Filipino writers

[OPINYON] Lualhati

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Lualhati

Guia Abogado/Rappler

'Maraming manunulat na kabaligtaran ang ginagawa sa isinusulat. Pero hindi si Lualhati.'

Fanboy ako ni Lualhati Bautista. Lumaki, tumanda, at (sana) nagtanda ako sa mga akda niya mula pa noong hindi uso ang social media. Nanghiram akong ng mga aklat niya noong nakapasok na ako sa kolehiyong may maayos-ayos na library. Nanood din ako ng mga pelikula at palabas na halaw sa kaniyang akdang isinulat kung hindi man siya mismo ang sumulat. 

Ganoon naman yata tayo sa mga akdang naiibigan natin, hindi ba? Feeling close tayo sa author. Inaalam ang kanilang buhay, tinatangkilik ang mga likha. Parang kakilala na natin nang personal. Ganoon ako kay Lualhati. 

Nang mauso ang social media, ini-add ko siya. Pagkakataon ko nang maging mas malapit sa may-akda ng mga nobelang nagpaligalig sa akin. Nagkataon namang accommodating siya. Accepted ang friend request. May mga tanong ako, sinagot niya.

Minsan, noong taong 2010, matapos magpakilala at sabihin ang pakay hinggil sa proyektong pananaliksik tungkol sa place setting at milieu ng mga nobela sa bansa natin lalo ang sa nobela ni Rizal (wala pa sa guniguni ang teleseryeng pinagkakaabalahan ninyo ngayon), inusisa ko sa kaniya ang tungkol sa mga nililikhang lugar ng akda, kung paano ba dapat ipakilala ang lugar sa mambabasa. Heto ang sagot niya sa messenger, unedited, baka sakaling may mapulot ang ibang gusto ring maging manunulat:

“importante na malinaw sa isip ng manunulat ang itsura ng lugar na pinangyayarihan ng kanyang nobela, o ng isang partikular na eksena dito. pero hindi kailangang pangalanan niya ang lugar sa lahat ng pagkakataon dahil maaaring hindi ito nag-e-exist. halimbawa: inilarawan mo ito bilang isang lugar na labindalawang oras ang biyahe mula maynila, dadaan sa isang hanay ng mga panggabing-aliwan at pahingahan, magkakatapat ang munisipyo at palengke at simbahan, sasakay ng tricycle papunta sa isang liblib na baryo, tatawid ng dagat para makarating sa sementeryo, tanaw ang mga bundok — maaaring wala ka pang nakikitang lugar na eksaktong tumutugma doon, nag-e-exist lang sa imagination mo, pero kailangan mo lahat ng ito sa ikabubuo ng isang partikular na eksena. kung papangalanan mo ang lugar, sasabit ka kung sa katotohanan ay may mga sinabi kang bagay o gusali na wala doon. kaya kung kailangan mong pangalanan ang lugar, mag-iimbento ka ng pangalan. marahil, kaya hindi tinukoy ni rizal kung anong eksaktong bahagi ng luzon ang setting ng fili, sabihin mang may partikularidad ito sa tayabas, ay may mga makikita din na wala mismo sa tayabas. tandaan na ang nobela ay pinaghalong realidad at imahinasyon, at base man sa mga tunay na pangyayari, ang manunulat ay mayroon ng tinatawag natin na creative license.”

2010. Napaka-ancient na nito kung babalikan ang kasaysayan lalo ang panahong hindi pa tayo hibang sa social media. Hindi pa uso noon ang weaponization ng social media. Sa larangan ng discourse analysis, alam nating hindi lang ang tinataglay na mensahe ng mismong salita, ang mahalaga sa akin bilang tagatanggap ng kaniyang mensahe. Pati na rin ang manner in which she sent the message. Alam mong personal at very raw, parang nakikipag-usap, nangangaral, idinaan sa impersonal na platform na noo’y free of trolls. Ang saya saya ko noon. 

Malaking okasyon para sa akin ang pag-ukulan ng pansin ng mga hinahangaang manunulat ang pag-uusisa ko. Tinandaan ko iyon. Kailangan kong makaganti. Kaya kapag may magtatanong sa akin ngayon tungkol sa kung ano-ano, hangga’t kaya, gagayahin ko ang personal na pagpapaliwanag ni Lualhati Bautista. Hindi siya madamot. Hindi dapat madamot ang manunulat.

Doon ko masasabing naging personal kong kakilala at, in a way, kaibigan si Lualhati Bautista. Panay na ang palitan namin ng kuro-kuro at biro, pati na nga ang lubos na makabuluhang bilin sa aking mga anak by way of dedication sa kaniyang aklat sa papel na tita (see below).

Maraming usaping pambayan ang napagtuunan namin ng pansin. Bukod sa mga akda, ang galing ni Lualhati ay nasa kaniyang napakapersonal na pakikipag-ugnayan sa iba. Ang gandang karanasan lagi ang makausap si Lualhati kahit sa social media kung saan siya active na active hanggang manahimik nitong huling ilang buwan. Tila palatandaang may dinaramdam.

Makabuluhang karanasan lagi ang pakikipag-chat sa kaniya. Kaya niyang makipagsabayan. Hindi na lang mga akda niyang nasa libro siya nangungusap. Gamit niya ang platform ng pangmamangmang ng iba, ang social media. Nakikipagbanggan siya sa makinarya ng troll farms. Nakapagmumulat kahit sa thread.  

Disclosure. Sumulat si Lualhati ng introduction sa aklat kong #pasahero: mga nakikisakay na sanaysay.

Must Read

‘Dekada ’70’ author Lualhati Bautista dies at 77

‘Dekada ’70’ author Lualhati Bautista dies at 77
Leksiyon mula kay Lualhati

Lagi ko nang leksiyon sa nagnanais maging manunulat sa pormal mang pagtuturo sa unibersidad o kahit sa social media: maging magaling na manunulat. Pero higit sa pagiging magaling, maging mabuting manunulat.

Kinakatawan ni Lualhati ang magaling at mabuting manunulat at the same time. Maraming manunulat na pinagkakakitaan lang ang galing pero hindi naman makatao. Mayroon pa ngang manunulat na ang laging paksa ng panulat ay tungkol sa kahirapan pero matapobre at ayos lang ang pinunong hinihikayat ang pagpatay. Maraming manunulat na kabaligtaran ang ginagawa sa isinusulat. Pero hindi si Lualhati. 

Ambag ni Lualhati sa panitikan ang kaniyang mga akda bilang salamin ng sambayanan, mga akdang dapat talagang itanghal. Dapat balikan. Dapat laging ilapat sa nangyayari ngayon dahil lagi tayong may mapupulot, laging may matututuhan. Pero bukod sa mga aklat, nais kong gunitain natin si Lualhati bilang indibidwal, nakikipagsabayan, nakikipagbangayan.

Sa mga panahong marami tayong kakilalang manunulat na matitipid maglahad ng opinyon, si Lualhati, hindi. Tumitindig. Nagsasalita. Nakikipag-usap. Nakikipagsabayan. Nag-i-status! Hindi siya isang manunulat na nagpapahiwatig lamang. Hindi isang manunulat na nagsasabi sa kaniyang mambabasang hintayin at tangkilikin ang susunod na aklat para malaman ang tindig niya sa lipunan kung mayroon man. 

Hindi niya tayo pinagkaitan ng diwa, salita, karunungan, at kabutihan.

Maraming salamat at hanggang sa muli, Lualhati. – Rappler.com

Associate professor ng seminar in new media, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!