Fighting disinformation

[OPINYON] Para di mabilis ma-fall…magbasa

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Para di mabilis ma-fall…magbasa
'Ilan na lang ba sa mga mag-aaral ko ang nagbabasa? Kahit ano’ng babasahin, masaya na ako. Mas mabuti ito lagi kaysa wala.'

Noong unang panahong hindi pa uso ang face mask at social distancing, kinikilala ang Nobyembre bilang Reading Month sa ating bansa. 

Kaya naman kung nagkataong tungkol sa pagbabasa ang isasalaysay ko ngayon – sa kabila ng mistulang mas mahahalagang isyu tungkol sa sambayanang dapat bigyang-pansin at isulat – ito’y dahil naniniwala kasi akong may malaking ambag sa ating pagkatao ang pagbabasa. 

O ang hindi natin masyadong pagbabasa, kaya tayo ganito ngayon, mabilis ma-fall. Mabilis ma-fall sa fake news at sa lalong fake na pangako at profile ng mga politikong akala mo ay maayos dahil iyon ang ipino-project na imaheng metikulosong binuo ng kanilang mga PR manager. 

Kaya ko rin tatalakayin ito ay dahil sa aking trabaho bilang guro sa isang matandang unibersidad at sa isang nudging memory ng aking kabataan noong dekada nobenta. 

Tandang-tanda ko pa ang lahat. Second year college ako noon, pero dahil walong taon ako sa kolehiyo, nasa ikalawa sa tatlong beses ko noong mag-second year college sa isang gusaling kulay nitso sa tabi ng riles ng LRT sa Taft Avenue sa loob ng campus ng Philippine Normal University.

Dahil hindi pa noon laganap ang internet – 1996 nang una kong masaksihan ang kapangyarihan nito – lalo ang mga laptop o gadget, kaya gumagamit ako ng lubhang primitibong subject card sa card catalogue ng aming aklatan kung gusto kong manaliksik at manghiram ng aklat. Sa Word Star 4 pa lamang ako gumagawa ng mga term paper, na ipi-print sa dot matrix na pagkaingay-ingay. Dahil sa kakulangan ko ng mapaglilibangan, libro – maraming libro – ang kasangga ko noon sa bawat minuto ng buhay kong sasalakayin ako ng madalas na pagkainip.

Marami akong librong hiniram sa aming aklatan, gaano man kaliit ang aklatang ito. Marami akong hiniram sa mga kaibigan. Maraming librong binili nang segunda-mano sa Recto ang dumaan sa aking mga kamay (hiniram kasi ang iba, hindi na ibinalik). Hindi ko na natandaan ang mga librong ito. Hindi ko na nabilang. Hindi ako nagbilang. Pero isa ang natatangi kung bakit ko ito kailangang isulat ngayon: ang Signet Classics unabridged edition ng Don Quixote na salin sa Ingles. 

Mahigit sanlibong pahina ang aklat na isinulat ni Miguel de Cervantes kalahating milenyo na ang nakararaan. Maliit na parang pocketbook, pero napakakapal. At napakaliliit ng sulat. Nabasa kong lahat iyon noong second year college ako. Dalawang buwan kong kasakasama ang aklat. Halos maduwal na ako sa monotonong kuwento kapag papunta at pauwi galing sa Normal hanggang Valenzuela sakay ng dyipning biyaheng Pier-Malanday. O kapag bakante sa klase, kapag nakatambay at walang kasamang kapwa tambay sa Valenzuela o sa Normal. O kapag naghihintay sa kasintahang hindi bumitaw hanggang maging ina ngayon ng aking dalawang anak. 

Kaylinaw pa sa akin ng pangyayari. Few remaining pages ng kuwento hinggil sa quixotic na kabalyero. Panggabi ang pasok ko noon sa klase. Malapit na sa Malanday ang dyipni at antok na antok na ako. Pero nilalabanan ko ang antok para basahin ang dakilang nobela. Besides, pababa na ako. 

Nalaglag ang aklat dahil nakatulog ako. Pinulot ng pasahero. Pagbaba ko, nasa boundary na ako ng Bulacan at Valenzuela. Lumagpas na. Naglakad ako pabalik. Mga isang kilometro rin ang nilakad ko.

Kung bakit ko ito inaalala ay dahil nagtuturo ako ngayon ng Mga Dakilang Akda o The Great Works.

Sa pinagtuturuan kong antigong unibersidad, ipinagmamalaki kong lagi sa kahit sinong makikinig na na-retain namin ang pag-aaral ng panitikan sa kabila ng mapait na desisyong ma-relegate ito bilang subject na lamang sa senior high school sa ilalim ng CHED CMO No. 20, s. 2013.

Nang maging tagapangulo ako ng departamento ng literatura ng aming unibersidad, masugid kong kinumbinsi ang mga dekano at matataas na opisyal upang manatili ang literature sa kolehiyo. Nagpaliwanag ako kung bakit. Maraming dahilan. Pangunahin na ang, dahil sa katandaan at, ehem, isa sa nangungunang unibersidad sa bansa, may malalim na tradisyon ang panitikan sa amin na nagbunsod ng panitikang pambansa; na marka ng bawat magtatapos sa aming unibersidad ang holistic na pagkatuto. Kaya kami may The Great Works ngayon.

Iba ang atake namin sa The Great Works. Sa subject na ito, inihahain namin ang iba’t ibang barometro at konsepto ng greatness: mga klasikong akda, mga pinarangalan (Nobel Prize for Literature winning authors mostly), makabayang akda, at iyong makabago at popular na lumulunsad sa makabagong platform. 

May mga akdang ipababasa sa ilalim ng bawat kategorya. Pero ipinagpapauna namin na dapat hamunin ang konsepto ng kadakilaan, ilapat ang konsepto ng kadakilaan sa kanikanilang napipiling larangan. Ano ba ang dakila sa agham, sa arkitektura, sa musika, sa pagiging manggagamot, at sa marami pang saray ng karunungan na kinukuha bilang espesyalisadong kurso sa amin?

Bahagi ng pag-aaral ng klasiko at certainly mga dakilang akda ang gaya ng Inferno ni Dante Alighieri at ang Don Quixote nga ni Cervantes. Ngayon, ang tanong, sino ang nagbasa nang buo sa mga klasikong akda? Sa dalawang taon kong itinuturo ang bagong subject para sa bagong curriculum, wala. Hindi nakapagtataka dahil, well, sino ba namang bata ang gagawing libangan ang magbasa ng mikroskopikong font ng makakapal na akda?

Kaya pagkatapos ng pahapyaw na pagtalakay hinggil sa banghay, nilalaman, at kontribusyon sa kasaysayan ng mga nabanggit na akda, iigpaw na ako sa mga tula ni Rumi at Shakespeare. Tatalakayin ang maiikling kuwento nina Gabriel Garcia Marquez at William Faulkner. Pag-uusapan ang mga akda ni Balagtas, Bonifacio, at Rizal. Hanggang sa magtapos ang semestre sa mga akdang popular na mababasa sa internet. Dito inaasahang sisidhi ang talakayan. Mas involved na ang mag-aaral, mas pamilyar na sila sa platform at akda. Iikot kami sa ideya na, kapag popular ba ay dakila na? Kung naging bestseller ba at naisapelikula ang nobela ay dakila na? 

Hangarin ng kurso na hindi lamang matukoy ang puno’t dulo ng kadakilaan ng isang akda. Hinahamon din ng kurso na maging kritikal ang mag-aaral sa mga nababasa nila at sa itinalagang pamantayan ng lipunan tungkol sa kadakilaan. 

Pero hindi ganoong kadaling magpabasa. Lalo ngayong sa malalamig na monitor lamang kami nagkikita, if at all, dahil sa bagal ng connectivity kaya kailangan nilang i-off ang camera at mikropono ng kanilang mga computer. Ilang oras ba akong mistulang kumakausap sa monitor? Kapag nagtanong sa estudyante, sasagutin ng chat. Napakaimpersonal. Para akong nakikipag-usap sa makina. 

Lalo kung paniniwalaan ang pananaliksik ng National Book Development Board, dapat nagmumula sa magulang ang sigasig ng pagpapabasa sa mga anak. Eh, sino sa mga magulang ang palabasa? Ikalawa na lang ang mga guro, na ibang usapin pa rin kung masisigasig bang magsipagbasa, at ikatlo ang mga kaibigan. Hindi ko na muna paghahanapan ang mga mag-aaral ko sa kasalukuyan. 

Ilan na lang ba kasi sa kanila ang nagbabasa? Lagi kong sinasabi na, kahit ano’ng babasahin, masaya na ako. Mas mabuti ito lagi kaysa wala. Saka na pag-usapan kung ano ang dakila. – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!