Philippine National Police

[Stakeout] ‘Kamay na bakal’ sa drug user na pulis

Dave M. Veridiano
[Stakeout] ‘Kamay na bakal’ sa drug user na pulis
'Ang mga kuwentong ganito ang kahit papaano ay nagpapatibay pa rin sa pananampalataya ko sa buong organisasyon ng PNP – na may mga operatiba na handang isakripisyo ang kanilang career at buhay, alang-alang sa kanilang sinumpaang tungkulin.'

Nang mabasa ko ang balita hinggil sa isang pulis na nagpositibo sa sorpresang drug test na isinagawa sa loob ng training room ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City, ay ‘di ako nagulat o nabigla man lang.

Para sa akin kasi ay wala namang bago r’yan, maliban na lamang kung ang resulta sa biglaang testing sa grupo ng mga pulis, ay magiging negatibo silang lahat. Ang ibig kong sabihin, kung wala ni isa sa mga pulis ang lilitaw na tumitikim sa droga na kanilang nakukumpiska, lalo pa’t madalas silang nakakasama sa iba’t ibang anti-drug operations ng kanilang presinto – parang ‘di na ito kapani-paniwala!

Ang tinutukoy kong pulis na tagilid ang kalagayan ngayon ay si Master Sgt. Leonardo Mariano, Jr, na kasama sa 74 na pulis na nagse-seminar noong December 11, 2020 sa isang Finance course sa loob ng kampo. Lahat sila ay kinunan ng urine sample para sa isang mandatory “surprise drug test” at siya lamang ang nagpositibo sa shabu.

Tapos ang maliligayang araw ni M/Sgt Mariano Jr dahil mismong si PNP Chief Gen. Debold Sinas ang nagsabi na nagpositibo rin ito sa isinagawang confirmatory test sa PNP Crime Laboratory sa Camp Crame: “All the samples tested negative except that of Mariano. The official result of the drug test will be forwarded to the Regional Internal Affairs Service for proper action.”

Naglunsad ang PNP ng isang agresibong pagsusuri sa droga para sa mga tauhan nito sa buong bansa dahil sa mga bali-balitang maraming pulis ang mga gumagamit ng droga at kadalasan ay naaaktuhan pa ang mga ito sa mga anti-drug operations. Batay sa record, umabot na sa 400 mga pulis na ang naalis na serbisyo dahil nagpositibo sa drug test mula pa noong 2016.

‘Bato’ sa drawer

Madaling mabuko ang drug user na pulis kung ang “surprise drug test” ay sasabayan din ng biglaan pag-inspection sa drawer o locker ng mga ito, sa kani-kanilang presinto, lalo pa’t may mga senyales na ito ng paggamit ng droga.

Batay sa mga naririnig kong kuwento – karamihan ay sumbong mula sa mga nagbabasa ng kolum ko – karaniwan nang itinatago ng mga pulis ang drogang gamit nila sa kani-kanilang drawer at locker sa presinto. Ang kadalasang palusot kapag buking na sila – mga itinatabi nila itong ebidensiya na kailangang dalhin sa husgado pag may hearing.

Isa sa mga ganitong kuwento ay naganap sa loob ng isang presinto sa Quezon City, kung saan “ikinulong” ang mga nahuling nagka-karera ng kotse sa isang malaking highway sa siyudad. Dinala ang mga arestado sa ‘di kalayuang istasyon ng pulis, at habang naghihintay ng “tutubos” sa kanila sa loob ng isang magarbong opisina – VIP ROOM ang tawag dito dahil mahal ang bayad ng “rental” kasi de aircon ang lugar sa halip na sa detention cell — may biglang pumasok na mga pulis, diretcho sa kani-kanilang mesa, at inilabas mula sa drawer ang mga sachet ng shabu at paraphernalia, at halos sabay-sabay na bumatak ang mga ito.

Naka ilang banat muna ng bato ang mga pulis, bago napansing may nakatanghod sa kanila na mga tao, na naka-kumpol sa isang sulok. Di man lang nagulat ang mga parak, pero sabay banta: “Kilala namin kayong lahat, pag sumingaw itong nakita n’yo na ginawa namin, ‘di lang kulong ang aabutin ninyo. Maliwanag ba?”

Must Read

Infiltration

Pero kwidaw, hindi lahat ng pulis na nagpo-positibo sa drug test ay adik na agad. May mga anti-drug operative, lalo na ‘yung nag-undercover – upang maka-infiltrate sa kanilang target – ay kinakailangan na paminsan-minsan magkunwaring bangag o gumagamit ng droga para mapaniwalaan at makapasok sa grupo ng sindikato.

Sila ang nangangailangan ng pang-unawa, tulong, at rehabilitation upang gumaling at makabalik sa serbisyo – kapalit ng pagkaka-durog naman sa sindikatong na-infiltrate nila.

Matagal kasi akong naging mamamahayag na labas-masok sa mga kampo at presinto – maraming naging kaibigan na matitinong pulis at nasamahang malalaking anti-crime operation – kaya may kalaliman ang abot ko sa ganitong kalagayan ng ilang pulis, lalo na ‘yung mga miyembro ng anti-drug squad.

Naalala ko tuloy ‘yung isang malaking infiltration operation noong dekada 90 na ginawa kong 3 bahagi na serye sa Philippine Daily Inquirer. Nang mabasa ito ng isang producer ay tinawagan ako upang gawin itong pelikula, at pinangunahan ito ng actor na si Edu Manzano. Isinulat ko ang story at sequence treatment ng “true to life movie” na ito na naging blockbuster noong 1995.

Nakuha ko ang lahat ng detalye ng “highly confidential” na oplan na ito nang makausap ko sa kulungan sa noo’y Narcotics Command (Narcom) sa Camp Crame, ang nag-undercover na pulis na si Captain Daniel Costales. Nasakote siya sa isang buy-bust operation ng mga Narcom agents.

Kilala ko si Danny, magaling siyang opisyal at operatiba ng noo’y Criminal Investigation Service (CIS) na ngayon ay CIDG na, kaya ‘di ako makapaniwala na mahuhuli siya sa kaso ng droga – kaya pinuntahan ko siya. Ipinagtapat niya sa akin ang buong detalye ng kanyang operation. Nag-leave siya sa CIS para sundin ang pakiusap ng kanyang boss at mentor sa CIS na itinalagang Operations Chief sa Narcom, na tatawagin ko na lang na “Colonel dela Cruz.”

Hilo kasi si “Colonel dela Cruz” sa mga nangyayari sa loob ng Narcom, di niya alam kung sino ang dapat na pagtiwalaan at isama sa kanyang pag-iimbestiga, para malaman kung sinu-sino ang mga Narcom agents na pasok sa sindikato ng ilegal na droga.

At dahil “batang sarado” niya si Capt. Costales – alam niyang hindi ito makatatanggi sa ipatatrabaho niya – ipina-infiltrate niya rito ang sindikato na nasa loob mismo ng bakuran ng Narcom. Nag-leave si Danny sa CIS para disimulado ang infiltration na gagawin niya na hindi “officially sanction” ng Narcom. Tanging si Colonel dela Cruz lamang ang may-alam at nagpo-pondo sa oplan niyang ito. Ok na sana ang takbo ng trabaho ni Danny – ‘yun lang, ‘di nagtagal natiyempuhan siya sa isang anti-drug operation, kaya nasakote at nakulong sa detention center ng Narcom.

Sa nakuha kong info kay Danny, dumiretcho agad ako kay Colonel dela Cruz – isa rin kasi siya sa mga kaibigan at reliable source ko na opisyal sa CIS – at sinabi ko ang aking nalaman hinggil sa Oplan nila ni Danny. ‘Di naman niya ito ikinaila sa akin, bagkus pinakiusapan niya ako na aalalayan si Danny sa pangangailangan nitong “technical surveillance” na may kaunti akong “skill” bilang graduate ng Electrical Engineering sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).

Ilang araw lang ay tahimik na nakalaya si Danny at nagpatuloy sa kanyang covert operation. Siyempre ang kapalit ng lahat ng ito, ang pananahimik ko – walang sulatan muna ng kahit anong story – habang di pa natatapos ang oplan ni Danny, pero ang kasunduan — kapag natapos na ito ay libre ko nang isulat ang lahat ng alam ko o ang buong kulay ng kuwento!  

Lumalim ng husto si Danny sa sindikato pero biglang naputol na ang aming talastasan. Nagulat na lang ako nang sumabog ang expose sa Senado ni Senator Ernesto Herrera hinggil sa mga protector ng droga sa bansa, at pinangalanan niya ang mga ito. Ang nakalulungkot – kasama sa listahan ang pangalan ni Danny.

Agad na pinuntahan ko si Colonel dela Cruz na umaming ang listahan ni Sen. Herrera ay batay sa isinumite niyang report na ginawa ni Danny – ang nakapagtataka lang ay kung bakit napasama roon ang buong pangalan nito na Captain Danilo Costales. 

Nasibak sa serbisyo si Danny at matagal din na nagpa-rehabilitate para matanggal ang kanyang pagkalulong sa droga. Inabot ng maraming taon bago napatunayan na wala siyang kasalanan. ‘Di man siya nakabalik sa serbisyo ay nakuha naman niya ang karampatang benipisyo bilang isang retiradong colonel sa PNP.

Ang mga kuwentong ganito ang kahit papaano ay nagpapatibay pa rin sa pananampalataya ko sa buong organisasyon ng PNP – na may mga operatiba na handang isakripisyo ang kanilang career at buhay, alang-alang sa kanilang sinumpaang tungkulin. Dapat aalalayan sila at tulungan sa kanilang mga problema.

Pero ang maliit na grupo naman ng mga pulis, na mas ginusto pa na maging pabigat sa PNP sa pamamagitan ng paggamit at pagtutulak ng ilegal na droga – sibakin sa serbisyo at ikulong agad – gamitan ng “Kamay na Bakal” para ‘di pamarisan! – Rappler.com