New Bilibid Prison

[Stakeout] Mga taghoy at daing mula sa NBP

Dave M. Veridiano
[Stakeout] Mga taghoy at daing mula sa NBP
'Hindi pa man pumuputok sa media ang hinggil sa mga nagka-COVID-19 na mga prisonero at marami ng namatay rito, ay may hinagap na ako na nangyayari ito sa Bilibid'

Kahit nasa magkabilang dulo ng Metro Manila ang lugar ko at ang compound ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa, tila may naririnig akong mga “taghoy at daing” na sa wari ko’y pinabubulaanan ang sinasabi ng mga awtoridad ng Bureau of Corrections (BuCor) na nangamatay sa COVID-19, ang ilang nitong “high profile” detainees.

Pakiwari ko nga, mas lumalakas ang mga bulong na naririnig kong ito, dahil sa tindi ng problema ng bansa sa COVID-19 na tila tumabon na sa malaking isyu na ito sa BuCor.

Saglit lang din kasing napagtuunan ng pansin ng mga awtoridad ang pumutok na balitang ito hinggil sa nagkakamatayan na mga “high profile” inmates sa loob ng NBP na magkakasabay umanong “nakobid,” bago ang buong pansin ng lahat ay nalipat na muli sa pandemiya. 

Bahagi ng mga naririnig kong ito ay ang bagong salitang “nakobid” – hango sa pandemiyang COVID-19 – na palasak ngayon sa loob ng NBP compound, na sa aking palagay ay tila may tatlong magkakaibang pakahulugan at pagsasalarawan, batay sa kung sino ang nagkukuwento ng nangyari. 

Ang unang deskripsyon nito ay prisonerong namatay na hirap na hirap sa paghinga at parang sinasakal sa lalamunan, gaya ng dinaranas ng pasyenteng tinamaan ng malubhang COVID-19. Para sa akin ito’y malinaw na “sinupot” o binalutan ng plastic bag sa ulo hanggang matigok.

Ang ikalawang deskripsyon nama’y basa at madungis ang katawan, animo nakipagbuno sa ilang tao, batay sa kuwento ng ilang nakakita sa pagdating ng bangkay sa punerariya kung saan agarang na-cremate. Sa tingin ko ito ‘yung sinasabi ng mga pulis na nilunod sa timbang tubig o “tinubig.”

At ang ikatlo naman, sa kabila ng nakabibiglang balita na namatay umano sa COVID-19 ang detainee, walang bahid-lungkot at pagkabigla ang kaanak nito na nasabihan, ni hindi man lang ikinagulat kahit abo na lang ang ibinigay sa kanila ng mga awtoridad sa BuCor. Panigurado ako na ito ‘yung gumastos ng milyones para lamang mapalabas na COVID-19 ang dumale sa kanya kahit na buhay na buhay pa!

Text messages

Paglilinaw lang – ang tinutukoy kong “taghoy at daing” ay ‘di gaya ng nasa linya ng kundimang “Sa Lumang Simbahan” na isang klasikong Filipino love song, na pinasikat nang mang-aawit na si Ruben Tagalog. 

Bagkus ito ‘yung mga mensaheng sagad sa pagdadalamhati na ipinadala sa aking mga social media account, na karamihan ay galing sa kamag-anakan at kaibigan ng mga prisonerong kamakailan lang ay ipinahayag ng BuCor na mga namatay  sa sakit na COVID-19.

Must Read

[PODCAST] Ano ang nangyayari sa loob ng Bilibid?

[PODCAST] Ano ang nangyayari sa loob ng Bilibid?

May ilan ding txt  na galing sa mga nakilala kong tauhan ng BuCor na alam kong matitino – mga propesyonal at trabaho lang ang lakad —  kaya’t hindi na masikmura ang nagaganap na mga “milagro” sa loob ng pambansang piitan, na pilit pinagtatakpan ng mga namamahala rito.

Sa totoo lang daw – hindi pwedeng magsalita sa mga taga-media, ang kahit na sinong empleyado sa BuCor dahil mabigat ang kaparusahan na nakalaan para sa empleyadong “kakanta” ng wala sa tono laban sa mga nakaupo.

Anang isang nag-text: “Basta dito patakaran nila, walang magsasalita kundi sila lang at kanilang mga tauhan. ‘Pag nagsalita, kakasuhan nila o pag minalas-malas, siguradong ‘makokobid’ din ito!”

Ito raw ang dahilan kaya’t sunud-sunod ang pag-ambush sa ilang opisyal – mga napagbintangan na nag-leak ng kalokohan sa NBP — sa loob mismo ng BuCor compound sa Muntinlupa City. At sa kabila ng halos magkakasunod na ambush, wala pa ring nalulutas ni isa sa mga ito. 

Sabi pa sa isang txt: “Naku po sir, surely walang empleyado ng mag-testify, puro takot kc bigla na lang may namamatay kmi. Like nung mga nakaraang araw lang, may namatay na naman kming bagong gwardiya, sbi nagpakamatay pero wala naman narinig na putok ng baril at sa gola pa. PG1 Molina po name niya.”

Nabasag na katahimikan

Sa gitna ng mga pag-ambush na ito sa ilang tauhan sa NBP, nananatili namang tahimik ang pamunuan ng BuCor hinggil sa pagkamatay ng maraming bilang ng detainee, dahil sa COVID-19, at siyam sa mga ito ay mga “high-profile inmates” na kinabibilangan ni Jayvee Sebastian.

Hindi pa man pumuputok sa media ang hinggil sa mga nagka-COVID-19 na mga prisonero at marami ng namatay rito, ay may hinagap na ako na nangyayari ito sa Bilibid. 

Anang isang text: “An insider tolds us that an estimated 450 plus has died from COVID-19 in the maximum compound. Also, sa Bilibid, 19 all of them are dead. Killing is still killing. And by constitution, it is murder. Wala pong death penalty imposed.”

Nang mapabalitang namatay sa COVID-19 ang drug lord na si Jayvee Sebastian, agad itong nasundan ng mga text na nagsasabi na nasundan ng impormasyon hinggil sa marami pang “high profile” detainees na nagka-COVID din, natanggap ko naman ang text na ito: “ALL OF US WERE NOT INFORMED OF ANYTHING HAPPENING TO THEM. Now, Jaybee Sebastian is dead. Sa umaga rin, at same rin ang reason ng death. But he was completely healthy and most of the people taken din.” 

Text mula sa isang taga-NBP: “Si Jaybee daw sir sabi dun sa punerarya nakahubad at maputik ang paa.”

At nasundan pa ito ng iba pang mga text na katulad nito: “A wife of another high profile inmate na was moved to the facility and she asked kung anong pwede niyang gawin because she was worried na her husband would also end up dead. Two days after that her husband ang 4 others that he came with died in the morning.”

At ito ang matindi – hindi raw alam mismo ng mga kaanak ng mga detainee kung sinu-sino ‘yung mga sinasabing “frontliners” na naka-assign sa mga relatives nila. At ang labis nilang ikinagulat pa ay ‘yung biglang pagkakaroon sa loob ng NBP ng “isolation facility” na ni minsan ay ‘di nila narinig mula sa mga opisyal ng BuCor. 

Sabi ng anak ni Jayvee sa isang text:  “My mom is too afraid to continue asking for explanations sa BuCor.”

Dagdag pa nito: “Had any idea na patay na yung tatay at asawa nila. One of the Ampatuan brothers died that day with my Dad (Jayvee), but this was not also reported. His brothers sa Bldg. 14 never knew and by Islam practices, they weren’t allowed to cremate the body but they still did.”

Text naman ng isang asawa: “Sobrang takot po kami. How are we going to ask for justice when the people we are asking for it are the ones turning us away.”

Jayvee Sebastian

Sa mga namatay umano sa COVID-19, ang pinakamahirap paniwalaang kuwento ay ang kay Jayvee Sebastian, ang drug lord na ginamit ang statement – protector umano ng drug syndicate na nag-ooperate sa loob ng NBP – laban kay Senator Leila de Lima na hanggang ngayon ay nakakulong sa Camp Crame sa Quezon City, sa kabila ng kawalan ng material evidence laban dito.

Sabi sa text ng anak ni Jayvee: “He died with all of the 11 people that he went with that morning. No one told us that he died na but luckily one of the guards that we were closed with informed us about it. He was immediately cremated.” Dagdag pa nito: “We were given his ashes and iisang paper lang about his release and cause of death.”

Daing ng ilang kaanak ni Jayvee ay bakit sadyang itinago ang impormasyon hinggil sa pagkamatay nito, samantalang dahil sa pagiging “high profile” detainee, “mautot” lang ito sa loob ng selda, naka-media na. Nakapagtataka raw na kung kailan ngayon biglang namatay, at dahil sa COVID-19 pa, biglang nagka-news blackout!

Text ng anak ni Jayvee: “Di namin matanggap ang pagtatago ng information na ito sa media. High profile inmate ang Papa ko, and almost anything na that would link to him binabalita. Pero ngayon lang naibalita na patay na sila!”

Paliwanag pa ng anak ni Jayvee: “My Dad was one of the high profile inmates held in Bldg. 14. Even before the quarantine started, visits were not allowed since January pa. Fast forward to March, when my Mom tried to deliver food for my Dad, she was turned away because ang sabi nila my Dad was moved to an ‘isolation facility’ due to him being positive sa rapid test ng COVID. We were not informed about this at all and we learned na he was moved there for about a week na. We were worried because my Dad had heart problems and we wanted to check on his health.”

Sa dulo ng text nito: “I’m sorry ang kalat ng kuwento and nanginginig ako while typing this, kasi sinabihan ako ni Mama na tanggapin na lang ang nangyari. Walang kakampi sa mga taong preso. Pero anak po kasi ako ng namatay. Mabuting ama po si Papa sa amin!”

Ang mga text ng anak ni Jayvee ay nasundan nitong galing naman sa isang source sa loob ng NBP: “Si Batang Arellano sinupot din kagabi, hinihintay ng hosp ang bangkay nya sir. Si Batang ay partner ni Jb sa droga.”

Death certificates

Sari-sari ang kuwento ng pagdududa sa liderato ng BuCor ang naglabasan dahil sa napabalitang pagkamatay sa COVID-19 ng mga “high profile” detainees na umano’y itinatago sa media. Kaya upang matigil ang “tsismis” minabuti ng mga awtoridad na ilabas na ang mga “death certificates” ng mga namatay na prisonero.

Sa isang press briefing, ipinakita ng BuCor ang kopya ng siyam na death certificates ng inmates na sina – Amin Imam Boratong; Eugene Ho Chua; Francis Go; Benjamin Marcelo; Sherwin Sanchez; Willy Yang, Shuli Zhang, at Jimmy Ang – na iniulat na namatay sa COVID-19 noong buwan ng Mayo at Hunyo. 

Ang kontrabersiyal na inmate na si Jayvee ay namatay umano noong July 18 lamang subalit ‘di agad inilabas sa media dahil daw sa protocol na sinusunod ng BuCor hinggil sa “confidentiality” o ang “Data Privacy Act” na nagbabawal sa kanila na pangalanan sa publiko ang mga detainee na namatay sa COVID-19.

Compared notes

Ang nakadududa rito, sa dami ng sinasabing namatay sa COVID-19 na mga detainee, iisa ang kuwento hinggil sa sinapit nila bago agad na ipina-cremate ng mga opisyal ng BuCor.

Anang text ng isang asawa: “When the second batch of inmates taken also died, we all compared the papers given to us by BuCor and pare-pareho lang yung cause of death. Lahat talaga kami pare-pareho ng stories. Again, no information starting sa nirapid test sila hanggang namatay sila.”

Usap-usapan sa loob ng NBP na ginamit ding “negosyo” ang pandemiya sa mga mayayamang detainee bukod pa sa “high profile” drug lords. 

Heto ang sampol ng isang text na nagsusumbong na ay nagpapasaklolo pa: “Sir, kanina may tumawag sa akin, relative ng isang Chinese sa loob. Nagmamakaawa daw matulungan yung Chinese kc po hinihingian na sila ng P5-P10 M each. Pwede naman daw sila magbigay, kaso ang ikinatatakot na nila ay baka patayin na sila. Sobrang nag-alala na daw sila sa maximum ngayon. Parang hold-up and kill me na nangyayari. Sir, please do something, urgently!”

Marami pang text na ganito, may pangalan ng mga opisyal ng BuCor at NBP na minumura dahil sa masyado raw mga mukhang kuwarta. Mga nagmamadali na parang nagsisigurado na agad kumita bago mabulilyaso ang posisyon nila sa BuCor.

Palabigasan umano ng mga corrupt na opisyal sa BuCor at NBP ang mga detainee na mayayamang Chinese na nakakulong, at ang pinakamababang “takal” sa mga ito ay P5 milyon na umaabot pa hanggang P10 M, upang makalaya sa pamamagitan ng “drawing na pagkamatay” sa COVID-19.

Pero ayon na rin sa nag-text nito ay ‘di rin naman sigurado na makakalaya ang mga ito, dahil may mga nagbayad pero “nakobid” pa rin! 

Umalma naman agad ang Department of Justice (DOJ), ang mother office ng BuCor, sa mga kumakalat na alegasyon, lalo na sa bintang na hindi transparent ang DoJ sa mga nangyayari sa loob ng NBP.

 “DOJ has been trying to uncover strange things happening at the BuCor. That’s why it has ordered the [National Bureau of Investigation] to step in. It is not fair to say that the department has not been transparent about the conditions at the BuCor,” ani Secretary Menardo Guevarra.

Kaya upang matigil na ang bangayan at mga ispekulasyon hinggil sa isyung ito, minabuti ng liderato sa Senado, sa pangunguna ni Senate President Vicente Sotto III, na magbukas ng imbestigasyon “in aid of legislation” hinggil sa pagkamatay na ito sa COVID-19 ng mga “high profile” detainees – ito naman ang ating aabangan! – Rappler.com