Maharlika fund

[OPINYON] Makabayan at makamasang Maharlika Fund, posible ba?

David Michael M. San Juan
[OPINYON] Makabayan at makamasang Maharlika Fund, posible ba?

Nico Villarete/Rappler

'Unang kondisyon: Huwag sa taumbayan kunin ang pondo para sa Maharlika Fund'

Ang panukalang Maharlika Fund ng ikalawang administrasyong Marcos ay isang porma ng Sovereign Wealth Fund (SWF) o sentralisadong pondong karaniwang galing sa surplus o sobrang pera ng isang bansa, na pinapalago/pinapatubo ng gobyerno sa pamamagitan ng pamumuhunan sa iba’t ibang negosyo, impraestraktura, stock market, at iba pa.

Karaniwang layunin ng pagbubuo ng SWF na magkaroon ng mas malaking pakinabang ang bansa – at ang mga mamamayan na rin – sa perang naitatabi, naipupuhunan, at sa tinutubo nito. Ang tubo ng SWF ay pwedeng idagdag sa gastos sa pensyon at iba pang benepisyo ng mga mamamayan gaya sa Norway, o gamitin ng gobyerno sa operasyon nito para mapanatili ang mas mababang buwis sa kita (income tax) gaya sa Singapore. 

Posible rin kaya na maging makabayan at makamasa ang direksyon ng Maharlika Fund? Narito ang ilang maaaring gawin upang matiyak na ang taumbayan – sa halip na iilang dambuhalang korporasyon at mga dinastiyang konektado sa mga dambuhalang negosyo (oligarchic dynasties) – ang makikinabang sa pagbubuo ng Maharlika Fund.

Unang kondisyon: Huwag sa taumbayan kunin ang pondo para sa Maharlika Fund. 

Ang nakasalang na bersyon ng Maharlika Fund bill sa Senado (Senate Bill 1670 ni Sen. Mark Villar) ay kahawig din ng niratsada ng Kongreso, kaya’t malinaw na halos pera rin ng taumbayan ang gagamitin sa pagbubuo ng Maharlika Fund. Ang Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines – na panggagalingan ng malaking pondo para sa Maharlika Fund – ay mga bangkong naitayo sa pamamagitan ng pera ng bayan. Ang mga dibidendo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nais ding gamitin para sa Maharlika Fund ay pera rin ng bayan, kung tutuusin dahil karaniwang inireremit iyon sa gobyerno para gamitin sa mga serbisyo sa taumbayan. Sa ilalim ng Senate Bill 1670 ay kasama rin sa pagkukunan ng pondo para sa Maharlika Fund ang “royalties and/or special assessments on natural resources” at “proceeds from privatization of government assets.”

Ibig sabihin, pwedeng gamitin ng gobyerno ang mga kinikita ng bansa sa ating likas na yaman (ginto at iba pang mineral, petrolyo, atbp.) at pwede ring magbenta ng ari-arian ng gobyerno (na ari-arian nating mga mamamayan) para mapondohan ang Maharlika Fund. Dahil aminado ang mga naglalako ng Maharlika Fund na hindi garantisado ang tubo, hindi rin makatwiran na isugal ang pera ng bayan dito.

Samakatwid, kung magkakaroon man ng Maharlika Fund, dapat kunin ang pondo sa sources na hindi maaapektuhan ang mayorya ng taumbayan: wealth tax (buwis sa mga Pilipinong bilyonaryo); pagpapababa sa sweldo at allowances ng mga burukrata, mga senador, kongresista, presidente, atbp.; pagbawi sa mga nakaw na yaman (ill-gotten wealth); debt repudiation (hindi pagbabayad sa mga utang panlabas na hindi pinakinabangan ng taumbayan gaya ng impraestraktura na kinurakot ang pera); pagpapataw ng “luxury tax” (buwis sa mga luho); pagbabalik ng lumang sistema ng progresibong estate tax (5% hanggang 20% depende sa laki ng ari-arian) sa halip na kasalukuyang flat rate na 6% para sa anumang laki ng ari-arian; at pagbabalik ng 30% corporate tax para sa mga dambuhalang kumpanya. 

Pangalawang kondisyon: Tiyakin ang demokratikong pangangasiwa ng Maharlika Fund.

Maaari itong gawin sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mayorya ng pwesto sa Board of Directors ng Maharlika Fund na mula sa mga kinatawan ng mga manggagawa, magsasaka, urban poor, professionals, at iba pang ordinaryong taxpayers. Pwedeng piliin ng mga organisasyon mula sa iba’t ibang sektor at unyon ng mga manggagawa, atbp. ang kanilang mga kinatawan. Sa pamamagitan ng ganitong proseso, matitiyak na ang Maharlika Fund ay patatakbuhin na parang isang pambansang kooperatiba para sa kapakanan ng nakararaming mamamayan. Ang matatag na rekord ng mga kooperatiba sa Pilipinas – na pinatatakbo ng mga organisasyon ng mga ordinaryong mamamayan mula sa iba’t ibang sektor – ay ebidensya na kayang-kaya ng mga kinatawan ng mamamayan na patakbuhin ang Maharlika Fund. 

Pangatlong kondisyon: Magkaroon ng ganap na transparency sa bawat transaksyon at pamumuhunan ng Maharlika Fund.

Kailangan ito para hadlangan ang anumang posibilidad ng korapsyon sa sitwasyon na maraming opisyal ng gobyerno at mga mambabatas ang may mga kamag-anak o kaibigan na nasa malalaking korporasyon na pwedeng makinabang sa mga investment ng Maharlika Fund sa real estate, pagmimina, enerhiya, at iba pang pamumuhunan na pinapayagan ng Senate Bill 1670. Halimbawa, sa araw mismo ng eleksyong 2022, kasama sa victory party ng headquarters ng nanalong presidente ang ilang malalaking negosyante, pati ang mula sa sektor ng enerhiya.

Nang magpunta sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland ang presidente ay kasama rin sa delegasyon ang ilang malalaking negosyante. Ang dalawang Villar sa Senado ay asawa at anak ni dating Senador Manny Villar na isa sa mga may pinakamalaking negosyong real estate  sa bansa. Si Senador Win Gatchalian – na ayon mismo sa kanyang bionote sa website ng Senado ay may “private sector experience” sa industriya ng pagmimina – ay may mga kapamilyang nasa negosyong pagmimina pa rin. Mabuti na lamang at nagpapahayag naman ng kritisismo si Sen. Gatchalian sa ilang aspekto ng Maharlika Fund.

Kaugnay nito, ilan sa mga ispesipikong batas na nararapat ding ipasa para protektahan ang Maharlika Fund sa anumang porma ng posibleng pang-aabuso ng mga dinastiya at korporasyon ang mga sumusunod: Anti-Dynasty Law (pagbabawal sa pagpapalitan ng mga magkakapamilya sa parehong pwesto o kaya’y sabay-sabay na pagtakbo sa maraming posisyon), Electoral Campaign Finance Law (pagbabawal sa malaking donasyon ng mga negosyante sa mga politiko at mas mahigpit na pagmonitor sa paggasta at pagkalap ng pondo ng mga kandidato at malalaking partido politikal), at Anti-Revolving Door Policy (pagbabawal sa swabeng paglipat ng isang opisyal ng malaking pribadong korporasyon sa isang publikong ahensya na katransaksyon ng o kaya’y nag-reregulate sa dati niyang korporasyon). 

Must Read

How lawmakers, experts view the Maharlika fund’s lingering issues

How lawmakers, experts view the Maharlika fund’s lingering issues
Pang-apat na kondisyon: Limitahan ang sweldo at allowances ng mga opisyal ng Maharlika Fund at ang ‘manager’s fees’

Sa ngayon, sa ilalim ng bersyon ng Maharlika Fund bill sa Senado ay hindi pa rin covered ng Salary Standardization Act ang mga opisyal at empleyado ng Maharlika Fund, kaya pwedeng lumaki nang todo-todo ang sweldo at allowances nila kahit na hindi naman nila magagarantiyahan na tutubo ang pondo. Maaari pa ring magkatotoo ang pangamba ni Sen. Koko Pimentel na sa simula pa lamang ay kumain na agad ng 2% ng Maharlika Fund ang “manager’s fee” kung hindi magkakaroon ng limitasyon sa panukalang batas. 

Panglimang kondisyon: Bigyang-prayoridad sa investments ng Maharlika Fund ang mga pangangailangan ng Pilipinas. 

Narito ang ilang ispesipikong pangangailangan ng Pilipinas na wala pa sa priority investments ng panukalang Maharlika Fund sa ngayon: agricultural modernization para sa sapat na suplay ng pagkain, industrialization para sa paglikha ng mga produktong kailangan ng mga Pilipino, mass transportation, murang pabahay, teknolohiyang pang-edukasyon at pangkalusugan, at enerhiyang renewable. 

Pang-anim na kondisyon: Magkaroon ng regular, direkta, at taunang distribusyon ng (kahit bahagi man lamang ng) tubo/dibidendo ng Maharlika Fund sa bawat mamamayang Pilipino.

Sa kasalukuyang Senate Bill 1670 ay nakalagay na ang probisyon para sa paglalaan ng 25% ng tubo ng Maharlika Fund sa “poverty and subsistence subsidies” sa halos 20 milyong Pilipinong mahihirap ayon sa official statistics. Magandang simula ito pero kulang, dahil malinaw naman na mas marami ang aktwal na mahihirap na Pilipino sapagkat mababa ang pamantayan ng Pilipinas sa pagtukoy sa sino ang mahihirap.

Dapat gayahin ng Maharlika Fund ang sistema ng Alaska Permanent Fund na direktang nagbibigay ng libu-libong dolyar bawat taon sa kanilang mga mamamayan mula sa kita ng gobyerno sa petroleum resources nila. Halimbawa, noong 2022, $3,284 ang natanggap ng bawat residente ng Alaska mula sa Alaska Permanent Fund. Madaling ipatupad ito sa Pilipinas sapagkat ang mga may trabaho ay may datos naman sa Bureau of Internal Revenue sa pamamagitan ng kanilang mga employer, kaya’t direkta ring agad na maaaring bigyan ng dibidendo sa pamamagitan ng kanilang mga payroll account. Karamihan sa 20 milyong Pilipinong mahihirap ay tiyak na nakalista na rin sa rekord ng Department of Social Welfare and Development. Yaong mga wala sa alinmang rekord ang maaaring bigyan ng pagkakataon na makapagrehistro para sa taunang dibidendo mula sa Maharlika Fund. Sa kaso ng Alaska, mayroong online registration form na maaaring maging modelo ng Pilipinas kung ilalapat ng mga social worker at mga community leader sa mga barangay. Ang direktang distribusyon ng dibidendo sa mga mamamayan ay isang paraan din para direktang makinabang ang lahat sa Maharlika Fund, at nang wala ring makurakot ang mga tiwaling opisyal. – Rappler.com

Si David Michael M. San Juan ay Full Professor at De La Salle University at affiliate sa Southeast Asia Research Center and Hub (SEARCH) ng nasabi ring unibersidad. Isa siya sa mga convener ng Professionals for a Progressive Economy (PPE) at nagsilbi ring nominado ng ACT Teachers Partylist sa mga nakaraang eleksyon. Siya ang may-akda ng isang online petition na nananawagan ng pagbabasura ng Maharlika Fund. 

2 comments

Sort by
  1. G(

    Try to focus on the Philippine Rise to positively exploit that area for energy/oil resources…

    Focus on Climate change initiatives. Zamboanga City was under water since October last year… Mannix Dalipe and I were seatmates in high school in Zamboanga– please Manila people– focus on the environment/climate change… more drainage– pressure Manuel Dalipe and his brother in Zamboanga City John… my team will our part outside the country. Tap the tiktokers for ideas, although their daily tiktoking is amusing, but sometimes it is just a wasted generation that doesn’t tap their potential to create wealth for long -lasting prosperity… I tried to join Ressa’s forum and others but due to time zone differrence. Would like to arrange a meeting with Maria and team for my upcoming trip to Phils. Stay tuned.

    Trending hashtag: #GofortheGoals #IDW2023 (International Development Week in Canada)
    https://www.international.gc.ca/world-monde/issues_development-enjeux_developpement/idw-sdi.aspx?lang=eng

  2. ET

    These six conditions presented by Prof. David Michael M. San Juan are very practical and relevant but I doubt it – if the Marcos Jr. administration will heed any of these. And if ever it (Marcos Jr. administration) will ever do – will it be sincere, transparent and honest?