Noong unang panahong sikat pa ang One Direction at hindi pa laganap ang disinformation at pagkamuhi sa social media, nasuspinde ang Facebook account ko. Isang linggo. Bandang Mayo 2013 ito, bago mag-eleksyon kung kailan nanalong senador under, wait for it, Team PNoy coalition si Alan Peter Cayetano. Pero dahil hindi pa nakaasa ang kalahati ng buhay ko sa social media noon, hindi gaya ngayon, hindi ko masyadong ininda ang suspension na hindi makapag-post, makapag-comment, o share. Ni makapag-like (hindi pa uso noon ang haha sad angry heart reax).
Bakit ako nasuspinde? Dahil daw sa ginawa kong pag-private message na parang bot o isang programmed application na may tiyak lamang na gagawin sa internet o sa social media. Bot, pinaikling salita buhat sa walang damdaming “robot” na mula naman sa imahinasyon ng bisyonaryong manunulat na Czech na si Karel Čapek. Robot. Malamig. Walang damdamin. Tiyak. Kung ano ang ipagawa, iyon lamang ang gagawin. Mechanized ang kilos. Gaya ng ginawa ko noon na mag-copy-paste ng mga sulat sa ilang kakilala.
Marami kasi akong pinadalhan ng sulat noon tungkol sa apila ko sa mga kaibigan sa pagpili ng kandidatong iboboto. Last ditch effort para ma-sway ang ilang kaibigan sa kanilang mga ibobotong trapo. Wala akong specific na kandidatong inendorso, wala rin siyempreng sinabing marumi si ganito o ganoong kandidato. Parang binigyan ko lang sila ng pointers para magnilay kung sino ang dapat ihalal or something. Nag-copy-paste ako. Marami. Hanggang sabihin sa akin ng Facebook na may kakaibang nangyayari sa aking account. Parang gawain na ng bot. Kaya para makatiyak na totoo, buhay, pumipintig na tao ang nasa harap ng monitor, binigyan ako ng pagsubok. Otherwise, susupendihin ang account ko.
Ang pagsubok ay may kinalaman sa pagpapakita sa sampung retrato ng aking mga ka-Facebook noon, na marami-rami na. Ilang libo na rin. At God knows kung ilan lamang dito ang personal kong nakikita at nakakasalamuha. Gaya rin marahil ng iba sa inyo.
Sa bawat larawan ng mukha ng tao, may 4 na pangalang pamimilian. Parang pagsagot ng standard objective-type school examination. Pipiliin ang tamang sagot, o sa sitwasyon ko, pipiliin ang tamang pangalan kung sino ang nagmamay-ari sa mukha. Sa 10, dapat yata ay mapangalanan ko nang maayos ang 7. Anim yata ang naitama ko. Bagsak. May mga larawan na hindi masyadong malinaw ang kuha, tandaan na hindi pa kasing makapangyarihan ng smartphone camera ngayon ang gamit noong 2013. Malabo, blurred, sketchy images. Not to mention, may kakaibang anggulo. Para talagang pagsubok. Parang sinabi ng Facebook sa akin noon, sige nga, kung talagang totoong tao ka, sino itong mga ka-Facebook mo?
Hindi ako nainip sa sanlinggong suspensyon. Pagkatapos, balik na uli ako sa dati. But more careful. Hanggang ngayon. Hindi na galawang bot. Organic na. Mag-copy-paste man ng mensahe, iilan lang. Gusto kong iparamdam sa Facebook na totoong tao ang nasa likod ng pangalan ko.
So, bakit ko binabanggit ito?
Mas dumami na kasi ang dahilan para masuspinde ang iyong account. Bukod sa pagiging bot, puwede ka ring i-mass report hinggil sa paglabag sa community standards, anuman ito. Maaari kang i-flag sa pag-share ng kahina-hinalang balita o disimpormasyon. Lalo ngayong pandemya, estrikto ang kompanya ng social media sa ibubulalas mo na may kinalaman sa virus. Estriktong lalo na sa terorismo’t karahasan, o pag-i-incite ng karahasan. Eh ano kung pangulo ka ng pinakamakapangyarihang bansa kung panay naman ang pagpapalabas mo ng mga salitang may malaking tsansang hindi pinag-isipan; baka nga isuspinde ka kahit sino ka pa.
Kakaiba kasi ang dynamics ng pamamahala ng pangulo ng Estados Unidos. Siya mismo ang nagma-manage ng kaniyang social media account kaya naman hindi nafi-filter ng kaniyang tagapagsalita o PR manager ang gusto niyang sabihin. Malayong-malayo kung ihahahambing sa atin. Dito, iba ang ibinubulalas ng pinuno sa sinasabi ng tagapasalita, sa pinasisingaw sa social media, sa interpretasyong inilalabas ng mga managers ng troll farm – na aminin man natin o hindi, may malaking impluwensya, for better or for worse, sa karaniwang smartphone-toting at social media obsessed na Pinoy.
Kaya may dapat tayong pagnilayan dito.
Ilan na ba sa atin ang naitalaga na ang malaking bahagi ng buhay para sa makikita sa social media? Ilan sa atin ang kumukuha ng balidasyon sa sintetikong platform na ito? Ilan ang mistulang nangungumpisal, naglalabas ng hinaing? Ilan sa atin ang ibang pagkatao ang mababanaag sa social media na malayo sa personal na pagkatao?
Malaking bahagi ng buhay natin ang social media; patunay nito ang pangunguna natin ng kung ilang taon na bilang bansang nangunguna sa pagkonsumo at paglalaan ng oras sa social media.
Pero hindi na lamang ito luho o pampalipas-oras. O pam-flex ng bagong nakamit sa buhay. Malaking bahagi ng aking trabaho ay nakabatay sa sigasig ko sa paggamit ng social media. Ilang FB groups ang kinabibilangan ko. Bawat isang pangkat ay kumakatawan sa isang uri ng pagkatao ko. May kinabibilangan akong chat group bilang guro sa isang departamento, bilang admimistrador sa isang matandang unibersidad, bilang taga-Barangay Coloong, bilang isang Lucbanin ngayon. Kasali ako sa FB group ng mga siklista, sa bicycle marketplace, fountain pen group, sa mga mahihilig sa lumang relos.
Pero gayong kay dami ng grupo ko sa social media, gayong kay dami ng ka-Facebook, sabi nga ng isang kaibigan sa akin noong nagdaang araw, kailangan daw niyang mag-deactivate dahil nagiging toxic daw ang kaniyang newsfeed. Lalo’t hindi niya ma-unfriend dahil malapit niyang kamag-anak mismo ang naghahasik ng kung ano-anong tsismis. Narito ang isang irony o parikala ng birtwal na buhay natin: habang dumarami ang “kaibigan” sa social media, tila nagiging mas malungkot ang buhay. Mas dumarami ang kailangan mong pasaning kalungkutan kahit pa mistulang marami kang katuwang na birtwal na kaibigan. – Rappler.com
Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.