Provide your email for confirmation

Tell us a bit about yourself

country *

Please provide your email address

welcome to Rappler

Login

To share your thoughts

Don't have an account?

Login with email

Check your inbox

We just sent a link to your inbox. Click the link to continue signing in. Can’t find it? Check your spam & junk mail.

Didn't get a link?

Sign up

Ready to get started

Already have an account?

Sign up with email

By signing up you agree to Rappler’s Terms and Conditions and Privacy

Check your inbox

We just sent a link to your inbox. Click the link to continue registering. Can’t find it? Check your spam & junk mail.

Didn't get a link?

Join Rappler+

How often would you like to pay?

Annual Subscription

Monthly Subscription

Your payment was interrupted

Exiting the registration flow at this point will mean you will loose your progress

Your payment didn’t go through

Exiting the registration flow at this point will mean you will loose your progress

welcome to Rappler+

[OPINYON] Tutor

Privileged ako dahil dito lang sa bahay sa pigi ng Bundok Banahaw, dito sa mahalumigmig na bayan ng Lucban sa Quezon ako nagtratrabaho. Sa harap lang ng naiilawang monitor ng laptop ko ako nagtuturo sa mga uhaw sa karunungan kong mag-aaral sa kolehiyo at sa graduate school sa pinakaantigong unibersidad ng bansa. Hindi ko kailangang bumiyahe gaya dati. Hindi kailangang gawin pati na ang ancillary tasks na kaugnay ng pagbiyahe at pagpasok sa unibersidad araw-araw: pumormang bagong ligo, magmukhang matalino, at mag-amoy mabango kahit papaano.

Dito sa bahay, dahil puro mukha ko naman ang nakikita (kung kursunada ng mga estudyante kong makita ako, walang pilitan, otherwise, boses at presentation ko lang naman sa laptop ang nakikita o napapakinggan nila lalo’t multiple tabs ang nakabukas, talk about pandemic multi-tasking), kailangan ko lang ngumiti at magmukhang mabait at magmistulang handa sa lesson para makasalok sila sa malalim (at sana’y hindi polluted) na balon ng aking wisdom sa pagsulat, kulturang popular, at sa panitikan. Bukod dito, kailangan din siyempreng makisama ang mga gadget at ang dalawang libong piso kada buwan na internet connectivity ko.

Kapag tapos nang magturo sa isang klase, tatayo ako mula sa uugod-ugod na swivel chair. Pupunta sa kusina. Sasandok na ng kanin at ipina-deliver na ulam. Kapag oras na muling magturo, with a third serving of a mugful of coffee, babalik ako sa kuwartong converted sa mini-studio ng aking pedagogic longing. 

Mula nang magsimula ang ganitong set-up, April last year, lilimang beses akong pinanawan ng internet at tatatlong beses nawala ang supply ng koryente, mostly nang manalasa ang mga bagyo noong Nobyembre. Otherwise, privileged ako hindi gaya ng milyong-milyong obrero na kailangang bakahin ang peligro ng pagbiyahe at pakikipagpatintero sa laganap pa rin pero hindi nakikitang salot. Kaya naman kung anumang pribilehiyong mayroon ako ay lubos kong pinahahalagahan sa pamamagitan ng pagpapakabuti sa kung anumang gawain ang nakaatang sa mahigit kuwarenta anyos na balikat ko. Marami-rami ang mga gawaing ito. Isa na rito ang mag-tutor sa aking bunsong nasa elementarya para sa kaniyang modular lesson. Lalo sa math. Lalong-lalo sa math!

Isa ang anak ko sa milyon-milyong paslit na sumasailalim ngayon sa modular learning ng Kagawaran ng Edukasyon. At ipinagmamalaki kong isa rin siya sa 99.37% ng mahigit dalawampung milyong bata na nakumpleto ang Learning Activity Sheets (LAS) for the First Quarter in School Year 2020-2021 na nagsimula noong Oktubre 2020. Isa siya sa nakakumpleto ng LAS pero kung paano ito nakumpleto ay ibang usapan na.

Ganito ang routine namin sa simula. Kukuhanin ng sino man sa aming mag-asawa ang LAS sa paaralan na pinapasukan ng anak ko. A good 300-meter downhill walk mula sa bahay namin. Lingguhan muna ito na naging fortnightly kalaunan. Kukuhanin at isusumite sa nakatakdang araw at oras, tuwing Biyernes alas-dos hanggang alas-tres ng hapon, ang LAS na nasa loob ng color-coded na plastic envelope para hindi mabasa ng ulan. Mahigpit ang pagtupad namin sa schedule upang hindi makasabay ang maraming magulang. Mahigpit ang pagtupad namin sa protocols upang hindi matsambahan ng COVID-19. Pagkasumite, pag-iisa-isa pag-iwan ng LAS sa minarkahang kahon, iiwan ang plastic envelope para gamitin sa susunod na pag-pick-up ng LAS. 

Samantala, pagpasok sa bucolic elementary school dito sa Lucban, dederetso ako sa isang gusali, lalapit sa isang mesa. Naroon ang guro at ibibigay ang panibagong LAS at ilang reading materials na pagbabatayan ng bagong leksyong sasagutan ng anak ko. Pagkapirma bilang katibayang natanggap namin ang gawain, uuwi na ako. Magsisimula nang magsagot ang anak ko. Mauulit ang cycle matapos ang dalawang linggo. Itong cycle na ito ang madaling parte. Ang mahirap ay ang pagtuturo sa anak. Sa totoo lang.

Manipis ang resources na provided ng Kagawaran para sa math. Isa o dalawang pangungusap, hataw na agad sa math problems. Bahala na kung paano ko maiintindihan at kung paano ko ituturo ang leksyon tungkol sa improper fractions o finding the least common denominator. Hinalungkat ko tuloy ang prior knowledge kong natamo noong grade four ako sa Coloong Elementary School. 

Madalas, hindi ko nasusunod ang lubhang simplistikong paraan ng module na bereft of detailed explanation na tanging matiyaga at trained na guro lang ang makakagawa. Ituturo ko sa anak ko sa paraang alam ko. Pasasagutan ko ang isang numero. Titingnan ko ang sagot kung tama. Makikinig ako sa paliwanag niya kung paano niya nakamit ang sagot; kung maliwanag ba sa kaniya ang paghahanap ng solusyon. Kapag naramdaman kong nalilito, ipaliliwanag ko uli. Magbibigay ng halimbawa, ad infinitum. Kapag naman naramdaman kong alam na niya ang kaniyang sinasabi, hinahayaan ko nang tapusin niya ang kabuuan ng math problems. Hindi ako tumitingin sa answer keys. Unless may pakiramdam akong may mali sa tanong. O talagang litong-lito ako sa pagbabalik sa nakaraan, noong ako’y sasampung taong gulang.

May mga mali sa LAS. Aminado dito ang Kagawaran. At least dito sa regional office kung saan kami kabilang. Kaya naman may clearing house ng mga inquiry. Kaya naman may group chat para sa mga update at corrections. At totoo, may key to correcting the answer keys. Ngayon, bakit may answer keys ang mga module? Dahil kami rin ang magche-check ng mga sinagutang leksyon. Turo ko, check ko.

Para sa ibang subjects, naroon ang aking asawang guro sa science para gabayan ang bunso ko. Kapag hindi talaga kaya, nariyan ang YouTube para sa samu’t saring leksyon at tips at academic hacks. Kung talagang walang mapipiga gaya ng ilang leksyon sa musika, sinusukuan ng aking anak. Konsuwelo ko na lang ang kaniyang pagpapakumbaba at katapatan.

Gaya ng binanggit ko, I am constantly checking my privilege bilang obrero at magulang. Pinagbubuti ko at, hangga’t kaya, hindi ako magrereklamo bilang tutor. Ang pangamba ko lang bilang guro, ay ang katotohanang hindi lahat ay kasimpalad ko, naming mag-asawa, sa paggabay sa anak. Ilang reklamo na ba ang narinig ko mula sa mga magulang na kailangang maghanap ng mahaba-habang oras para magabayan ang anak, para maturuan ang anak tungkol sa, halimbawa, aaminin kong komplikadong simple math? May magagaling sa math na batay sa teorya ng multiple intelligence ng sikologong si Howard Gardner ay kabilang sa Logical/Mathematical Intelligence. Pero ibang uri rin ng talento kung paano ito ituturo nang maayos at mabisa. May magkahiwalay na acumen para dito. At, palagay ko, bihira itong magsama nang sabay lalo sa magulang. 

Paano kung bukod sa walang panahon ay hirap din ang magulang sa pag-unawa sa, sa totoo lang, ay mahirap unawaing lesson sa math? Mahirap dahil ang isang leksyon ay nakakahon lang sa isa o dalawang pangungusap na may isa, swerte na kung dalawa, na halimbawa, sabay bibirahan na agad ng pagsagot sa mga tanong. Naaalala ko si Miss Pascual na guro ko noon sa grade four: paulit-ulit ang board work o iyong pagsagot sa pisara ng mga paslit. Magbibigay ng maraming halimbawa at matiyagang paliwanag. Dahil hindi naman lahat ay mabilis ang numerical pick-up.

Alam ko, alam ko, kakaiba ang panahon. May pandemya. Laganap ang peligro sa buhay. Kailangang may interbensyon ng magulang sa pagkatuto ng bata. Pwede pa ngang isiping bonding moment ito. Lalo kung sabay kaming natututo. Lalo para sa aming may pribilehiyong ipaliwanag sa anak kung paano hanapin nang dahan-dahan ang greatest common factor.

Eh, paano kung wala? May maisip sanang paraan kung paano ito reremedyuhan dahil tiyak na may mga magulang na nahihirapan kung paano hahanapin ang sagot sa mga leksyong ipinaubaya ng Kagawarang proud na proud sa 99.37% na completed activity sheets ng mga mag-aaral. Huwag nang pag-usapan kung paano ito nasagutan. Huwag nang pag-usapan lalo kung may totoo bang natutuhan. – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.