Filipino writers

[OPINYON] Pre-pandemic

Joselito D. De Los Reyes
[OPINYON] Pre-pandemic

Illustration by DR Castuciano

'Matapos bang mabakunahan ang lahat, anuman ang tatak, masasabi bang magsisimula na ang post-pandemic?'

Kasisimula lang ng bagong semestre sa matandang unibersidad kung saan ako nagtuturo, online, ng panitikan at malikhaing pagsulat. Sa parehong matandang unibersidad na sinasabi ng tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na isa raw sa recruitment ground ng mga rebeldeng komunista.

Well, totoo namang may malalim na kasaysayan ang pinagtuturuan kong unibersidad kung ang pag-uusapan ay mga nagrebelde sa pamahalaan at pumalag sa mananakop. May mga Mabini, Del Pilar, Luna, Jacinto, at Rizal na nag-aral dito. Kung iyon ang tinutukoy na rebelde ng NTF-ELCAC, mukhang hindi naman ito ipagkakaila ng unibersidad. Ang totoo, proud pa nga kami sa mga alumni na ito.

Nagtuturo ako ng creative writing at contemporary literature sa, bar none, the best university sa España Boulevard, Maynila. Dahil itong mga subject na ito ang pinagkakaabalahan ko kaya hindi maiiwasang magbasa ako nang magbasa. Magbasa ng aklat at mga journal para gawing batayan ng aking pagtuturo, at magbasa ng mga akda ng aking mag-aaral. Kaya hindi ko maiwasang hindi mag-nostalgia kapag dumadako ako sa panahunan ng kahit anong akda, lalo iyong contemporary pero pre-pandemic.

Pre-pandemic ang karamihan sa mga sitwasyon ng kuwento at akdang nababasa kong isinulat ng aking mga mag-aaral. Pre-pandemic ang galaw ng mga tauhan at persona. Pre-pandemic ang mga eksena. Kapag tapos na akong magbasa, manonood naman ako ng palabas sa telebisyon at kompyuter. Pre-pandemic uli. Naroong maglambingan o mag-away ang mga characters nang walang inaalalang social distancing; nakakapagbangayan at ligawan nang walang face mask.

Naroong malayang nakakalabas-masok ng bansa ang bida sa isang teleserye o dokyumentaryo. Nakakapaglakbay sakay ng kahit ano, kahit kailan gustuhin, kahit saan.

Naaalala ko ang pre-pandemic na problema natin sa mobilidad. Mahabang pila sa airport, delayed na flights, mga tirador na tsuper ng taksi, bus na siksikan, mababahong terminal, palpak na serbisyo ng tren. Kapag sasapit ang Mahal na Araw, Todos Los Santos, at kapaskuhan noon, staple sa balita ang umaapaw na terminal. Standard ang inspeksyon ng mga opisyal. May breath analyzer pang gagamitin para matiyak na hindi nakainom ng alak ang tsuper. 

Napakalaking marka sa ating buhay at panahunan ang pagdating ng pandemya. Maraming pag-alala sa kung anong buhay na mayroon tayo noon na hindi natin magagawa ngayon kung hindi rin lang tayo politiko o alagad ng batas na mistulang mas mataas sa batas. 

Naglipana ang kompirmasyon ng paghahanap natin sa dating buhay na hindi lamang basta tungkol sa paglalakbay. Iba-ibang kasiyahang pisikal na pilit pinupunan ng Zoom meetings at video chat at online shopping. Masarap na lamang isiping babalik din tayo sa dati. Masarap sabihin malapit na tayo sa “gaya dati.” Pero hindi.

Walang dati na babalikan ang iba sa atin. Sa munting poder ko bilang padre-de-pamilya, hindi na kami magiging masigasig sa paglalakbay. Mahal. Maraming protocol. Mahal ang protocol. Umiiwas kami sa mga okasyong kailangan naming sama-samang lumabas ng bahay at dumalo sa kung ano-anong kasiyahang maraming tao ang dadalo. Hindi pa kami nag-mall mula nang mag-lockdown. Bihira na kaming tumanggap ng bisita. Kung mayroon mang dadayo sa akin sa lalawigan, estrikto ako sa social distancing at pagsusuot ng face mask.

Wala na ang dating humahalakhak nang wagas. Nabawasan na rin ang wala sa planong inuman na may sama-samang pagdutdot sa pulutan. Conscious na ako sa kahit munting pag-ubo, paranoid sa kati ng lalamunan, laging sinusubukan kung maayos pa ang pang-amoy. Pero gaya rin marahil ng ibang lugar, dito sa amin sa Lucban kung nasaan ako ngayon kasama ng aking pamilya, marami na ring nagsasawalang-bahala na para bang sipon o simpleng trangkaso na lang ang banta sa kanila ng salot. Wala naman kasing tiyak na retribution sa paglabag kaya naglipana ang mga tao na hindi na alintana kung mahahawa ba sila o hindi. O kung taglay na ang virus pero asymptomatic, kung makakahawa ba sila o hindi.

Malinaw sa akin ang panahunan na pandemic at pre-pandemic. Pero ang hindi pa malinaw ay ang kawalang kasiguraduhan kung ano ang mangyayari sa buhay natin sa post-pandemic. O kung ano ang manipestasyon ng post-pandemic? At, natural, kung kailan? Matapos bang mabakunahan ang lahat, anuman ang tatak, masasabi bang magsisimula na ang post-pandemic?

Must Read

Why COVID-19 won’t kill cities

Why COVID-19 won’t kill cities

Pero habang hindi pa sumasapit, may ilang maaasahang pananaliksik na na nagbibigay sa atin ng mga posibleng scenario. Magandang ilapat ito sa kakayahan ng bansa natin, ng ating kabuhayan, ng ating kultura at mamamayan. Magandang pagnilayan ang mga hinuha o inference batay sa kung ano ang naganap at kasalukuyang nagaganap dito sa atin na, aminin natin, kay bilis magbago ngayon.

Ilapat muli natin sa sitwasyon dahil, baka sakali, ito na nga at sumasapit na ang hinihintay nating post-pandemic scenario. At kung hindi man, maaaring tayo mismo ay makaisip sa maaaring mangyari matapos ang lahat ng ito. 

Ang totoo, naiinip na kasi talaga ako sa paglipas ng pandemic, both of the disease and the governance kind. Gusto kong makaramdam na normal na uli ang pamumuhay. Iyong may semblance na ng “gaya dati.” Gaya dating pangkaraniwan lang, halimbawa, ang pagpasok ko sa campus ng matandang unibersidad na pinagtuturuan ko.

Sulat Tomasino

Speaking of matandang unibersidad, sa February 3-5, 2021, gaganapin namin ang kauna-unahang Sulat Tomasino via Zoom. Pangungunahan namin ni Chuckberry Pascual, propesor ng malikhaing pagsulat at kabahagi ko bilang coordinator ng event, ang programang itinataguyod ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies (CCWLS) kung saan kami kabilang. Ang three-day invitation-only creative writing lecture-workshop na ito ay dadaluhan ng mga campus journalist upang mahasa pang lalo ang kanilang kakayahan sa malikhaing pagsulat. Magbibigay ng lecture ang Director ng CCWLS na si Cristina Pantoja Hidalgo. Samantala, magbabahagi naman ng kanilang kaalaman ang mga Resident Fellows na sina Augusto Antonio Aguila, Ailil Alvarez, Dawn Marie Nicole Marfil, at John Jack Wigley. Inaasahang dadalo sa pagtitipon na ito, na sana ay ganapin taon-taon, ang ilang mag-aaral na kabilang sa publikasyon na mula sa The Flame ng UST Faculty of Arts and Letters, ang UST College of Science Journal, ang UST-AMV College of Accountancy Journal, at the Varsitarian. Lalahok din ang ilang mag-aaral buhat sa Dominican Studentate at UST Angelicum College. – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.