Hindi pa ba kayo nasasanay sa weekly haranang madalas napapalamutian ng mura at paninisi? Ang hirap, ano? Kasi dapat asahan mong may malinaw nang plano bukod sa kinasanayang curfew at lockdown laban sa papalala nang papalalang salot, pero mababaling na naman ang kaniyang atensyon, unscripted as usual kahit pa pre-recorded, sa kung sinong pulitikong tinaniman niya ng pagkamuhi bago pa siya maging pinuno ng bansa hanggang ngayon.
Hindi na dapat ako umaasa, pero sa tuwing mapapakinggan, hindi ko pa rin maiwasang hindi masaktan gaya dati nang magsimula siyang mag-ulat dahil sa mandato ng Bayanihan to Recover as One Act, at ang dapat sanang nakakasanayan ko nang “talk to the people” at “message to the nation” na pawang pre-recorded linggo-linggo. Kung kailan inire-record, sila-sila din lang ang nakakaalam.
Hindi na dapat ako nakikinig at umaasang may malinaw na plano laban sa pandemya, pero nasasaktan ako dahil alam kong baon na tayo sa utang, buwis natin ang ipambabayad o kung anumang likas na yaman ng bansa na tatamasahin sana ng kung ilang henerasyong sana man lang ay maturukan na ng bakuna, o simpleng ma-survive ang pandemya. Hindi na dapat ako umaasang may sasabihing malinaw at mapanghahawakan sa linggo-linggong harana ng matatapang na salita at pagmumura, pero hindi ko maiwasang umasa kung may mabuti pa ba akong mapapala sa buwis ko. Bakit kasi ganoon, paulit-ulit na lang na walang direksyon ang naturingang ulat sa bayan?
Baka naman kasi hindi na ako ang tinutukoy sa “nation” sa mga katagang “message to the nation,” o hindi na ako bahagi ng “public” sa “public address” o “bayan” sa “ulat sa bayan?” Baka naman kasi ‘yung report slash gibberish rant kada linggo ay para sa mayoryang ang paniniwala pa rin na kapag replete with mura, pang-aaway, kaguluhan, giyera-giyera, at senseless interjection ang pananalita ay sincere at mas may aksyon? Sa isyu kasi ng retorika ng politika sa atin, ito rin ang nagluklok sa kaniya. Wow, maton! Wow, magje-jetski, iboboto ko siya. Wow, 3 to 6 months lang, humanda kayo, huh, hindi nagpipigil sa sasabihin kahit mura kaya iboboto ko siya. Iyan ang lider ko. Kaya naman maraming pulitiko ang ganito na rin ang tono.
Matagal na tayong pinagsasamantalahan ng ganitong retorika at boladas even before a certain president quipped na “walang kama-kamag-anak, walang kai-kaibigan, huwag ‘nyo akong subukan” blah blah na naging staple na sa atin para kupkupin ng botante ang pulitiko.
Kung makagagaan man ng damdamin ninyo, hindi lang ito confined sa bayan nating kahapis-hapis. Maging ang ibang bansa ay natatangay din ng matatapang na salita ng mga nais maglingkod. At least hindi lang tayo ang biktima ng kunwari’y matatapang na pangungusap.
Batay sa pananaliksik, sa maraming nakaririnig ng pulitikong nagmumura at galit na galit, kaya daw napapamura ang tao dahil “beyond the expressive function, people curse also because they have learned from experience that swear words may reinforce message effectiveness. This is not to say that people are aware of this persuasive effect, but they may have automatized the association between swearing and positive outcomes.” Teknik ito para maiugnay na may nakakamit ang isang palamurang lider dahil “there is evidence of its positive effect in terms of persuasiveness, mediated by language intensity,” batay sa pananaliksik ng Italyanong sina Nicoletta Cavazza at Margherita Guidetti ng University of Padova.
Gayunman, kahit nasa minoryang hanay ako na naniniwalang dapat may linaw ang pahayag ng mga pinuno ng bansa lalo sa panahon ng krisis, karapatan ko pa ring umasa sa paliwanag hinggil sa saysay ng buwis kong binayaran, kung saan ito lulustayin, sino ang makikinabang, na hinihintay kong sasabihin sa bawat ulat sa bayan. Hindi dapat ako masiyahan sa ingay lamang. Kailangan ko ay mapanghahawakang paliwanag. Tandaan, liwanag pa rin ang nasa ubod ng salitang “paliwanag.” Hindi kalabuan. Hindi lalo kadiliman.
Kaya kasama sa gampanin ko bukod sa punahin ang mga salitang namumutawi sa dapat sana’y namumuno nang maayos ay ang talakayin sa ibang wala sa social media (dahil napaka-toxic ng mga nilalang sa social media, sa totoo lang) — lalo na doon sa naniniwala pa rin sa mura rhetorics — na hindi naman talaga sukatan ng sinseridad ang kunwari ay hindi mapigilang damdamin at bunganga. Na hindi rin lalo sukatan ang pagmumura para makamit ang mithiin ng isang responsableng pinunong ang pinumumunuan ay nahaharap sa malaking krisis.
Talakayin sa iba ha, I repeat, talakayin, hindi ko sinabing ituro sa iba. Kapag sinabi ko kasing ituro, naroon ang ere ng superiority. Kesyo mas may alam ako kaya makinig kayo sa akin. Tuturuan kita. Propesor ako. May nagmamalaking suffix sa pangalan. Hindi. Kaya napo-polarize tayong lalo ay dahil sa ridicule sa ibang nasa kabilang panig at bilib na bilib pa rin sa retorika ng mura at walang patutunguhang pananalita (gusto kong tawaging ingay na lang pero, well, may salita naman, kahit minsan incoherent).
Ito ang naglalayo sa atin sa iba. “E di ikaw na ang matalino,” isasagot sa akin kapag magsasalita ako na astang nangangaral. Propesor na propesor ang datingan. Namumulaklak sa akademikong teorya. Idagdag pa na may mga mapagsamantalang pulitikong talagang pag-aalabin ang damdamin ng karamihan para kamuhian ang kunwari’y elitistang nakapag-aral.
Sasabihin ni pulitiko, “Kakampi ‘nyo ako. Kakampi ako ng mga gaya ninyong minamata at mahihirap. Kalaban natin ang mga elitistang mayaman at napakapag-aral, ‘yang mga <insert your favorite gutter expletive> ‘yan!” Sabay palakpakan ng makakarinig sa intense na intense na pananalita ng pulitikong mayaman at may malaking tsansang mataas ang pinag-aralan. Kaya siguro karamihan sa pulitikong ito, gustong manatiling mahirap at mangmang ang mamamayan sa nasasakupan para laging may maniwala sa kanilang retorika’t manatili sila sa kapangyarihan.
Payo ko sa ilang naniniwala sa maayos na pananalita, lalo iyong mga kapwa ko nasa institusyong mangaral: kapwa sana kayong tumuklas sa silbi ng salita at naratibo at ilapat ito sa sitwasyong mapanghahawakan ng karaniwang gusto ninyong pangaralan. Kapwa kayo maghanap sa kahulugan ng kawalang-kahulugan ng talumpati linggo-linggo without sounding too elite and learned. Gawing karaniwan ang halimbawa at diskurso.
Ipaunawa ninyo ang teorya pero hanapan ng praktika sa paligid. Huwag laging mangusap na akala mo nasa academic conference at nagpre-present ng research na parang tayo-tayo din lamang akademiko ang magkakaintindihan. Kaya ‘yan. Magpaliwanag. Gabayan ang karaniwang mamamayang hindi makaunawa sa convoluted statements ng akademiya. Pero hindi ko sinasabing magmura din, o mag-make face para lang maging meme. O bumulalas ng matatapang at maaangas na quotable words bereft of meaning. Ipaubaya na ninyo iyang rhetorical device sa isang dating propesor at abogadong nagtataguyod ng karapatang pantao dati na kung magsalita at umasta ngayon, daig pa ang taong tumanda na parang hindi nakaranas ng dalisay na pag-aaruga ng magulang o kapwa. – Rappler.com
Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.