Philippine languages

[OPINYON] tHe B3St cOmMUn1c4ToR

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] tHe B3St cOmMUn1c4ToR

Illustration by Guia Abogado

'Ang mabisang pagpapahayag ay iyong singnatural ng paghinga; hindi mo pansin ang medium, ang nakukuha mo ay ang mensahe'

Dahil Buwan ng Wikang Pambansa ang Agosto kaya magandang pagnilayan natin ang pangunahing silbi ng wikang mabisang magpadaloy ng mensahe.

Alam ninyo kasi, nagmistulang tradisyon na sa bansa natin tuwing sasapit ang buwan ng Agosto na maging tanghalan ng wika sa bawat entablado ng paaralan ang wikang parang galing sa baul ng lola. Oo, iyong pagtatanghal ng mga guro at mag-aaral na kayang manalinghaga o mag-Filipino na namumulaklak sa salitang hindi maarok mula sa kaibuturan ng puso. Ganyan. 

Nagiging trivial at novelty ang Buwan ng Wika tuwing may timpalak sa pagtatalumpati, tuwing susulat ng tula o sanaysay, tuwing may debate kung ano ba ang wikang pangkarunungan, tuwing may isinaulong Balagtasan, tuwing lalahok sa beaucon na karaniwang tinatawag na Lakambini at Ginoong Wika na may mataas na puntos para sa pinakamagaling manamit ng barong tagalog at saya, pangalawang salik ang question and answer portion na dapat sagutin gamit ang inalmirol na pambansang wika. Mabuti-buti kung may seminar hinggil sa kahalagahan ng wika para sa pambansang kaunlaran o para sa 21st century learners o kung ano na ang pagbabagong dapat tanggapin sa polisiyang pangwika na lagi nang ang manipestasyong nakararatung sa marami ay kung ano ang tamang pagbaybay o ispeling ng isang salita, kung kailan tama ang daw o raw, ang rin at din, nang o ng. O quiz bee tungkol sa pares minimal at ponemang supra segmental.

[OPINYON] tHe B3St cOmMUn1c4ToR

Pagkakataon din ang isang araw sa Buwan ng Wika para manamit ang guro ng Filipiniana na binili sa popular na department store habang nanonood ng interpretative dance ng Bulag, Pipi, at Bingi, o hindi kaya ay sabayang pagbigkas na sabayang pagsigaw lang naman talaga. Pagpasok ng September, tapos na. Mag-i-status na tayo ng “Wake me up when September ends.”

Ganoon ang Buwan ng Wikang Pambansa in a nutshell sa mga paaralan bago manalasa ang pandemya. Hindi na ngayon. 

Wala nang nagaganap na “pasukan” o iyong literal na pagpasok sa bakuran ng paaralan at sa mismong classroom. Logging-in na lamang ang nangyayari sa kani-kanilang gadget na may aandap-andap na serbisyo ng internet. Iyon na ang classroom, iyong kahon-kahong pagmumukha, at minsan ay video ng mag-aaral o guro na nasa kabilang bahagi ng mundo. Eufemismo na lang naman ang salitang “pasukan” na ang ibig sabihin talaga ay simula ng bagong academic year tulad sa matandang unibersidad na pinagtuturuan ko na nagsimula noong nagdaang araw.

May Buwan ng Wikang Pambansa pero wala na ang magarbong pisikal na pagdiriwang. Ang mayroon ay iyong mga gawaing kaya sa online platform: seminar, palihan (workshop sa Tagalog, now you know), timpalak sa pagsulat ng kung ano-ano. Nagiging buhay din ang mga debate at asaran sa social media hinggil sa mga patakaran at polisiyang pangwika mula sa iba’t ibang sektor at sangay ng pamahalaan at akademya. Mabuti ito. Nagiging cerebral (oo, kahit ang asaran) ang pagkilala sa usapin. Hindi biswal o novelty ng mga inuulit at inaamag na kataga tulad ng wika bilang daan sa karunungan, wika bilang pambansang sagisag, wika bilang repleksyon ng kultura or variations thereof. Ang sa akin, gamitin nang magaling sa pagpapadala ng mensahe ang wikang ito. At ano ang mabisang metrics ng mabisang paggamit sa wika? Iyon ay ang bisa at linaw ng pagkakaunawa sa mensahe.

Gamitin ang wika without calling attention sa paggamit ng wika o sa platform kung saan ito umiiral, o sa medium kung paano ito itinatawid sa dapat ay tatanggap ng mensahe. Ang mabisang pagpapahayag ay iyong singnatural ng paghinga; hindi mo pansin ang medium, ang nakukuha mo ay ang mensahe. 

Podcast

[PODCAST] I’ve Got An Opinion: The Filipino language is not about limits

[PODCAST] I’ve Got An Opinion: The Filipino language is not about limits

Pero siyempre, hindi ganito ang pananaw ng marami. Maraming madudukal (Buwan ng Wika, ipagpatawad ang magaganit na termino) na kahulugan at representasyon sa paraan ng paggamit ng wika. Na totoo rin naman. Kadalasan, may hindi hayag na mensahe ang paraan kung paano ginagamit ang wika. Kung maayos ang pahayag, maaaring isiping pinaghandaan ang sasabihin, o sadyang may talino at matatas o articulate ang gumagamit ng wika. Kung hindi maayos, maligoy, magulo, mahirap maintindihan, maaaring hindi napaghandaan o kaya’y talagang magulo lamang ang nagpapdala ng mensahe. O sadyang walang alam. 

Hindi ganito sa kahat ng pagkakataon. Nagtuturo ako ng malikhaing pagsulat at new media sa antas ng kolehiyo at gradwado. Kamakailan, may natuklasan ako. May mga mag-aaral ako na binabasa ang isinusulat ko kahit sa pinakasimpleng paraan bilang sulating nagtataglay ng mas malalim na mensahe. Paano ko ito nalaman? Habang nasa klase ko rin naman. May isang tanong sila sa akin using a messaging platform. Sinagot ko ng “No.” ang kanilang tanong. No. May period. Sa kanilang pag-unawa, bukod sa with finality ang aking sagot, inisip nila na galit ako. Natakot sila sa “No.” 

Napatunayan ko ito nang tanungin naman ang isang klase sa isang kolehiyo sa unibersidad kung saan nga ako nagtuturo bilang kompirmasyon. Ang tinanong ko naman ay mga nangangarap maging guro sa Ingles. Tinanong ko kung may pakahulugan sila sa chat message na “No.” Same answer, galit daw ba ako? Tinanong ko ang senior high school kong anak hinggil sa “No.” Galit din daw ba ako? Hindi siyempre. Sumasagot lang kako ako nang may tamang bantas kahit pa ito ay iisang salita. Nakasanayan ko na bilang guro at manunulat na maglagay ng tamang bantas sa bawat pahayag na isusulat kahit saang platform, artikulo man sa dyornal, opinyon sa isang pahayagan tulad nito, status sa Facebook o Twitter, o kahit mensahe sa chat.

Sa pag-unawa ng nagbasa sa chat ng aking “No.” dapat daw ay walang bantas ang aking isinulat para hindi nabigyan ng kahulugan. Dagdag pa ng anak ko, kasi raw ang chat ay tuloy-tuloy na pag-uusap. Inaasahang mabilis ang palitan ng sagot. Kung estudyante ko ang anak ko sa alinman sa subject na itinuturo ko, malamang bumagsak. Pero hindi nga kaya ako ang mali? Dahil bawat magkakaibang collective na section ang nakarinig sa katwiran ko, idagdag pa ang anak ko na pareho din ang pag-unawa, hindi nga kaya ako ang nagkulang? Hindi kaya iba na ang paraan ng pagbasa sa mga simbolong kumakatawan sa alam nating pasulat na wika? Talk about “l’arbitraire du signe” o arbitrariness of the sign sa teorya ng semiology ni Ferdinand De Saussure na may magkakaibang konsepto hinggil sa isang salita o pahayag ang mga taong tatanggap ng mensahe. Sa ngayon, mananatiling anecdotal evidence ang nangyari hangga’t walang masinsing pag-aaral.

Gayunman, magandang halughugin ang komplikasyon ng pagbibigay ng kahulugan gamit ang critical instance case study hinggil sa pagkilala sa bantas ng wika, kung hindi man ang mismong wika, na umiiral sa chat at sa iba pang platform lalo ngayong napakaraming platform ng pagpapahayag.

Kaya naman ngayon higit kailanman, lalo’t nahaharap tayo sa krisis, mahalagang malaman natin ang bisa ng pagpapahayag ng isang magaling na communicator bilang tagapagpahayag na may linaw at nakapagpapabatid ng mensahe sa pinakamasinop na paraan. Ano mang deklarasyon ng magaling sa pakikipagtalastasan ay dapat maintindihan. Pero baka naman kasi sa pananaw ng ibang nasa kapangyarihan, ang the best communicator ay iyong sinasadyang walang malinaw na mensaheng madudukal upang lagi nang kailangang bigyan ng kahulugan o interpretasyon, o kaya ay lagi nang ibalik sa tumatanggap ng mensahe na walang ganyang ibig sabihin ang ating the best communicator na pinuno lalo ngayong Buwan ng Wikang Pambansa. – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!