[OPINYON] The persistent trapo

Galawang trapo

Happy Father’s Day o Happy Valentine’s Day o Happy Halloween o Happy Fire Prevention Month nga bumabati ang mga trapo sa atin, sa mas komplikado’t sopistikadong isyu pa kaya?

Madaling sumawsaw sa maiinit na isyu ang trapo kahit unsolicited lalo sa panahon ng devolution ng media platforms. Trapo. Sa sociolinguistics, ang salitang “trapo” ay portmanteau o blend ng dalawang salitang traditional at politician. Trapo o iyong politikong gagawin ang lahat ng tradisyonal na paraan manalo lang sa halalan. Kahit pa sindumi na ng luray-luray na trapo o basahan ang taktika ng pagkakahalal.

Basta may internet connection ngayon lahat ay maaaring maglathala, mag-produce, at magpakalat ng balita na sila ay may tindig sa kung ano mang pinag-uusapan; sumusuporta sa ganitong marginalized sector; nagsusulong ng ganoon at ganitong ilusyon ng kabutihan sa kapwa. Madaling magpanggap na relevant, sa madaling salita. 

Madali na rin nilang mai-align ang kanilang sarili sa mga sikat na pulitiko (o sa mas magaling na trapo, sa totoo lang). Ano ba naman ang isang larawang kasama ang matinee pulitiko? Ano ba naman kung mai-layout sa tarpaulin na pareho silang kinilala ng ganito o ganoong binayarang award? Ano ba naman kung sabihin ng trapo na pareho sila ng mithiin para sa bayan ni . Kaya nga pansinin ninyo ang mga trapong magtatapos ang termino, kasama na sa kalendaryo at tarpaulin ang anak o asawang papatakbuhin para manahin ang posisyon. 

Ano nga ba naman ang malay natin kung talagang may opinyon o solusyon sila sa mga suliranin ng bayan? Ni hindi nga natin sila mahahagilap, makakuwentuhan pa kaya? Mapiga pa kaya natin ang laman ng kanilang bungo? Lalo’t noong nagdaang mga eleksyon, kumbinyente nang hindi dumalo sa mga okasyong maaari silang makaliskisan tulad ng mga debate at forum. Bakit pa nga naman dadalo kung uubra namang mabawi ang atensyon ng audience kung magpapainom o magpapa-bingo o raffle sa kung saang looban.

Kung ano ang stand ng trapo sa issue, kung ano ang sinasabi ng kanilang intricately made infomercial, chances are, paniniwalaan ito ng mga mamamayang tinatamad nang magsuri. Bakit pa nga naman? Mukhang sincere naman ang pulitiko sa kaniyang papel sa teleserye, kaya ginawa na niyang naratibo ng agenda at plataporma. Gwapo pa rin naman siya kahit magnanakaw at nagsayaw lang para kumbisihin akong iboto siya. Bakit nga naman uusisain ang isyu kung may bago kang payong o kalendaryo? Ang dali nating makumbinsi na ang serbisyo ay hanggang porma at salita lang.

Basta maiparamdam na kunwari ay concern, kunwari ay para sa mahirap, kunwari ay tunay na naglilingkod, hayaan nang ang mga namamahala ng kampanya at mga tax-paid public information offices ang magdisenyo ng narratives at shareable video and graphics. At kung may isang pupuna o magsisiwalat ng hindi maganda tungkol sa isang well-entrenched na trapo, ang dali namang gamitin ang pakana-lang-ito-ng-kalaban-ko-sa-pulitika narrative at sinisiraan-lang-nila-ako-dahil-malapit-na-ang-eleksyon script.

Kaya naman sinasamantala tayo ng trapo. Trapo thrives in a society with indiscriminating voters. Bakit pa makikipagdebate sa kalaban kung pupwede namang magpainom na lang sa isang grupong maingay at maraming koneksyon? Bakit pa magpapausisa kung dadalhin din lang naman ng isang sekta o malaking lahing malalim ang impluwensya sa pamilya? Bakit pa kailangang ipaliwanag nang personal ang mga plataporma’t balak kung uubra namang kumuha ng artistang magpapaliwanag sa pamamagitan ng isang film festival-grade short film o biopic na lulunsad sa isang episode ng telebisyon at kakalat sa paborito nating social media platform? Bakit kailangan pang maging totoo kung paniniwalaan din naman ang likhang naratibo at pagkatao? If it’s of any consolation, malaganap din naman ang personality politics sa ibang bansang may katulad natin ang dynamics of election.

Bakit nga naman kailangan pang baguhin ang equation ng formula kung paano mananalo sa eleksyon kung ang nagtatamasa dito ay pamilya at tropa ng mga trapo?

May mali ba sa pagiging trapo?

May kakilala ako. May talino. May galing. May hitsura at dating. Pero kailangan niyang maging trapo para manalo bilang konsehal sa kaniyang bayan na, ang totoo, hindi naman niya kinalakihan. Galawang trapo para manalo si kaibigan. Pero hindi ko kinukuwestiyon ang kaniyang sinseridad lalo ang kakayahan. Naniniwala lang itong si kaibigan na kung gagawin niyang policy politics o iyong nananalig sa talino at paglalahad ng kaniyang mithiin ang magpapanalo sa kaniya, hindi siya mananalo. Kaya kailangan niyang makipagsabayan sa personality politics na umiiral sa kasalukuyan. Kaya naman kung mapapadaan kayo sa kaniyang Facebook page, naroon siya kasama ang maramig nagpapakuha ng larawan na constituents. Naroon ang kaniyang legislation at core agenda na nakabatay sa kaniyang komite. At, higit sa lahat, matatagpuan din doon ang lumawak niyang paglilingkod dahil pinupuntirya niya ang isang upuan sa provincial council. Paano nga naman siya makikilala kung hindi sa naglipanang tarpaulin na may nakasulat na “Bokal sa Puso ang Paglilingkod.”

Kailangan niyang kumanta at sumayaw, kailangan niyang magpa-photo-ops na kunwari ay nakikinig siya sa mamamayan o nagpapakilig ng mga kabataan. Kailangan niyang kalugdan para matandaan. At kapag natandaan, that mystical name-recall, winning comes easy. Kaya may mga trapo na mas gagastusan ang kampanya para matandaan lamang, para mai-project ang kanilang likhang imahen na matulungin, nangangalaga sa kapaligiran, galit sa korupsyon, may malasakit sa mahihirap.

May formula na kung paano makilala at manalo. Bakit pa nga naman kailangang baguhin ang ganitong kultura? Bakit kailangang maging mapanuri ng botante? Eh kung iyon pa ang maging dahilan ng pagkatalo.

May kakilala rin akong personalidad, sikat sa kaniyang larangan. Nang magretiro, puhunan ang naitaguyod na pangalan sa isports, nanalo bilang konsehal. Hindi mahalaga kung kaya niyang makipagsabayan sa konseho, basta ever-present siya sa mga birthday, binyagan, kasalan, sigurado ang panalo. You see, sa mundo ng mga trapo, ang madaling makitang pulitiko ay katumbas na rin ng magaling, katumbas ng anghel na bumaba mula sa nakasabit na tarpaulin sa kanto.

May mali ba sa ganitong paraan ng pamomolitika? Kung bawat naghahangad magkaposisyon ay dadaanin lang sa trapo ways of winning, mali nga. Kung ang sinseridad para makapaglingkod ay katumbas lang ng pamimigay ng payong at kamiseta, may mali nga. Dapat hikayating ma-empower ang mamamayan. Dapat may paraan ang sinsero’t may sustansiyang politiko para ipaunawa na mali ang maging trapo. Oo, kahit pambihira, nakakita na tayo ng ganito. Politikong galit sa epal. Politikong hindi ikinakabit ang pangalan sa kahit anong proyekto ng bayan o lungsod. Politikong kinokondena pa ang pagtrato sa politiko bilang mga celebrity. 

Malalaman ang sagad-sa-butong trapo kung ang kaniyang kapangyarihan ay nakasalalay lamang sa mamamayang hindi binibigyan ng pagkakataong mag-isip at magsuri. Dahil sa totoo lang, let’s assume the trapo ways of thinking, bakit pa nga naman? Para itong pagbibigay ng kapangyarihan sa mamamayan na alamin na mali ang kaniyang paraan ng pamamahala. Baka ikatalo pa niya.

Ang malaking epekto nito ay ang pag-normalize sa trapo, ang magbigay lalo ng pabor sa popular higit sa may kakayahang nais maglingkod. Matalino ka, magaling, may makabuluhang plataporma para sa bayan pero kung hindi ka popular at hindi mo handang baybayin ang landas ng pagiging trapo, good luck. Ano ang epekto nito sa ating bansang mas pumapabor sa politikong astang celebrity? Ayon sa pag-aaral, malaki. “Because populist politicians can misuse democracy to abolish democracy, democratic institutions look vulnerable,” ayon sa bagong pag-aaral na isinagawa upang matukoy ang epekto populist na politiko. Magiging limitado ang ating pagpili. Popular dapat, o anak o asawa ng incumbent na may kakayahang gumastos gamit ang makinarya ng ama. Meaning makinaryang pinopondohan natin. Dahil sa limitasyon ng sila’t sila lamang ang pipiliin, nawawala ang esensya ng demokrasya. Kaya nga pansinin: maraming die-hard followers ng mga trapos ang magsasabi sa iyo kapag pinuna mo ang kanilang idolo, “e di ikaw ang kumandidato,” na parang pagsuko na rin dahil, sa totoo lang, trapo din lang naman ang karaniwang may kakayahang mag-mopunt ng magastos na kampanya.    

Makakaasa tayo sa exponential na pagdami ng trapo sa darating na halalan. Dahil sa availability at accessibility ng medium at communication platform, dahil mismos sa dami ng perang gagasstahin sa eleksyon, makakaasa tayong lalong hahambalang sa ating paningin at guni-guni ang kanilang mukha at pangalan. Ang kanilang pagsasayaw, pagpapa-raffle, pagpapakitang-tao, pag-astang may malasakit. Tatanggapin ito ng marami dahil mabisa ang kanilang paraan. Gagastusan. Pag-iisipan ng mga propesyonal. Maraming mapapaniwala hanggang maging sunud-sunuran.

Paano na?

Hindi madaling iasa sa edukasyon ang ganitong uri ng pananamantala. Ilan bang propesor, pantas, at paham ang magsusulat? Ilan ang iinterbyuin sa radyo at telebisyon? Ilan ang magiging panauhin sa forum? Ilan ang magsusulat ng column? Kung may ganitong pagtatangkang magpaliwanag, ang mas kritikal na tanong ay kung ilan ba ang nakikinig, nanonood, nagbabasa?

Hikayatin ang mga politikong sumailalim sa pag-uusisa ng mamamayan. Mas spontaneous at mas natural, mas maganda. Hindi iyong curated na impormasyon, imahen, brand. Iiwas ang maraming trapo sa mga ganitong uri ng pagsalang. Mag-conduct ng online forum, imbitahan sa FB Live, pagpaliwanagin sa detalye ng kaniyang mga bulok na tagline: Anong uri ng pagbabago ang sinasabi mo? Bakit ka naging pag-asa? Gaano ka kahandang maglingkod?

At habang masaya ang marami sa atin na makatanggap ng token buhat sa trapo, huwag mapagod magpaliwanag sa handang makinig na hindi ito ang inaasahan nating serbisyong katumbas ng buwis nating binabayaran.

Baka kailangang gamitin din ng marami sa atin ang popular na lunsaran ng mga trapo upang maipaunawa sa mga tao na hindi wasto ang maging trapo. Gamitin ang kanilang lunsaran, baka nga mainam na magpagawa din ng kalendaryo o kamiseta. Gawing trapo-like ang impormasyon para makontra ang trapo. Gawing katawa-tawa ang pagpapaliwanag. Umisip ng iba pang paraan upang hindi maging vicious cycle ng paghalal sa trapo ang ating eleksyong sa totoo lang, hindi ba, para nang piyesta at karnabal? – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.