grupo ni Captain Zacky – kaugnay ng imbestigasyon ukol sa pagkawala ni Tim – naintriga ako sa lakad na iyon, na personal niyang tatrabahuin kasama ang isang maliit na team.

Pakiramdam ko’y may malaking mangyayari kaya’t nagpilit akong makasama sa grupo – at hindi ako nagkamali!

Don Pepe

Ang kinausap ni Captain Zacky ay isang detainee, na nagbigay ng kumpletong impormasyon hinggil sa pagdukot at pagpatay kay Tim, na isinagawa ng ilang miyembro ng Makati Police at sundalo, na mga “trusted aide” ng pamosong smuggling lord na si Jose “Don Pepe” Oyson.

Sinasabing baluwarte ni Don Pepe ang SPD dahil palagi siyang “sponsor” sa lahat ng pangangailangan ng mga awtoridad na nakatalaga rito, kaya pala nungkang lumutang ang pangalan nito sa imbestigasyon ng Makati Police sa paghahanap kay Tim.

Isa-isang pinag-aaresto ang mga ikinantang suspek sa krimen – kasama ako siyempre sa lahat ng operasyon hanggang sa mga safe house kung saan muna itinago at na-interrogate ang mga naaresto – at ang pinakahuli ay ang mismong mastermind na si “Don Pepe” na dinampot sa mismong harapan ng kanyang sikat na Amihan Night Club sa Roxas Boulevard, Pasay City.

Ang lumutang na dahilan ng pagdukot at pagpatay kay Tim ay ang pagsulat nito ng artikulo hinggil sa smuggling operations ni Don Pepe sa mga coastal town sa Paranaque, Cavite, Zambales, at Bataan.

Lahat ng suspek, pati na rin si Don Pepe ay nakulong pero makaraan lamang ang ilang buwan, na-dismiss ang kaso at nakalaya ang mga ito – ang dahilan, isa-isang nawala ang mga testigo, hanggang sa ang mismong complainant na asawa ni Tim, ay nagpasiya nang iurong ang kaso laban sa buong grupo!

Makaraan ang 3 taon, panahon ng administrasyon ni Tita Cory, pumutok muli ang pangalan ni Don Pepe, at sa pagkakataong ito, iniugnay naman siya sa smuggling ng shabu, isang ilegal na droga na noo’y bago pa lamang na sumisikat sa merkado.

Trinabaho si Don Pepe ng National Bureau of Investigation (NBI) na pinamumunuan noon ni Director Alfredo Lim, at naaresto ito agad matapos manood ng sabong sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Sa loob ng van na pinagsakyan sa “smuggling lord cum drug lord” ay may biglang umalingawngaw na putok ng baril – napatay si Don Pepe na umano’y nang-agaw ng baril sa escort nitong sina Captain Reynaldo Jaylo at Colonel Robert Barbers. 

1987 killing ni local gov’t secretary Ferrer

Sino ang mag-aakalang ang isang hardcore criminal na ilang taon nang nakakulong sa NBP sa Muntinlupa, ay ang pangunahing suspek pala sa pagpatay noong Agosto 2, 1987 kay local government secretary Jaime Ferrer at driver nitong si Zosimo Calderon. Papalabas ang dalawa ng simbahan sa Bgy Don Galo, Parañaque (naging 11th city ng Metro Manila noong Pebrero 15, 1998) na ilang metro lamang ang layo mula sa bahay nito.

Ilang araw matapos ang krimen, animo’y nagpapasiklaban ang mga awtoridad sa paglutas sa kauna-unahang pagpatay ng isang Cabinet secretary sa kasaysayan ng administrasyon noon – nagkataon pa man ding naganap ito sa  ilalim ng pamamahala ni Tita Cory.

Mismong ang Metropolitan Manila governor noon na si Jejomar Binay ang nagsabing ang pagpatay kay Ferrer ay naglalayong ipahiya ang administrasyon ni Tita Cory at bahagi ito ng isang “plot to overthrow the 17-month-old Aquino government” dahil ito raw ay “incapable of governing.”

Dahil sa pronouncement ni gov Binay, nag-uunahan ang mga operating unit ng pulis at military sa paglutas sa krimen, at magkakasunod ang pag-arestong isinagawa ng mga ito. Kabilang sa mga naaresto ay ilang lider ng separatist group na ginagamit daw ng puwersang Marcos loyalists, para i-destabilize ang Aquino administration.

Makaraan lamang ang ilang araw – pinakawalan lahat ang mga inaresto matapos na walang makuhang ebidensiyang magpapatunay na bahagi ang mga ito sa pagpatay kay Secretary Ferrer. Maging ang mga testigo sa krimen ay hindi na-identify ang mga itinuturing na “destabilizer” ng Aquino administration.

Sa kalagitnaan ng imbestigasyong masugid kong binabantayan, kinalawit ako ni Colonel Levy Macasiano, deputy chief for operations ng SPD – ang binansagan kong nag-iisang “solohista” na senior police officer dahil madalas siyang nagsu-surveillance na mag-isa – at binulungan akong identified na niya ang gunman sa Ferrer murder case.

Pinangalanan niya si Jose T. Obosa, isang “convict” na noon ay bumubuno ng habambuhay na sentensiya sa NBP.

Pinakawalan para pumatay?

‘Di na ako nasorpresa nang sabihin ni Colonel Macasiano na isang ALPHA na nakakulong sa NBP ang nagbigay ng impormasyong nakatulong sa paglutas sa kaso ng pagpatay kay Secretary Ferrer at driver nito. Nasanay na kasi ako sa ganitong balita sa pagsama-sama ko sa mga imbestigasyong isinasagawa ng CIS.

Ang ikinagulat ko sa sinabi ni Colonel Macasiano ay ang impormasyong ang gunman pala sa pagpatay kina Secretary Ferrer ay isang bilanggong may sintensiyang “life” na pagkakakulong sa NBP.

Tanong ko agad sa aking sarili: “Sadyang pinakawalan sandali para pumatay?”

Patagong nag-inuman ang mga magkakosa sa loob ng Maximum Security Camp – kasama ang ALPHA – at nang malagihay na si Obosa sa dami ng natoma, nagkuwento ito sa mga katropa kung paano nila tinira si Ferrer at ang driver nito.

Lumabas sa imbestigasyong itinaon ang planong pagpatay kay Ferrer sa araw ng paglabas ni Obosa sa NBP upang dumalo sa isa nitong hearing sa korte. Hindi ito agad na bumalik sa kulungan hangga’t di naisasagawa ang pagpatay.

Positibong itinuro at kinilala ng mga testigo sa krimen si Obosa bilang “gunman” sa pagpatay kay Ferrer.

Dahil dito, nakasama sa nakasuhan ng “accessory of the crime of “MURDER” si Superintendent Victoriano Totaan, isang opisyal ng Bureau of Prisons na sinasabing “responsible officer” ng mga araw na iyon nang lumabas at pumasok muli sa kulungan si Obosa, matapos nitong patayin si Secretary Ferrer.

‘Yun nga lang – si Totaan ay napawalang-sala, samantalang si Obosa at dalawa pa niyang kasama sa pagpatay kay Secretary Ferrer at driver nito ay kapwa nahatulan ng double-murder case.

Kabaliktaran

Marami pang ganitong malalaking krimen ang nalutas dahil sa impormasyong galing mismo sa loob ng NBP. Puwede kong ikuwento ang lahat ng alam ko, kaya lang kulang na tayo sa espasyo.

‘Yun lang, parang imposible na rin kasi singlabo ng sabaw ng sinaing na mangyari muli ang ganitong mga kuwento – dahil kabaliktaran na ng sitwasyon noon ang mga nagaganap sa ngayon.

Kung noon kasi ang mga detainee ang ALPHA ng mga awtoridad, sa ngayon – ang mga awtoridad na ang naging ALPHA ng mga “high profile prisoners” sa NBP! – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!