Bukod sa nakasanayang Araw ng mga (komersyalisadong) Puso, hindi ko alam kung ano pa ang mayroon sa Pebrero kung bakit tatlong ulit akong naimbitahang magsalita para sa kumperensiya at seminar hinggil sa maayos na paggamit sa social media. Pambihira ito. Dati, manaka-naka lang. Every two months. Kapag may nag-aaway lang na co-teacher sa faculty room, halimbawa. O kaya kapag may nagbabangayang magulang at teacher online. Tatawagan ako, iimbitahing magsalita tungkol sa, palagay ko, maayos na paggamit ng Facebook, Twitter, Instagram, o kung ano-ano pang platform ng birtwal na pag-iral natin.
Tinawag ko ang lecture kong Social Netika. Sa linguistics, ang netika ay portmanteau ng dalawang salitang network at etika. Nag-search ako sa Google at wala pang gumagamit ng salita, maliban sa proper noun ng isang kompanya ng IT, kaya naisip kong gamitin bilang pananda sa serye ng lecture ko kung paano maayos na gamitin ang social media. Ang totoo, madali lang naman talaga itong i-Google. Pero dahil natatangi ang paraan nating mga Pinoy sa paggamit ng social media kaya nag-modify ako. Nag-iwan ako ng ilang paalala sa kung paano maiiwasan ang eskandalo o maiiiwasan ang pakikipag-away. O kung makikipag-away man, dapat sa makabuluhan, at creative kung kaya din lang, na paraan.
Halimbawa, sinabi ko, huwag mag-share ng fake news. Masyado nang maraming tahasang disimpormasyon kaya naman maraming naloloko ng mukhang legitimate na balita na mapupulot sa social media. Ang iba, unconsciously naisha-share. Ang iba, kahit alam nang peke ang balita, sige pa rin. Sigurado akong dadami ang magpapakalat ng pekeng balita at impormasyon lalo’t papalapit ang eleksyon. Sinabi kong para hindi ka awayin, siguraduhing may batayan ang ipinapakalat, mag-isip sandali kung legit ang balita bago i-click ang share. At kung sisita ng nagpapakalat ng pekeng balita, sa maayos na paraan sana. Mga ganyan.
Bilang background, tinalakay ko muna kung bakit marubdob ang paggamit natin sa social media, kung bakit tayo ang nagunguna sa pagkonsumo sa buong mundo. Kung bakit ganoon na lang ang paglustay natin ng oras, at pera sa kaniya-kaniyang marketplace, ay dahil sa algorithm ng mga ipinapasok nating personal na impormasyon: Mahilig sa sapatos? Maraming lalabas na tindahan ng sapatos at FB group ng mahihilig sa sapatos. Mahilig sa mountain bike gaya ko? Maraming kolektibang mangungunsinti sa paglustay ko ng oras at pera sa bisikleta. Magkakaroon ng sala-salabat na grupong kumakatawan sa bawat pag-iral mo sa lipunan.
Ang newsfeed ang ating pagkatao. Minsan, sabi ko pa, mas kakilala tayo ng social media higit sa pagkakakilala sa atin ng magulang o asawa. Nakakaadik. At tunay namang may social media addiction. Itong pagkaadik ay hindi sa mismong platform kung hindi sa naidudulot nitong instant gratification, masahe sa ego, papuri. Itong instant gratification ang gustong-gutso ng marami sa atin. I-like ba naman ang larawan mong dumaan sa ilang operasyon ng filter app, sinong hindi matutuwa. Sa social media tayo nakakatagpo ng balidasyong kay hirap makuha sa totoong buhay.
Ipinakita ko rin sa lecture ang mabuting nagagawa sa atin ng social media: naitatawid ang mensahe, nakikipagkumustahan kahit nasa malalayo, naaalala ang mga nangyari, natitipon ang mga video at larawan, at kung ano-ano pang nagpapatagal sa atin sa harap ng monitor. Pero sinabi ko rin ang mga bagahe ng bawat isa sa ating komokonsumo ng social media: pagbubulgar ng sarili, ang pagiging prone sa cyberbullying, pagiging banidoso, mapaghanap ng balidasyon, manipis na self-esteem, paglalim ng bias lalo sa usapin ng politika at pananampalataya, at marami pang iba.
Nagpayo rin ako kung paano makikitungo sa desensitized na tao sa dulo ng keyboard at monitor; na hindi lahat ay nagkokomento ng carefully crafted statements para hindi maka-offend. Kung paanong sa bilis magkomento at mag-share, hindi na natin napre-preempt ang mararamdaman ng kapwa. Kay dali na nating makipag-away dahil kay dali naman natin talagang limutin ang bawat pangyayari. Ipinauubaya na lang natin sa reminder ng social media kung ano ang naganap sa atin noong nagdaang mga taon.
Sa mga adminstrador ng social media na pang-opisina, sinabi ko ang mga dapat gawin upang maging maayos ang pakikitungo sa mga tao, troll man o organiko. Sabi ko, mabisang marketing communications arm ang thread na masinop nating imini-maintain para mabasa ng mga lurker, o iyong hindi masyadong nagre-react o nagkokomento pero alam ang mga nangyayari kung kani-kanino.
Sa huli, hindi ko ipinayo na tigilan ang paggamit ng platform na nakakaadik. Wala nang atrasan. Bihira ang nakakatawid patungo sa tuluyang digital detox. Ang mahalaga, maging conscious lang sa ginagawa, ipinapakalat, ipinapasok (o isinisiwalat talaga) na impormasyon sa madla. Kung gusto mo talagang makasakit, sige. Kung gusto ng away, bakit naman hindi? Kung gustong purihin o punahin ang ginawa ng iba, ayos lang. Basta alam mo ang iyong ginagawa. Dahil ang etika sa paggamit ng social media — ang Social Netika — ay nasa paghihinay-hinay sa bawat aksyong gagawin mo sa platform ng mga nagmamadali at abalang-abala kahit napakabagal naman talaga ng serbisyo ng internet sa ating bansa. – Rappler.com
Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.