PhilHealth

[OPINYON] Tutulan ang taas-kaltas para sa PhilHealth!

David Michael M. San Juan
[OPINYON] Tutulan ang taas-kaltas para sa PhilHealth!
'Baka dapat munang matuto ang ahensyang ito na maging mas maingat sa paggastos ng pera ng bayan na mula sa mga mamamayang nagkakandakuba na sa taas ng buwis at taas ng presyo ng bilihin sa bansa'

May bubulaga sa payslip nating lahat ngayong Hunyo 2022, pero panahon nang tutulan natin ito dahil dagdag-pahirap na naman ito sa ating lahat. 

Sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Advisory No. 2022-0010, ay kinumpirma ng ahensya na tataas na ang kaltas sa sahod ng mga manggagawa para sa PhilHealth. Kung susundin ang nakasulat sa batas, awtomatikong tataas din ang kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth na Overseas Filipino Workers (OFWs), mga praktisyoner ng kanilang propesyon, at iba pang kasama sa tinatawag na “direct contributors” o mga miyembro na may kapasidad na magbayad ng kontribusyon sa PhilHealth. Totoong kailangan ng karagdagang pondo para sa ating serbisyong pangkalusugan, pero hindi kailangang magtaas ng kaltas para sa PhilHealth, gaya ng patutunayan sa artikulong ito. 

Must Read

Filipinos to pay higher PhilHealth rate starting June 2022

Filipinos to pay higher PhilHealth rate starting June 2022
Taas-kaltas: Utos ng Universal Health Care Act

Ang ganitong halos taunang taas-kaltas ay utos ng Universal Health Care Act (tingnan ang Seksyon 10), batas na sinuportahan ng halos lahat ng mga senador at kongresista at pinirmahan at ipinagmamalaki ng administrasyong Duterte. Bukod-tanging ang mga kongresista lamang ng Makabayan Bloc ang hindi sumang-ayon sa pinal na bersyon ng bill na naging batas noong 2019. Anila, hindi matutugunan ng nasabing batas ang mga pangangailangan ng publiko at komprehensibong serbisyong pangkalusugan dahil nakapokus lamang ang batas sa pagkolekta ng kontribusyon para sa PhilHealth sa halip na magbigay-atensyon din sa pagpapalaki ng publikong pondo na direktang gagamitin para sa mga klinika, ospital, at iba pa. Noong 2020 ay naghain ng panukala ang Makabayan Bloc para ipatigil ang halos taunang taas-kaltas. Noong 2021 naman ay naobliga si Duterte na pansamantalang ipatigil ang taas-kaltas dahil sa isang viral na petisyon ng mga mamamayang tutol dito. Makikita sa talahanayan (table) sa ibaba ang direksyon ng pagtaas ng singil para sa PhilHealth sa mga nakaraang taon (2021 lang ang hindi ipinatupad). Ipinapakita rin dito ang iba pang naka-iskedyul na pagtataas-kaltas hanggang 2025. Pinaka-apektado ng pagtataas ng singil ng PhilHealth ang self-paying members, professional practitioners, at land-based OFWs dahil 100% ng kontribusyon nila ay galing lahat sa bulsa nila. 

Para sa mga manggagawa sa Pilipinas (publiko, pribado, at kasambahay), at para sa seafarers (marino)

Para sa self-paying members, professional practitioners, at land-based OFWs

Bakit hindi dapat magtaas ng kaltas para sa PhilHealth?

Una, hindi pa naaabot ng PhilHealth ang 100% collection efficiency para sa mga pribadong kumpanya at sa mga ahensya ng gobyerno (gaya ng ipinapakita sa table sa ibaba). Ibig sabihin, hindi nasisingil ng PhilHealth ang lahat ng dapat singilin. Bago pag-usapan ang anumang panukala na magtaas ng kaltas, dapat munang maabot ng PhilHealth ang 100% collection efficiency para sa mga pribado at publikong institusyon man lamang. 

PhilHealth’s collection efficiency (as of December 2020); efficiency baseline: 85%

Pinagkunan: FOI request #PH-443101075857

Pangalawa, hindi pa ganap na nasasagot at nareresolba ang mga problema kaugnay ng mga alegasyon ng malawakang korapsyon sa PhilHealth o kaya’y sa mga ospital na tumatanggap ng pera (reimbursement) mula sa PhilHealth. Sa kasagsagan ng pandemya, mismong PhilHealth ang nagpahayag na may mga ospital na dinadaya ang rekord ng pasyente. Halimbawa’y pinalalabas ng ospital na na-COVID-19 ang pasyente para mas malaking pera ang makolekta nila mula sa PhilHealth; ito ang tinatawag na upcasing. Dapat habulin, pagbayarin, at pagmultahin ang mga ospital na ito.

Must Read

PhilHealth owes Philippine Heart Center P167-M worth of unpaid claims

PhilHealth owes Philippine Heart Center P167-M worth of unpaid claims

Sa latest na Executive Summary ng Commission on Audit (COA) Annual Audit Report 2020 para sa PhilHealth, binigyang-diin naman sa mga obserbasyon ng COA na nangangailangan ng agarang aksyon ang “Interim Reimbursement Mechanism (IRM)” ng PhilHealth para sa COVID-19.  Ayon sa COA, sa pamamagitan ng IRM ay naglabas ang PhilHealth ng 14.971 bilyong piso para sa iba’t ibang Health Care Institutions (HCIs) sa buong bansa, kahit na hindi pa nakakapagserbisyo ang mga ito, (“for services not yet rendered”) na sumasalungat sa pagbabawal sa “advance payments” para sa mga kontrata ng gobyerno, sa ilalim ng Section 88 (1) ng Presidential Decree (PD) No. 1445. Sa nasabi ring report ng COA, as of December 31, 2020, ang “disallowances” sa PhilHealth ay umabot na sa P7.382 bilyon. Ipinaliwanag ng isang dating opisyal ng COA ang mga batayan sa “disallowances”: mga paggastos na hindi pangkaraniwan, hindi kailangan, sobra-sobra na, o maluho/kapritsoso. Sa ganitong konteksto, bago magtaas-kaltas para sa PhilHealth, baka dapat munang matuto ang ahensyang ito na maging mas maingat sa paggastos ng pera ng bayan na mula sa mga mamamayang nagkakandakuba na sa taas ng buwis at taas ng presyo ng bilihin sa bansa. 

Pangatlo, masyadong malaki ang sweldo at masyado ring marami ang matataas na opisyal ng PhilHealth, batay sa Reports on Salaries and Allowances (ROSA) ng COA sa mga nakaraang taon. Bakit hindi na lang tapyasan ang burukrasya at tapyasan din ang sweldo ng mga matataas na opisyal, para makatulong sa pagtitipid ng PhilHealth at nang mas malaking pondo ang aktwal na magamit para sa serbisyong pangkalusugan? Isama na rin natin sa dapat tapyasan ang sweldo, allowances, at iba pang benepisyong pinansyal ng mga senador, kongresista, at mga matataas na opisyal ng gobyerno na nag-apruba ng regular na pagtataas ng singil para sa PhilHealth. 

Pang-apat, malaking porsyento ng paggastos ng PhilHealth ay napupunta lamang sa mga pribadong korporasyon na pinagtutubuan ang serbisyong pangkalusugan, kaya’t kahit magtaas ng kontribusyon, hindi pa rin malulutas ang problema kung hindi lilimitahan o rerendahan (mas maganda, pagbabawalan) ang pagkakamal ng tubo ng mga pribadong ospital. 

Panglima, sa halip na magtaas ng kaltas sa sahod ng mga lokal na manggagawa at ng mga migranteng Pilipino, mas mainam na muling ibalik sa 30% ang corporate tax ng mga dambuhalang korporasyon na ibinaba ng gobyerno ni Duterte sa 25% na lang ngayon. Kaugnay nito, dapat ding bawiin ang at huwag nang muling magbigay ng mga napaka-galanteng tax incentives (paglilibre sa mga korporasyon sa pagbabayad ng mga buwis), gaya ng ibinigay ng gobyerno sa dambuhalang San Miguel Corporation at sa malalaking telecommunications companies/telecoms. Bakit kung sino pa ang mayayaman na at malaki ang kita ay sila pa ang hindi pinagbabayad ng gobyerno? Pinatutunayan ng mga halimbawang ito na maraming pwedeng pagkunan ng karagdagang pondo para sa serbisyong pangkalusugan pero bantulot at takot yata ang ilang burukrata na singilin ang mga dambuhalang korporasyon na dambuhala rin naman ang kita at tubo. Panahon nang pagbayarin sila sa kanilang obligasyon sa sambayanang Pilipino na nagpa(pa)yaman sa kanila. 

Must Read

NBI steps in as PhilHealth admits to bleeding P200 million a year in Northern Mindanao

NBI steps in as PhilHealth admits to bleeding P200 million a year in Northern Mindanao
Pagbuwag sa PhilHealth: Lohikal at praktikal

Panghuli, dapat na ring seryosong ikonsidera ang panukalang buwagin na ang PhilHealth. Kasama ito sa mga probisyong nasa Seksyon 32 ng House Bill 9515 ng Makabayan Bloc na ang layunin ay magtatag ng 100% na libre, komprehensibo, progresibo, at publikong pambansang serbisyong pangkalusugan. Sa pangkalahatan, lohikal at praktikal ang planong buwagin ang PhilHealth upang ang mga dating gastos nito sa operasyon (operation expenses) ay direkta nang ilaan sa mga publikong klinika, publikong ospital, at iba pa. Napakarami nang pag-aaral na isinagawa sa mga bansang kahawig ng sistema sa Pilipinas ang nagpapatunay na mas matipid at episyente ang sistema na walang masyadong burukrasya at walang masyadong papeles (Himmelstein et al., 2020; Cai et al., 2020). Sa kaso ng Pilipinas, kapag binuwag ang PhilHealth, direkta nang magiging libre ang serbisyo sa publikong klinika at ospital, at makakatipid dahil hindi na gagastos ng malaking pera para sa database ng mga miyembro, produksyon at pagpapoproseso ng papeles para sa reimbursements/claims, at iba pa. Wala nang papeles dahil popondohan na nang direkta mula sa buwis ang serbisyong pangkalusugan. 

Anu’t anuman, sa ngayon, TUTULAN NATIN ANG TAAS-KALTAS para sa PHILHEALTH! – Rappler.com

Si David Michael M. San Juan ay Full Professor at De La Salle University at affiliate sa Southeast Asia Research Center and Hub (SEARCH) ng nasabi ring unibersidad. Isa siya sa mga convener ng Professionals for a Progressive Economy (PPE) at nagsilbi ring nominado ng ACT Teachers Partylist sa nakaraang eleksyong 2022.