Benigno Aquino III

[OPINION] The Dutiful President: Si Pangulong Noynoy Aquino at ang konsepto ng tungkulin

Mikael de Lara Co

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINION] The Dutiful President: Si Pangulong Noynoy Aquino at ang konsepto ng tungkulin

David Castuciano

Duty ko na igiit ang mga katotohanang ito: Mabuting tao si Noynoy Aquino. Dakila siyang pinuno. Iniwan niya ang bansa nang mas mainam kaysa natagpuan niya. Dalisay ang intensyon niya, at ginawa niya ang makakaya niya. Tinupad niya ang tungkulin niya.

Noong Huwebes, literal akong ginising ng balita ng pagkamatay ni Pangulong Noynoy Aquino. For some reason, ‘yung unang buhos ng mga alaala, lahat may kinalaman sa pagkain:

‘Yung isang gabing sobrang late nang natapos ng isang speaking engagement, at hindi pa naghahapunan ang mga tao kaya dinala niya kami sa isang restaurant sa may Roxas Boulevard. Matapos lumapang ng crispy pata, kare-kare, at iba pang healthy food, tinanong niya kami kung natikman na ba namin ang specialty of the house: pandesal na ang palaman eh ‘yung utak ng baka mula sa bulalo. Sabi namin hindi pa, pero busog na busog na kami. Inorder pa rin niya. Umuwi kaming may takeout. Salamat, PNoy.

‘Yung dakot-dakot ng bite-sized chocolates na lagi naming iniuuwi tuwing pagkatapos ng meeting sa private office. Kinukuha namin ito mula sa isang malaking bandehado, at alam na siguro ng lahat ng nandu’n na kapag kailangan ng refill ng bandehadong ‘yun, siguradong Speechwriters Group ang huling ka-meeting. Meron pa siguro akong mga lumang bag na may tunaw na Babe Ruth o Three Musketeers sa bulsa.

‘Yung huling gabi ng delegasyon sa Paris, kung kailan, bilang pagtatapos ng biyahe, dinala niya kami sa isang Chinese restaurant para kumain ng lumpia. Kaya na namin itong pagtawanan ngayon.

Hinahalungkat ko ang mga tender memories, ngunit wala ako halos matanganan kundi ang mga ito. Siguro pagkain talaga ang love language niya. Walang pagkakataon na binigyan niya ako ng fatherly o tito advice, walang tapik sa balikat o personal text after a job well done, walang personal notes na ipinasa sa post-it. May mga taong may ganu’n, I’m sure – mga close-in at miyembro ng PSG, mga dating Senate staff na nakasama sa private office, that circle of people with whom he felt a special affinity. Sa kabila ng medyo madalas na interactions namin, hindi ako kasali du’n; wala akong mga ganu’ng klaseng tender memories. Ang marami ako, alaalang tulad nito:

‘Yung nangingilid na luha sa mata (imagined ko lang ba ito? Siguro naman hindi,) ng mga battle-hardened combatants ng MILF, na nasa loob mismo ng Kalayaan Hall, nakatapak sa Malacañang probably for the first time in their lives, para sa paglagda ng Framework Agreement on the Bangsamoro;

‘Yung standing ovation ng Diet of Japan matapos niyang magtalumpati, o ‘yung palakpakan matapos magsalita sa Climate Vulnerable Forum, o sa bawat munisipyo o lalawigang dapuan niya para magpasinaya ng tulay o gusali o kalsada;

‘Yung catharsis matapos niyang i-deliver ang bawat SONA, at ang almost annual ritual na pagdiretso sa Gulliver’s sa Quezon Avenue para kumain ng baka (pagkain na naman!).

Ito na siguro ang pinakamatitingkad na alaala ko kasama siya – at marapat lang, dahil nga ‘yung relasyon namin, mas nasa antas ng trabaho. Kaya rin siguro nahirapan akong magdesisyon kung isusulat ko ang piyesang ito. Hindi tungkol sa kanya o sa akin ang relasyon namin; tungkol ‘yun sa mga bagay na pinaniniwalaan niya, mga prinsipyo niya, mga nagawa niya sa anim na taong allotted sa kanya sa tipak ng lupang iyon sa tabi ng ilog Pasig. Wala kami doon para magdrama; nandoon kami para magtrabaho. Sabi nga ng isang kaibigan: Duty ito.

Duty; napakagandang salita. At sa pagbasa ng maraming kuwento ukol sa kanya nitong mga nakaraang araw – mga kuwento tungkol sa pagbibiro at pagsesermon, sa pagiging exacting na taskmaster at inspirational na lider, at marami pang iba – itong aspektong ito ang pinakatumatak sa akin. If anything, President Noynoy Aquino was a man of duty: Tinukoy niya, palagi, ang tama ayon sa katuwiran, at ginawa ito, regardless of how he felt about it.

Itong unrelenting, sometimes procrustean sense of duty na ito, I suspect, was what many saw as his primary failing: kulang daw sa empathy. Manhid daw. Totoo ba? Kung totoo man, malinaw sa akin na manipestasyon lang ito ng sense of duty na naramdaman niya. Sa maraming pagkakataon, inisip niyang natural lang ding dapat na nararamdaman ng lahat ng ibang tao. He did what he concluded he had to do, given the situation, regardless of how he felt about it. He was motivated, primarily, by duty, and perhaps at times to his discredit, expected others to be so, too.

May isa akong malinaw na alaala ukol sa sense of duty na ito, simulang-simula pa lang ng pagtatrabaho para sa kanya. Konteksto: Tangential lang ang pakikibahagi ko sa kanyang kampanya – naiwan/nagpaiwan/iniwan ako sa trimmed down staff ng vice presidential run ni Mar Roxas noong 2010 campaign, at hinatak lang ako sa Palasyo weeks after his inauguration para tumulong sa pag-draft ng unang SONA. Bago noon, wala akong ibang alaala kay Pangulong Noynoy bukod sa naging kasabayan ko siyang manigarilyo sa tabi ng driver’s lounge sa campaign HQ sa Cubao.

Noong mga unang araw na iyon ng administrasyon, ilang araw bago ang unang SONA, nasa Times Street kami, naka-flash ang draft sa isang projector, at may isang Cabinet secretary na nagmungkahi ng isang partikular na linya. Natural ito; after all, mga repormistang teknokrata ang marami sa Gabinete, at expected na magsulong sila ng mga adbokasiya. Mabilis ang naging sagot ng Pangulo: “Hindi na tayo advocates. Gobyerno na tayo.”

Looking back, malinaw ang calculus sa isip niya: Sasabihin ba niya ang linya dahil expected ito sa kanya, para magpapogi, para mag-appease ng this or that sector? Or sasabihin ba niya ito bilang isang tunay na policy commitment? Mulat siya sa tungkulin niya – walang ibang magtatrabaho para ipatupad ang lumalabas sa bibig niya kundi siya rin. Walang ibang sisisihin sa pagkukulang. Kaya mag-commit lamang sa talagang kayang gawin, given the limitations that bound our gumption for reform. Sabihin ang kayang gawin, at kapag sinabi, gawin.

Isa pang alaala: Magsi-speech siya sa graduation ng Pisay. Kasama sa trabaho namin ang pakikipag-usap sa mga proponent – to get a feel kung ano ang concerns nila, ano ang mga bagay na dapat i-address sa speech, ano ang meat ng content. Sa pagreach out sa alumni, natuklasan naming may agam-agam noon dahil baka mawalan ng lupa ang Pisay at mapilitang ilipat mula sa campus nito sa Diliman.

Sa loob-loob ko, suntok sa buwan, sige magsisingit ako ng linya: “Mananatili ang Pisay sa Agham Road.” Wala akong dudang umikot sa isip niya ang lahat ng salimuot ng ganitong pronouncement, at ginawa niya ang calculus: Kung sasabihin ba, magagawa? Nanatiling intact ang linya hanggang isampa ito sa teleprompter. Sinabi niya ito. Hanggang ngayon, nasa Agham Road pa rin ang Pisay.

Binabalik-tanawan ko nga ngayon itong taong tinatawag ng ibang manhid, na walang empathy, itong taong animated by duty, siya rin, sa kabila ng mga batikos na ito, ang nakapagsulong ng mga institutional reforms na, sa tingin ko, hindi kayang isulong ng all-bluster governance.

It was his sense of duty that animated his foresight and that allowed him the fortitude to play the long game. Reproductive Health Law? Duty. Sin Tax Reform? Duty. Bangsamoro? Duty. Pagtugis sa PDAF scammers at iba pang mga magnanakaw? Duty. Pagtaas ng employment, pagbaba ng hunger rate, paglawak ng ayudang naibibigay sa anyo ng Pantawid Pamilya, pagsara ng backlog sa classrooms, pagpasa ng Universal Healthcare? Duty.

Nagawa ito, naisulong at nadiskartehan at binuhusan ng malalim na trabaho, dahil ang nasa isip niya, kailangang gawin ‘yung mga bagay na magtatagal, na lalagpas pa sa kanya. Regardless of the work it entailed, and regardless of the political cost. Duty.

Nagtiwala si Pangulong Noynoy na balang araw, hihipan ng simoy ng kasaysayan ang alabok ng kasinungalingan. Nagtitiwala kaming mga nagtrabaho sa ilalim niya, at patuloy na nagtatrabaho para isalamin ang mga prinsipyo niya, na balang araw mayayanig sa pagkamulat ang mga tao – that they will rise and shake off the veneer of lies and realize what his presidency stood for. Nagtitiwala ako na balang araw, kapag iniimbentaryo natin ang mga nagawa niya, hindi kakailanganing magsimula sa katagang “He wasn’t perfect, but…,” na mapapagtanto nating wala namang nagsasabing perpekto siya, na ang hinihiling lang ay bigyang-dignidad ang paninilbihan niya.

“Neither augmented by success, nor diminished by failure, but, like a jewel, shines in its own light.” Ito ang sinabi ng pantas na si Immanuel Kant ukol sa goodwill, ukol sa dalisay na diwa, sa dalisay na intensyon sa likod ng anumang pagkilos. This is what animates duty. Sa ngayon, duty ko na igiit ang mga katotohanang ito: Mabuting tao si Noynoy Aquino. Dakila siyang pinuno. Iniwan niya ang bansa nang mas mainam kaysa natagpuan niya. Dalisay ang intensyon niya, at ginawa niya ang makakaya niya. Tinupad niya ang tungkulin niya.

May isang pa akong alaala. Kasisimula pa lang ng administrasyon, at may isang speech na gaganapin sa isa sa mga bulwagan ng Malacañang. Pinatawag ako, at dahil nga bago pa lang ako sa trabaho, nagkandaligaw-ligaw pa ako sa laberinto ng Palasyo bago siya nakita sa isang corridor, nag-aabang, hawak na ang draft.

Umupo kami sa isang side table, at tumigil siya sa pagbibigay ng notes, kinapa ang bulsa. Na-realize kong naghahanap siya ng lighter kaya bumunot ako. Hindi ko alam kung bakit – siguro muscle memory – pero imbes na iabot sa kanya ang lighter, iniumang ko ang braso at ako mismo ang nagsindi nito. Inilapit niya ang sigarilyong nakasubo sa bibig. Naglabas din ako ng sigarilyo at nagsindi. Huminga kaming pareho nang malalim. Nagpatuloy kaming magtrabaho. – Rappler.com

Si Mikael de Lara Co ay isang makata, tagasalin, at editor. Dati siyang assistant secretary sa Presidential Communications Development and Strategic Planning Office. Kasalukuyan siyang deputy director general for communications ng Liberal Party at senior communications consultant sa Office of the Vice President.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!